9: Innocence

Kung may isang bagay si Erajin na ipinagtataka sa mga sandaling iyon, iyon ay ang pagiging kakaiba ni Ranger na pinagpipilitang tawagin siyang Brielle. Kaya hayun siya, sinasanay ang sarili sa Brielle na pagtawag dito.

Malaki ang unit ni Razele, isang bahay na nga kung tutuusin. Kompleto sa gamit. May sariling bar at bar island, may king-size bed na kasya ang pitong taong hihiga, may isang sofa set, may kitchenette, may shower room, jacuzzi, at toilet. White and light blue nga ang kulay ng interior. Parang nasa langit sila kapag dinadamay pa ang lamig ng air-con o kaya ay bubuksan ang bintana para makapasok ang lamig ng sariwang hangin.

At hayun si Brielle, nakabihis na ng denim shorts na sobrang ikli, naka-halter top na purple, at nakabalagbag ng higa sa kama at nakapatong ang ulo sa mga hita ni Erajin.

Si Erajin naman, hinayaan lang. Nagpatong-patong na lang ng unan sa likuran para gawing sandalan. Inutusan kasi siyang suklayan si Brielle kaya hayun siya at sinuklayan nga ito.

Si Razele, naroon sa sofa, nakabalagbag din ng higa habang natutulog. Makabawi-bawi man lang sa ilang araw niyang puyat gawa ni Erajin.

"Jin, ano yung huling memory mo," usisa ni Brielle habang nakatutok sa phone nito.

"Uhm, nagising na lang ako, si Razele na ang bumungad sa 'kin. Sinabi lang niya na assassin ako saka yung tungkol kay Crimson."

"Sina Tank, nakausap mo?"

Tumango naman si Erajin at patuloy lang sa pagsuklay sa buhok ni Brielle. "Pero ayaw nilang maniwala na ako si RYJO."

"Kasi naman, ang pangit mo talaga ngayon."

Napasimangot agad si Erajin at tinigilan ang pagsuklay sa babae. "Bakit ba panay ang lait mo sa 'kin?"

"E kasi naman . . ." Napabangon na si Brielle at marahas na pinitik ang buhok ni Erajin malapit sa kaliwang tainga. "Jin, ayaw mo sa maikling buhok at sa ganitong kulay. I mean—it reminds you of your past. Trigger 'to ng trauma mo."

Tinitigan ni Erajin ang mga mata ni Brielle. Gaya ng tingin nito ang mga mata ni Crimson. Wala siyang ibang mabasa at parang napakalalim. Tipong kahit anong unawa niya ay wala siyang mahita kundi kawalan.

"Bakit ganyan yung mga mata ninyo?" inosente niyang tanong. "Parang hindi kayo mabasa."

Agad ang paikot ni Brielle ng mata at doon na nabasa ni Erajin ang reaksiyon nito. "Jin, sa trabaho natin, kapag nabasa tayo, mamamatay tayo." Hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito. "At kaya siguro hindi naniwala sina Tank sa 'yo, kasi puno ng takot 'yang mata mo. Si Jin ka ba?"

Biglang kunot ng noo ni Erajin.

"I mean—" biglang bawi ni Brielle. "Actually, para kang may attitude ni Jocas na may takot ni Jin. Sure kang wala kang natatandaang nangyari sa 'yo?"

"Sino . . . si Jocas at si Jin?" takang tanong niya.

Biglang hugot ng hininga ni Brielle at iginilid sa kanan ang tingin. "Sila ay . . ." Nakagat niya ang mga labi at inisip kung aaminin pa ba niya rito kung sino ang dalawang iyon. "Uhm . . ." Ibinalik niya ang tingin kay Erajin. "Friends. Long time friend. Kaso they're not around anymore. Kaya 'wag mo nang hanapin, hmm? Saka 'wag kang mausisa nang bongga, girl! Babalik ding 'yang memory mo soon!" Ngumiti lang nang nakakatakot si Brielle at bumalik sa pagkakahiga sa lap ni Erajin. "Suklayan mo ulit ako."

Tumango na lang si Erajin doon at binalikan ang pagsusuklay sa kaibigan.

"Brielle . . ." mahinahon niyang pagtawag.

"Hmm?"

"Kilala mo ba yung asawa ko?"

"Ugh!" Biglang ikot ng mga mata nito. "Yung asawa mo? Demonyo 'yon." Dinuro niya agad ang hangin. "Alam mo, napakayabang n'on. Iniisip niya, lahat na lang kaya niyang makuha. Huh! That son of a bitch is one hell of a headache." Bigla na naman itong bumangon. "Alam mo, dapat hindi mo pinakasalan 'yon e! Napakakapal ng mukha niyang tawagin akong second rate at war freak!"

Halos mapaatras naman si Erajin dahil harap-harapan kung singhalan siya ni Brielle samantalang wala nga siyang alam sa mga sinasabi nito.

"Kapag nakita ko 'yon, babasagin ko talaga yung mukha n'on." Napaluhod siya sabay pamaywang. "At pumayag siyang ipatapon ka rito sa labas? Kung di ba naman saksakan ng iresponsable!"

"Anong itsura ng asawa ko? Nakakatakot ba?" naiilang na tanong ni Erajin.

"Yung asawa mo? Huh!" Napatingin sa itaas si Brielle para maghanap ng salitang ide-describe sa dinadaot-daot nitong asawa ng kaibigan. "Si Shadow . . . hmm." Nagkrus siya ng mga braso at nag-isip. "Matangkad. Mga kasingtangkad ni Daniel. Brown eyes. Expressive. Yung pilik-mata n'on, ang lalantik. Parang na-curler. Tapos ang ganda ng shape ng kilay. Medyo wavy ang hair, brunette. Fair skin. Matangos ang ilong. Maganda ang smile. Parang niliha nga yung ngipin, maputi na pantay pa. Tapos kapag kumikindat 'yon, pamatay. Maganda rin ang katawan. Solid ang cuts n'on. Magaling pang magdala ng damit. Hindi 'yon nagsusuot ng hindi mahal."

"Guwapo?"

"Yes—NO! EWW! Ang yabang-yabang n'on, no way!"

Napataas na lang ng kilay si Erajin at alanganin na kung ngumiti kasi kung i-describe ni Brielle ang asawa niya, parang hindi naman nakakatakot. Parang mas mukha pang dream man.

"Kadiri, girl, it's a no!" Panay ang irap nito, mabawi lang ang mga sinabi. "Basta, yung asawa mo ang pinakamalalang taong nabubuhay sa Earth. And if I were you, 'wag mo na lang siyang balikan. Mabubuwisit ka lang sa kayabangan niya."

"May ginawa ba siya sa 'yo kaya ka galit?" naiilang na tanong ni Erajin.

"Jin, he framed me up para lang makatakas siya. Kung hindi ka pa dumating that time, more so, I was dead in a jiffy." Napakuha tuloy siya ng unan para makapagkuwento nang komportable. "And aside from that, he kept on bragging na siya lang ang Zenith at wala nang iba pa. Not you, not the Brain, not anybody else. He's a greedy man and very conceited. Wala siyang ibang iniisip kundi sarili lang niya." Inilahad niya ang palad kay Erajin. "He even let you go! Kung hindi siya makasarili, bakit nandito ka? Bakit wala ka sa tabi niya?"

"Gabril!" sigaw ni Razele. "Ang ingay mo na naman."

Magkasabay na napatingin sa kanya ang dalawang babae.

"Why? Mali ba 'ko, Razele?" reklamo pa niya. "Kung talagang may pakialam siya kay Erajin, dapat hindi na tayo aabot sa ganito! E wala naman talaga, di ba? Kaya bakit mo pa siya ibabalik sa Citadel? Makasarili yung asawa niyang ubod ng yabang!"

Buryong na bumangon si Razele na naudlot ang pagtulog dahil sa ingay ni Brielle. "Gab naman . . ."

"What? Iniisip mo bang mamahalin niya si Jin? Ha-ha! That's freaking impossible!" Natawa nang sarkastiko si Brielle. "Mortal silang magkalaban ever since they declared RYJO as the new Zenith. Kahit anong gawin natin, mananatili lang silang ganoon kahit pa ilang kasal ang mangyari sa kanilang dalawa."

"Ugh!" Napasandal na lang sa sandalan ng sofa si Razele at napahimas ng noo. "Gab, that doesn't matter. What matter is that Erajin is his wife, romantic aside. Alam nating pareho kung sino at ano na ang asawa niya ngayon. And besides, mas okay na 'kong kasama niya si Shadow kaysa naman kasama niya si Crimson."

"Psh!" Lalong umirap si Brielle at ibinagsak na lang ang katawan sa kama. "Kung wala lang sa picture si Crimson, talagang di ko papatulan 'tong plano mo e."

Napuno naman ng pagkadismaya si Erajin. Pakiramdam niya, kahit magandang lalaki ito, parang ayaw nito sa kanya kaya pinabayaan siyang maghirap nang ganoon. Para tuloy nagdadalawang-isip na siyang puntahan ang sinasabi nilang Citadel.

"JIN!" tili ni Brielle at napabangon na naman. Nakatingin lang siya sa phone at ang lapad ng ngiti roon. "Jin, look!"

Ipinakita ni Brielle ang screen ng phone niya kay Erajin.

"Drink-all-you-can night?" pagbasa ni Erajin doon.

"You know what that means?" nakangising sinabi ni Brielle sabay taas-taas ng kilay.

"Uh . . . drink all you can?" asiwang sagot ni Erajin.

"Tonta! That means we're gonna party tonight! YEHEY!" masayang sinabi ni Brielle at kinampay-kampay pa ang mga braso sa hangin.




Alas-otso ng gabi . . .

Ilang beses nang nagsabi ng babala si Razele tungkol sa drink-all-you-can night na iyon sa bar na katapat lang Grand Wyatt. Sikat kasi roon ang pagkalat ng mga party drug. Tinawanan nga lang iyon ni Brielle dahil ito pa ang binalaan samantalang isa sa expertise niya bilang S-Class ay pag-identify ng iba't ibang uri ng mga lason at droga. Babantayan naman daw nito si Erajin. Magpa-party lang sila saglit.

Wala nang nagawa si Razele kundi pumayag. Maliban pa roon, gusto na talagang niyang palayasin si Brielle at nang matahimik naman ang buhay niya. Ito lang kasi ang maingay sa unit niya buong maghapon. Ito naman kasing si Erajin, panay ang tanong. Hindi tuloy tumikom ang bibig ni Brielle.

Nakaupo sa may bar area si Erajin habang umiinom ng in-order na martini. Nakikipagsayaw naman si Brielle sa gitna ng dance floor.

Party girl pala si Brielle, naisip niya. Habang pinanonood ito, naisip niyang parang normal lang ito. Mukha itong mahadera sa isang banda. Nagger din. At doon sa nabanggit nitong tinawag itong war freak ng asawa niya, parang gusto na niyang maniwala.

Pero mabait naman si Brielle. Siguro, sa pili lang na tao. Pero mabait naman.

Maya-maya, may lumapit na lalaki kay Erajin at tumayo sa kaliwang gilid niya. "Hi, miss. Mag-isa ka yata."

"Ay, hindi. May kasama ako," matipid ang ngiti niyang sagot.

"Oh. I see."

Napansin ni Erajin ang pagpatong ng lalaki ng isang box sa bar counter.

"Ano 'yan?" inosente niyang tanong.

"Uhm . . . brownies," nakangiting sagot ng lalaki. "Gusto mo?"

Nahihiya siyang natawa habang palipat-lipat ang tingin sa mukha ng lalaki at sa brownies. "Libre ba?"

"Ah, yes!" Mabilis itong tumango. "Actually, ano . . . we're giving this sa mga guest. Ano . . . promo! Yes." Tumango-tango pa ito habang nakangiti.

"Talaga?" excited niyang sagot. "Puwedeng makahingi? Bibigyan ko pati yung mga kasama ko."

"Oh, sure! Sure." Iniabot agad nito sa kanya ang isang box. "Take the whole box. Isang dozen 'yan. Marami pa naman sa van."

"Hala! Sure ka?" gulat niyang tanong. Halos kuminang ang mga mata niya nang ibigay sa kanya ng lalaki ang isang box.

"Yes. So . . . punta muna 'ko sa van. Kukuha ulit ako ng supply." At itinuro nito ang likuran.

"Sige, sige. Salamat!" masaya niyang pagpapaalam at kagat-kagat niya ang labi nang buksan ang box. "Wow . . ."

Tiningnan niya ang box. Mukhang masasarap ang brownies na iyon.

"Brielle!" masaya niyang pagtawag sa kaibigan habang kumakaway.

Kumaway naman si Brielle at itinuro ang kasayaw na lalaki. May sinasabi ito pero hindi niya maintindihan.

"Ha? Ano?" tanong pa niya kahit hindi sila magkarinigan sa lakas ng music.

Itinuro ni Brielle ang kasayaw. Tapos itinuro ang itaas. Tapos ang relo.

Sumigaw na lang din siya ng "Babalik na ako sa unit!" Itinuro din niya ang itaas at inangat ang box ng brownies.

Ngumiti naman si Brielle at nag-thumbs up pa. At hayun, nagpatuloy na naman ito sa pagsayaw.

Signal na niya iyon na alam na ni Brielle na babalik na siya sa unit ni Razele. Sa harap lang naman ng Grand Wyatt ang bar. Hindi naman malayo.

"Ang saraaaap!" papuri ni Erajin habang nilalantakan ang brownies pabalik sa condo. "Twelve naman 'to. Tig-dalawa na lang sila."

-------

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top