28: Lost and Forgotten
Isang buong gabing hindi nakatulog nang maayos si Erajin. Paputol-putol ang idlip niya, at kahit anong pagtawag niya sa mga alter niya ay hindi ito nagpapakita. Tinabihan siya sa pagtulog ni Daniel, pero paminsan-minsan ay aalis ito, may kakausapin sa phone na ipinapatong nito sa night stand na katabi ng kama o di kaya ay lalabas at sa opisina naman nito may kakausapin.
Tinawagan niya si Markus, alas-kuwatro ng umaga, nang maiwanan ni Daniel ang phone nito, at wala siyang magagawa kundi pagkatiwalaan ito. Hindi niya makakausap sina Brielle, kaya umaasa siya sa hindi niya nakita sa St. Francis.
Wala pang dalawang ring nang may sumagot sa kabilang linya. "Hey, Dan."
"Markus, it's Erajin," sagot niya at dahan-dahang lumapit sa may pintuan para silipin kung pabalik na ba si Daniel. "Ikaw lang ang hindi ko nakita kahapon saka si Elfe."
Napansin niyang tahimik sa kabilang linya. Walang maingay. Walang tunog ng kalikasan o mga hayop. Wala ring tugtog o malalakas na musika.
"Elfe's in a vacation."
"And you?"
"I'm . . . at home."
Napatango siya. Kaya pala tahimik. "I see." Bahagya niyang binuksan ang pinto para masilip ang labas. "Dan is acting weird. Gabrielle and Arkin was with the Guardian, along with Razele. May idea ka ba sa nangyayari?"
Napansin niya ang pagtahimik sa kabilang linya. Alanganin ang oras, pero hindi naman basag ang boses ng lalaki para sabihing kagigising lang nito.
"Uhm, actually, Jin, as much as I wanted to tell you something, wala akong maibigay na sagot. Wala rin kasi akong idea."
Napabuntonghininga siya at nadismaya sa narinig. Akala niya ay makakatulong si Markus sa kanya.
"By the way, maaga pa a, bakit gising ka na?" dagdag na tanong nito.
"I can't sleep." Inilabas na niya ang ulo niya at tiningnan ang magkabilang hallway.
"Where's Dan?"
"Kasama ko siya kanina, pero may tumawag sa kanya sa office kaya saglit siyang lumabas ng kuwarto."
Bumalik na rin siya sa loob at dahan-dahang isinara iyon.
"Uhm, sinaktan ka ba . . . niya?"
Napansin ni Erajin ang asiwang tanong ni Markus.
"No. But he's acting cold kaya nagtatanong ako," sagot niya at nagbukas ng drawer sa side table para maghanap ng kahit anong makakatulong sa kanya para maliwanag. "Feeling ko, may nangyayaring hindi maganda pero tinatago niya sa 'kin."
Wala siyang ibang nakita roon kundi ilang journal, signpen, at ang nakakuha ng atensiyon niya ay ang brooch na para lang sa mga executive director ng Meurtrier Assemblage.
"Markus, huwag mong sasabihin kay Daniel na tinawagan kita tungkol dito. Please."
"Sure thing, Jin."
Wala siyang ibang suot sa mga sandaling iyon kundi ang itim na long-sleeved shirt. Hindi niya maibubulsa ang brooch. "Anyway, can I ask you a favor?"
"Go ahead."
Nagpatuloy siya sa pagkakalkal sa iba pang drawer. "Nakita ko si Shadow kahapon sa St. Francis. And Dan is asking me to kill him."
Saglit na napakunot ang noo niya nang makita ang isang journal na may naka-engrave na year sa cover.
"And you're gonna kill him."
Binuksan niya ang journal at binasa ang mga nakasulat doon. "Sinabi ni Daniel na nagtulong-tulong sila para isuko ako sa mga Superior," aniya sa kausap. Lalong kumunot ang noo niya dahil ang taon na nakalagay roon ay anim na taon na mas matanda kaysa naaalala niya. "Ranger hates that guy so much, but seeing them working together means catastrophe."
Inilipat-lipat pa niya ang pahina ng journal. Mga detalye iyon ng ilang mission ni Crimson na hindi siya pamilyar. Karamihan ay mga operation na nangyari sa loob ng apat na taon. At ang apat na taon na iyon ay masyadong advanced sa huli niyang memorya.
"Wala akong matandaan kung anong nangyari before this, but if this is worst than I thought, hide him from us for now."
"Ha? You're asking me to hide Shadow? Why would I do that?"
Hindi na niya naiintindihan kung ano ang nangyayari. Maliban sa nawalan siya ng alaala, ang alam niya ay tatlong buwan lang ang lahat. Gaya nga ng sinabi ni Crimson.
Pero sa nakikita niya . . . mukhang hindi lang tatlong buwan ang nakalipas.
"That man owe me something," paliwanag niya kay Markus. "I need him alive."
"But, Jin . . . What if he comes after you?"
Napailing si Erajin kahit na hindi naman iyon makikita ng kausap. "Then prevent him. I can't kill him but Dan will. Once you have him, call me right away. Pupuntahan agad kita."
Ibinalik na niya ang journal sa drawer at inayos ang lahat. "Pero, Jin—"
Nakarinig siya ng mga yabag ng paa sa labas. "Dan's coming. Bye."
Pinatay na niya ang tawag, binura ang call record, ibinalik iyon sa night stand at kung paano niya iyon kinuha. Mabilis niyang tinungo ang banyo at binuksan ang shower. Maliban sa alam niyang mahahalata ni Daniel na gising na siya kung mananatili siya sa higaan, mapapansin din nito na may ginawa siyang kakaiba. Mas makakapag-isip pa siya ng susunod na gagawin kundi hindi siya agad makikita nito kapag doon siya nagtungo sa banyo.
"Erajin?" narinig na niyang pagtawag nito mula sa labas.
Hindi siya nag-lock ng pinto. Kilala niya si Daniel, oras na mag-lock siya, alam na nitong may mali at may ginagawa siyang kakaiba.
Mabilis niyang hinubad ang damit at halos punitin iyon sa katawan kamamadali.
Hindi pa naaayos ang salaming sinuntok niya kagabi. Pero nilinis na ito ni Daniel at wala nang bubog sa gravel sink na ibaba lang nito. Kung sakaling may mangyaring hindi maganda, magagamit sana niya ang mga bubog pandepensa.
"Jin?"
Tinalunton niya agad ang loob ng shower at isinara ang shower curtain. Para lang kahit paano ay mabawasan ang paghihinala nito sa kanya.
Kilala niya si Daniel. At alam niyang magaling itong makaamoy kung may nangyayaring hindi maganda.
Muli na naman siyang binalot ng tubig mula sa shower habang pinakikiramdaman ang paligid.
Lalo siyang naguguluhan. Anim na taon. Ang mga laman ng journal na nakita niya ay ang mga nangyari sa nakalipas na—pero ang inaasahan niya ay magaganap pa lang na anim na taon.
At ang katwiran sa kanya ni Daniel ay tatlong buwan lang siyang nawala.
"Jin . . ."
Napalunok na lang siya at napahinga nang malalim. Hindi na rin inabala ang sariling tingnan pa si Daniel at hinawi ang kurtina ng shower para lang makita siya.
"Di ba, sabi ko sa 'yo, huwag mong ibababad ang sarili mo sa tubig," mahinahong sermon nito. "Anyway, I brought you a black hair dye. Your hair is a mess."
Ito na ang nagpatay ng shower at ito na rin ang nagbalot sa kanya ng asul na bathrobe.
Iniwasan niyang tingnan ito dahil oras na mabasa nito ang pagtataka sa mga mata niya ay lalo siyang mahihirapang humanap ng sagot sa lahat ng tanong niya.
Iginiya siya nito papaupo sa may toilet seat. Nakita niyang may upuan na ring naroon na wala naman kanina pagpasok niya.
"Dan," pagtawag niya rito habang nakatungo. "Wala ka bang alam kung saan nila 'ko dinala noong nakaraang tatlong buwan?"
Naramdaman niya ang pagbagsak ng tuwalya sa ulo niya para takpan iyon.
"I really don't have any idea," simpleng sagot ng lalaki at marahas na pinunasan ang buhok niya para patuyuin.
Mariin siyang pumikit at huminga nang malalim.
"Sigurado ka, hindi ka na galit sa akin?"
Biglang kumunot ang noo niya nang makita ang sariling nakangiti. Pinatutuyo rin ang buhok niya noon.
"Hindi na nga po."
Kinuyom niya nang mahigpit ang mga kamao at nag-angat nang kaunti ng tingin nang marinig ang boses na iyon sa loob ng utak niya. Boses iyon ng lalaki, pero hindi niya alam kung boses ba ni Daniel.
"Bakit hindi na?"
Sinubukan niyang aninagin kung si Daniel ba talaga ang kaharap niya pero patuloy pa rin ito sa pagpapatuyo ng buhok niya at wala siyang ibang makita kundi tuwalya at buhok niyang maikli na humaharang sa mata.
"Kasi . . . Mahal kita. Okay ka na?"
At biglang nawala ang tuwalya sa ulo niya. Hindi niya namalayang nakaawang lang ang bibig niya nang makita ang mukha ni Shadow na nakangiti sa kanya.
Nangilid ang mga luha niya at sinubukan itong hawakan sa pisngi.
"Jin?"
Napapikit-pikit siya at natigil sa ere ang mga kamay nang makitang mukha na ni Daniel ang nasa harapan niya.
"Ha?"
"Are you okay?"
"A-Akala ko . . ."
"Akala mo . . . ?" Nasa mukha ni Daniel ang pagtataka.
"A-Akala ko . . . hindi ka totoo."
Naging matipid ang ngiti nito marahan siyang tinapik sa ulo. "I'm real, Jin. Don't worry."
Nagtimpla ng pangkulay ng buhok si Daniel. At kahit nakatutok siya sa ginagawa nito ay hindi na maalis sa kanya ang nakita kanina.
Si Shadow, sa harapan niya at nakangiti sa kanya.
Bigla siyang binalot ng kalituhan kung bakit niya nakita iyon. At hindi galit ang nararamdaman niya kundi lungkot. O hindi lungkot. Parang gusto niya itong yakapin nang mahigpit nang makita niya ang ngiti nito.
Pero wala naman siyang natatandaang ganoong nangyari sa pagitan nilang dalawa—o wala nga ba?
"Daniel . . . bakit nila 'ko kailangang isuko sa mga Superior?" wala sa sariling tanong niya.
"Dahil gusto ka nilang mawala sa landas nila," mabilis na sagot ng lalaki at tumayo na. Dinampot nito ang suklay na nakapatong sa sink at sinuklayan si Erajin.
"May ginawa ba 'kong mali?"
Naramdaman na lang ni Erajin na may malamig na dumampi sa buhok niya papuntang anit.
"Erajin, kahit wala kang ginagawang mali, palagi kang mali para sa lahat."
Hindi na nakasagot pa si Erajin. Tinulalaan lang niya ang sink na kaharap.
Gusto niyang magtanong tungkol kina Razele at kay Shadow, pero alam niyang ikapupundi lang iyon ni Daniel. Masyado niya itong kilala kaya alam na niya kung alin ang bagay na dapat niyang iwasang pag-usapan.
"Wala ka pa rin bang naaalala?" tanong nito habang kinukulayan ang maikling buhok niya.
"Wala pa rin." At iyon ang katotohanan. At ang nakita niya kanina ay hindi niya alam kung alaala ba talaga o delusyon lang niya. "Kahit anong pilit ko, wala talaga."
"Huwag mo na lang pilitin ang sarili mong makaalala. Baka makasama sa 'yo."
Habang tumatagal, lalo niyang napapansin na sobrang lamig ng pakikitungo ni Daniel sa kanya. Kung hindi lang ito gagawa ng masamang hakbang, kanina pa niya ito kinompronta kung ano na ba talaga ang nangyayari.
"Paano kapag bumalik na ang alaala ko?" bigla niyang tanong.
Doon natigilan sa pagkulay ng buhok niya si Daniel.
"Hahabulin pa rin kaya nila ako?"
Nagbuntonghininga lang ang lalaki at nagpatuloy na lang sa ginagawa. Halatang kinabahan sa nauna niyang sinabi pero nakabawi rin dahil sa huli niyang tanong.
"Hahabulin at hahabulin ka nila, may amnesia ka man o wala," sabi na lang nito at inilapag na ang hawak na maliit na bowl kung saan niya inilagay ang pinangkukulay sa buhok ni Erajin.
"Isinara nila ang HQ. May kasalanan ba 'ko ro'n?"
Bumalik si Daniel sa pagkakaupo at nginitian na naman siya nang matipid. "Wala." Marahan siya nitong hinawakan sa magkabilang pisngi. "Kasalanan ni Razele kung bakit isinara ang HQ. Naging pabaya siya."
"Pero sina Gabrielle . . ."
"Nagkagipitan lang at napilitan silang gamitin ka."
Kahit anong tingin niya sa mga mata ng lalaki ay wala siyang mabasang kahit ano rito. Hindi niya masabi kung nagsisinungaling ito o nagsasabi ng totoo. Napakagaling pa rin nitong magtago.
"Hanggang kailan ako magtatagal dito sa casa?"
Bumitiw na rin ito sa pagkakahawak sa pisngi niya at napaayos ng upo. "May balak ka bang umalis?" tanong nito na may pagbabadya na ng pananakot.
Ibinaba niya ang tingin at umiling na lang. "Iniisip ko lang kung sino ang magbabantay sa Grei Vale kung wala ako ro'n."
Napasilip sa orasan niya si Daniel. Gusto rin sana niyang alamin ang oras pero mukhang hindi na lang siya magtatanong.
"Kinuha na ng mga Superior ang Vale. Isusunod ka na nila. At hindi ako papayag do'n. Dito ka lang sa casa hanggang bumalik ang alaala mo."
Kating-kati na siyang magtanong kung bakit at ano ba talaga ang nangyayari. Pero kung talagang gustong magsalita ni Daniel, dapat ay kagabi pa ito nagsabi sa kanya. O baka humahanap lang ng tiyempo dahil masyado pang sariwa ang lahat ng nangyari kahapon sa simbahang pinanggalingan nila.
"After twenty minutes, saka ka na bumalik sa pagligo. Sa ngayon, dito ka muna sa bathroom." Tumayo na si Daniel at sinundan lang niya ito ng tingin mula sa peripheral view habang nakatungo.
Pag-alis nito, lalong lumalim ang pag-iisip niya.
Bakit niya nakita si Shadow?
Ano ang ibig sabihin ng nakita niya kanina?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top