37: Degree of Sacrifice
A/N: Tatlong chapter dapat 'to pero tinamad na ako mag-post ng marami. Ang kalat kasi sa notif hahaha pagsama-samahin ko na lang XD (Originally, ito na yung ending sa original version, pero siyempre, may dalawang chapter pa tapos epilogue LOL) Revised pa moooore hahaha
Pero agree kayo, mas okay itong bagong version? Ako, mas gusto ko 'to, napapaiyak ko si Josef e hahaha geh, basa.
-----
Noong bata pa si Josef, tinatanong niya ang lahat kung bakit sila iniwan ng ama niya. Na laging sinasagot ng mga nasa paligid niya na pinili sila ni Joseph Zach. At iyon ang pinakamalaking katanungan sa sarili niya noon pa man. Na kung sila pala ang pinili, bakit bigla sila nitong iniwan. Hindi lang niya inaasahan ang pagdating ng sandaling ibibigay na pala ng pagkakataon ang sagot sa kanya sa pinakamasakit na paraan.
Walang oras ang Citadel para sa kalungkutan kaya sinamantala ni Josef ang biyahe para umiyak nang umiyak sa loob ng eroplano.
Hindi niya matanggap na kung kailan kailangan siya ni Armida, saka niya kailangang mawala.
Paulit-ulit. Parang sirang pelikula na paulit-ulit na umiikot sa isipan niya ang huling imahen ng asawa niya nang magpaalam siya sa lugar na iyon.
Diretso ang tingin nito—tingin na parang tanggap na nito noon pa man ang magiging kapalaran nila. Na bago pa siya makapili, nauna na itong magdesisyon sa kanilang dalawa.
Kada bagsak ng luha niya ay mabilis naman iyong napapalitan. Pagtulo ng isa, may kasunod na papatak na naman. Gusto niyang magreklamo, gusto rin niyang lumaban. At kung siya ang papipiliin, hinding-hindi niya ito iiwanan.
Pero tapos na dahil pinal na ang naging desisyon. Na kahit gusto niyang magreklamo, wala nang saysay pa ang paghahayag niya ng opinyon. Ni hindi siya makapag-utos kung paano ito ibabalik. Dahil may dahilan para gawin iyon, pero hindi niya alam kung makakaya niyang tanggapin ang magiging kapalit.
Mugtong-mugto ang mata niya nang makabalik sa Citadel. Sinabi niya kay Xerez na bigyan siya ng isang araw para makapagpahinga. Kahit isang araw lang na pahinga dahil napapagod na siya.
Iyong klase ng pagod na mahirap mapawi. Na kahit ilang oras pa ang itulog niya ay hindi iyon mawawala. Isang araw lang na pahinga sa mundo bago siya bumalik sa landas na pinili niya.
Kinabukasan, alas-otso nang umaga, balisa siyang kumain ng almusal. Kahit anong lingon niya sa mahabang mesa ay wala siyang masilayang ibang tao maliban sa kanya. Ni hindi rin niya naubos ang kinakain dahil nawalan siya ng gana. Pagkalipas ng isang oras, bumalik na lang siya sa opisina para magtrabaho. Iyon naman ang gusto ng Citadel at ng Order. Ang gawin niya ang trabaho na matagal na niyang inasam noong kabataan niya—ang maging Fuhrer.
Biglang nanumbalik sa isipan niya ang kasunduan nila ni Cas.
"Ilalabas ko sa islang iyon ang prinsesa pero, sa dalawang kondisyon . . . Luluhod sa harapan ko si No. 99 para magmakaawang ilabas ko sa islang iyon ang nag-iisa niyang anak at kapag natapos ko ang misyon na ito akin na ang posisyon ng Fuhrer."
Gusto niyang magsisi sa lahat ng hiniling niya noon. Gusto niyang sisihin ang lahat ng dahilan kung bakit sila umabot sa ganoong punto.
Ang dating Fuhrer, ang lolo niya. Ang taong walang ibang ginawa kundi pahirapan sila.
Ang ama at ina niyang biktima lang din ng sistema nila.
Sina Cassandra na walang ibang pagpipilian kundi ang sumunod na lang.
Kahit may hawak siyang mga dokumento ay hindi niya iyon nababasa nang maayos dahil lumulutang ang utak niya. Binitiwan na rin niya iyon kalaunan at humugot na naman ng malalim na hininga saka iyon marahang ibinuga.
"Lord Ricardo," pagtawag ni Xerez mula sa pintuan. "Ipinatatawag kayo ni Lady Cassandra sa hardin."
Parang litong-lito siya sa gagawin. Umiling at tumango lang siya na parang hindi alam kung oo o hindi ba ang sagot kay Xerez. Ilang saglit pa at tumayo na lang siya at tumungo na sa may pintuan para lumabas.
Maganda ang araw na iyon para sa lahat, pero hindi kay Josef. Nakita ni Cas sa may gazeebo at umiinom ng tsaa. Nakaupo lang ito roon at mukhang maaga pang nagpapahangin.
"Cas," bungad niya rito at tumayo sa gilid ng pabilog na puting mesa.
Maaliwalas ang mukha ni Cas kahit walang kahit anong makeup, nakalugay ang maalon nitong buhok na hanggang dibdib ang haba at angat na angat sa sinag ng pang-umagang araw ang natural na kulay nitong tsokolate. Isang puting blouse na mahaba ang manggas at may kaluwagan saka pink skirt ang suot nito. Mukhang hindi ito magtatrabaho sa araw na iyon kaya ganoon ang suot.
"Maupo ka," alok nito na sinunod naman niya. Tinitigan nito ang mukha niya.
Pansin nito ang malalaking itim sa ilalim ng mata niya, namumugto rin iyon at mapula gawa ng pinaghalong puyat at pag-iyak. Angat na angat na bumagsak ang mukha niya gawa ng lahat ng nangyari mula pa noong nakaraang buwan.
"Know what, no'ng tinanggap ni Yusaf ang kapalaran ninyo ng mama mo, ganyan din siya ka-depressed no'n."
Napatanaw sa malawak na hardin si Cas. Umihip ang malamig na hangin na nagpasayaw sa ilang mga white lilies at white roses na nakatanim doon.
Nagpatuloy ito. "Tinatanong niya 'ko nang paulit-ulit kung tama ba ang ginawa niyang iwan kayo para lang tigilan kayo ng Citadel."
"Sana ipinaliwanag niya nang mabuti noon," malungkot na sagot ni Josef habang nakatulala sa nakapapayapang tanawin ng hardin. "Sana noon ko pa naisip na wala pala siyang pagpipilian."
"Bago pa niya makilala si Anjanette, sinabi ko na sa kanya na palalakihin ko ang anak niya. At hindi ko rin naman pinagsisihang pinalaki kita rito sa Citadel," kuwento ni Cas. "Pero pinagsisihan ko ang pagpiling ginawa ko kay Evari. Gusto ko lang siyang lumaking kasama ako rito sa Citadel, pero hindi pala 'yon gano'n kadali."
Bumabalik na naman ang kalungkutan kay Josef.
"No'ng una kang nakita ng Daddy mo, iyak siya nang iyak kasi hindi ka niya mayakap. Nakaharap kasi ang Fuhrer nang dumating ka rito kasama ang naunang Xerez."
Napaluha na naman si Josef at napatakip na lang ng mariin sa mata para pigilan ang mga luha niya.
"Reklamo siya nang reklamo kay Yoo-Ji, ginagawa niyang punching bag. Iniisip niyang lolo mo 'yon. Sinasabi niyang ang lapit-lapit mo lang pero di ka niya mahawakan."
Sinubukang pigilan ni Josef ang pag-iyak at dinaan na lang sa malalalim na paghinga ang lahat. Baka lang sakaling mabawasan ang bigat sa loob niya sa bawat pagbuga.
"Doon sa mga panahong binabalewala ka niya, 'yon din ang mga panahong nasasaktan siya nang sobra. Iniisip niyang napakawalang kuwenta niya para iwan kayong mag-ina niya."
Akala niya ay tuyo na ang mata niya kaiiyak pero parang lalo lang iyong lumalala habang tumatagal.
"Hindi niya alam kung paano ka niya haharapin. Lalo na no'ng sinabi mo noon na pangarap mong maging kagaya niya. Naalala kong sinigawan ka niya nang sabihin mo 'yon kaya iyak ka nang iyak sa 'kin no'ng magsumbong ka." Napangiti nang matipid si Cas nang maalala iyon. "Hindi niya sinasadyang sigawan ka, pero ayaw niya talaga sa sinabi mo."
Napatango si Josef dahil ngayong malaki na siya, ngayon lang niya naunawaan na kung siya ang nasa posisyon ng ama niya, malamang na ganoon din ang gagawin niya—at baka mas malala pa kaysa sigaw.
"Naalala mo bang madalas kang magtampo sa kanya kapag may training tayo tapos hindi ka niya pinapansin?" tanong ni Cas na hindi naman umaasa ng sagot mula sa kanya. "Sabi niya, ang bilis mo raw matuto. Manang-mana ka sa kanya."
Tumayo na si Cas at tinapik sa balikat si Josef. Saglit niyang itinuro ang daan para sumunod ang lalaki.
Panay naman ang punas ng basang mukha si Josef at pilit nilalabanan ang pag-iyak.
"Alam kong hindi naging maganda ang trato sa 'yo ng Citadel dahil sa utos ng Fuhrer," paliwanag ni Cas habang nilalakad nila ang kahabaan ng daan sa dulo ng hardin. "Wala namang sumisisi sa iyo kung bakit malaki ang galit mo sa lugar na ito."
Lumiko sila sa isang daan sa kanan at tinutumbok niyon ang isang nakabukod na work shop na minsan lang nilang nadaanan noong inilibot sila ni No. 99. May kalakihan din iyon, parang nakahiwalay na cottage na gawa sa malalaking kahoy ang haligi na pinatibay na lang ng semento sa pundasyon.
"Sinubukan kang patatagin ni Lord Adolf para maiwasan mo ang nangyari sa ama mo. Dahil pagmamahal ang naging kahinaan niya kung bakit hindi siya naging karapat-dapat para sa trono."
Pumasok sila sa work shop at bumungad kay Josef ang isang opisina sa loob na halatang luma na ang mga gamit, di gaya sa opisina niya sa kastilyo. Nakalagay sa mesa ang title plate na may nakalagay na Maximilian I Joseph, Elector of Seaxan. Nakalagay rin sa gilid ng mesa nakatayo ang isang larawan na nasa wooden frame.
Kinuha niya iyon at dahan-dahang tiningnan. Isang magandang kuha sa beach, naroon ang mama niya at nakaputing dress, habang nakasuot naman ng simpleng puting long-sleeved shirt ang papa niya at itim na pantalon.
"That was taken 30 years ago," kuwento ni Cas. "Kasal nila." Mapait na napangiti si Cas dahil sa naalala. "That time, I really thought your father still hold his promise to marry me."
Doon nailipat ni Josef ang tingin kay Cas. Nagtataka na ang tingin niya rito. "You didn't know about this . . . wedding?"
"Huli na nang malaman ko. I was with No. 99, cursing my own Guardian for not telling me na yung lalaking pakakasalan dapat ako, ikinakasal na pala sa iba."
Parang umurong ang lahat ng luha ni Josef dahil sa kuwento ni Cas. Bumalik sa kanya ang kuryosidad kung paano umabot sa ganoon ang relasyon ng ama niya at ni Cassandra Zordick.
"We really thought the Fuhrer hated Anjanette Malavega because she's a commoner," patuloy ni Cas at naglakad-lakad sa buong opisina. "Pero no'ng nagpakasal ulit siya kay Leonard Thompson, doon lang namin nalaman na galit ang Fuhrer sa mama mo dahil isa siyang Malavega."
"Bakit?" takang tanong ni Josef. "May problema ba siya sa mama ko?"
Umiling si Cas habang gusot ang magkabilang dulo ng labi. "We never know the reason behind that."
Ibinaba na ni Josef ang larawan at hinarap si Cas na nasa likuran niya at nagtitingin-tingin. Ngunit imbis na dito maituon ang tingin kay Nakita niya ang dingding na puno ng mga balita galing sa iba't ibang lumang diyaryo.
Halos umawang ang bibig niya nang makitang halos lahat ng iyon ay balita tungkol kay Shadow. Parang may kung anong kumuha sa kaluluwa niya at ibinalik din agad tangan ang mabibilis na tibok ng puso sa dibdib niya.
Muli na namang nangilid ang mga luha niya na nagbabadya na namang tumulo habang nakatingin sa mga iyon.
"This work shop is his treasure box. Everything inside here . . . everything, wala mang saysay para sa iba kung tutuusin, pero lahat ng nandito . . . itong lahat ang kayamanan niya. No jewelries, no land titles, no expensive things. Just the memories of you and Anjanette."
"A-alam ba 'to ng . . . ng dating Fuhrer?" naiilang niyang tanong.
"Ang totoo, lolo mo ang nagpagawa nito. Nakita niya kasi si Yusaf na umiiyak sa garden kaya pinagawa niya 'to. Dalawang araw nga lang ang ibinigay niyang palugit sa mga gumawa nito at nagbantang mamamatay ang lahat ng trabahador kapag hindi natapos sa itinakda niyang oras. Kung iiyak daw kasi ang Daddy mo, umiyak 'to sa walang makakakita." Natawa nang mahina si Cas. "Laging sinasabi ng dating Xerez noon na hindi lang namin naiintindihan ang lolo mo kaya kami nagagalit sa kanya."
"Si Xerez lang naman ang may kayang intindihin ang Fuhrer," katwiran ni Josef.
Napatango tuloy si Cas. "Siguro nga." Tiningnan na niya si Josef nang may ngiti. "Hindi ako naging ina kay Armida, at hindi naging ama sa 'yo si Joseph, at baka ngayon lang kami sinisingil ng mga kasalanan namin noon sa pamamagitan ninyo . . ." Tumanaw sa labas ng pinakamalapit na bintana si Cas at nakitang lalong gumaganda ang araw habang umaandar ang oras. "Pero alam kong malalampasan n'yo rin 'to." Nakangiti na siya nang balikan si Josef. "Limang taon mong titiisin ang mawalay sa anak ko at sa magiging anak ninyo. Pero huwag kang mag-alala dahil babantayan namin siya. Sa ganitong paraan lang ako makakabawi sa lahat ng pagkukulang ko sa kanya."
"May paraan ba para makita ko sila?" malungkot na tanong ni Josef.
"May kasunduan ang Citadel at si Evari. Kapag nilabag mo 'yon, mababalewala ang lahat ng sakripisyo niya. Tiisin mo muna sa ngayon, masasanay ka rin."
*****
"Mukhang okay ka rito a," bati ni Razele kay Armida nang mapansin nitong maaliwalas ang mukha ng babaeng kaharap.
Nasa visitor's lounge sila ng Wellington. Para iyong malaking cafeteria kung saan tumatanggap ng dalaw ang mga pasyente. At kasalukuyang naghatid ng pagkain si Razele kay Armida para sa tanghalian nito.
Bigla tuloy naalala ni Razele ang huling pakiusap sa kanya ng Fuhrer noong huling dalaw nito, walong buwan na ang nakalilipas.
"Hindi ko ugaling maningil ng utang na loob pero bantayan mo sana si Armida habang nandito siya. Hindi ko alam kung kailan ako makakabalik. Hindi ko rin alam kung kailan mo ako makakausap tungkol sa kanya. Kaya sana, habang wala ako, ikaw muna ang mag-alaga sa kanya."
Wala pa ring sagot kay Armida. Binuksan na lang niya ang mga baunang dala ni Razele at inisa-isa ang laman niyon.
"Vegetable salad, chicken curry, saka beef marinara. Gaya ng request mo. Asawa ko ang nagluto niyan, off kasi ng maid na nagluluto para sa 'yo," kuwento ni Razele habang nakatingin sa tatlong baunan sa mesa. "Nagdududa na nga 'yon sa mga pinaluluto ko araw-araw. Tinatanong na niya kung bakit ngayon lang ako nagre-request ng specific na baon sa trabaho. Akala nga niya, nagdadala ako ng pagkain sa ibang babae. Talo ko pa raw ang buntis."
Napahinto si Armida at napasulyap sa kanya. Naghuhumiyaw ang tingin nito ng katanungan kung seryoso ba siya sa sinabi niya at baka lang gusto niyang bawiin. Bigla tuloy siyang napaisip doon sa sinabi niya. Kung tutuusin, nagdadala naman talaga ng pagkain sa ibang babaeng buntis. Iyon nga lang, hindi naman iyon gaya ng hinala nito.
"Anyway, di mo ba tatanungin kung bakit di ka dinadalaw rito ng asawa mo?" usisa ni Razele para maiba ang usapan.
"Huwag mong hanapin ang wala," simpleng sagot ni Armida na parang masama pa ang loob.
"Galit ka ba sa kanya?" Nangalumbaba si Razele at pinanonood si Erajin na kumain. "Iniwan ka niya rito. Hindi siya tumatawag. Hindi siya nagpapakita."
"Hindi niya kailangang magpakita."
Napangiwi si Razele dahil sa tono ni Armida. "Mas malamig ka pa sa air-con dito, Jin." Pero napangiti siya habang pinanonood itong maganang kumain. "Hindi ka naman ginugutom dito, di ba? Sabi ni Rayson, balance naman yung pagkain mo."
Hindi na naman ito sumagot. Nagpatuloy lang sa pagkain. Napangiwi na naman si Razele dahil wala siyang nakukuhang matinong sagot kay Armida kahit anong kausap ang gawin niya rito. Parang nandoon lang siya para magdala ng pagkain at hintayin ang mga lunch box na maiuwi.
Kung hindi lang iyon lunch box ng asawa niya na kailangang maibalik sa bahay dahil ang alam nito ay baon lang niya iyon, malamang na kanina pa siya umalis.
"Ang sabi pala ni Rayson, kabuwanan mo na ngayon. Ang inaasahan nila, last week ka manganganak," paningit niya sa usapan. "Akala ko, menstruation lang ang nade-delay, pati pala panganganak. Weird."
"Tapos na 'kong kumain," sabi ni Armida at tumayo na. "Salamat."
"Hala, saglit, Jin! Walang nguyaan? Grabe ka naman!"
Napatayo na rin si Razele at akmang hahabol. Pero nagkalito-lito na siya kung hahabulin ba si Armida o uunahing ligpitin ang pinagkainan nitong iniwan na lang basta.
"Jin, wait! Hintay—JIN!" Napasigaw na lang siya at lumapit dito nang makitang basa na ang suot nitong berdeng hospital gown. "NURSE! TULONG! MANGANGANAK NA YUNG KAIBIGAN KO! HEEEELP!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top