7: Ranger

Kung si Erajin ang tatanungin kung nakakasunod pa ba siya sa lahat ng nagaganap, malamang sa malamang, malaking HINDI ang isasagot niya.

Nagising siya sa isang kuwarto kung saan si Razele. Sinabihan siya nitong isa siyang assassin na nawalan ng alaala. Tapos tatanungin siya ng lahat kung sino ba talaga siya, dahil iniisip ng lahat na hindi siya ang assassin na sinabi sa kanya ni Razele noong una. At ngayon, hinahabol sila ng isa pang assassin na may pangalang Crimson dahil galit daw ito sa kanya.

Iniisip pa nga lang niya ang parteng pumapatay siya ng tao, sumasakit na ang ulo niya. Wala kasi siyang matandaan. At kung siya ang tatanungin? Ayaw rin niyang matandaan dahil hindi tunog maganda sa pandinig na pumapatay pala talaga siya ng tao.

Wala siyang magagawa kundi sumunod kay Razele. Maliban sa katotohanang hinahabol sila ni Crimson, sinasabi nitong may asawa siya at naroon sa Citadel—kung saang impyerno man iyon.

Sinabi ni Razele na kikitain nila si Ranger—na hindi rin niya alam kung sino, basta ang paliwanag sa kanya, huwag nang magtanong. Sumunod na lang. At hayun siya ngayon, papunta sa parking lot kung saan nakaparada ang Ford ni Razele dahil naroon na raw ang Ranger na tinutukoy nito.

"Sir, saan po yung Block 7-D?" tanong niya sa guard na bantay ng parking entrance.

Itinuro ng may-edad na lalaking guwardiya ang dulong kanan niya. "Doon ho, ma'am. Sa dulo nitong pangalawang hilera." At nginitian siya nito pagkatapos.

"Thank you!" pasalamat niya rito.

Tinakbo niya agad iyon dahil baka naiinip na sina Razele. Panay pa naman ang reklamo niya sa salamin ng restroom dahil sa pagkakabangga sa kanya ng kung sino mang lalaking maraming guwardiya.

Malapit na siya nang makita si Razele na kausap ang isang babaeng nakapamaywang, hawak ang isang aviator shades, at patingin-tingin sa relo nito.

Tantiya niya ay nasa mid-20s ang edad ng babae. Mukha pa lang at tindig nito, parang mananampal na ng kahit sino. Nakasuot ito ng off-shoulder violet bodycon dress na three-inch above-the-knee ang haba at naka-round toe stiletto pa. Ang gaganda ng jewelries na suot, mula hikaw, kuwintas, bracelet, relo, hanggang sa mga singsing, at mukhang mayaman dahil sa slick high ponytail nitong buhok na itim na itim at straight pa. Mukha ring supermodel sa tangkad na umabot sa taas ni Razele, at ang kapal ng red lipstick pero mild na ang iba pang make-up sa mukha. Maganda ito kahit morena. At base sa itsura, ito ang tipo ng babaeng hindi dapat kinakanti dahil makikipaghalikan sa lupa ang papalag nang wala sa oras.

"Razele!" tawag niya.

Sabay na napalingon ang babae at si Razele. Kinawayan naman siya ng lalaki para sabihing nandoon sila.

Lalo pa siyang kumaripas ng takbo para makalapit doon sa dalawa.

"Nasaan na yung sinasabi mong Ranger?" nakangiti niyang tanong.

"Siya ba?" mataray na sinabi ng babae habang hinahagod ng tingin si Erajin.

Nakihagod naman din ng tingin si Erajin sa sarili niyang katawan.

Hayun siya at nakasuot ng round neck shirt na may logo ng MA, denim pants, at rubber shoes. Magulo rin ang napakaikli niyang buhok na kulay ginto.

Walang-wala kompara doon sa sosyal at wagas makahagod ng tingin na babae sa harapan niya.

"Huh! Razele, I left my mission in Lisbon just for this bitch?" sabi ng babae habang tinuturo ng sosyalin niyang hintuturo si Erajin.

"Gabrielle, siya nga si RYJO. Believe me!" paliwanag agad ni Razele.

Inilipat naman ulit ng babae ang tingin kay Erajin. Nakataas ang kilay nito at ang lakas manantiya ng tingin.

Lumapit si Erajin kay Razele para bumulong. "Sino ba siya?"

"Si Ranger," bulong din ni Razele na akala mo naman ay hindi sila naririnig.

"RANGER?!" sigaw ni Erajin at siya naman ang nanghagod ng tingin doon sa babaeng maganda. "I thought Ranger is a tough, bulky, muscled guy! Ranger is a guy's name, di ba?!"

"Oh, sorry to say darling," mataray na sinabi ni Ranger sabay halukipkip pa. "Your tough, bulky, muscled guy is a goddamn, hot-as-hell lady! And you think pambabae ang RYJO, huh?"

"Huh! E bakit kung makatingin ka naman sa 'kin, parang napakapangit kong tao?" Nagpamaywang naman si Erajin at tinapatan ang katarayan ni Ranger. "'Wag mong ipagmalaki sa 'kin 'yang—" Tinuro pa niya ang kabuuan ng kaaway. "'Yang—'yan! Dahil lang sa ganito ang suot ko!"

"Oh, sino ba ang may sabing nagmamalaki ako, ha?" Pumaling naman sa kaliwa at nagpamaywang si Ranger. "I didn't say anything about my looks, for your information! Kaya kung insecure ka sa itsura ko, sana hindi mo pinahahalata nang sobra."

Naningkit ang mga mata ni Erajin sa sinabi ni Ranger. Naiinis na siya rito.

"Kilala ko ba 'tong babaeng 'to?" tanong pa ni Erajin kay Razele habang dinuduro si Ranger.

"Uh . . ." Hindi naman alam ni Razele ang isasagot. Parang ayaw na niyang makisali sa argumento ng dalawa. Isang maling salita lang niya, malamang na magkakalmutan na ang mga ito, madamay pa siya.

"She's not Erajin!" sabi agad ni Ranger. "Aalis na 'ko rito."

"She is! Trust me!" pagpipilit ni Razele at mabilis na hinawakan sa braso si Ranger para pigilan ito. "Napatunayan na namin 'yon ni Crimson! Nandoon siya ngayon sa HQ! Nakarating siya kagabi!"

Tiningnan agad ni Ranger diretso sa mga mata ang lalaki. Binabasa kung nagsasabi ba ito ng totoo o hindi. Ang kaso, wala iyon ang problema, isa si Razele sa may mga tinging kapag ayaw nitong mabasa ang laman ng utak, walang kahit sinong makakabasa rito.

"Ano'ng ginawa ni Crimson?" seryoso nang tanong ni Ranger at umayos na ulit ng tindig at nagpamaywang. "Raz, nasa kabilang panig ng mundo kahapon si Daniel at ayaw niya ng inaabala siya sa trabaho kapag hindi mahalaga. Alam kong alam mo 'yan."

Napanguso na naman si Razele at pasipol na bumuga ng hininga. Kung magkakapera lang siya kakabuntonghininga, malamang na may pantakas na sila ngayon mula pa kahapon.

"Raz, I know, itong babaeng 'to, kamukha ni Erajin," paliwanag ni Ranger. "Okay, given na may amnesia siya and all. But come to think of it . . ." Hinaguran na naman niya ng tingin si Erajin habang nakatingin dito na parang nakakadiring insekto ito sa paningin niya. "This is not the first time na nagka-amnesia siya. And probably, that's temporary memory loss lang. You think, before siya mawalan ng alaala, gagawin niya 'yan sa sarili niya? Look at her!" Tinuro pa niya ang mukha nito. "Ang pangit niya!"

"HOY! HOW DARE YOU!" sigaw rin ni Erajin at nagpamaywang din habang minamata si Ranger.

Tinapatan naman iyon ni Ranger at nagpamaywang din pagharap sa kanya. "Bakit? Nagagandahan ka ba sa itsura mo?!"

"Hindi. Pero nasaan ang karapatan mo para tawagin akong pangit, ha!"

"Ah!" Napahawak pa siya nang maarte sa dibdib gamit ang iilang daliri habang umiiling pa. "Hindi mo kailangang hanapin kasi kitang-kita naman sa mukha ko ang karapatan ko! Ikaw? Nasaan ang karapatan mo?"

"Hagh—!" Napahawak na lang sa dibdib niya si Erajin sa sobrang gulat dahil sa sinabi ni Ranger sa kanya. Mabilis siyang tumingin kay Razele para manghingi ng tulong.

Mabilis na napatingin sa kisame ang lalaki sabay sipol at inugoy-ugoy ang sarili sa kinatatayuan para makaiwas sa bangayan.

Napasuko na lang tuloy si Erajin at nakasimangot lang na umirap. Hindi na lang siya nagsalita pa. Sumumpa-sumpa na lang siya sa hangin.

"Raz," pagtawag ulit ni Ranger habang nakatitig kay Erajin. "Paano napunta 'to rito?"

"Pinatawag ako sa Citadel. Sinabi ni Labyrinth na ako na ang bahala sa kanya."

"Si Laby?" takang tanong ni Ranger. "Bakit daw?"

"Threat daw siya sa Fuhrer."

"Fuhrer . . . ?" Tiningnan niya ang lalaki na nag-aabang ng idudugtong doon na magpapalinaw sa taong tinutukoy nito.

"Shadow."

"Oh." Nanatili sa pagkakaporma ng O ang bibig ni Ranger at naibalik ang tingin kay Erajin na nakairap pa rin pero nakikinig naman. "But . . . I thought . . . they are . . ."

"Married, yes."

Naningkit bigla ang mga mata ni Ranger habang palipat-lipat ang tingin sa dalawang kasama niya.

"Pero . . . sa pagkakakilala ko sa mayabang na aroganteng magnanakaw na 'yon, basta pag-aari na niya, magkamatayan na pero walang babawi n'on sa kanya." Itinuro ni Ranger si Erajin habang nakatingin sa lalaki. "E ano 'to? Bakit nandito sa labas 'to kung ito nga si Jin?"

Humugot ng hininga si Razele at pinigil iyon habang nakataas ang magkabilang kilay. Itinaas niya ang magkabilang kamay sabay kibit-balikat para sabihing hindi niya alam. "Alam mo namang walang sagot sa mga utos nila kapag direkta, di ba?"

"Okay, sige, sabihin na nating ito si Jin, hindi ba 'to hahanapin sa Citadel? I mean—seryoso, hahanapin siya ni Shadow!"

Biglang tumango si Razele. "Ang sabi ni Laby, may binayaran silang tao para umasikaso niyan."

"Binayaran . . . na paano?"

"Again, floating questions remain unanswered. Ang akin lang, kailangan niyang makabalik sa Citadel dahil papatayin siya ng lahat kapag nandito siya sa labas."

Binalikan nilang dalawa si Erajin na nakairap pa rin.

"Okay! Let's see," pagsuko na ni Ranger at kinuha niya ang kaliwang kamay ni Erajin mula sa pagkakakrus ng mga braso nito at tiningnan ang hinlalaki nito sa kamay.

"What are you doing?" tanong ni Erajin habang palipat-lipat ang tingin niya sa mukha ng babae at sa kamay niyang hawak nito.

"Just checking," confident na sinabi ni Ranger at napataas agad ang isa niyang kilay. Tiningnan niya agad nang diretso, mata sa mata si Erajin. "Now, I am curious . . ." Nilingon niya si Razele at padabog na binitiwan si Erajin. "Match sila ng fingerprint. Siya nga."

Walang paalam na pumunta siya sa tapat ng isang hot red Aventador na nakaparada tatlong kotse ang layo sa katapat na block ng pinagparadahan ng sasakyan ni Razele.

"Fingerprint?" gulat na sinabi ni Erajin habang tinititigan ang thumb niya para hanapin kung saan banda yung fingerprint na sinabi ni Ranger. "How the hell did she know?"

"Unique ang fingerprint ng bawat tao sa mundo, at kaya niyang malaman ang kaibahan ng bawat fingerprint ng lahat ng taong kilala niya sa isang tinginan lang," paliwanag sa kanya ni Razele.

"Wow. That's . . . amazing." Napabilib agad si Erajin sa sinabi ni Razele tungkol kay Ranger.

Pinanood nila itong kunin sa likod ng sasakyan ang isang malaking travel bag na kulay blue.

"I'll go with you!" sabi ni Ranger habang naglalakad na pabalik. Ibinato pa nito ang travel bag kay Razele na nasalo naman ng lalaki.

"Uhm, ang totoo, mas kailangan ko si Neptune ngayon," naiilang na sinabi ni Razele habang yakap-yakap ang malaking bag.

"Then I'll still go! Tatawagan ko si Markus mamaya. Nasa gitna pa 'yon ng trabaho."

At kung kanina, mukha itong mahaderang kung makapagsalita, parang walang karapatang mabuhay ang lahat ng tao sa mundo, ngayon naman, nakangiti na ito nang matamis na parang tuwang-tuwa na sa lahat.

"Come on, guys! This is gonna be fun!" excited niyang sigaw sabay suntok ng dalawang kamay sa hangin.

Nagkatinginan sina Erajinat Razele para alamin kung para saan ang sinigaw ni Ranger.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top