39: The Regenerator

"Hi, Max!"

Nakarinig sila ng malakas na hagikhik ng bata at nakita na lang nila na hinahagis-hagis ni Brielle sa ere ang anak ni Armida.

Birthday kasi nito at nagtipon-tipon silang nakakaalam sa pagbubuntis noon ni Armida sa Grei Vale kung saan ito kasalukuyang nakatira.

Kasalukuyan silang nasa mansyon ni Erajin Hill-Miller at doon nagkaroon ng kaunting salo-salo.

Hindi naman sila typical na nag-ce-celebrate ng mga birthday nila, pero sabi nga ni Razele, para naman daw maging normal ang buhay ng bata. Si Razele din ang may pakana ng bawat birthday party ni Max mula pa noong nakaraang tatlong taon. Kung si Armida lang ang masusunod ay wala silang gagawin dahil hindi rin naman ito sanay sa mga birthday party para sa mga bata. Mabuti na lang dahil malaya na siyang makakuha ng mga maid na mag-aasikaso sa lahat ng paghahanda. Hindi siya nahirapan.

"Hindi pa rin ba tumatawag ang Fuhrer?" usisa ni Markus na may hawak na dalawang hotdog on stick sa isang kamay.

"Hayaan mo siya," sabi na lang ni Armida at uminom ng juice habang pinanonood si Brielle na ibato-bato sa hangin ang anak niyang tuwang-tuwa naman kahit delikado iyon.

"Jin, tatlong taon na. Hahayaan mo pa rin?" may inis nang tanong ni Mephist.

"Kapag naglimang taon na si Max at wala pa rin siya, saka na 'ko magkakaroon ng pakialam."

"Jin, maghihintay ka pa ng dalawang taon? Ayos ka lang?" reklamo ni Markus. "Iniwan ka niya. Sino lang ang pumupunta rito sa 'yo? Mga Guardian. Si Labyrinth. Yung asawa mo na dapat nandito, wala."

"Kahit pa sabihin mong Fuhrer si Josef, may responsibilidad pa rin siya sa 'yo," paliwanag ni Mephist. "Dapat nga, siya ang nandoon noong nanganak ka e."

"OO NGA!" malakas na segunda ni Razele sabay higop ng juice at iwas ng tingin sa kanila.

Inismiran lang siya ni Armida saka ito umiling.

"Puwede pa lang, pang-workout 'tong anak mo, Jin!" natatawang hinihingal na sinabi ni Brielle habang hawak si Max sa tagiliran na animo'y unan lang na tangay-tangay.

"Gabrielle, ano 'yan?! Babalian mo ba yung bata?" singhal agad ni Markus at kinuha na si Max para kargahin nang maayos. "Hi, Max—aray!" Napaatras siya nang bigla siya nitong sampalin gamit ang magkabilang kamay sabay hagikhik. Natawa na lang siya at pinanggigigilan ang pisngi ng bata. "Ang cute moooo! Ang sarap mong iuwi!"

Nagpamaywang naman si Brielle sa harap ni Armida at nagtaas ng kilay. "Alam mo, yung asawa mo, magandang lalaki sana kaso iresponsable talaga e. Imbis na unahin ka, inuna pa yung trabaho niya sa Citadel."

"Hayaan n'yo na lang siya."

"Jin, alam mo, kung di lang 'yon Fuhrer, pinatay ko na 'yon," sabi pa ni Brielle na halatang nanggigigil pa rin kay Josef.

"Ang importante naman, normal yung bata rito sa labas. Kaysa naman magaya 'yan kay Jin na ipinadala sa Isle, di ba?" katwiran ni Razele. Nang maglingunan silang lahat sa kanya ay humigop na naman siya ng juice at nag-iwas ng tingin.

Bigla tuloy nilang naalala iyon. Kaya nagdududa na ang tingin nila nang balikan si Armida.

"Don't tell me, kaya gusto mong hayaan namin si Shadow, e dahil pa rin sa guild," sabi ni Brielle sa kanya. "Pinili niya ang guild kaysa sa 'yo?"

"Pinili niya kami," sabi na lang ni Armida.

"Pinili kayo ng anak mo e nasaan siya ngayon?" Dinuro nito ang kung saang direksiyon. "Hayun! Nandoon sa impyerno niya!"

"Okay, I get it," sabi na lang ni Mephist at napatango-tango. "Ngayon ko lang din na-realize."

"What is it?" pang-uusisa ni Brielle. "Care to share, Arkin?"

"We'll see him again after two years then," sabi na lang ni Mephist kay Armida, binalewala ang sinasabi ni Brielle.

"Yes," sagot na lang ni Armida at tumango-tango. Sinulyapan niya ang anak na hinaharot ni Markus sa mga sandaling iyon. "Two years more."


****


Tatlong taon na ang nakalilipas. Labas-masok ng Citadel si Laby para lang pag-aralan ulit ang bio-composition ng Project RYJO. Sinubukang niyang ulitin ang proseso nang hindi gumagamit ng buhay na bata habang patuloy na nag-aaral.

Ang dami niyang sinubukan at sa wakas ay may isang nagtagumpay.

Isang tanghali sa buwan ng Setyembre, dumaan si Laby sa opisina ng Fuhrer, at gaya ng palagi niyang naaabutan, abala pa rin ito sa pagabbasa ng napakaraming dokumento.

"Hindi ka ba nagsasawa sa tinatrabaho mo?" bungad na tanong ni Laby at naghatak ng victorian chair na nakapuwesto sa dingding malapit sa pinto ng opisinang iyon. Ipinuwesto niya iyon sa harapan ng mesa ni Josef at saka siya umupo roon.

Bahagyang ibinaba ni Josef ang salamin at sinulyapan si Laby na nakangisi sa harapan niya. "Himala, marunong ka palang magsuot ng smart casual?" ani Josef na nagpatuloy sa pagbabasa.

Napangiti na lang si Laby nang mapansin ni Josef ang ayos niya. Nakasuot kasi siya ng puting button down na nakabukas ang dalawang butones sa itaas at nakatupid ang mga manggas hanggang siko na ipinares sa pulang pencil skirt. Nakalugay rin ang wavy niyang blonde na buhok at angat na angat ang pula niyang lipstick sa kabuuang makeup.

Tinitigan muna ni Laby si Josef. Tatlong taon din ang lumipas pero parang wala itong pinagbago. Maliban sa hindi na ito nag-aabalang mag-ayos ng buhok na pinananatili nitong hanggang ibabaw ng tainga ang haba, hindi naman iyon nakasira sa kabuuang ayos nito.

"Birthday ngayon ni Max a," paalala ni Laby. "Kaya ba maganda ang mood mo?"

"Dalawang taon na lang naman. And besides, wala rin naman akong magagawa kahit pa birthday ng anak ko. Wala namang nakakarating sa 'king bad news about them, so I guess, they're in good place."

"Oooh . . ." Napanguso si Laby at napatango-tango na lang. "May balita pala sa facility ko."

"What about it?" tanong ni Josef na wala talagang balak iwanan ang ginagawa niyang pagbabasa. "Kay Li Xiao Ran 'to, bakit napunta sa opisina ko?" reklamo niya at pabagsak na ibinato sa dulo ng mga folder ang papel na hawak saka kumuha na naman siya ng panibagong folder. "Pakisabi nga sa lalaking 'yon, 'wag niyang pinapasa ang trabaho niya sa kung sino-sinong Superior."

Sinilip lang ni Laby ang mga folder sa mesa at tinawanan nang mahina si Josef. "Si Ran pa talaga ang pagsasabihan ko?" nakangisi niyang tanong at humilig sa kaliwa pasandal sa kaliwang arm rest ng inuupuan. "Naririnig ko pala yung mga chambermaid sa labas, pinag-uusapan ka."

"Is it about me being workaholic?" tanong ni Josef at sinimulan nang pirmahan isa-isa sa bawat pahina ang kontratang katatapos lang basahin.

"Nope. Dumadalas ka na raw kasing kumain sa dining hall."

"Big deal ba?"

Lalong lumapad ang ngisi ni Laby. "Para ka kasing yung Beast sa Beauty and the Beast. Si Xerez lang ang kinakausap mo maliban sa 'ming mga Superior. Natatakot daw sila sa Fuhrer base sa mga kuwento rito."

"I'm not my grandfather," sagot na lang doon ni Josef at inilapag ang dokumentong kapipirma lang sa gilid at dumampot na naman ng isang folder.

"Kaya nga nagulat sila kasi nginitian mo raw sila kanina," natatawang sinabi ni Laby.

"'Yon lang ba ang ipinunta mo? Para kuwentuhan ako ng mga tsismis sa labas?"

"Sinita ko yung isa kanina, baka raw naghahanap ka ng katabi sa gabi. Available sila."

Doon lang napahinto si Josef sa ginagawa at nagulat sa sinabi ni Laby. Hindi naman siya mukhang nainsulto, pero talagang hindi niya inaasahan iyon.

"Uhm-hm?" nangingiting tugon ni Josef at napailing na lang bago binalikan ang binabasa.

"Ingat ka, baka mamaya, may sumasalisi na sa 'yo sa loob ng kuwarto mo. May mga susi pa naman sila sa mga kuwarto rito."

Lalong natawa nang mahina si Josef at sinulyapan na naman si Laby. "Parang narinig ko na sa 'yo 'yang plano na 'yan."

"Oy, di ko pa naman tinatangka a!" kontra agad ni Laby.

"Laby, you're just attracted to me because I have this unusual thing na sinasabi ni Armida na excessive sexual pheromones," kaswal na sinabi ni Josef habang napapailing. "Your body is lying about your feelings towards me. Same sa mga chambermaid na pinagtsi-tsismisan ako. Talk to Ran, he really likes you. Annoyingly true for him."

Lalong lumapad ang ngisi ng dalaga dahil kahit alam ni Josef na gusto niya ito ay wala pa rin itong binibigay na distansya sa kanya.

"Anyway, payag ka makipag-one-night stand sa 'kin kapalit ng regenerator ng asawa mo?"

Naibagsak ni Josef ang binabasa at gulat na tiningnan si Laby na may nakakalokong ngisi. Nasorpresa siya sa sinabi nito.

"Hahaha! Oh my god!" Napahagalpak ng tawa si Laby nang makita ang ang mukha ni Josef na umaliwalas na naman. "You look like you're gonna say yes!"

Natawa na lang din sa sarili si Josef at napailing. "I almost said 'Sure.'" At binalikan na niya ang binabasa.

Kung nagulat siya sa sinabi ni Laby kanina, ay ito naman ang nagulat at natahimik sa sagot niya. Napaawang lang ang bibig nito na parang may nalamang hindi kapani-paniwala.

"Hahaha! I'm just kidding!" Natawa ulit si Laby at tumayo na. "Pero interested ako sa idea."

"Kausapin mo si Armida. Itanong mo kung papayag siya," nakangiti na lang ding sinabi ni Josef habang nagbabasa.

"But really, I want you to come with me," seryoso na niyang sinabi kahit nakangiti.

Sinulyapan na naman siya ni Josef at tumango pero hindi naman pagpayag kundi oo na lang sa sinabi niya.

"But not in my room. Sa facility."

Ibinaba na naman ni Josef ang hawak at tinantiya ng tingin si Laby kung seryoso na ba talaga.

"I'm here to tell you na may naka-ready nang living regenerator para sa asawa mo. If you want to see the kid, you better see it yourself."

"Kid? What do you mean by kid?"

---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top