8: Twist of Fate

Samantala, sa Citadel . . .



Hindi tipikal na pinatatagal sa Citadel ang pagluluksa. Bagay na hindi alam ni Josef kung paano ba tatanggapin. Matapos ianunsiyong pumanaw na ang isa sa mga Superior na si Joseph Zach, kinuha na agad ang katawan nito ng mga Guardian.

Si Cas at No. 99 daw ang nakaatas na mag-aasikaso sa katawan ni Joseph Zach oras na pumanaw ito. Sa kasamaang-palad, patay na rin si No. 99 at mentally unstable naman si Cas.

Nakatingin lang si Josef sa ama habang pinanonood na balutin ng puting tela ang katawan nito at ilipat sa isang stretcher.

Gusto niyang malungkot. Gusto niyang magalit. Pero kahit anong pakiramdam, wala siyang maramdaman sa mga sandaling iyon.

Siguro dahil tanggap na niya ang kamatayan nito noon pang una niya itong nakita. Sa estado pa lang nito, alam na niyang hindi na ito magtatagal. Kung siya nga ang tatanungin, dapat matagal nang pinutol ang life support nito dahil lalo lang itong nahihirapan.

"Xerez," pagtawag niya sa Guardian na nakabantay sa likuran niya.

"Yes, milord."

"Babiyahe ako ngayong araw. Dadaan muna ako sa Hamza. Tawagan mo agad ang President, gusto kong kausapin."

"Yes, milord."

"Pakihanda na rin ng unit ko sa Grand Wyatt, at huwag n'yong sasabihin kay Armida na aalis ako."

"Masusunod, milord."

Umalis na siya sa silid kung saan inililipat na si Joseph Zach patungo sa morgue.

Kailangan niyang kausapin ang mama niya. Malamang na kung may taong gustong malaman ang pagkamatay ng ama niya, iyon na malamang si Anjanette Malavega.

Gusto sana niyang isama si Armida. Ang kaso, maliban sa wala pa itong maayos na memorya, ayaw lang niyang makahatak ng problema habang nagtatrabaho siya.

Pakiramdam nga niya, pabor pang wala itong alaala. Hindi ito magagalit kapag sinabi niyang magtatrabaho lang ito abroad. Maraming magpapaliwanag dito na iyon talaga ang trabaho niya kompara kapag alam nito ang ginagawa. Wala na nga siyang takas, baka ito pa ang mauna sa kanya palabas ng Citadel.







MAY SARILING HANGAR ang Citadel. May sarili ring private plane ang Fuhrer. Bagay na ipinagpapasalamat ni Josef dahil ayaw niyang pumunta ng airport na tangay-tangay niya ang pagkarami-raming Guardian. Takaw-atensiyon, para siyang presidente ng kung anong bansa kung bantayan ng mga ito.

"Lord Ricardo, naabisuhan na si Leonard Thompson na dadaan kayo ng Hamza," paalala ni Xerez na kasalukuyang isa sa flight attendant ng plane na sinasakyan ng Fuhrer.

"Thank you," sagot ni Josef at napatingin sa bintana ng eroplano.

Papalubog na ang araw nang umalis sila sa Citadel. Sinubukan niyang numakaw ng tulog sa flight dahil talagang bugbog ang utak at katawan niya sa trabaho bilang Fuhrer.

Hindi niya kung saan siya matutuwa. Kung noon bang naghahanap sila ng Superior candidate na katawan lang ang masakit pero may pagkakataong nag-e-enjoy sila ng asawa niya sa araw-araw, o ngayong nandoon na nga sila at ligtas, wala naman siyang ibang kaharap kundi puro papel.

Iniisip niyang kaya siguro wala nang panahon ang mga Superior na magkaroon pa ng pamilya. O kung magkaroon man, parang huli na ito sa priority, kasi talagang nawawala ito sa prayoridad kapag usapang trabaho na.

"Lord Ricardo . . ."

"Hmm . . ."

"Milord."

Dahan-dahan siyang nagmulat. "Hmm?" Napadiretso siya ng upo habang hinahanap ng tingin ang paligid. "Nasaan na tayo?" Napasilip siya sa bintana. Lupang iniilawan ng spotlight na ang nakikita niya. "Oh. We're here?"

"Yes, milord."

Pag-angat niya ng tingin, nakayuko lang sa kanya si Xerez.

"Oh God . . ." Napabuga muna siya ng hininga at napahilamos para gisingin ang sarili. Sinilip niya ang relo. Alas-siete pasado pa lang ang nandoon, pero alam niyang nagbago na ang timezone. "What time is it?" Tumayo na siya.

"12:47 in the morning, milord."

"Okay." Napatango na lang siya at sinundan ang nakalahad na palad ni Xerez patungong pinto ng eroplano.

"Nakahanda na ang service ninyo, milord."

"Thank you, Xerez," pasalamat niya ulit.

"My pleasure, milord."





KUNG MAY ISANG bagay na hihingin si Josef sa mga sandaling iyon, pahinga—mahabang-mahabang pahinga. Simula nang magtrabaho siya sa opisina ng Citadel, puro problema talaga ang hinarap niya.

Namatay si No. 99. Nawala sa sarili si Cas. Nagka-amnesia ang asawa niya. Namatay ang ama niya. Pulos sermon ang inabot niya sa lolo niya. Tapos makikita niya ang opisina niyang puro tambak ng mga papeles na for approval pa niya at kailangang basahin. At ang matindi pa roon, hindi niya masisisi ang lolo niya na pinabayaan nito ang trabaho dahil lahat ng dokumentong naroon ay mga papeles na may date na simula October hanggang December. Last quarter ng nakaraang taon. At sa mga panahong ito, siya na ang nakatalagang bagong Fuhrer sa puwesto.

Gaya nga ng sabi ni Xerez, hindi naman daw tatambak nang ganoon karami kung October pa lang, inasikaso na niya. Samantalang noong mga panahong iyon, inuna pa muna nila ng asawa niya ang magpakasaya sa beach at kung saan-saan.

Hayun tuloy at binawian siya. Mahilo-hilo siya sa antok pagbaba niya ng eroplano. Kaya nga pag-upong pag-upo niya sa itim na sedan na service nila, pagpikit niya, nilamon na naman siya ng tulog at sa biyahe na bumawi ng pahingang nais niya.

Iyon ang klase ng mga pagtulog niyang blangko lang. Pati utak niya ay nakapahinga dahil kahit panaginip ay hindi man lang siya nadalaw.

Bagsak na bagsak ang katawan niya dahil sa pagod at stress. Kahit ang biyahe, hindi niya naramdaman.

Kataka-taka dahil hindi man lang siya nag-aalala sa asawa niyang nasa Citadel. Marahil ay iniisip niyang di-hamak na mas ligtas ang asawa niya roon. Wala itong kaalam-alam sa mga masasamang nangyayari. Payapa ang isipan. Kakain na lang at paghahandaan kapag ginutom. Aasikasuhin ni Jeremiah, ang personal butler nito. Ang iniwang trabaho bilang Superior ay aasikasuhin naman ni Ivan, ang Guardian Decurion nito.

Kung tutuusin, wala na nga siyang aalalahanin. Ganoon na lang sana palagi.

"Lord Ricardo."

"Hmm."

"Lord Ricardo, malapit na tayo."

Mabilis ang pagdilat ni Josef at napaisang iling para gisingin ang sarili. Parang walking alarm clock na niya si Xerez na taga-gising na lang yata niya palagi kapag nakakatulog siya dahil sa pagod.

"Lord Ricardo, samantalahin muna ninyo ang pahinga pagdating sa Grand Wyatt," paalala agad ni Xerez dahil napapansin na nitong pagod na pagod na ang pinagsisilbihang Superior.

"I should be," sagot ni Josef nang may basag na boses. Napahikab na lang siya at isinandal ulit ang ulo sa headrest ng inuupuan.

Madaling-araw silang umalis sa airport na pinagbabaan. Naabutan na sila ng araw nang matanaw niya ang condominium na pagmamay-ari ng stepfather niya.

"Kumusta si Armida?" tanong niya kay Xerez.

"Alas-dose pa lang ng madaling-araw sa Citadel ngayon, milord. Malamang na nagpapahinga na si Lady Evari."

Tumango roon si Josef. "Nagtanong ba kung nasaan ako?"

"Yes, milord."

"Ano'ng sinabi n'yo?"

"Na may trabaho kayo abroad at kailangan ninyong daluhan."

"Good."

Umikot na ang sasakyan nila sa entrance ng Grand Wyatt. Nagpasabi naman na siya na ayaw niya ng special treatment doon para hindi sila nakakakuha ng atensiyon. Wala tuloy enggrandeng pagsalubong sa kanya gaya ng tipikal na ginagawa ng mga ito kapag dumadalaw roon ang dating Fuhrer.

"Good morning, Mister Zach," pagbati agad ng attendant sa kanya na sumalubong. Kukunin na sana nito ang mga bagaheng dala pero nagtaas ng kamay si Xerez para sabihin sa attendant na walang gagalaw ng gamit ng Fuhrer maliban sa mga Guardian dahil iyon ang safety protocol. Hindi malabong pinalilibutan ng agent ang lugar at baka kung ano pa ang mailagay sa mga gamit nito.

Pinananatili ng mga Guardian ang distansyang higit sa isang dipa, at kalahating dipa naman ang dapat na layo ni Xerez.

Tuloy-tuloy lang lang lakad ni Josef patungong elevator. Ni hindi na inabala pang dumaan sa front desk.

"Kailangan kong—ah!"

Napahinto siya sa paglalakad nang may babaeng bumangga sa kanya.

Pagtingin niya rito, nakasubsob na ito sa sahig. Panay ang ayos nito sa gintong buhok kahit na wala namang aayusin doon dahil maikli naman.

"Tch." Naiinis siyang nagbuga ng hininga at napailing na lang. "Isa pang abala," inis niyang bulong. Pinagpag niya ang suit na bahagyang nagusot dahil sa nangyari.

Mabilis siyang binakuran ng mga Guardian para hindi na maulit ang nangyari.

Nagtuloy-tuloy na lang siya sa paglakad hanggang makapasok sa elevator na kabubukas lang at may lumabas na dalawang tao roon.

Pagpuwesto niya sa harapan, napansin niyang tinulungan pala ni Xerez ang babaeng bumangga sa kanya.

Pinindot niya ang elevator button para hindi muna iyon sumara.

"Xerez!" malakas na pagtawag niya.

Yumukod si Xerez sa babaeng nakasimangot, at habang nakatitig siya rito. Naningkit agad ang mga mata niya dahil nakasuot ito ng uniporme ng Meurtrier Assemblage: HQ.

Pagpasok ni Xerez sa elevator, nagtanong agad siya.

"May agent dito ng HQ. Naitawag na ba 'to sa manager?" usisa niya.

"Gagawa kami ng background check mamaya sa mga guest ngayon ng Grand Wyatt, Lord Ricardo," sagot ni Xerez.

"Yung babaeng nakabangga ko . . ."

"Parurusahan namin siya, milord," nakayukong tugon ni Xerez.

"Ah! No need," kontra niya agad. Masyadong mababaw ang nangyari para parusahan pa ang ibang tao. "Ipatawag mo ang babaeng 'yon. Gusto ko siyang makausap tungkol sa status ng HQ."

Hindi agad nakatugon si Xerez. Tiningnan pa muna niya si Josef kung seryoso ba ito sa inuutos. "M-Milord?"

"Agent siya ng HQ, di ba?" tanong pa ni Josef.

"Uh, y-yes, milord . . ."

"Kung guest siya rito, ipatawag mo. Bigyan mo ng appointment bukas nang alas-otso nang umaga. Kakausapin ko siya sa lobby nitong Wyatt."

Pinanatili ni Xerez ang composure para lang itago ang gulat. Hindi niya alam kung paano ipaliliwanag kay Josef na hindi nito maaaring makausap ang babaeng nakabunggo nito.

Maliban sa nagulat din siya sa nangyari. Hindi rin niya inaasahang makikita niya sa lugar na iyon ang asawa ng Fuhrer na ipinatapon sa labas ng Citadel, ilang linggo na ang nakalilipas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top