1: Impostors
Bisperas ng kapaskuhan. Kaliwa't kanan ang kasiyahan sa loob at labas ng bansa, pero sa Citadel, nangingibabaw ang pagluluksa ng lahat.
Nagtitipon ang lahat ng Guardian sa napakalawak na sementeryo ng Citadel. Lahat ay nagbibigay-galang sa libing ng isa sa mga Serving Guardian at kauna-unahang Decurion na naitalaga bilang Superior—si No. 99.
Walang ibang maaaring dumalo sa libing na iyon maliban lang sa mga Guardian, na kahit si Cas ay kinailangan munang maghintay matapos ang seremonya ng pagpupugay bago ito madalaw sa libingan.
Balisang-balisa si Cas habang nakaupo sa nag-iisang upuan sa harap ng hospital bed ni Joseph Zach. Higit dalawang oras na siyang tulala roon, blangko ang utak, blangko ang damdamin.
"Cas . . ."
Mahinahon ang pagtawag ni Josef sa pangalan ng biyenan. Bakas pa sa leeg niya ang malalaking kalmot na gawa ni Armida.
Nagbubuntonghininga siya nang lumapit sa ginang na tulala pa rin sa mga sandaling iyon.
"Cas, si Laby na ang nagprisintang umasikaso sa asawa ko," malungkot na sinabi ni Josef nang malapitan si Cas. Tumalungko siya sa harapan nito at hinawakan ito sa kamay. "Hindi ko alam kung ano ang nangyari, pero . . ."
"Alam naming pareho na mangyayari 'to . . ." wala sa sariling tugon ni Cas habang nakatulala pa rin. "Lagi niyang sinasabi . . . anak niya ang papatay sa kanya balang-araw dahil . . . dahil iyon ang hula sa kanya ng ama niya."
"Cas, alam nating pareho na hindi 'yon sinasadya ni Armida," katwiran ni Josef. Pilit na sinasalba ang pangalan ng asawa niya sa kabila ng lahat ng ginawa nito.
Parang salamin ang mga mata ni Cas habang pinangingiliran ng luhang hindi pa rin pumapatak.
Para bang kahit iyon, kailangan pa ring pigilan dahil hindi siya maaaring maglabas ng emosyon bilang kahinaan.
"Kaya kong mamatay para kay Yusaf . . ." ani Cas at saglit na sinulyapan ang ama ni Josef na nakaratay sa higaan nito. "Pero si Yoo-Ji lang ang dahilan ko kaya ako nabubuhay hanggang ngayon . . . dahil kapag namatay ako . . . mabibigo siya sa sinumpaang tungkulin niyang panatilihin akong buhay . . ."
Ibinaba ni Cas ang tingin niya sa kamay niya. Napatingin din doon si Josef.
Saglit na kumunot ang noo ng lalaki nang makita ang suot na singsing ni Cas at ang nakaukit doong Chinese characters.
"Ganito rin ang wedding ring ni Armida," mapait na pagngiti ni Josef at marahang hinimas ang singsing ni Cas sa palasingsingan nito na gawa lang sa mababang uri ng metal. Nag-angat ng tingin si Josef at hinimas ang pisngi ni Cas. "I'm sorry about No. 99. I'm really sorry."
SAMPUNG ARAW NA ang nakalipas mula nang mangyari ang malagim na pangyayari sa Black Pit, kung saan pinarurusahan pa lang si Armida Zordick ay muntik na nitong patayin ang bagong Fuhrer, at namatay naman ang isa sa second generation Superior na si No. 99.
Ilang araw nang pabalik-balik si Josef sa opisina ni Laby para magtanong ng update sa lagay ng asawa niya. Ang kaso nga lang, kung hindi nito sasabihing ongoing ang operation sa asawa niya, under observation ang asawa niya, may mga lab test na ginagawa sa asawa niya, ang daming rason tungkol sa lagay ng asawa niya.
At sa ika-sampung araw, sa wakas, nabigyan na siya ng pagkakataong makita ito.
"Mas mabuti kung 'wag ka munang magtanong nang magtanong tungkol sa nangyari," paalala ni Laby habang nilalakad nila ang pasilyo papunta sa isang medical ward ng sariling ospital ng Citadel. "Marami kaming gamot na itinurok sa kanya, isa sa side effects ang memory loss."
"Na naman?" iritang sagot ni Josef. "Anong gamot ba ang binibigay n'yo sa asawa ko?"
Sa wakas ay nakaabot na sila sa isang silid na masyadong komportable. Maaliwalas, tanaw agad sa bintana ang magandang bagsak ng araw sa umagang iyon.
Puti ang interior, sumasabog sa dingding ang magaang pakiramdam. Damay pa ang lamig ng air-con.
Nakapalibot ang isang doktor at apat na nurse sa isang hospital bed.
"Armida?"
Sabay-sabay silang humarap sa direksiyon ng pintuan at yumukod pagkatapos para magbigay-galang.
"Magandang umaga, Lord Ricardo," sabay-sabay na pagbati ng mga ito.
Nakahinga nang maluwag si Josef nang makita ang asawa niyang nakabangon na sa kama at maaliwalas ang mukha.
"Armida!" masaya niyang pagbati rito at nilapitan ito agad. Nakangiti niya itong pinagmasdan at inilibot pa niya ang tingin sa lahat ng bahagi ng mukha nito. "How are you feeling?"
Hindi agad sumagot ang babae. Sinulyapan pa muna nito si Laby na may pag-uutos ang tingin na sumagot siya sa tanong na iyon ng lalaking tumabi sa kanya sa kama.
"Uh . . ." Kinakabahan siya nang tingnan ang lalaking nakangiti sa kanya. "Ayos lang . . ."
"Natatandaan mo 'ko?" asiwang tanong ni Josef.
"Uh . . ." Sinulyapan na naman niya si Laby para manghingi ng sagot.
Saglit na nanlaki ang mga mata ng dalaga at itinuro ang palasingsingan.
"Uhm . . . ikaw ang . . . asawa ko," ilang na sagot ng babae.
"Oh thank God," pasalamat ni Josef dahil natatandaan pa pala siya nito. "May masakit pa ba sa katawan mo?" tanong niya rito. "Ginugutom ka ba? Gusto mo ng pagkain?"
Yumuko ang babae at nahihiyang tumango para sabihing ginugutom na siya.
"Guardians," pagtawag ni Josef.
"Yes, milord."
"Ipaghanda n'yo ng makakain ang asawa ko. Maraming pagkain. Bilis!"
Samantala, sa HQ . . .
"Hagh—!" Napabangon agad siya dahil pakiramdam niya ay sinasakal siya. Butil-butil ang pawis niya at agad na nilibot ng tingin ang paligid. Tinalo pa niya ang hinabol ng sampung kabayo dahil sa pagkahingal.
"O, gising ka na pala."
"Hah! Si-sino ka?!" Napaatras agad siya sa gulat nang makita ang lalaking nakatayo sa gilid ng kama at inaayos ang alarm clock.
Nilibot agad niya ng tingin ang buong silid para malaman kung nasaang lugar na siya.
Maganda sa loob ng malaking silid na iyon. Takaw-pansin ang malaking asul na velvet cloth na may insigna at nakasulat na Meurtrier Assemblage sa kaliwang dingding. Sa kanan ay malaking tokador na pulos trophy at recognition plaque. Puro may pangalang Meurtrier Assemblage iyon.
Pagtingin niya sa ibaba, nakakumot naman siya at nakasuot ng pulang T-shirt
"Na-nasaan ako?" tanong pa niya sa lalaking nakatingin na sa kanya habang nakakrus ang mga braso.
Pinagmasdan niya ang kabuuang anyo nito. Mukha namang mabait. Matangkad ito, katamtaman ang laki pero halata ang matipunong katawan sa suot na T-shirt na gaya ng kanya, kayumanggi ang balat nito, at kapansin-pansin ang magkaibang kulay ng mga mata nitong madilim na berde ang kanan at kulay tsokolate naman ang kabila.
"Razele. Ako si Razele," pakilala ng lalaki. "Nandito ka sa HQ." Umupo ito sa tabi ng kama niya kaya napaatras siya nang bahagya para makaiwas. "Natatandaan mo ba kung sino ka?"
"Ha?" Napaisip naman siya sa tanong.
"Ano'ng pangalan mo?" tanong ni Razele.
Nag-isip pa siya at tinanong ang sarili kung ano ang pangalan niya. Ang kaso, kahit anong isip niya ay wala talaga siyang makalkal sa utak niya. "Hi-hindi ko . . . hindi ko . . ."
"Hindi mo matandaan." Si Razele na lang din ang sumagot sa tanong nito. "Okay, ganito . . . uhm." Kinagat niya sandali ang labi at saka ibinalik ang tingin sa kausap. "Ikaw si Erajin. Pero RYJO ang tawag namin sa 'yo. RYJO ang codename mo. Bakit ka may codename? Kasi professional assassin ka. At ako? Ako ang boss mo. Bakit ka nandito kasama ako? Kasi . . ." Nag-isip pa ito ng magandang idadahilan. "Kasi mahalaga ka sa 'kin bilang empleyado ko. Medyo nagkaproblema ka nga lang sa memorya mo, other than that, wala namang kahit anong problema." Itinaas-taas pa nito ang kilay para papaniwalain ang babae sa harapan nito.
Pumikit-pikit lang si Erajin dahil sa mga sinabi ni Razele.
"Nakuha mo ba ang mga sinabi ko?" asiwang tanong ni Razele.
"Ako? Assassin?" tanong pa niya.
"Oo. Alam mo 'yon? Yung pumapatay ng tao? Yung binabayaran para tapusin ang dapat tapusin? Yung—"
"Brad, alaala ang nawala sa 'kin, hindi utak," sarcastic na sagot nito.
Biglang nagbago ang timpla ng mukha ni Razele. Napataas ang magkabilang kilay niya dahil sa sinabi ng kausap.
Naisip niyang oo nga naman, magkaiba ang walang maalala sa tanga.
Si Jin nga 'to.
"Hoy."
"Ah!" gulat na naibulalas ni Razele at napaayos ng sarili dahil lumutang ang isip niya. Tumayo na siya at nagkamot ng ulo. "Uhm, ano, may masakit ba sa katawan mo?"
Ch-in-eck naman ni Erajin ang katawan niya para alamin kung may masakit pa ba roon.
"Wala naman akong kahit anong sugat. Bakit? May nangyari ba bago ako mawalan ng alaala?" tanong ni Erajin habang nag-iisip pa.
"Uh, well . . . sort of?" Hindi rin alam ni Razele kung may nangyari nga ba. Basta ibinigay na lang siya sa kanya. Kahit naman nagtanong siya, wala rin namang ibang sagot ang Citadel kundi threat ang babae sa buhay ng Fuhrer. "Actually, w-wala naman . . . Teka, ginugutom ka ba?"
"Hindi ko alam. Pero nauuhaw ako."
Tumango naman si Razele at kumuha ng bottled water sa ref na nasa kanto ng kuwartong iyon. Doon lang sa likod ng side table na katabi ng kama niya.
"Kuwarto mo ba 'to?" tanong ni Erajin.
Lumapit na sa kanya si Razele at inabot sa kanya ang tubig. "Hindi. Pero dito kami tumatanggap ng mga VIP. Nasa 9th floor tayo kaya kita mo ang buong cityview diyan sa bintana." Itinuro niya ang floor-to-celing na bintana ng kuwarto "Mga mataas na officials lang ang nakakapag-stay rito."
"At ako . . ." asiwang tanong ng babae.
"Ikaw . . ." Napabuga muna ng hangin si Razele dahil hindi niya puwedeng sabihing nandoon si Erajin dahil Superior ito. "Well, wala kasing ibang available na room sa HQ. Dito na lang kita dinala." Naging matipid ang ngiti niya at saka tumango nang tumango.
"Oh. Okay." Tumango rin naman si Erajin bago uminom. "Assassin ako. Okay. Pero bakit . . . bakit ba 'ko nawalan ng alaala? Ibig kong sabihin—paano nangyari?"
Napakamot ng leeg si Razele dahil hindi talaga niya alam ang sagot sa lahat ng tanong na puwedeng ibato sa kanya ng kausap.
"Okay, Jin, I'll be honest," panimula ni Razele sa pag-amin. "Kahit na gusto kitang sagutin sa lahat ng tanong mo, I'm sorry pero hindi ko talaga alam kung ano ang nangyari sa 'yo bago kita nakita." Itinuro niya ang sarili. "Even me, I want to ask the world what the bloody hell happened, pero hindi ko rin alam. Believe me, I want answers the same as you do."
Kitang-kita ni Erajin na nagsasabi ng totoo si Razele base sa kilos nito. Isa rin itong aligaga habang nagpapaliwanag. Napatingin naman siya sandali sa ibaba at inilipat din ang tingin sa labas ng bintana. "Ilang araw na 'kong walang malay?"
Napabuga na naman ng hangin si Razele bago sumagot. Kampante nang hindi na magtatanong si Erajin tungkol sa mga nangyari dito.
"Ang totoo . . ." Inisip pa ni Razele ang isasagot. "Isang linggo ka nang nasa isang medical facility. Tapos tatlong araw na ang nakakalipas pagkatapos kang i-discharge. Bale, three days ka nang nandito sa HQ. At ten days ka nang walang malay base sa date kung kailan kita nakita."
"Okay." Iyon na lang ang nasagot ni Erajin habang nakatitig pa rin sa labas ng bintana kung saan ang ganda ng bagsak ng pang-umagang araw.
"Um, hindi ka talaga nagugutom? More than a week ka nang walang kain," alok pa ni Razele.
Tumango naman si Erajin at ibinalik na ang tingin kay Razele. "Dalhan mo 'ko ng pagkain. Maraming-maraming pagkain."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top