5: Penitence
Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Hindi alam ni Erajin ang gagawin. Tatakbo sana pero natigilan dahil biglang humarang si Crimson sa may doorway.
Pag-atras niya, biglang sulpot ni Razele sa kaliwang gilid niya at sinugod ang lalaking nakaharang doon.
"Jin, takbo na sabi!" sigaw ni Razele at itinulak si Crimson sa dingding na malayo sa pinto.
"Saan ako pupunta?!" pagpa-panic din ni Erajin na nakuha pang magpaikot-ikot sa kuwarto habang nagsusuntukan ang dalawang lalaki.
"Jin, ano ba?!" sigaw ni Razele at maling-mali ang nilingon niya si Erajin sa likuran dahil nagkaroon ng pagkakataong buhatin niya si Crimson at ibinato pabagsak sa center table.
"Ugh! God!"
Napangiwi sa sakit si Razele. Mapalad na lang siya dahil makapal ang glass ng center table at hindi nabasag.
"Ano ba?! Bitiwan mo nga ako! Razele!" tili ni Erajin.
"Sasama ka sa 'kin, sa ayaw o sa gusto mo!" galit na sigaw ni Crimson at halos kaladkarin si Erajin palabas ng U-Office.
"Razele!" malakas na alingawngaw ng boses ni Armida sa pasilyo nang makalabas na sila.
Hawak-hawak ni Razele ang balikat niyang kumikirot nang makabangon na.
"Tulong!" patuloy ang sigaw ni Erajin. Lumalayo na ang boses nito. Narinig ni Razele na ang direksiyon ay papuntang elevator.
"Naman," inis na bulong ni Razele at nakuha pang mag-inat-inat. Iniikot-ikot niya ang balikat para makapag-stretching man lang. "Whoooh." Bumuga na naman siya ng hininga at dinampot ang bread knife na nakasugat sa kamay ni Erajin.
Nilakad na niya ang palabas ng opisina. "Kaya nga ako nag-office work, para hindi na 'ko nasasaktan," reklamo niya habang tanaw niya sina Erajin mahigit sampung metro mula sa kinatatayuan niya.
Nag-jog siya in place para ihanda ang sarili sa mabilisang paggalaw.
"Razele!" malakas ulit na sigaw ni Erajin at naging hudyat iyon ng pagkaripas niya ng takbo.
Nakasakay na sa elevator sina Crimson. Padabog na pinindot ng lalaki ang floor button at pagharap niya, nandoon na si Razele na wala pang limang segundo nang makalapit sa kanila mula sa pinanggalingang opisina.
"I said, it's a no!" sigaw ni Razele at ibinato ang hawak na kutsilyo kay Crimson na mabilis nitong nasalo.
Naging pagkakataon tuloy iyon para mahatak ni Razele palabas si Erajin ng elevator bago pa ito tuluyang magsara.
Ang daming nangyayari sa loob lang nang ilang segundo. Nakita na lang ni Erajin ang sarili na tumatakbo habang hawak nang mahigpit ni Razele ang kamay niya.
At kung saan man sila pupunta, iyon ang hindi niya alam.
Basta ang alam niya, kailangan niyang makaalis sa lugar na iyon sa lalong madaling panahon bago pa sila mahabol ni Crimson.
Sa Citadel . . .
Alas-siyete na ng umaga, nakatulog na nga si Josef sa opisina ng Fuhrer kababasa ng report. Kung hindi pa siya ginising ni Xerez, hindi pa niya maaalalang nakatulugan na niya ang binabasa.
"Si Armida?" tamad na tamad na tanong niya sa Guardian.
"Hindi pa lumalabas ng silid niya, Lord Ricardo," sagot ni Xerez.
Napabuga ng hininga si Josef at nagtuloy-tuloy na pabalik sa kuwarto nila.
Hindi niya alam kung galit ba ang asawa niya o ano dahil sa nangyari kagabi. Hindi lang naman kasi siya sanay na kumikilos ito nang ganoon. Marahil ay kilala lang niya si Armida. At hindi siya pagtatangkaang akitin nito sa ganoong paraan. O kahit doon nga lang sa ideyang aakitin siya nito, gusto na niyang kuwestiyunin.
Iniisip niyang kahit naman siguro mawalan ng alaala ang asawa niya, hindi ito magiging ganoon kalandi. Ang inaasahan nga niya, mas lalo itong lalayo sa kanya. Ang nangyari, lalo pang ginustong dumikit-dikit sa kanya gaya ng mga babaeng nagkakagusto sa kanya.
Pagpasok niya sa loob ng kuwarto, naabutan niya roon ang asawa niyang ni hindi man lang nakakumot. Nakabalagbag lang ito ng higa, nakadapa, nakalahad ang mga braso na parang sinusubukang yakapin ang buong king-size bed na hinihigaan. Nakalahad lang ang kaliwang tuhod nito at nakatupi naman ang kaliwa.
"Huh!" Hindi naman makapaniwala si Josef nang magpamaywang habang nakatingin sa asawa niya.
Bigla ring kumunot ang noo niya dahil kilala niya ang asawa niya. Kung matulog ito, parang patay-at hindi ganoon gaya ng nakikita niya ngayon.
"Xerez," pagtawag niya sa butler niyang nasa direksiyon ng pinto.
"Yes, Lord Ricardo."
"Nasaan si Cas?" tanong niya habang nakatitig pa rin sa asawa niyang tulog.
"Limang araw nang hindi lumalabas sa kanyang silid si Lady Cassandra, milord."
Biglang lingon ni Josef sa direksiyon ng pintuan. "Bakit?" takang tanong niya.
"Walang nababanggit si Ara, milord," tugon nito.
Mariing napapikit si Josef at dahan-dahan ang hugot ng paghinga. Dinalaw ang dibdib niya ng kaba dahil sa narinig.
"Tsk!" Napasimangot na lang siya at dali-daling lumabas naglakad ng kuwarto. "May susi ng kuwarto niya?" tanong niya sa mga nakasunod na Guardian.
Maliligo na dapat siya at mag-aasikaso sa pag-alis, pero hayun at aabalahin pa niya ang sarili para asikasuhin ang napakaraming problema.
Hindi pa man siya nakaka-isang buwan sa posisyon, pakiramdam niya, tatanda siya nang maaga dahil sa stress.
"Milord, hinarangan niya ang pinto mula sa loob," sagot ni Xerez sa kanya.
Napahinto sa paglalakad si Josef kasabay ng paghinto ng sampu pang Guardian na nakasunod sa kanya.
"Whooh," napabuga na naman siya ng hininga at napahimas ng noo. Nakagat niya ang labi at simangot na simangot na hinarap ang mga nakasunod sa kanyang Guardian. "At wala kayong ginawa? Limang araw, wala kayong sinubukang paraan?" Tiningnan niya ang isang Guardian na nakasunod sa kanya. "May security camera ba ang kuwarto ni Cas?"
"Yes, milord."
"Paki-check nga ng status niya ngayon."
"Masusunod, milord." At may tinawagan na ang Guardian para kumonekta sa linya ng CCS.
Muli niyang tinahak ang pasilyo patungo sa kuwarto ni Cas. Pagliko niya sa kanan, malayo pa lang, tanaw na niya ang dulong kuwarto na may mataas na pinto. Gawa sa ginto ang handle ng pintong iyon. Magandang klase rin ang kahoy. Nakahilera doon ang mga Guardian ni Cas. May mga nakahandang pagkain sa gilid. Malamang na sinusubukang hatiran ng pagkain si Cas.
"Lord Ricardo," sabay-sabay na pagbati ng mga Guardian at yumuko upang magbigay-galang.
"Ilang araw nang hindi lumalabas si Cas?" nakasimangot niyang tanong sa kahit sino.
"Limang araw na siyang nariyan sa loob, milord," sagot ni Ara na nasa dulo ng hilera ng mga Guardian.
"Kailan siya huling kumain?"
"Noong nakaraang limang araw din, milord."
"Bakit hindi n'yo sinabi sa 'kin agad?!" galit niyang sermon sa mga ito na lalong nagpayuko sa mga ito.
"Patawad, Lord Ricardo. Naging abala ang opisina ng Fuhrer nitong nakaraang limang araw para idulog pa ito sa inyo."
"Kahit gaano ako kaabala, kapag may ganitong nangyayari, sabihin n'yo sa 'kin agad!"
"Patawad, milord."
"Tsk!" Lalong lang siyang nainis sa mga Guardian dahil wala talagang nagawa sa loob ng limang araw na iyon.
Kinatok na niya ang pintuan. "Cas?" pagtawag niya sa tao sa loob. "Cas, si Josef 'to. Naririnig mo ba 'ko?"
"Milord, nag-check kami ng security camera," paningit ng inutusang Guardian. "Kasalukuyang tulog si Lady Cassandra. Walang magbubukas ng pinto mula sa loob."
Napahilamos naman agad si Josef dahil ang bigat na ng stress na dinaranas niya sa mga sandaling iyon. "Ara, gaano katibay itong pinto?"
"Lord Ricardo, may sapat na tibay ang pinto upang hindi agad mabuksan kahit ng puwersa ng dalawampung tao."
Napariin ang pagkakapikit ni Josef at nagtaas siya ng isang hintuturo nang akmang may sasabihin pero hindi na lang itinuloy.
Nakakailang buntonghininga na siya at marahas na ibinaba ang kamay. Walang kahit isang salita ang lumabas sa bibig niya. Lumakad na naman siya paalis sa pasilyong iyon. At hayun na naman at nakasunod sa kanya ang mga Guardian niya.
"Ano ang maipag-uutos ninyo, Lord Ricardo?" tanong ni Xerez kahit wala namang sinasabi si Josef.
Hindi rin naman nagsalita ang lalaki. Dumiretso lang ito sa pinakamalapit na elevator sa kaliwang pasilyong nilikuan.
Masyadong malaki ang elevator. Kasya nga ang isang hospital bed kung tutuusin. Kaya nga nagkasya roon ang sampung Guardian na kanina pa nakasunod kay Josef.
"Badge," paghingi niya kay Xerez dahil talagang wala siyang dala para ma-scan.
"Milord," pag-abot ni Xerez ng badge niya.
Mabilis iyong in-scan ni Josef sa kaliwang haligi ng elevator kung nasaan ang scanner at pinindot ang button ng ground floor.
"Milord, may maitutulong ba kami?" tanong ulit ni Xerez sa paraang iniiwasan ang direktang pagtatanong sa Superior nila kung ano ang balak nitong gawin dahil bawal iyon sa kanilang etiketa.
Isa na namang buntonghininga mula kay Josef dahil sa mga sandaling iyon, wala talagang maitutulong ang mga Guardian. Dahil kung meron, sana noon pang nakaraang limang araw ay may nagawa na ang mga ito.
Ting!
Dali-dali ang paglakad ni Josef papalabas ng elevator pagkabukas na pagkabukas nito. Tinutumbok niya ang papalabas ng kastilyong iyon.
"Lord Ricardo, handa ang mga Guardian na tulungan ka," muling alok ni Xerez dahil talagang walang salita o utos na nagmumula rito.
"May sumubok na bang umakyat sa bintana?" tanong ni Josef sa wakas.
"Milord, masyadong delikado para akyatin ang bintana ng silid ni Lady Cassandra," sagot ni Xerez. "At ipinagbabawal sa mga Guardian ang sapilitang pagpasok sa silid ng kahit sinong Superior nang walang sapat na pahintulot na sakop ng Credo. Parurusahan ang sinumang lalabag sa amin."
"Ah! So, that's it. Kaya hindi n'yo magawa," inis niyang sinabi at nagdire-na diretso lang siya sa malawak na gravel pathway doon sa gilid ng malaking kastilyo ng mga Zach.
Kung tutuusin, tama rin si Xerez. Nasa ikapitong palapag ang kuwarto ni Cas, umaabot naman ng tatlumpung palapag ang kastilyo. Hindi isang tipikal na gusali lang ang kastilyong iyon. At masyadong komplikado ang disenyo para gamitan ng lubid mula sa tuktok. Hindi rin kakayanin ng hagdan. Kung sakali man, kailangan pang magpadala ng equipment at machinery para makaabot hanggang sa palapag na iyon. Hindi rin nila mapakikiusapan si Cas na tumalon mula sa bintana dahil ayaw nga nitong lumabas.
Pero masyadong maraming paraan ang mga Guardian para mapalabas si Cas.
Pare-pareho silang nakatingala mula sa ibaba, nakatanaw sa bintana ng kuwarto ng kailangan nilang daluhan.
"Milord, gagawa ng paraan ang mga Guardian para mapalabas si Lady Cassandra sa silid niya," paalala ni Xerez dahil mukhang may ideya na siya sa balak ng Fuhrer na gawin.
"Kung may magagawa, e di sana, noon pang unang araw, di ba?" sarcastic na sagot ni Josef sa Centurion. "Pinaabot n'yo pa ng limang araw."
Muli silang tumanaw sa itaas. Napakaraming maliliit na detalye ang malaking pader ng kastilyo ng mga Zach kaya hindi siya mahihirapang umakyat.
Hindi na rin niya kakailanganin ng lubid dahil may tamang lapad ang mga ukit ng pader at mga bintana para tapakan niya.
Gothic-inspired ang kastilyo at may mga rebulto ng leon sa bawat balkonahe ng bintana. Iyon nga lang, walang balkonahe ang kay Cas.
"Lord Ricardo, delikado ang iniisip ninyo," babala na agad ni Xerez.
Napabuga na lang si Josef ng hininga. Hindi pa nga siya nakakapag-almusal, mapapasabak na agad siya sa umagang exercise.
Humakbang siya nang tatlo paatras at nagsigilid ang mga Guardian niya.
Napaisahng iling na lang si Xerez at ikinumpas ang mga kamay. Limang Guardian na agad ang nagsialis na parang alam na alam na ng mga ito ang gagawin kahit walang binabanggit ang Centurion.
Tumatalon-talon nang mababa sa kinatatayuan si Josef at saka bumuwelo ng takbo pasalubong sa pader ng kastilyo. Agad siyang tumalon sa konkretong dingding at saka kumapit sa isang disenyong ulo ng leon na nasa ibaba lang ng balkonahe ng pangalawang palapag. Inugoy niya ang katawan kaliwa't kanan para sa buwelo paitaas at tinalon ang katabing bintana. Kinapitan niya agad ang pasimano niyon para hindi siya malaglag at saka niya tinalon ang panibagong leon na disenyo na nasa balkonahe ng ikatlong palapag na. Pinilit niyang itinaas ang sarili at saka sumampa sa railings ng balkonahe ng third floor. Lahat ng bintanang nadaanan ay mga nakasara. Malamang na iyon ang mga silid kung saan nakatabi ang lahat ng files na inipon mula pa noong maitatag ang Citadel at Criminel Credo. At hindi na iyon binubuksan pa.
Nakatalon na siya sa ikaanim na palapag nang makitang may ini-inflate nang malaking asul na safety air cushion para masalo siya kung sakaling malaglag siya roon. Tiningala niya ang itaas na bintana kung nasaan ang kuwarto ni Cas. Tumayo siya sa railings at sinukat kung gaano kataas ang pagitan niya at ng bintana ng kuwarto.
"Ang taas pala nito," bulong niya sa sarili. Kahit na in-stretch niya ang kamay sa itaas ay hindi pa rin niya naabot kahit man lang ang ibabang disenyong leon ng bintana. Naisip niyang kung sana lang ay balkonahe rin ang tatalunin niya. Matangkad siyang tao at hindi niya inaasahan na mataas ang mga floor sa kastilyo mula sa labas.
Nagtataka tuloy siya kung paano siya nabuhay noon kung tinatalon niya ang fifth floor ng Citadel para lang makatakas sa ensayo. Sanay naman siya sa matataas na lugar at bihira siayng malula. Pero talagang hindi pa rin niya lubos maisip ang mga ginagawa niya noong kabataan niya.
Nakasara ang bintana ni Cas nang tingalain niya ulit. Binubuksan lang din ito mula sa loob. Wala siyang magagawa kundi basagin ang bintana.
Hinubad niya ang suot na puting T-shirt at ipinulupot sa kanang kamay niya. Tinalon niya ang kinatatayuang railings at kumapit sa pasimano ng bintana gamit lang ang isang kamay. Ipinang-alalay niya ang kanang kamay at binuhat ang sarili pataas.
Isang malakas na suntok ang ginawa niya sa salaming bintana at nabasag niya iyon. Pinanatili niya ang kamay sa loob at pinihit agad ang seradura hanggang mabuksan iyon.
Ikinapit niya ang kamay sa handle at pinilit na isampa ang sarili sa bintana kahit na nararamdaman niyang makirot na sa bandang braso niya.
"Cas?" pagtawag niya nang makatapak sa loob.
Nakita niya roon si Cas, nakahiga at nakasandal sa kama, nakatulala lang.
"Cas, what happened?" Nilapitan niya agad ang biyenan. Malalaki na ang itim sa ilalim ng mga mata nito. Humpak na rin ang pisngi at nanunuyot ang mga maputlang labi.
Nilingon-lingon niya ang paligid. Ang laki ng buong kuwarto. Kasya na ang sampung pamilya sa loob. Kompleto sa gamit at furnitures, may malaking bookshelf pa sa dingding. Kapansin-pansin din ang mga painting ng iba't ibang pintor na alam niyang galing sa mga aristokratang pamilya.
Napansin niya agad ang malaking pintuan na tinambakan ng mga mamahaling upuan, mesa, mga vase, jars, at mga mamahalin at malalaking figurine.
Napasapo na lang ng noo si Josef dahil ang dami niyang tatanggalin sa pintuan. Inuna na muna niya iyon bago hanapin si Cas. Isa-isa niyang iginilid ang mga nakaharang para naman mabuksan kahit ang kalahati lang ng malaking pinto.
Pagkatapos igilid ang mga nakaharang at binuksan na niya iyon para makapasok na ang mga Guardian na nag-aabang sa labas.
"Lady Cassandra!"
Bago pa makadalo ang mga Guardian kay Cas ay siya na ang naunang lumapit dito.
"Cas, we'll take you to the hospital," sabi niya rito at isinilid ang mga braso sa may balikat at likuran ng tuhod nito.
"Lord Ricardo, kami na ang bahala-"
"Let me," mariin niyang sagot kay Ara nang putulin ito sa pagsasalita. "Dapat noong isang araw n'yo pa sinabi 'to! Ngayon lang kayo kikilos kung hindi pa ako kikilos!"
Nagsiyukuan tuloy ang mga Guardian dahil sa pagkakapahiya.
Ang Fuhrer na mismo ang gumawa ng dapat na sila ang gumagawa.
"Lord Ricardo!" pagtawag ni Xerez at sinalubong na siya nang makalabas sa silid ni Cas. "Ako na ang bahala kay Lady Cassandra."
Sapilitan nang kinuha ni Xerez si Cas sa mga bisig ni Josef at inilipat sa nakahandang stretcher na nakasunod na rito.
"Milord, kailangan din kayong gamutin," paalala ni Xerez.
Noon lang napahanap si Josef kung saan siya banda gagamutin at nakitang duguan ang braso niya gawa ng pagkahiwa sa bubog ng bintana.
***
May flight si Josef na kailangang habulin ng tanghali pero hindi na natuloy dahil sa nangyari. Naroon siya sa medical facility ni No. 99, kasalukuyang binebendahan ang braso dahil sa mga gasgas na gawa ng basag na salamin. Hindi naman daw malalim dahil naharangan pa rin ng T-shirt na ibinalot niya roon.
Nasa kabilang hospital bed lang si Cas at natutulog.
"What happened to her?" tanong niya sa doktor na umaasikaso sa kanya.
"Nagkaroon si Lady Cassandra ng nervous breakdown, milord. Bibigyan siya ng anti-depressant at sleeping pills. Wala siyang na-intake na pagkain at tubig sa limang araw kaya babawiin muna ng katawan niya ang mga nawalang sustansya. Dito muna siya mananatili hanggang maka-recover siya.
Tumango na lang si Josef habang tinitingnan si Cas sa hospital bed na wala pa rin sa sarili at tulala.
"Sino na ang magbabantay rito sa facility ni No. 99?" tanong na lang niya sa doktor. Natapos na rin ito sa paggamot sa kanya.
"Si Lady Cassandra dapat ang hahawak nito, pero sinalo ni Lady Catherine ang responsibilidad."
"Si Laby?" takang tanong niya.
"Yes, milord."
Napaangat ng mukha si Josef. Parang halos lahat ng suportang medikal ng Citadel, hawak na ni Laby.
"Lord Ricardo," pagtawag na naman sa may pintuan. Napatingin agad siya roon nang makita ang isang Guardian na bagong dating.
"Ano na naman?"
"Patay na po si Lord Joseph."
Tumiim ang bagang ni Josef at napahugot ng malalim na hininga.
"Oh God."
Napatakip na lang siya ng mukha at sa isang iglap, parang ibinagsak sa kanya ng langit ang lahat ng masasamang bagay sa mundo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top