36: The Last Promise

Naging mahaba ang isang buong linggo para kay Josef. Sa sobrang pagkaabala niya sa trabaho bilang Fuhrer, pati ang breakdown niya, kailangan pang i-reschedule sa ibang araw dahil walang panahon para magmukmok siya.

May natitira pang sampung araw para ayusin ang problema ng HQ at inilaan niya ang pitong araw para kausapin ang kasalukuyang representative ng Meurtrier Assemblage sa Citadel para ipaalam na bibilhin niya ang malaking share ng HQ pero hindi ipapangalan sa Order ang procurement kundi kay Richard Zach. Ang daming kailangang asikasuhin, at halos buong araw siyang nakakulong sa opisina para pagsabayin ang mga trabahong naiwan ni Armida at trabaho niya bilang Fuhrer.

Tatlong araw na lang ang nalalabi at matatapos na ang 30-day period bago tuluyang mapaso ang kontrata ng HQ. Sa kabuting-palad, sa ikatlong araw natanggap ng opisina ng Fuhrer ang pirmadong kasunduan na nabili na ni Richard Zach ang malaking shares ng HQ, at nabayaran na rin ang 80 percent ng utang ng kompanya sa pamamagitan ng surety bond na nakapangalan pa rin sa pagitan ng MA at ni Richard Zach.

Isang linggo makalipas ang lahat ng nangyari sa Casa Amarrillo, bumalik si Josef sa HQ para kausapin ang kasalukuyang humahawak sa buong kompanya.

"Marami akong gustong malaman pero wala ako sa posisyon para magtanong sa Fuhrer," katwiran agad ni Razele habang komportable silang nakaupo ni Josef sa lobby ng HQ. "Nagpapasalamat ako dahil iniligtas mo na naman sa pangalawang pagkakataon ang HQ. Kahit na alam kong wala ka namang dahilan para iligtas ang kompanya maliban kay Erajin."

Hindi gaya noong pagkatapos lang ng Annual Elimination sa Criasa Marine kung saan wanted at preso ng buong lugar si Josef bilang Shadow, sa mga sandaling iyon, hindi na siya ang magnanakaw na itinuring na premyo ng Assemblage. Siya na ang puno nilang lahat.

"Kumusta si Armida?" tanong ni Josef nang mabanggit ang asawa niya.

Nagtaas ng magkabilang kilay si Razele at napatingin sa ibaba saka ipinagpag ang mga kamay sa armrest ng inuupuang single couch. "Ang totoo . . . nandoon siya ngayon sa Wellington."

Nagtaas ng mukha si Josef na may pagtatanong sa mukha. Mabilis na nabasa ni Razele ang reaksiyon niya kaya nagdagdag ito ng salita.

"Mental institution 'yon. Si Jin ang nagpumilit na manatili roon at di na 'ko nagreklamo."

"Mental institution?" takang tanong ni Josef na napangiwi sa balita ni Razele sa kanya. Akma siyang may idadagdag pa pero hindi naisatinig.

"Ayaw niya sa regular hospital. Ang alam ko, kilala niya ang president ng Wellington kaya doon niya piniling magpa-admit."

Punong-puno ng hindi pagkapaniwala ang mukha ni Josef dahil sa narinig.

Nasa isang psychological ward ang asawa niya . . . at hindi niya alam ang tungkol doon maliban sa mga sandaling iyon.

"Friday naman ngayon, puwede siyang bisitahin," alok ni Razele sa kanya.

"I really need to see her," sabi na lang ni Josef at napailing sa nangyayari.



***



Dalawang oras ang biyahe mula HQ hanggang Wellington Institution for Mental Health na pinangangasiwaan ni Kevin Mark. Napansin ni Josef na maganda sa lugar, maaliwalas. Pagpasok nila sa mataas na bakod na gawa sa granite, umikot ang sasakyan nila papasok tungo sa pinakamalapit na parking lot sa entrance.

"This is nicer than I thought," sabi ni Josef nang matanaw ang malawak na hardin sa di-kalayuan. Maraming bulaklak doon at naroon ang ibang mga pasyente.

Nilakad nila ni Razele ang ang isang sementadong daan papasok sa mismong ospital. Nakalingon lang siya sa mga pasyenteng naroon sa malawak na hardin na kung titingnan ay mukhang mga wala namang problema. Mukhang malulusog, ngumingiti, may iba pa ngang nagdo-drawing at sumasayaw o di kaya ay kumakanta na maayos din naman.

"Good afternoon, Chief!" saludo agad ng lalaking guwardiya pagtapak nila sa entrance ng ospital.

"Good afternoon, Gerry," bati rin ni Razele at dumiretso sila sa front desk na katapat lang mismo, may ilang metro lang ang layo sa entrance.

"Hi, Sir Razele! Dadalawin n'yo ulit si Miss Hill-Miller?" nakangiting bungad agad kay Razele ng attendant na nasa front desk.

"Yes," nakangiti ring sagot ni Razele at nakisuyo. "And pakisabi kay Rayson, may kakausap sa pasyente niya."

"Sure, sir, one moment."

May tinawagan ang attendant kaya naman binalikan na ni Razele si Josef na naglilibot ang tingin sa buong lobby.

"Malamig dito, umiikot kasi ang hangin sa high ceiling saka sa bintana, tapos bukas pa ang ventilation system," pagmamalaki ni Razele sa lugar.

Napatango naman si Josef habang nakatingala at nagtitingin-tingin. Naramdaman din naman niya na presko sa pakiramdam ang lamig sa loob. Hindi nakakapanginig pero hindi rin naman kulang. Eksakto lang para maginhawaan ang lahat.

"Razele," pagtawag ng isang lalaking doktor na papalapit sa kanila.

Tinantiya ito ng tingin ni Josef. Magandang lalaki, nakasalamin, nakasuot ng lab coat at may nakailalim na asul na long-sleeved blouse at cream-colored slacks. Maganda ang tindig, mukhang maginoo. Maamo ang bilugang mga mata, matangos ang ilong, at may magandang ngiti.

Huminto ito sa harapan ni Razele at tiningnan silang dalawa.

"Siya ba ang kakausap kay Erajin?" tanong pa nito kay Razele kahit si Josef ang tinutukoy.

Tumango naman si Razele habang nakangiti. "Siya yung asawa ni Jin."

"Oh!" Nakitaan ng pagkabigla ang mukha nito dahil sa narinig.

Napataas tuloy ng mukha si Josef para sabihing dapat alam na niya sa mga sandaling iyon kung bakit niya kailangang makausap ang pasyente nito.

Inilipat ng doktor ang atensiyon kay Josef at naglahad ng kamay. "Rayson Dee," pakilala nito. "Ako ang doktor na naka-assign kay Miss Erajin Hill-Miller."

Nakipagkamay na lang din si Josef na may seryosong titig sa masayang mga mata ni Rayson. "Richard Zach, asawa ni . . ." Humugot muna siya ng hininga bago sabihin ang pangalang alam nito. "Erajin."

"Oh . . . I thought, you're the Miller one. Second husband?"

Naningkit bigla ang mga mata ni Josef dahil sa tanong na iyon.

"Ray," pag-awat ni Razele dahil napansin din nito ang reaksiyon ni Josef na parang nainsulto sa tanong na iyon. "Uhm, questions . . ." Nandilat pa si Razele para paalalahanan ang doktor na maghinay-hinay sa tinatanong.

"But, Raz, ang protocol, kailangang related sa patient," paliwanag ni Rayson.

Marahas ang buga ng hangin ni Josef at halatang naiinis na. "My wife's name is not Erajin Hill-Miller. She's Armida Zordick, and I can show you all possible proof para patunayan kong legitimate ang marriage namin. Kaya bago pa ako mainis, dalhin mo na 'ko sa asawa ko."

Nagtaas pa ng mukha si Rayson na parang sinusukat siya ng tingin. "Tell me, are you abusing her?"

"Huh!" Napaawang na lang ng bibig si Josef gawa ng hindi pagkapaniwala. "What is it? Am I? Abusing who? My wife?"

"Ray," pag-awat na naman ni Razele na napakamot na lang ng ulo dahil mukhang mag-aaway pa yata ang dalawa. "Dalhin mo na lang kami kay Jin."

"She's my patient, Raz," katwiran pa ng doktor.

"And she's my wife!" katwiran din ni Josef.

"Shad—Josef, easy," pag-awat na lang ni Razele kay Josef dahil ito ang umiinit na ang ulo. Binalingan na lang niya si Rayson para ipaliwanag ang pakay nila. "Ray, we really need to see her. It's urgent. Please."

Napailing na lang ang doktor at sumuko na rin. "Hindi ko palalabasin ang pasyente. She'll stay inside her room. Doon n'yo siya kausapin." At saka na ito tumalikod para mauna.

Inis na tinabig ni Josef ang kamay ni Razele na nakahawak sa balikat niya dahil sa inis. Mabilis niyang hinabol si Rayson na nauna na patungo sa kuwarto ni Armida sa lugar na iyon.



***



Parang walang katapusan ang mga pasilyong nilalakad nila. Mabibigat ang yabag ng sapatos, lumulukob ang ingay sa paligid. Tahimik at mga tunog ng sapatos lang nila ang maingay. Puti ang tiles na sahig, puti ang pintura sa dingding, puti ang mga pintura ng bawat pinto.

Hindi iyon gaya ng inaasahan ni Josef na luma o abandonado. Mukha lang normal na ospital ang paligid. Wala halos pasyente sa pasilyong iyon sa fifth floor. Iniiwasan din ng management na maglagay roon ng pasyente maliban sa ibang kasong kaya nilang i-handle. Natatakot na baka may tumalon sa bintana kay hanggang third floor lang ang karamihan sa may malalalang kaso.

"Nandito na tayo," sabi ni Rayson at itinuro niya ang pinto na may nakalagay na tag na VIP. May kinuha iyong plastic box at itinapat kay Josef. "Pakiiwan ng relo, phone, wallet, hikaw, bracelet, o kahit anong matulis na bagay sa bulsa."

Nagbuntonghininga na naman dahil sa inis si Josef at nakasimangot na hinubad ang relo, iniwan din ang phone at wallet. Wala namang ibang laman ang bulsa niya maliban doon at panyo.

Nang matapos iyon ay binuksan na rin ng doktor ang pinto.

"Ten minutes lang ang alloted time para sa pagdalaw rito. Babalikan ko kayo after ten minutes," paalala ni Rayson at iniwan na rin si Josef sa loob.

Pagkasarang-pagkasara ng pintuan, unang hinanap ng mata ni Josef ang asawa niya sa loob ng puting kuwartong iyon na may malambot na sahig, dingding, at kisame. Walang ibang labasan doon kundi ang nag-iisang pintuang pinasukan. Walang bintana, at ang ventilation ay ang maliliit na siwang sa apat na sulok na masyadong maliit para magkasya kahit ang maliit na bata man.

"Armida?" pagtawag ni Josef nang makita ang asawa niyang nakasuot ng puting T-shirt at puting pajama, nakaupo sa dulong sulok at nakatingin sa kanya.

Alanganin siyang ngumiti rito. Wala kasing kaemo-emosyon ang tingin nito sa kanya. Para bang nakatingin lang ito sa pader at hindi siya nakikita.

"Armida, uhm . . ." Sa dami ng gusto niyang sabihin, parang lahat ng iyon, lumipad na sa ere at iniwan siya. Wala na tuloy siyang ibang nagawa kundi ang ngumiti na lang nang sobrang pilit—naghahalo ang lungkot at saya sa mga labi at titig. "Kumusta?"

Imbis na sumagot, nag-iwas lang ito ng tingin at tumulala na naman sa dulong sulok na katapat nito habang nakadantay ang ulo sa malambot na pader na binalutan ng puting foam.

Parang sinaksak ang dibdib ni Josef dahil sa tugon na iyon—kung tugon ba ang tawag doon.

Hindi niya alam kung galit ba ito o hindi siya natatandaan.

Gusto niyang malaman kung bakit ito umaakto ng ganoon. Noong nakaraang linggo pa niya gustong malaman ang sagot.

Ni hindi siya makalapit dito, nanatili lang siya roon sa may pintuan.

"A-alam mo na bang magkakaanak na tayo?" naiilang niyang tanong. "Alam din pala ni Cas . . . s-saka ni Laby . . ."

Wala na namang imik.

Binalot siya ng kakaibang lungkot na natatakot siyang maramdaman. Pakiramdam niya, unti-unti nang nawawala sa kanya ang asawa niya.

"Sabi ni Cas . . . d-dito ka na lang daw muna . . . dito sa labas," malungkot niyang paliwanag na pilit pinatatatag ang loob kahit na naluluha na. Para bang pilit niyang ipinaiintindi rito ang kalagayan nito at desisyon niya.

Wala pa ring imik si Armida.

"A-alam mo . . . dati . . . dati nagagalit ako kay Daddy . . . kasi . . ." Napalunok siya at napatingala para pigilan ang pagbagsak ng mga luhang namuo sa mga mata. Saglit siyang suminghot at nagpunas ng mata. "Kasi iniwan niya kami . . . kami ni Mama . . ."

Humugot siya ng hininga at dahan-dahang ibinuga sa bibig. Namumula na ang mga mata niya sa pagpipigil ng iyak.

"A-akala ko . . . akala ko ginawa niya 'yon kasi . . . kasi hindi niya kami mahal."

Naghalo na sa kanya ang lungkot sa pag-aalala sa desisyon ng ama niya naiwan sila sa labas ng Citadel. Na palakihin siyang mag-isa ng mama niya habang nandoon ang ama niya sa itinuring niyang impyerno.

"Pero kasi . . ."

Sa pagkakataong iyon, nahirapan na siyang lumunok kaya napahugot na naman siya ng hininga. At kahit ang pagbuga niyon ay nahirapan din siya. Nanginginig na ang mga labi niya at nananakit na rin ang lalamunan.

"Ngayon ko lang naintindihan . . ." mahina na niyang nasabi at tuluyan nang tumulo ang luha niya. "Na . . . na iniwan niya kami kasi . . . iniwan niya 'ko kasi . . . kasi ayaw niya 'kong . . ."

Mabilis niyang pinunasan ang mukha at suminghot na naman.

"A-ayokong maulit yung . . . yung nangyari sa 'yo . . . kaya kahit ayoko . . . kahit masakit . . . kahit mahirap . . . w-wala akong magagawa kundi . . . iwan ka rito . . ."

Nilapitan na niya si Armida at lumuhod sa gilid nito. "Patawad, Armida . . . p-patawarin mo 'ko . . . p-patawad kung . . . kung naging mahina ako . . ."

Tuloy-tuloy nang umagos ang mga luha niya habang humihingi ng tawad sa asawa. Napapikit na lang siya at napayuko dahil sa kawalang pag-asa.

Na sa mga sandaling iyon, kahit pa sabihing siya ang pinakamakapangyarihan sa kanilang lahat, wala pala siyang kapangyarihan para baliin ang batas nila na papabor sa kanilang mag-asawa.

At nasasaktan siya kapag naiisip na sa mga sandaling iyon, naghihirap ang asawa niya at wala siyang magawa kundi iwan ito.

Gaya ng nangyari noon sa mama niya . . .

Gaya ng ginawa ng ama niya nang iwan sila . . .

Na nangako siya noon na kung magkakaanak siya ay hindi niya uulitin ang maling nagawa ni Joseph Zach sa kanilang mag-ina.

Pero ngayon, naroon siya sa posisyong pinapipili na siya ng pagkakataon kung makasama ang asawa o magaya sa asawa niya ang magiging anak nila.

At ang pinakamasakit na desisyon sa lahat ay gawin sa sariling mag-ina ang ginagawa sa kanila ng ama niya.

Nakaramdam na lang siya ng yakap na dahilan ng pagdilat niya.

"Limang taon ang kasunduan sa Citadel," bulong nito sa kanya sa pinakamalamig na tinig na magagawa nito. "Limang taon at makikita mo ulit kami . . ."

Lalo siyang napahagulgol ng iyak at niyakap na lang ito ng mahigpit.

"Armida . . . patawad . . . patawarin mo 'ko sa lahat . . ."

"Magkita tayo pagkalipas ng limang taon," utos nito.

Tumango na lang siya habang patuloy na lumuluha. Bumitiw siya sa yakap nito at hinalikan ito nang matagal sa noo. Pagkatapos niyon ay idinampi niya ang noo niya sa noo nito.

"B-babalik ako, hmm?Babalikan kita . . . babalikan ko kayo ng anak ko . . . hintayin mo 'ko . . .babalik ako."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top