16: Chameleon
Hindi naman sa sanay na sanay si Josef sa pakikipagbugbugan, pero alam niyang ang sampal na natamo niya sa babaeng nagsasabing asawa niya ay hindi naman ganoon kasakit—dapat.
Pero hindi niya maipaliwanag kung bakit nasaktan siya sa sampal na iyon na halos hindi na siya nakaimik pa at natulala na lang.
"Lord Ricardo," pagtawag ni Xerez nang silipin siya mula sa labas.
Hindi talaga makapaniwala si Josef sa nangyari. Nablangko siya sa isang iglap lang—sa isang sampal lang.
Samantala, sa labas ng IR11 . . .
"Jin!" pagtawag ni Mephist nang makitang naglalakad na patungong elevator si Erajin. Sinubukan niya itong habulin para pigilan. "Erajin! Saan ka pupunta?"
May kinakausap si Mephist sa tapat ng conference room nang makitang lumabas si Erajin mula sa loob. Doon pa lang, iniisip na niyang may hindi magandang nangyari sa pag-uusap nito at ng Fuhrer.
"Erajin, wait!"
"You wait!"
Napahinto si Mephist sa paghabol kay Erajin nang bigla siyang harangin ng Fuhrer at halos itulak siya palayo.
Pinandilatan lang niya ito at nilingong pang muli si Erajin na nakasakay na ng elevator.
Alalang-alala siya dahil hindi niya alam kung paano lalagpasan ang lalaking kaharap.
"Ano'ng sinabi mo sa kanya?" naiinis niyang tanong sa Fuhrer.
"Saan mo siya nakuha?" inis ding tanong ng Fuhrer.
Hindi agad sumagot si Mephist. Lumapit lang siya sa railings ng fifth floor para tanawin kung nasaan na si Erajin.
"Mephist!" galit nang pagtawag ng Fuhrer. "Ano na naman ba 'tong pinaplano mo?"
Puno na ng galit ang tingin ni Mephist sa Fuhrer. "Ilang beses mo ba 'tong kayang gawin sa kanya, ha?" Tinuro niya ang kanang direksiyon. "Alam mong may paraan ako para malaman natin kung siya ba talaga ang asawa mo. At yung babaeng kasama mo—"
Magkasabay pa silang napalingon sa paligid.
"Armida?" pagtawag ng Fuhrer.
Magkasabay pang nagkatinginan sina Mephist at ang Fuhrer.
"Where is she?" sabay rin nilang tanong.
Muling sumulyap ang dalawa sa railings.
"Oh shoot!" malakas na bulong ni Mephist at mabilis na tinakbo ang direksiyon ng elevator para makababa.
Sobrang dismayado si Erajin sa nalaman. Binigyan na siya ng ideya nina Brielle, Razele, at Mephist kung sino at ano ang asawa niya. Hindi lang siya makapaniwala na mas malala pala ito sa inaasahan niya.
"Erajin! Saan ka pupunta?"
Nagtuloy-tuloy siya sa paglalakad papuntang elevator. Naiinis siya roon sa lalaking iyon. At hindi niya akalaing ipagpipilitan niya ang sarili niya bilang asawa nito.
"Erajin, wait!"
"Huh! 'Yon? Asawa ko? Kapal naman ng mukha niya!"
Akyat-baba ang dibdib niya dahil sa pagkahingal gawa ng inis. Maliban sa gusto nitong kunin ang singsing na nakamulatan na niya noong pagdilat niya sa HQ, pinuwersa pa nitong kunin sa kanya iyon.
"May asawa naman pala siya. Baka magkamukha lang kami ng asawa niya, sinasabi lang nina Razele na asawa ko siya." Halos suntukin niya ang elevator button na saktong pababa rin at walang laman.
Halos mag-usok na ang ilong niya sa sobrang inis. Pati mga ugat niya sa ulo, lumabas na dahil sa pagkapikon.
Mabilis na lumapag ang elevator sa ground floor kaya agad-agad siyang naglakad paalis ng Hamza. Ayaw na niyang makita ang lalaking iyon kahit na kailan.
"Siya? Asawa ko? Huh!" inis niyang binabanggit habang padabog na nilalakad ang papunta sa entrance na dinaanan nila ni Mephist.
"Hiyang-hiya naman ako sa itsura nya! Mag-aasawa na lang ako ng kuto kung siya rin lang naman ang magiging asawa ko!" Itinulak-tulak pa niya ang mga Leveler na nakakasalubong niya.
Ang sama tuloy ng tingin sa kanya ng mga Leveler na binangga niya. Nasa gitna pa lang siya ng Hamza kaya ang layo pa ng lalakarin niya.
"Ano ngayon kung Fuhrer siya? Pakialam ko!" Itinulak niya na naman ang isang lalaking Leveler na nakaharang sa daan niya.
"Hoy, babae." Bigla nitong hinatak ang braso niya na lalo niyang ikinagulat. "Alam mo, kanina, iniisip namin na baka namamalik-mata lang kami dahil kamukha mo ang Slayer. Pero ngayon . . . ?"
Hinead-to-toe ni Erajin ang lalaki. Mas mataas sa kanya, may kaitiman ang kulay ng balat, at may hikaw sa ilong. May disenyo pa ang buhok na inahit. Nakasuot ng itim na T-shirt na masyadong masikip sa katawan nito, cargo pants, at boots. Ang laki ng muscles nito sa braso at dibdib at mukhang nangangain ng tao.
Napalunok siya bigla.
"Ah, hehehe . . . w-wala akong gagawing masama . . ." mahinahon niyang hinawakan ang kamay nitong mahigpit na nakahawak sa braso niya.
"Anong wala?!" Halos mapatalon si Erajin dahil sa sigaw ng lalaki. Lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa braso niya. "Nasa itaas ang Slayer at kasama ng Fuhrer . . ." Halos hatakin siya nito para lang ilapit nito ang mukha sa kanya. ". . . ngayon, sino ka?"
"Uh . . . B-b-bisita ako . . . hehehe." Hahawakan uli sana niya ang kamay ng lalaki sa braso niya nang bigla siya nitong itinulak sa sahig kaya pumadausdos siya at napaupo. "Aray!"
"Bisita? Hahaha! Bisita o espiya?" Pinalagatok ng lalaki ang mga daliri sa magkabilang kamay at ang leeg. "Malamang na ipinadala ka ng mga kalaban para magpanggap na ikaw ang Slayer."
"H-h-hindi ko—Hindi ko alam . . ."
Nilingon-lingon ni RYJO ang paligid para manghingi ng tulong. Kaso, ang lahat ng nasa ibaba, ang sama na ng tingin sa kanya.
Tumingala siya para hanapin si Mephist. Ang kaso, hindi niya makita.
"W-Wala akong . . . wala akong gagawing masama!" Gumapang siya paatras para makalayo sa galit na Leveler.
"Aaargh!" Sinugod na siya ng lalaki at akmang pauulanan siya ng suntok.
"Tuloooong!" Napatakip siya ng mga tainga habang tumitili.
"TIGIL!"
Napatigil ang lahat at isang lumilipad na stiletto ang tumama sa ulo ng Leveler na susugod kay Erajin.
"AT SINONG BUMATO NG SAPATOS NA 'TO, HA?!" malakas na sigaw ng Leveler na pasugod na sana kay Erajin.
"AKO!" Humawi ang mga Leveler na nakapalibot kina Erajin at tinanaw ang direksyon ng elevator. Bumungad sa kanila ang naglalakad na si Armida Zordick na tangay-tangay sa isang kamay ang isa pa nitong sapatos. Naka-shin up pa ito habang nakataas ang kilay sa kanila.
"Aba, aba, aba . . . sigurado kang mangingialam ka rito, huh? Slayer . . ." maangas na sinabi ng Leveler.
Hinatak agad ni Armida ang braso ni Erajin para patayuin ito nang mapatapat siya rito. "Don't tell me, ngayon ka pa talaga magpapakaduwag?" sermon niya sa natatakot na babae.
"S-Salamat . . ." natatakot na pasalamat ni Erajin sa babaeng kamukha niya.
Agad na umikot ang mga mata nito at naiinis na tiningnan siya. "Salamat?" hindi nito makapaniwalang tanong. "Naririnig mo ba ang sarili mo, ha?"
"H-Ha?" lito niyang tanong.
"Gusto mo na bang mamatay?" singhal ni Armida sa kanya.
Inilibot nito ang tingin kaya inilibot niya rin ang tingin. Pinalilibutan sila ng mga Leveler na masasama ang tingin sa kanila.
"Isang traydor ng association, at isang espiya," sabi ng lalaking sumugod kanina. "Akala mo ba, nakalimutan na namin ang ginawa mong pagtakas matapos mong magdeklara ng all-out war laban sa mga Superior?"
Hindi nakaimik si Armida, takang-taka naman at puno ng takot ang tingin ni Erajin.
Hinawi ni Armida ang slit sa suot niyang gown at kinuha sa hita ang nakatago roong hand gun saka itinutok sa lalaki. "Huh!" Napangisi siya. "Wala akong pakialam kung ano ang naaalala o nakakalimutan n'yo."
Bang!
"Aahh!" Napatakip ng tainga si Erajin habang tumitili dahil sa gulat.
"Argh!" Napaluhod ang lalaki nang patamaan ni Armida ang hita niya dahilan para siya'y mapaluhod.
"Warning ko 'yan sa inyo," sabi pa ni Armida.
Sabay-sabay tuloy na nagtaasan ng mga armas ang mga Leveler na nakapalibot sa kanila.
"Nasisiraan ka na ba?" gulat na tanong ni Erajin sa babaeng katabi. "Susugurin nila tayo!"
"Ano ngayon?" maangas na sinabi ni Armida.
"My God!" Napasabunot na lang sa sarili si Erajin habang stressed na stressed na sa nangyayari.
"Armida!"
"Erajin!"
Halos magkasabay na tumatakbo ang Fuhrer at si Mephist papalapit sa kanilang dalawa.
"WHAT THE HELL IS HAPPENING HERE?!"
Nag-echo ang sigaw na iyon sa buong Hamza kaya pre-pareho silang napatigil.
Naghawian ang mga Leveler at napatingin ang lahat sa direksiyon ng entrance ng dome.
Agad silang pumila at umayos ng tayo. Naitago na agad nila ang mga hawak na arma at sumaludo sa lalaking naglalakad papalapit kina Erajin at Armida.
Hinaguran ng tingin ng dalawang babae ang lalaking nakapagpatahimik sa lahat ng Levelers na dapat ay susugod sa kanila.
Nakasuot ito ng all-white suit and tie. Pati sapatos, puti. Mestiso at nasa late 40s na niya. May mga puting buhok na pero hindi iyon nakakadagdag para magmukha itong matanda. Wholesome at mukha talagang gagalangin ng kahit sino. Ang aliwalas ng mukha niya, mukhang mabait at may aura na hindi nababagay sa lugar na iyon. May matipid itong ngiti sa lahat na parang ang ganda ng araw niya at dapat ay maganda rin ng lahat.
Napaayos ng tayo sina Armida at Erajin nang tumigil sa harapan nila ang kagalang-galang na ginoong iyon.
Sa wakas ay nakalapit na rin ang dalawang lalaking humahabol sa kaguluhan sa ground floor ng Hamza.
Tumabi si Mephist kay Erajin at ang Fuhrer naman kay Armida.
"Good afternoon, Mr. President." Yumuko si Mephist para magbigay-galang.
"Mr. President." Yumuko rin ang Fuhrer para magbigay-galang din.
"Oh you brat hahaha!" Maging ang pagtawa ng President ay napakaamo rin para sa isang may-edad na lalaki. Para itong may aura ng isang napakabuting ama. "The Fuhrer summoned me, yet still bow to give respect," napakahinahong sinabi ng President sa Fuhrer.
Tumayo na nang maayos ang Fuhrer at. "You're still the Asylum President, Uncle."
"You're the Fuhrer now, son. Never bow again to anyone." Inilipat ng President ang tingin kay Mephist. "What's the commotion here? I'm hoping it wasn't between you two brat. Dehado ka rito, Mephistopheles."
Kinagat na lang ni Mephist ang labi na parang pinagagalitang bata habang nananatiling nakayuko.
Nakakakonsiyensiya ang tono ng President. Napakahinahon na sila na mismo ang nahihiya sa kung anuman ang ginawa nila.
Inilipat naman ng President ang tingin kay Armida. "Oh, the Slay—?" Hindi rin niya natapos ang sinasabi nang makita ang babaeng katabi rin nito. Dinaan na lang nito sa pagngiti ang pagkagulat. "This is a surprise."
"Mr. President, espiya ang isang 'yan," babala agad ng isang Leveler.
"Really?" Lumapit naman ang President kay Erajin.
Napapikit-pikit na lang ang babae habang hindi inaalis ang tingin sa mga maaamong mata ng President nang panatilihin nito ang kalahating dipang distansya nila.
Kakaiba ang nararamdaman niya dahil hindi na siya kinakabahan. At ang mas kabilib-bilib pa ay parang pinakalma pa siya nito.
"What's your name?" nakangiti at mahinahon niyang tanong—gaya ng kung paano magtanong sa isang inosenteng bata.
"E-Erajin . . ." nahihiyang sagot ng babae.
"Hill-Miller?"
Tumango lang si Erajin doon.
"I see. Welcome to Hamza, Miss Erajin Hill-Miller," pagbati niya rito. "Sikat ang pangalan ninyo sa labas. Puwede ko bang malaman kung ano'ng ginagawa rito sa Hamza ng isang gaya ninyo?"
"Uh," napasulyap si Erajin kay Mephist. "N-Nandito ako kasi . . ."
"Mr. President," sabad ni Mephist.
"Hayaan mo siyang magsalita, Mephist," putol ng President sa lalaki.
Napalunok lalo si Erajin. Pakiramdam niya, lahat ng mata ay nakatatitig sa kanya.
"Kakausapin ko lang sana . . ." Tiningnan niya ang Fuhrer. "Siya."
Napatingin naman ang President sa Fuhrer na kakaiba ang tingin. Naghahalo rito ang inis at pagkadismaya.
"Nakausap mo ba siya?" mahinahong tanong ng President.
Tumango naman si Erajin bilang tugon.
"Saan ka na pupunta ngayon?"
"A-Aalis na sana ako," malungkot na sinabi ni Erajin at napayuko na lang. Napansin ng President na panay ang kutkot nito sa kuko.
"You're anxious," bati ng President kay Erajin kaya napaangat ng tingin ang babae. "Nagkaroon ka ba ng anxiety pagpasok mo rito? Are you scared?"
Hindi agad nakasagot si Erajin at napayuko na naman habang kagat ang labi.
Napadiretso ng tayo ang President at napatingin sa babaeng kamukha ng kausap niya. "Uhm, Madame Armida Zordick," pagbati niya rito.
"Yes?" nakataas ang kilay na pagbati nito.
"Welcome to Hamza," matipid na pagbati ulit ng President at binalikan si Erajin na hindi na talaga naiangat pa ang mukha.
"Mephist, ihatid mo siya palabas," utos ng President.
"Pero, Mr. President, espiya siya!" pigil ng isa.
"Alam ko kung sino ang mga espiyang pumapasok sa lugar ko, Jules. At hindi espiya ang bisita natin ngayon." Gumilid na ang President at inilahad pa ang palad patungo sa entrance. "You may go, Miss Hill-Miller."
"Pero, Mr. President—!"
"Mauuna na kami, Uncle," mahinang sinabi Mephist at iginiya na palabas ng Hamza si Erajin.
Nadismaya ang lahat ng Leveler dahil pinaalis lang nang ganoon kadali ng President ang sinasabi nilang espiya. Wala silang ibang magawa kundi panoorin lang itong samahan ni Mephist palabas.
"Uncle," pagtawag ng Fuhrer sa kanya.
Hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi ng President nang humarap na dalawa pa niyang bisita.
Naibaba niya ang tingin sa baril na hawak ni Armida Zordick. "Kailan pa natutong magdala ng baril ang Slayer?" pag-uusisa niya. "I thought you fight with your bare hands."
Tinaasan lang siya ng kilay ng babae at hindi na ito nagsalita.
"Uncle, may amnesia siya," paliwanag ng Fuhrer.
Nakitaan ng bahagyang gulat ang President na agad ding naglaho at nagbalik sa simpleng ngiti. "I'm aware of the Slayer's case, Rynel. More than you know." Nagpakita ang matamis niyang ngiti kay Armida Zordick. "Like what I've said, alam ko kung sino ang mga espiyang pumapasok sa lugar ko."
Pinagpag niya ang balikat ng Fuhrer at natanaw ang Guardian Decurion nito sa may elevator. "Mukhang hindi na natin mahihintay si Mephistopheles. Mauna na tayo sa conference room."
At siya na ang naunang maglakad patungong elevator para masimulan na ang nakatakda nilang pag-uusap.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top