3: Marriage Issues

Sa Citadel . . .


Lumipas ang apat araw at unti-unti nang nakaka-recover si Armida. Napapansin ni Josef na nakikihalubilo na rin ito sa mga Guardian, lalo pa't lagi itong kinakausap ni Laby tungkol sa mga impormasyon sa buhay nito. Ang sabi ng dalaga, gusto raw nitong tulungang makaalala si Armida. Ipinagkibit-balikat ni Josef ang pagiging matulungin ni Laby kahit pa nagtaka siya kung bakit go na go ito.

At isang tanghali, halos hindi na nagalaw ni Josef ang kinakain niya habang nakatingin sa asawa niyang ang daming laman ng plato. Hindi lang iyon, ang dami nitong ipinahandang pagkain sa chef.

Masaya naman si Josef na maganang kumain ang asawa niya. Ang kaso, sa bibig nito mismo nanggaling na hindi ito gaganahang kumain sa Citadel habang pinanonood ng mga Guardian.

"Armida," pagtawag niya.

Patuloy lang ito sa pagsubo. Hindi siya pinapansin.

"Huy," pagtawag ulit niya at noon lang ito sumulyap sa kanya.

"Ha?" tanong pa nito na nakaipon pa ang kinakain sa gilid ng bibig.

"Ginutom ka talaga?" takang tanong pa ni Josef.

Pilit na tumawa si Armida. "Pasensya na, ang sarap kasi ng pagkain dito."

Napaangat ng mukha si Josef. Tatango sana pero nanatili sa pagkakataas ang mukha habang nakatitig sa asawa niyang mas lalo pa yatang naging patay-gutom kung makasubo.

Hindi niya naiwasang mapatitig sa kamay nito. Kumunot ang noo niya nang may mapansing kakaiba.

"Armida," pagtawag ulit niya.

"Hmm?" tanging sagot nito na patuloy sa pagkain.

"Where's your ring?"

Doon lang ulit napahinto sa pagkain si Armida at gulat na tiningnan si Josef. Mahahalata sa mukha niya na hindi niya inaasahan ang tanong.

"Uhm," hinanap niya ang sagot sa mesa. Palipat-lipat ang tingin niya at hindi alam kung ano ang sasabihin.

"Don't bother," dismayadong sinabi ni Josef at nagbuntonghininga na lang. "Bibigyan na lang kita ng bago."




Noon lang naramdaman ni Josef ang pagiging Fuhrer. Buong araw siya sa opisina, wala siyang ibang kausap kundi si Xerez na Guardian Centurion niya at si Seamus na personal butler niya.

Pinaliliwanag ni Xerez ang content ng mga binabasa niyang mga papeles. Minsan, sumasabay na siya at ginagawa nang dalawa ang file na kailangang basahin. Magpasalamat na lang talaga siya at may background siya sa office works, hindi siya nabigla. At mas gusto pa niya iyon kaysa nakikipagpatayan sila ng asawa niya sa labas.

"Xerez," pagtawag niya sa Guardian.

"Yes, Lord Ricardo," tugon nito at tumayo sa harapan ng mesa niya.

"Bakit on-hold ang status quo ng HQ?" tanong pa niya nang makita ang file ng HQ sa isa sa kailangan niyang basahin.

"Milord, pansamantalang ipinatigil ng Citadel ang operation ng kompanya nila."

"Why? Sino ang nag-utos?" tanong pa ni Josef.

Yumuko pa si Xerez bago sumagot. "Si Lady Evari, milord."

"Si Armida? Kailan? Ngayon?" takang tanong pa ni Josef dahil dalawang linggo nang hiatus sa trabaho ang asawa niya. Nilipat-lipat pa niya at may pirma nga roon ang asawa niya sa bawat pahina.

"Inilapag niya ang utos bago siya patawan ng parusa noong nakaraang taon. Si Ivan ang nagpadala ng notice sa HQ."

"For what reason?" Binitiwan ni Josef ang papel at padabog na sumandal sa swivel chair para tantiyahin ng tingin si Xerez. "Bakit iuutos niyang itigil ang operation nito samantalang alam niyang malulugi ang HQ kapag ginawa niya 'yon?"

Yumukod lang si Xerez at muling sumagot. "Ipatatawag ko si Ivan para magpaliwanag."

"Please," naiinis na sagot ni Josef. "Thank you."

Alam ni Josef na hindi kumikilos ang asawa niya nang walang dahilan, lalo na kung hindi naman usapang patayan ang topic. At isa pa, HQ ang pinag-uusapan. Hindi lang basta kung anong kompanya lang.

Ilang minuto pa at pumasok na si Ivan. Nagbigay-galang ito at tumayo may ilang dipa sa harapan ng office table niya.

"Lord Ricardo, ipinatawag n'yo ho raw ako," pagbati nito.

"May isang report na nandito sa mesa ko tungkol sa status quo ng HQ. Pirmado ang activity ni Armida Evari Zordick. May alam ka ba rito?"

Yumuko lang si Ivan bago sumagot. "Milord, walang ibang direktiba si Lady Evari kundi ang ipadala ang notice sa HQ at ipasa sa inyo ang final approval."

"Kaya ko nga tinatanong kung bakit. Bakit niya 'to ginawa?" At padabog niyang ibinagsak ang papeles sa mesa niya. "Halos patayin niya ang sarili niya para lang dito sa HQ! Tapos ganito?"

Lalong yumukod si Ivan. "Milord, ang huling bilin ni Lady Evari, kung nais ninyo ng sagot, personal ninyong tunguhin ang branch."

"At para saan? Ikaw ang Decurion niya, hindi ka ba nag-uusisa?" sermon niya rito.

"Paumanhin, milord, pero kahit si Lady Armida ay walang binanggit kahit nagtanong ako."

Naibagsak ni Josef ang kamao sa mesa at akyat-baba ang dibdib dahil sa biglaang inis.

Saglit siyang hindi nakapagsalita. Nag-isip nang maigi.

Hindi niya matatanong ngayon ang asawa niya dahil wala ngang maalala. Kahit anong isip niya, hindi niya talaga makuha ang dahilan.

"Xerez," inis niyang pagtawag.

"Yes, milord."

"Pakihanda ng plane," aniya at tumayo na. "Pupunta ako bukas ng HQ."

"Yes, milord."




***



Katatapos lang ipaghanda ni Seamus ng gamit ang Fuhrer sa nakatakdang pag-alis nito sa kinabukasan. Masyado itong abala sa trabaho, at gabi na ito nakabalik sa kuwarto nila ng asawa.

At kahit gabi na, hawak pa rin ni Josef ang ilang reports na may kinalaman sa pag-hold ng operation ng HQ para intindihin ang ginawa ng asawa niya. Naroon lang siya sa couch nakaupo, ilang beses inayos ang suot na reading glasses, at binabasa ang napakaraming papeles.

Nabanggit naman doon na bumaba ang net earnings ng HQ. Tumaas ang liabilities nila at na-liquidate ang ibang assets. Ang laki rin ng operating loss. Palugi na ang branch. Binabasa niya ang memo na kasama ng report. Pirmado iyon ni Armida noong araw na nakabalik sila sa Citadel para tumanggap ng parusa.

Naka-hold ang operation ng branch sa loob ng 30-day period. Naka-address din sa Meurtrier Assemblage: Central ang tungkol doon. Kung titingnan ang kabuuan ng report, pina-hold para hindi muna i-dissolve ang kompanya. Sa isang banda, parang inililigtas ni Armida ang branch sa paraan nito. Iyon nga lang, wala itong maalala ngayon. At kung hindi siya gagawa ng paraan, mababalewala ang ginawa nito bago pa ito mawalan ng alaala.

Kailangan nga niyang pumunta sa HQ para ayusin ang gusot na iyon.

"Hi, Josef," narinig niyang pagtawag ni Armida.

Pag-angat niya ng tingin, nakita niya itong nakasuot lang ng bathrobe at bagong ligo.

Matamis ang ngiti nito sa kanya at nahihiyang inipit ang medyo basa pang buhok sa likod ng tainga.

Nginitian lang din niya ito at binalikan na naman ang binabasa.

"Huh?" Nagtaka naman si Armida dahil parang hindi siya napansin ni Josef.

Naka-bathrobe lang siya. Bagong ligo, fresh na fresh. Mag-asawa sila. Iniisip niyang wala bang gagawin si Josef sa kanya?

"Malamig, Armida. Magbihis ka na at matulog," seryosong utos ni Josef.

Lalong kumunot ang noo ni Armida dahil kung makakilos si Josef ay parang hindi naman sila magkakilala.

"Hindi mo ba ko lalapitan at yayakapin?" tanong pa ni Armida.

Itinaas ni Josef ang mukha at saglit na ibinaba ang mga papel na hawak. Tiningnan niya nang maigi si Armida at napansing nakataas lang ang kilay nito sa kanya.

"Armida, hindi ako mapagsamantalang asawa. Magbihis ka na at matulog. Masama sa 'yo ang nagpupuyat at napapagod. Hindi pa maayos ang lagay mo." Inilahad pa niya ang mga palad sa kama at itinuro pa ng tingin ang higaan.

"Huh!" Nagpamaywang na lang si Armida at naiinis na tumingin sa asawa niya. "Lalaki ka, di ba? Hindi mo ba nararamdaman yung dapat na nararamdaman ng normal na lalaki kapag nakakakita ng—"

"Hindi ako normal na lalaki, hmm." Itinuro niya ng ulo ang direksiyon ng walk-in closet ng silid. "Change your clothes and sleep."

"Ano ba naman kasi 'yang tinatrabaho mo? Gabi na, 'yan pa rin?" reklamo pa nito.

Ipinaikot ni Josef ang mata dahil sa inis. "Armida, bago ka mawalan ng alaala, ito ang ginawa mo. Emergency 'to," sabi niya niya habang pinapagpag sa hangin ang hawak na papel. "Now, I'll go to HQ by tomorrow. Tatapusin ko lang 'to at matutulog na rin ako." Itinuro na naman niya ng tingin ang kama. "Kung ayaw mong matulog, bahala ka sa buhay mo, malaki ka na."

Hindi makapaniwala si Armida sa narinig niya. Tiningnan lang niya ang lalaki na parang ito na ang pinakawalang kuwentang lalaking nakilala niya. "Wala kang pakialam sa 'kin? Asawa mo 'ko, di ba?"

"Kaya nga pinatutulog ka na kasi may pakialam ako. Makulit ka rin talaga," sabi pa ni Josef habang patuloy sa pagbabasa.

"Psh!" Umirap lang si Armida at padabog na nagmartsa patungong closet.

Sumulyap doon saglit si Josef at napailing na lang habang nagbubuntonghininga.

Pagkalipas nang ilang minuto, lumabas na rin si Armida sa closet.

"O, matutulog na 'ko," may inis na sa tono ni Armida nang sabihin niya iyon.

Pag-angat ng tingin ni Josef. "O?" Napatanggal siya ng suot na salamin para haguran ito ng tingin.

"Huh!" Puno ng pride si Armida habang hinahagod ng kamay ang tagiliran niya pababa. "Sexy, di ba?"

Tumalikod pa siya at nag-pose-pose pa para ipakita ang sexy black and red laced lingerie niya.

Alam naman ni Josef na maganda ang katawan ng asawa niya, at kahit mag-two piece ito ay wala namang kaso sa kanya.

Pero iyon nga ang kaso . . .

"Matutulog kang nakaganyan?" di-makapaniwalang tanong ni Josef. "Magpalit ka nga ng suot mo!"

Kinuha niya ang katabing chenille throw pillow at ibinato sa asawa niya.

"Magbihis ka!" utos niya.

Napanganga na lang si Armida dahil nag-effort pa siyang mamili ng ipantutulog tapos babatuhin lang siya ng throw pillow ng asawa niya.

"Ang sexy ko ngayon tapos babatuhin mo lang ako?" singhal niya kay Josef.

Marahas ang buga ni Josef ng hininga at ibinaba na naman ang papeles na hawak niya. Tamad na tamad niyang tiningnan ang asawa niya. "Hindi ka si Jocas para ma-conscious nang ganyan, magtigil ka."

"At sino naman 'yang demonyong Jocas na 'yan?" pag-irap ni Armida. "Babaero ka, 'no?"

Inilapag na ni Josef ang papel na hawak at tumayo na saka nagkrus ng mga braso. "Armida, naiinis na 'ko." Itinuro na naman niya ang kama. "Huling warning ko na 'to, ha. Magbihis ka na at matulog. Kung hindi, iiwan kita rito."

"Ito na nga ang pantulog ko!" tili nito at itinuro pa ang suot na lacy bra at panty.

"Ugh! Ewan ko sa 'yo," padabog na kinuha ni Josef ang binabasang papeles at naglakad papuntang pinto.

"O? Saan ka pupunta?" galit na asik ni Armida.

"Doon sa hindi mo 'ko maiinis."



------------

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top