2: Inside Job
Alas-tres na ng hapon at naisipan ni Razele na dalhin si Erajin sa U Office. Mas mabuti kung doon muna niya ito dadalhin dahil talagang naaapektuhan na ang trabaho niya sa Main Sector kakabantay rito.
"Yo, guys!" bati niya sa mga nasa loob.
Napatayo agad sina Tank dahil dinalaw sila ng OIC ng Main Sector.
"Chief!" bati sa kanya ni Silver sabay saludo.
Binilang ni Razele ang lahat ng nasa loob. Dalawa lang ang naroon: sina Rank at Silver lang.
"Si Hunter?" tanong niya agad.
"Nasa Main Sector. Kumukuha ng trabaho," sagot ni Tank.
Napanguso si Razele at napatango. Nag-iisip ng susunod na gagawin.
Sinulyapan niya ang kasamang babae. Naglilibot din ng tingin.
Samantala, kakaiba ang pakiramdam ni Erajin sa silid na iyon. Pamilyar sa kanya ang office table sa kaliwa kung saan nakaupo ang lalaking nakasalamin at nakatitig sa kanya, sunod ang itim na tuxedo couch na inuupuan naman ng isang lalaking kalbo, pati rin ang mga metal drawer sa dingding, maging ang puting LED light sa kisame na nagbibigay-liwanag sa puting kulay ng pintura sa loob.
Nakita niya ang isa na namang velvet cloth na may symbol ng Upsilon sa likuran ng lalaking nakasalamin.
"Jin?" asiwang pagtawag ng lalaking nakasalamin. "Ano'ng ginawa mo sa buhok mo?"
Tumayo pa ang lalaki at lumapit sa kanya. Bahagya siyang napaatras dahil mas malaki pala ito kapag nakatayo. Halos umabot lang siya sa ilong nito.
Pagtayo nito sa harapan mismo niya. Hinawakan siya nito sa baba at pinaling-paling kaliwa't kanan ang mukha niya na parang may hinahanap doon.
"Raz?" pagtawag ng lalaking nakasalamin. "Sino 'to?"
"Si Erajin," diretsong sagot ni Razele.
"Kailan pa?"
"Mga . . ." Sinilip pa ni Razele ang relo bago ibinalik sa lalaki. ". . . matagal na."
Kumunot bigla ang noo ng lalaking nakasalamin. "May nunal sa ilalim ng right eye, sa left cheek, sa left jaw." Sinulyapan niya si Razele. "Raz, pinaalis ni Erajin lahat ng nunal niya sa katawan. At wala siyang nunal sa mukha. At saka . . ." Sinimangutan niya ang buhok nito. Hinawakan pa ang dulo niyon na parang nakakadiring bagay ang hinahawakan niya. "Alam mo namang ayaw ipagalaw ni Erajin ang buhok niya, di ba? Sino 'to?"
Napabuga na naman ng hininga si Razele at napahimas ng batok. "Si Erajin nga, Tank."
Ibinalik ni Tank ang tingin kay Erajin na takang-taka na ring nakatingin sa kanya. Pinakatitigan pa niya ang mata nito. Lalo lang talagang kumunot ang noo niya dahil nababasa niya ang ekspresyon nito.
"This is not Jin, Raz," sabi pa ni Tank habang nakatingin sa mga mata ng babae sa harapan niya. "Jin won't let me read her. Are you scared?" tanong pa niya rito.
Lalong tumikom ang bibig ni Erajin dahil natatakot talaga siya sa lalaking kaharap.
"Oh my heaven, she's definitely scared," sabi na lang ni Tank at binitiwan na rin si Erajin habang pinandidilatan ang sahig. "Raz, if this is a joke, it's not funny." Itinuro pa niya si Erajin. "Kamukha niya si Jin, yes, sige, nandoon na tayo . . . but this?" Tinuro pa niya ang kabuuan ng babae. "Lumalaban ba 'to?"
"Ang sabi ni Razele . . . assassin daw ako," nahihiyang sagot ni Erajin.
"DAW?" magkasabay pang tanong nina Silver at Tank.
"What do you mean by 'daw', huh?" tanong pa ni Silver.
Napailing si Erajin. "Hindi ko kasi alam kung sino ako. Hindi ko matandaan."
Magkasabay ring napatingin sina Silver at Tank kay Razele. Nagsusumigaw ang mga tingin nila ng "Ano na naman 'to, Razele?"
Lumapit agad si Razele kay Tank at tinangay ito sa sulok para makapag-usap sila nang masinsinan.
"Inilabas siya sa Citadel at hindi ko alam kung ano ba ang nangyari," bulong ni Razele. "Sinabi lang nilang banta siya sa buhay ng Fuhrer. Pagkatapos n'on, hinayaan na nila siya sa 'kin."
"Pero naniniwala kang si Jin 'yan?" takang tanong pa ni Tank. "Raz, paano kung may plano ang Citadel na manmanan tayo rito sa HQ at 'yang babaeng 'yan ang decoy dahil kamukha niya si RYJO . . . ano'ng gagawin natin?"
Buntonghininga na naman kay Razele at napanguso na naman habang nakatingin sa sahig.
Napaisip tuloy siya tungkol doon. Nawala rin sa isipan niya dahil kamukha talaga ni RYJO ang babaeng kasama nila ngayon.
"Pero si Labyrinth ang naglabas sa kanya," katwiran na lang ni Razele.
"Oh my goodness," marahas na bulong ni Tank at napahimas agad ng noo habang nakapamaywang. Saglit siyang napatalikod at bumalik din sa puwesto. "Raz, traydor si Labyrinth. Alam nating pareho 'yan. Kaya niyang ilaglag ang HQ para lang sa sarili niya." Pasimple niyang itinuro ang babae sa likuran nila. "Kung si RYJO talaga 'yan, tingin mo, ilalabas pa 'yan ng Citadel?" Sinilip pa niya mula sa balikat si Erajin at napansing para itong ignoranteng noon lang nakapasok sa silid na iyon. "Kung threat siya sa Fuhrer, dapat ikinulong na lang siya ro'n, di ba?"
Napabuga ng hininga ng Razele at pinandilatan na lang ang sahig. Kahit gustuhin niyang sabihin sa mga ito na hindi iyon puwede dahil Superior na si RYJO, wala siyang magagawa. Patatahimikin siya ng Citadel kapag hindi ang mga ito ang nag-anunsiyo ng totoong katauhan ng mga bagong luklok na Superior. Alam pa naman niyang mataas ang pataw na parusa niyon sa castigation kung paiiralin niya ang kadaldalan.
"Ganito na lang," ani Razele, "bantayan mo muna. Baka kasi mapahamak sa labas."
Nagtaas ng tingin si Tank. "Hindi ba 'yan marunong lumaban?"
Nagkibit-balikat si Razele para sabihing hindi niya alam.
"Ugh!" Kinuha ni Tank sa holster ng belt niya ang isang army knife.
Pinandilatan ni Razele ang patalim. "Ano 'yan? Ano'ng gagawin mo diyan?"
Makahulugan ang tingin ni Tank, nagsasabing "Alam mo na."
Pumihit siya patalikod at ibinato ang hawak na patalim.
"Tank!" sigaw ni Razele pero huli na dahil napakawalan na nito iyon.
Pare-pareho silang nagulat dahil wala si Erajin sa paningin nila. Ilang segundo pa, bigla itong tumayo at may hawak nang papel. "Ano 'to? Notice?" inosenteng tanong pa ng babae.
"Tank naman . . ." Nakahinga nang maluwag si Razele dahil hindi natamaan ng patalim si Erajin.
"Ehem," pagtikhim sa likod. Napatingin sila kay Silver na nakataas ang kilay at tinuturo ang dingding na katabi lang niya kung saan bumaon ang kutsilyo.
Napailing na lang si Tank at nilapitan si Erajin para kunin dito ang papel na hawak.
Notice iyon galing sa Citadel. Mandato na pansamantalang ipahihinto ang activity at orders na inilalapag sa HQ.
"Citadel?" tanong pa ni Erajin. "Ano yung—hey!"
"This is not for you to know," maangas na sinabi ni Tank. "Alam mo ba kung sino ka?"
Tinitigan lang ni Erajin ang lalaki.
"Maraming gustong mamatay ka rito. Kung wala kang alaala, wala kaming kasalanan doon."
Maraming gustong sabihin si Tank pero habang nakikita niya ang mukha ni Erajin, hindi niya maiwasang isiping kamukhang-kamukha talaga nito ang RYJO na kilala niya.
Pero hirap siyang basahin si RYJO—kahit pa sino ang nasa katawan nito.
Iyon ang kaso ngayon, nababasa niya ito. Napakadaling basahin. Kaya nga diskumpiyado siyang si Erajin talaga ito.
"Miss, malapit kong kaibigan si RYJO. Siya ang dating commander ng team na 'to. Siya ang pinakadelikadong taong kilala naming lahat. Kung sino ka man, umamin ka na lang. Kasi mamamatay ka rito kapag niloko mo kaming lahat kung sino kang talaga."
Binalot ng takot si Erajin habang nakatingin kay Tank. Napapikit-pikit na lang siya at napalunok sa banta nito.
"This is not the first time Jin lost her memory," sabi pa ni Tank. "But every time it happens, she wouldn't let us read her eyes." Humakbang pa siya papalapit sa babae na nakapagpaatras dito. "Now, if you really are Jin . . . why do I read yours?" Inilapit pa niya ang mukha niya rito at seryosong nagtanong. "Sino ka bang talaga?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top