35: Painful Decision

Bakas na bakas pa sa katawan ni Josef ang mga sugat mula sa nangyari sa Casa Amarrillo pagbalik na pagbalik niya sa Citadel. Wala siyang inaksayang oras, pagkatapos niyang makalabas ng ospital, sinalubong na siya ni Xerez at ng mga Guardian niya. Pero nang alukin siya nito na magpahinga muna ay diniretso niya ito at sinabing lilipad na sila pabalik sa Citadel. Wala na rin namang nagawa si Xerez kundi sumunod na lang. Mabuti na lang dahil nakahanda naman na ang eroplano ng Fuhrer sa pagbalik noong isang araw pa kung kailan ito nakatakdang bumalik dapat sa Citadel.

Diretso ang tingin niya habang nilalakad ang mahabang pasilyo sa ikasampung palapag ng kastilyo ng mga Zach, patungo sa opisina ni Labyrinth. Walang ibang laman ang isip niya kundi puro tanong na nangangailangan ng agarang paliwanag. Nakasunod lang sa kanya si Xerez at dalawa pang Guardian.

Isang maaraw na hapon nang maabutan niyang kalalabas lang ng isang Guardian na may dalang mga folder sa loob ng opisina ni Laby. Marahan nitong isinasara ang malaking mahogany door na may ginto at mahabang door handle.

"Lord Ricardo," nagbigay-galang ito at saglit na huminto sa isang gilid para hintayin siyang makalampas.

"Xerez, maiwan kayo rito," mariin niyang utos sa mga Guardian na huminto na lang din may isang metro ang layo sa pinto.

Mag-isa siyang pumasok at pabagsak na isinara ang malaking pinto. Naabutan niya si Laby na may kaharap na tatlong laptop at may hawak na dalawang magkaibang folder sa magkabilang kamay.

Napahinto ito sa ginagawa at napatingin sa kanya.

"Nauna ka pa kay Crimson a," sabi ni Laby at binalikan na ang tinatrabaho.

Mabilis na naglakad si Josef palapit kay Laby at kinuyom nito ang kuwelyo ng suot na T-shirt ng dalaga bago ito hinigit patayo.

"Ano'ng plano mo, hmm?" nagngingit niyang tanong kay Laby habang pinandidilatan ito.

"Ano ba?! Bitiwan mo nga ako!" Pilit naman nitong hinahampas ang braso niya para bitiwan niya ito.

"Pakana mo kaya nasa labas ng Citadel si Armida, di ba? Di ba?!" malakas niyang sigaw na bumalot sa loob ng malawak na silid na iyon.

Kumunot din ang noo ni Laby at hindi na pumalag pa. "Oo! Pakana ko! Bakit? Nagkita naman na kayo, di ba?" nanghahamon niyang sinabi sa lalaki.

"Argh!" Napasigaw na lang sa galit si Josef at umamba ng suntok sa mukha ng dalagang matalim lang ang tingin sa kanya.

Nanginginig ang mga kamay niya at nagtiim ang mga bagang habang binabalot ng galit ang damdamin. Naghalo na ang pagkadismaya, lungkot, galit, pagsisisi, inis, lahat ng ayaw niyang maramdaman, sabay-sabay niyang nararamdaman sa mga sandaling iyon.

"Pinagkatiwalaan kita . . ." timping-timpi niyang sinabi kay Laby. "Pinagkatiwalaan ka ni Armida . . . tapos ito ang igaganti mo sa 'min . . . ?"

At gaya ng kung paano niya nakilala si Laby, halatang hindi ito natatakot kahit sa pag-amba niya ng suntok. Tiningnan lang siya nito na parang naiintindihan nito kung bakit siya nagkakaganoon kaya hindi rin nito magawang magalit.

"Pinagkatiwalaan niya 'ko kaya ko 'to ginagawa," sagot na lang ni Laby sa kanya. "Dahil kung hindi ko siya ilalabas ng Citadel, magagaya ang magiging anak n'yo sa nangyari sa kanya sa Isle." Napatango si Laby habang puno ng panghihinayang ang mukha. "Mamimili ka lang naman. Magagaya sa 'yo ang anak mo na lumaking walang ama pero ligtas sa labas ng Citadel, o mananatili siya rito gaya ng nangyari kay Armida pero pagkalipas ng limang taon, ipadadala sa Isle."

Kusa nang lumuwag ang pagkakakuyom ni Josef sa damit ni Laby nang marinig ang paliwanag nito. Kahit ang nakaamba niyang kamao ay dahan-dahan din niyang naibaba gawa ng panghihina. Tiningnan niya si Laby na parang nanghihingi siya ng sagot sa lahat ng tanong ng isipan niya na hindi niya kayang sabihin.

Sinulyapan ni Laby ang mga kalat sa mesa niya. Halos lahat ng nandoon ay may kaugnayan sa Project RYJO. "Sinusubukan kong gumawa ng regenerator niya," may lungkot na sa tinig na sinabi ni Laby. "Hindi niya alam 'to, pero gusto kong subukan."

Pinagpag na lang niya ang damit niyang nagusot at bumalik sa pagkakaupo.

"Naabutan ko siya sa medical facility ni No. 99," kuwento ni Laby. "Nalaman nilang buntis siya kaya sinubukan nilang pag-aralan ang body composition niya bilang meta-human." Itinapat ni Laby ang magkabilang kamay sa ulo. "May chemical na pinagbabaran sa kanya, nagkaroon ng chemical reaction sa katawan niya. Kaya . . ." Saglit niyang sinulyapan si Josef. "Kaya baka nagtataka ka kung bakit iba yung itsura niya n'ong nakita mo."

"Bakit di mo sinabi sa 'kin . . . ?" nanghihina nang tanong ni Josef na hindi alam kung magagalit ba, o iiyak, o magwawala.

"Josef, hindi dahil Superior na tayo, tayo na ang masusunod. Iba ang posisyon natin sa posisyon ng Order. Hindi lang 'to tungkol sa 'yo dahil tungkol 'to sa lahat ng bumubuo ng guild."

Inipon ni Laby ang mga folder sa mesa at ibinagsak ang sarili pasandal sa swivel chair na inuupuan. "Maayos na ang lagay ni Cas. Tingin ko, mas maipaliliwanag niya nang mabuti sa 'yo kung bakit kami nagdesisyong ilabas ng Citadel si Armida."



***



Akala ni Josef, ang pitong araw na kamatayan ni Armida ang pinakamalalang nangyari sa tanang buhay niya—nagkamali siya ng akala.

Sa mga oras na iyon, wala siyang ibang nasa isip kundi mamatay na lang para lang matapos na ang lahat ng paghihirap niya. Hindi niya alam kung gaano katagal pa ba niya kayang tiisin ang luhang nagbabadyang pumatak anumang oras dahil sa magkakahalong emosyon.

Dumiretso siya sa kuwarto ni Cas at naabutan ito roon na nagpapahinga. Nakaupo lang ito sa magarang couch na nakatapat sa higaan nito habang umiinom ng tsaa.

"Cas . . . ?" maluha-luha niyang pagtawag sa pangalan nito.

Naging matipid ang ngiti at tumayo na habang nakalahad ang mga braso para salubungin siya.

Paglakad niya, awtomatikong tumulo ang mga luha niya at niyakap ito nang mahigpit na parang batang nagsusumbong sa ina niya.

"Sshh," pagpapatahan sa kanya ni Cas habang hinahagod ang buhok niya.

"Cas, yung . . . yung asawa ko . . ." humihikbi niyang sumbong dito.

Naramdaman niyang nagbuntonghininga ito at saglit na bumitiw sa pagkakayap niya. Matipid na naman itong ngumiti at tumango. Pinunasan lang nito ang pisngi niyang nabasa gawa ng luha. Nababasa niya sa mga mata nito na naaawa ito sa kalagayan niya pero wala itong magagawa kundi damayan na lang siya.

"Cas, ano'ng gagawin ko . . . ?" sumusuko nang tanong ni Josef na puno na ng pagmamakaawa ang nanunubig na mata.

Nagbuntonghininga si Cas at marahang hinawakan sa kanang pisngi si Josef. "Like what you had told me before, we all have our choices. And we can't avoid this scenario." Tinapik niya ang balikat ni Josef. "Natatandaan mo ba kung bakit ka nagagalit sa Daddy mo?"

Hindi nakasagot si Josef at lalong nanubig ang mga mata nang marinig na naman ang tungkol doon mula pa kay Cas.

"Yung iniisip mong iniwan niya kayo? Ginawa niya 'yon kasi pinili niya kayo ng mama mo. Pinili niya ang kalayaan mo. Pinalaki ka niya sa labas para maging malaya ka. Bagay na pinagsisihan ko dahil pinili kong makasama ang anak ko rito."

"Hindi . . . Cas, hindi puwede!" Hindi na napigilan ni Josef ang damdamin at napahagulgol na lang. Sa sobrang panghihina, napaluhod na lang siya at parang nagmamakaawa sa harap ni Cas na bawiin nito ang mga sinabi.

"Isa ako sa nagdesisyong palabasin ng Citadel si Evari," paliwanag ni Cas.

"Pero Cas! Cas, lalaking walang ama ang anak ko . . . ayokong mangyari sa anak ko ang nangyari sa 'kin . . . Cas, intindihin mo naman ako!" pagmamaakawa ni Josef habang lumuluha.

"Pero intindihin mo ring ayokongmangyari sa magiging anak mo ang nangyari sa anak ko," ani Cas na halatangbuong-buo na ang desisyon. "Ito lang ang pagpipilian mo, Ricardo. At uulitin koang sinabi ko sa harap ng ama mo, may pagpipilitan ang lahat, pero bawat pagpipilianay may kapalit. Mas gugustuhin ko nang magaya si Armida sa nangyari kayAnjanette Malavega kaysa magaya siya sa nangyari sa 'kin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top