25: Memories Bring Back You

A/N:
Ayun, onting pakeme muna hahaha! Salamat po sa mga nag-aabang ng update, and yes para na itong bagong story. Again, gaya po ng sabi ko sa book 5, available sa free softcopy ang book 6 na mado-download sa The New-ly Weird group page. Huwag pong magalit na masyado nang malayo ang storyline sa original (tho wala nang nag-complain pag-abot dito hahaha) Isipin na lang natin na we can enjoy both worlds. You can read the original, you can read the revised. Either way, hindi na kayo lugi kasi para lang siyang alternate universe ng mag-asawa.

At kung sa original, nakaka-bad trip ang katangahan ni Josef at kasumpa-sumpa si Crimson, try ko lang pagaanin ang lahat ngayon tapos gawin ko namang kontrabida si Erajin hahahaha char. De, kailangan natin 'to for character development hahaha
Sabay-sabay ulit tayong ma-bad trip nang beri beri layt kay Daniel hahaha

......





Limang oras ang biyahe mula sa St. Francis hanggang sa Casa Amarrillo. Naging tahimik lang ang biyahe para kina Erajin at Daniel. Wala namang kaso iyon sa lalaki dahil hindi naman talaga pasalita si Erajin.

May malaking steel gate na pinaka-entrance ng casa. Pagpasok ay isang kilometrong talahiban, at ang susunod na kilometro ay puro na warehouse. Ang sumunod na kilometro naman ay may mangilan-ngilang bahay kung saan nakatira ang mga tauhan ni Crimson at ang huling kilometro ay ang lugar kung saan nakatirik ng main house.

Alas-onse ng gabi nang makarating sila sa main house. Iyon ang pinakamalaking bahay sa gitna ng isang malawak at madamong paligid. Para ngang iyon lang ang pinakamaganda at pinakapayapang parte ng buong lugar.

Tahimik lang si Erajin nang magtuloy-tuloy sa loob ng bahay na parang pamilyar na pamilyar siya roon.

Bukas ang pinto, pagkatulak niya, mabilis siyang naupo sa receiving area sa kanang parte at ibinagsak ang sarili sa isang mahaba at pabilog na peach-colored couch. Isinandal niya ang batok sa sandalan at tiningnan ang kisame.

"Are you hungry?" tanong ni Daniel pero pansin ang lamig sa tinig niya.

"I am," malamig ding tugon ni Erajin.

"I'll prepare for our dinner."

Walang tugon kay Erajin. Ipinikit lang niya ang mga mata at malalim na nag-isip.

Hindi mawala sa isipan niya ang huling imaheng nakita niya bago siya kunin ni Daniel.

Ang mga Guardian, si Shadow, sina Razele kasama si Ranger at si Pyro. Hindi niya maintindihan kung bakit siya isusuko ng mga ito sa mga Guardian.

Kahit anong isip niya, hindi niya mapagtagpi-tagpi ang mga nangyayari.

Pagdilat niya ng mga mata tumayo na siya at pinagmasdan ng matalim niyang tingin ang buong paligid.

Agad na naningkit ang mga mata niya dahil noon lang niya napuna ang ayos ng receiving area. Parang mga butil ng diyamante na ang disenyo ng chandelier samantalang ang alam niya ay spiral beads ang design niyon. Kahit ang upuan ay peach na ang kulay imbis na apple green. Nadagdagan din ng halaman sa loob at iba na rin ang mahahabang kurtina na kulay peach at cream na rin.

"Kailan pa siya nagbago ng interior?" mahina niyang sinabi habang nililibot ng tingin ang paligid.

Dumiretso siya sa spiral staircase at umakyat doon. Walang ipinagbago ang second floor. Nangingintab pa rin ang sahig ng hallway na gawa sa magandang uri ng kahoy. Nilakad niya ang patungo sa unang kuwarto sa kanan. Sinubukan niyang buksan ang kuwarto niya-ang kuwartong inilaan sa kanya ni Crimson kapag doon siya nananatili para sa trabaho.

Naka-lock na iyon kaya hindi niya agad nabuksan. "Kailan pa niya naisipang i-lock 'to?"

Napailing na lang siya kahit nagtataka. Dumiretso na lang siya sa mismong kuwarto ni Daniel sa tapat mismo ng kuwarto niya. Hindi iyon naka-lock kaya nagtuloy-tuloy siya sa loob.

"So, he really changed the interior," puna niya dahil ang dating itim at puting kulay ng kama nito ay naging kulay matingkad na asul at puti na rin. Ang bintana ay tinatakpan ng light blue velvet curtain. Naroon pa rin nasa sa gilid ng pinto nakasabit ang isang malaking picture na magkasama silang dalawa. Siya na nakasuot ng pulang dress at nakaupo sa isang eleganteng upuan at nakatayo sa likuran niya si Daniel na nakasuot ng puting tuxedo.

Dumiretso agad siya sa banyo nitong may sapat na laki para magkasya ang tatlong sasakyan sa loob. Lumapit siya sa salamin at pinagmasdan ang sarili. Ang dungis niya. May bakas ng dugo sa noo niya na gumapang hanggang pisngi pero wala namang sugat o kahit anong masakit. Ang daming bakas ng natuyong alikabok sa leeg niya. Puro bakas ng abo sa suot niyang puting blouse. At higit sa lahat . . .

"What the fuck is this?" Napahawak siya sa buhok nang makitang napakaikli nito at kulay ginto pa.

"Hahaha! Milady!"

Napapikit siya at napahawak sa ulo nang makarinig ng tawa ng mga bata sa loob ng utak.

"Ssshh!" pagpapatahimik niya sa sarili habang pinupukpok ng kamay ang ulo. "Shut up!"

"Jin, where are you going?"

"Milady . . ."

"I said shut up!" Galit na galit niyang sinuntok ang salamin at nabasag iyon. "Shut up! Shut up! Shut up!"

Halos maghalo ang bubog at dugo habang nakikita niya ang sarili sa maliliit na warak ng salamin.

Mabilis siyang tumungo sa may kalakihang shower room at binuksan iyon. Agad na bumuhos sa kanya ang napakalamig na tubig habang tinutulalaan niya ang kulay asul na tiles na dingding ng shower room.

Gusto niyang mawala ang mga boses na iyon sa utak niya. Paulit-ulit iyong bumabalik, at ayaw na niyang marinig ang mga iyon. Gumapang ang malamig na tubig na nagpabasa sa suot niyang blouse, unti-unti ay sa suot niyang jeans.

Bumigat ang paghinga niya at taas-baba ang dibdib niya habang nakayuko at nakatukod ang mga kamay sa pader.

Gusto niyang maalala kung ano ang nangyayari pero wala siyang maisip. Maliban doon sa nakita niya si Shadow, ang Guardian Centurion na si Xerez, sina Razele kasama ang dalawa niyang kinakapatid, at ang mga Guardian.

"Bakit n'yo 'ko trinaydor? Bakit . . . Bakit?!" Muli na naman niyang sinuntok ang tiles na kaharap. Puno ng poot ang mga mata niya habang inaalala ang sinabi ni Daniel.

Hindi niya lubos maisip na gagawin iyon nina Ranger sa kanya. At wala rin siyang ibang maisip na dahilan. Gusto niyang malaman kung bakit.

Mariin siyang pumikit at inisip ang maaaring dahilan pero talagang wala siyang mahita sa sarili.

"Stop hurting yourself."

Ang sama ng tingin niya sa kaliwang gilid paglingon niya roon. Si Daniel. Kahit ang inaalok na tuwalya nito, hindi rin nakaligtas sa nanlilisik niyang mata.

Sinuntok niya ang bukasan ng shower at halos basagin iyon para lang patayin. Maangas niyang tiningnan si Daniel habang nakataas ang mukha at padabog na hinalbot ang tuwalya.

"Bakit nila 'ko kailangang isuko sa mga Guardian?" mariin niyang tanong sa lalaki. "Kailan pa nila 'ko trinaydor?"

"Nawalan ka ng alaala. Inisip nilang magagamit nila 'yon laban sa 'yo. Gusto ka na nilang mawala para hindi ka na makalaban pa sa guild," walang kaabog-abog na sinabi ni Daniel na parang iyon talaga ang katotohanan na kailangang panghawakan ni Erajin.

"Bakit nandoon si Shadow?" walang emosyon niyang tanong at umalis na sa shower room. Hinagis niya ang tuwalya sa may flush habang walang pagdadalawang isip na hinubad ang suot niyang basang blouse at ibinato sa may sink.

Saglit na bumuga ng hangin si Daniel at sinamantala ang pagtalikod ng babae. "Siya ang nagpatawag sa mga Guardian. Kasabwat siya nina Razele."

Naupo si Erajin sa may toilet at doon hinubad ang basa niyang pantalon.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Daniel habang sa mukha lang ni Erajin nakatitig.

"Kaya pala wala akong maalalang kahit ano," iyon na lang ang nasabi ni Erajin at ibinato na naman sa may sink ang pantalon niya. "Kailan pa 'to? May linggo na ba? Buwan? Nagbago ka ng interior dito sa casa."

"Tatlong buwan kang nawala. Itinago ka nila sa 'kin."

Hindi nawala ang matalim na tingin ni Erajin nang kunin muli ang tuwalya sa likuran niya. "Nakasara ang kuwarto ko. Bakit?"

Hindi nakatugon si Daniel. Binawi lang nito ang tuwalya sa kanya at ito na ang nagbalot sa katawan niya niyon. "Akala ko, hindi ka na babalik."

"Imposible 'yan," walang emosyon niyang sinabi at tinapik palayo ang kamay ni Daniel sa kanya at nagdire-diretso palabas ng banyo.

Wala siyang iniisip sa mga sandaling iyon kundi kawalan. Wala siyang maalala, wala siyang mapapala sa sarili. At dahil iniisip niyang nagbalik na ang memorya niya, kailangan na niyang bumalik sa trabaho. Gusto niyang balikan sina Razele para kuwestiyunin ito kung bakit siya nito gustong isuko sa mga Superior. Alam niyang hindi siya nito tatraydurin. At kung isuko man siya sa mga nasa itaas, malamang na may mabigat na dahilan na hindi nito mahindian.

Pumasok siya sa walk-in closet ni Daniel at napansing wala namang ipinagbago maliban sa nadagdag na gamit doon. Nagbukas siya ng isang mataas na cabinet sa dulo at humugot ng isang kulay itim na long-sleeve dress shirt na malaki lang nang kaunti sa sukat ng katawan niya at umabot lang sa hita niya ang haba.

"Wala ka bang ibang natatandaan?"

Ni hindi man lang natinag si Erajin. Nanatili ang boses sa pintuan ng closet. Hindi rin umalis ang presensya roon.

Hinubad niya ang natitirang saplot sa katawan at isinuot ang nakuhang damit. Sa sampung butones ng damit, lima lang doon ang isinara niya. Dinampot lang niya ang nakakalat na panloob at naglakad na naman palabas pabalik sa banyo. Nilampasan lang din niya si Daniel na naghihintay ng sagot niya.

"Jin," pagtawag ulit ng lalaki.

"Hindi ko alam kung paano ko kakalkalin sa utak ko ang mga nangyari bago 'to," malamig na tugon ni Erajin paglabas ng banyo.

At habang naglalakad patungo sa pintuan palabas ng kuwarto, itinaas niya ang kanang kamay na unti-unti nang naghihilom ang mga sugat gawa ng pagsuntok niya sa kung saan-saan at pinatunog ang mga daliri gawa lang ng pagkuyom roon nang dahan-dahan.

"Babalik ako bukas sa HQ," sabi lang ni Erajin bago pa man makalabas.

Nagtaas lang ng mukha si Daniel at hindi na muna nagsalita. Sumunod lang siya kay Erajin.

"Siguro ka bang babalik ka bukas sa HQ?" tanong ni Daniel habang pababa sila ng mataas na hagdanan.

"Kakausapin ko si Razele."

"Sinarado ng mga Superior ang HQ."

Napahinto sa pagbaba si Erajin. Ni hindi man lang nagawang lingunin ang lalaking nasa likuran niya. "Bakit nila gagawin 'yon?"

"Dahil gusto ka nilang makuha," mahinang sinabi ni Daniel sa kanya.

Marahas na bumuga ng hininga si Erajin at nagtuloy-tuloy na sa pagbaba. "Kaya ba isinuko ako sa kanila nina Razele?" seryoso niyang tanong na wala man lang kaemo-emosyon sa tinig.

"Gagawin ni Razele ang lahat para sa kompanya niya. Kahit ikaw isusuko niya kung kinakailangan."

Matipid lang na tumango si Armida at dumiretso sa dining area ng main house.

Naabutan niya ang mesa na may na-microwave na instant na pagkain at isinalin lang sa plato.

Naghatak siya sa dulong upuan ng eighteen-seater na mesa kung saan nakatapat ang isa sa mga platong may laman. Pag-upo niya, tiningnan ng walang emosyon niyang mga mata ang nakahanda. Mac and cheese lang iyon na dalawang servings.

"Hindi ka pa kumakain," malamig niyang sinabi kay Daniel habang nakatitig lang siya sa plato.

"Magluluto na lang ako kapag ginutom ako. Kumain ka na. Hindi ka nila pinakakain nang maayos."

Wala namang reaksiyon doon si Erajin, sunod-sunod lang ang subo niya sa ininit na pagkain. Hindi mabasa sa mukha niya kung masarap ba ang pagkain o pangit ang lasa. Para lang itong kumakain ng hangin. Ni hindi nga rin nito magawang nguyain ang kinakain kaya wala pang tatlong minuto ay tapos na ito at tatlong lagukan lang ang tubig na ininom.

Nang matapos ay tinitigan lang niya nang saglit ang mesa. Matapos ang higit sa dalawang minuto, tumayo na rin siya at tiningnan si Daniel. "Mabubuksan mo ba ang kuwarto ko?"

"Hindi pa nalilinisan ang kuwarto mo. Doon ka na sa kuwarto ko matulog."

Wala na namang imik kay Erajin. Nagtuloy-tuloy lang siya sa pagbalik sa second floor. Napaisang iling na lang si Daniel at nagbuntonghininga. Ito na lang ang nagligpit ng kinainan niyang iniwan doon.

Nang matapos si Daniel sa paglinis sa kinainan ni Erajin, bumalik siya sa kuwarto at naabutan doon ang babae na nakahilata lang sa kama, diretso ang katawan, nakapatong ang mga kamay sa tiyan, at nakatulala sa kisame.

"Jin," pagtawag ni Daniel at tumayo sa gilid ng kama. "Sigurado kang walang masakit sa katawan mo?"

"Gusto kong malaman kung anong nangyari," seryosong sinabi nito na parang nasa kisame ang kausap. "Kilala ko si Razele. Alam kong hindi niya 'yon gagawin nang walang matibay na dahilan."

Nagbuntonghininga lang si Daniel at bahagyang napayuko. Umupo siya sa tabi ni Erajin at tiningnan ang walang emosyong mukha ng babae.

"Hindi mo ba 'ko pinagkakatiwalaan?" mahinahon pang tanong ni Daniel sa kanya.

"Gusto ko lang ng sagot," tugon ni Erajin at ibinaba ang paningin para tagpuin ang tingin ni Daniel sa kanya. "At hindi ko alam kung ibibigay mo ba ang lahat ng sagot na kailangan ko."

May nasilayang matipid na ngiti sa mga labi ni Daniel at hinawi ang ilang hibla ng basa pang buhok sa pisngi ni Erajin. "Malalaman mo ang sagot sa lahat pero hindi pa ngayon. Ang importante naman, hindi ka nakuha ng mga Guardian. Sa ngayon, mag-stay ka muna rito habang hinihintay nating gumaling ka."

Ni hindi man lang nagpakita ng kahit anong sagot si Erajin. Ibinalik lang niya ang tingin sa kisame at tumulala roon.





Ala-una na ng madaling-araw. Hindi pa rin dinadalaw ng antok si Erajin. Nanatili lang siyang nakatulala sa kisame. At naroon lang si Daniel sa may single couch at nagbabasa ng libro tungkol sa human anatomy.

"Erajin, bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ni Daniel nang mapasulyap na naman kay Erajin na dilat pa rin.

"Hindi ko rin alam. Dapat sa mga oras na 'to, wala na 'ko rito. Naririnig ko sila pero kanina pa sila hindi lumalabas."

Napaangat ng mukha si Daniel at inisip ang sinasabi nito.

"Naririnig ko si Jocas pero hindi ko siya matawag. Gusto ko nang magpahinga."

"Jin . . ." Nagbuntonghininga si Daniel at inilapag sa side table ang hawak na libro. "Tinatawag mo sila?"

"Ayaw nilang lumabas. Bakit kaya?"

"Hindi ka ba makatulog?"

"Dapat kanina pa lumabas si Jocas o kahit si Erah. Bakit . . ." Napakunot ang noo niya at iniisip kung bakit ni isa sa mga alter niya ay hindi nagpapakita. "Ano'ng . . . ano'ng nangyayari sa 'kin?"

Napabangon si Erajin at umupo sa gilid ng kama. Nakasimangot lang siya habang nakatingin sa carpeted na sahig. Pumikit pa siya nang mariin at tinawag ang mga boses sa isipan niya . . . pero nabigo siya.

Wala nang sumasagot doon.

Mahigpit niyang kinuyom ang malambot na kama habang pinupuwersa ang sariling palabasin ang kahit sino na lang sa mga alter niya.

"Bakit . . . bakit ayaw n'yong lumabas . . . BAKIT?!"

Puno ng galit ang mukha niya nang muling dumilat. Bigla siyang hiningal kahit wala naman siyang ginawa. Litong-lito na siya.

Pilit niyang iniisip kung bakit naglaho ang mga boses sa isipan niya.

"Hindi mo sila mapalabas?" tanong ni Daniel. Bigla siyang napaisip kung ano ang ginawa rito ng Citadel para i-contain ang mga alter nitong kahit siya ay nahirapang pigilan ang paglabas noon.

"Wala. Walang . . ." Napailing na lang si Erajin. "Wala sila."

Matipid lang na tumango si Daniel at naglahad ng palad niya para aluking lumapit sa kanya si Erajin. "Huwag mong pilitin kung di mo sila kayang palabasin ngayon. Baka lalo lang sumakit ang ulo mo."

Lumapit na lang si Erajin sa kanya at umupo ito sa kandungan niya. Ipinalibot nito ang mga braso sa may batok niya at isinubsob nito ang mukha sa leeg niya.

"Gusto ko nang magpahinga, Daniel . . ." bulong ni Erajin na naghihintay pa ring lumabas ang kahit sino sa alter niya para ito na ang humawak sa katawan niya. Dahil kung siya lang ay hindi talaga siya makakatulog sa ganoong estado.

Nagbuntonghininga lang ang lalaki at hinagod-hagod nito ang buhok ni Erajin. Kahit siya ay hindi sanay sa maikli nitong buhok.

Napaisip siya sa dahilan ng paggupit ng buhok nito.

Malamang na may ginawa talaga ang Citadel kay Erajin kaya ginupitan ang buhok nito nang ganoon kaikli. Iniisip niyang baka inoperahan ito kaya ganoon. At sinamantala ng mga doktor ang mabilis nitong paggaling kaya wala siyang makitang sugat o bakas ng operasyon dito.

Bumigat pa lalo ang pakiramdam niya at nakaramdam ng mas matinding galit kapag naiisip niya na ginagawang hayop na pinag-eeksperimentuhan ng Citadel ang babaeng pinangakuan niyang poprotektahan mula pa noong nakaraang dalawang dekada ng buhay nila.

Kaya hindi rin niya maiwasang magalit kay Erajin kung bakit mas pinili pa rin nitong sumama sa guild.

"Kasalanan 'tong lahat ng mga taong 'yon, milady." Saglit niyang tiningnan si Erajin at ibinalik na naman sa kung saan ang tingin. "Gaganti tayo sa lahat ng dahilan kung bakit ka nagkaganito. Pababagsakin natin ang mga Superior at ang guild. Pababagsakin natin silang lahat . . ."

Saglit na lumayo sa kanya si Erajin para makita ang mukha niya.

Matipid lang niyang nginitian ang babae at hinaplos nang marahan ang pisngi nito. "Pero bago mangyari 'yon, kailangan mo munang patayin si Shadow at ang lahat ng kakampi niya. Dahil hangga't buhay siya, ipapahamak at ipapahamak ka niya gaya ng nangyari kanina. Naiintindihan mo ba, milady?"

Tumango lang si Erajin habang matamang nakatitig sa mga mata ni Daniel.

"Good." Isinilid niya ang kaliwang braso sa likod ng tuhod ni Erajin at inalalay sa likod nito ang isa. Para lang itong magaang bagay nang buhatin niya pabalik sa higaan. "Kailangan mong magpahinga para makabawi ka ng lakas."

Marahan niya itong ibinaba sa kama at akma na sana siyang babalik sa upuan nang hatakin nito ang kamay niya.

"Huwag mo 'kong iwan," seryosong pakiusap ni Erajin.

Isa na namang buntonghininga kay Daniel at wala nang nagawa kundi tabihan si Erajin para lang makatulog ito-at muli na namang nagbalik ang mga alaala niya noong kabataan nila.

Mga alaalang ibabaon na sana niya sa limot kung hindi lang ito bumalik nang walang malinaw na memorya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top