Track 6: Red
PINAGMAMASDAN ko ang blankong canvas sa harapan ko. Ilang araw na ang lumipas pero wala pa ulit akong naiguguhit. Malapit na ang araw ng Likha- ang contest na sinalihan ko pero hindi pa ako nakakapagpractice. Hindi dapat ako nagpapa-easy-easy lang. Kailangan kong igalaw ang kamay ko para hindi ito manibago sa mismong araw ng contest.
Dinampot ko ang paint brush na nakapatong sa lamesa na nasa tabi ko, inilublob ko iyon sa kulay pulang pintura. Pula- kulay kung saan ko maihahalintulad ang nararamdaman ko para sa taong mahal ko.
Bago pa tuluyang mailapat ang dulo ng paint brush sa puting canvas ay bumalik ang mga alaala sa aking isipan. Mga alaala kasama siya.
"Red!"
Mula sa paghahanap sa kanya mula sa mga estudyanteng abala sa pagbili ng pagkain ay nalipat ang tingin ko sa isang lamesa sa gitnang bahagi ng carinderi. Agad na sumilakbo ang labis na kilig sa puso ko nang makita ang nakangiti kong boyfriend. Nakangiti akong gumanti ng kaway sa kanya.
Pinasadahan ko siya ng tingin habang papalapit sa kanya. Palagi naman itong naka-white longsleeve at black slack pero palagi pa rin akong namamangha tuwing nakikita siyang naka-school uniform. Kahit kasi simple lang ang suot niya ay umaangat pa rin ang kagwapuhan at kakisigan niya.
"Sorry, late," simpleng paumanhin ko. Umupo ako sa tabi niya.
Ginawaran niya ako ng marahang halik sa labi na ikinadagdag ng kilig ko. "Okay lang. Sanay na," biro niya. Nag make face ako na mahina naming ikinatawa.
"Order na tayo." Tatayo na sana akong muli pero agad niya akong pinigilan sa braso.
"Ako na lang. Siksikan doon."
Hindi na niya hinintay ang sagot ko at nagtungo na siya sa pila. Nakangiti ko siyang pinanood na matyagang naghihintay. Sa mga kilos niya, palagi kong nararamdaman na para akong isang prinsesa. Hindi niya hinahayaang pumila ako para bumili ng pagkain. Hindi niya hinahayaang ako ang magbitbit ng mga gamit ko kahit pa minsan bag lang naman iyon at kahit sabihin kong kaya ko naman. Hindi niya hinahayaang maghintay ako sa kanya. Aniya ay okay lang na siya ang maghintay, 'wag lang ako. Mga simpleng kilos pero nakakapadagdag ng labis na pagmamahal ko sa kanya.
"Ano sa palagay mo ang maganda?" tanong niya nang minsan ko siyang samahan sa pagbili ng bagong gitara.
Itinuro ko ang nagustuhan ko. Red oak wood iyon. Agad naman niya 'yong kinuha at tinesting. Nakatutok sa akin ang paningin niya nang tinugtog niya ang paborito kong kanta. Kaya naman hindi ko napigilan ang malawak na ngiti habang pinapanood siya.
Maihahalintulad ko si Tyron sa paborito kong kanta. Ang mga kilos, mukha, at mga gawain niya ay parang mga letra niyon. Lahat nakatatak sa isip ko. Hindi kayang burahin ng ibang kanta.
Limang buwan pa lang ang relasyon namin ni Tyron pero masasabi kong iyon na ang pinakamasayang limang buwan ng buhay ko. Sa mga unang buwan ay ang kasagsagan ng nag-uumapaw na kilig ang tanging nararamdaman ko. Hindi ako nagsisi na sinagot ko siya matapos ang anim na buwan niyang panliligaw. Lahat ng gawin niya ay ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin at mas napatunayan kong totoo ang nararamdaman niya nang ipakilala niya ako sa mga kaibigan at pamilya niya.
First boyfriend ko siya kaya naman mabilis akong makaramdamn ng selos, na ultimong best friend niyang babae ay pinagseselosan ko. Kumbaga hindi pa alam kung paano sasawayin ang nararamdaman. Pero dahil nga first boyfriend ko siya kaya naman ganoon na lang ang pag-iingat ko na 'wag maiparating sa kanya ang nararamdaman kong selos para hindi kami mag-away at hindi magkaroon ng dahilan ng paghihiwalay. Kinikimkim ko ang labis na selos at labis na frustration. Pero natatabunan din naman agad ng labis na pagmamahal ko sa kanya ang mga pangit na nararamdamang iyon.
Sa limang buwan ay nagtiwala ako na magtatagal kami; bumuo na isip ng mga pangarap kasama siya. Pero hindi ko inaasahan na mabilis maglalaho ang masaya at puno ng kilig na relasyon namin. Unti-unti naging malamig ang noon ay mainit naming pagmamahalan.
Nang ihatid niya ako isang gabi pauwi sa bahay ay hindi ko na napigilang kumprontahin siya.
"Tinatanong ko kung may problema ba tayo." Seryoso lang siyang nakatingin sa unahan ng kotse. Nakahawak ang parehong kamay sa manibela. Malalim akong nagbuga ng hangin nang hindi man lang nagbago ang itsura niya. Nakakaramdam na ng labis na inis. "Bakit hindi ka nagsasalita? Mahirap bang sabihin sa akin ang bumabagabag sa 'yo? Girlfriend mo 'ko, Tyron!"
Nilingon niya ako pero hindi ko masabi kung ano mang maaaring nararamdaman niya nang mga oras na 'yon dahil nanatiling seryoso ang mukha niya.
"I made a mistake. Hindi lang sa 'yo, kung 'di pati sa sarili ko."
Nangunot ang noo ko. Nadarama na ang kaba ngunit pilit na nilalabanan. "Ano bang sinasabi mo?"
Dinampot ng dalawang kamay niya ang kamay kong nakahawak sa strap nf bag ko at marahang hinaplos iyon nang paulit-ulit.
"I'm sorry, Red, but I like someone else."
Unti-unting bumuka ang bibig ko at ilang ulit na napakurap bago mahinang natawa. Tawa dulot ng labis na kirot na mabilis kong naramdaman sa dibdib ko. Parang may paulit-ulit na kumukurot sa puso at habang tumatagal ay pasakit nang pasakit iyon.
"Nagbibiro ka lang, 'di ba?" umaasa kong tanong.
Pero hindi man lang niya pinagbigyan na umasa pa ako kahit kaunti dahil mabilis siyang umiling habang suot ang lungkot sa mukha.
Mabilis na nagpatakan ang mga luha ko. Hindi na nagpapigil.
"Akala ko ba mahal mo 'ko?" May hinanakit kong tanong.
Nakita ko nang umangat ang isa niyang kamay habang nakatingin siya sa luhaan kong mukha. Pero itinigil 'yon sa ere bago ibinababa at muling inihawak sa kamay ko. Ramdam ko ang lungkot sa ginawa niyang marahang pagbuga ng hangin.
"Minahal kita, Red. Lahat ng sinabi at ipinakita ko sa 'yo bukal 'yon sa puso ko," marahang aniya. Ramdam ko ang mas humigpit na hawak niya sa kamay ko. "Pero hindi ko alam na dinadaya ako ng sarili ko. Ngayon ko lang mas nakilala ang sarili ko, Red, at gusto kong magpakatotoo."
"Wha-What do you mean?" naguguluhan kong tanong.
Itinigil ko ang kamay sa pagpapahid at tinitigan ang canvas na ngayon ay nakapinta ang kanyang mukha gamit ang tatlong kulay. Pula, katulad ng nararamdaman ko sa kanya. Lahat ng labis na selos, labis na frustration at labis na pagmamahal ay maihahalintulad ko sa pula.
Unti-unting nagbago ang kulay ng mundo ko pagkatapos niyon. Naging asul, dahil doon ko maihahalintulad ang sakit na naramdaman ko nang mga panahong naging malamig hanggang sa unti-unting nawala ang pagmamahal niya. At dark gray, dahil iyon ang nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko nahihirapan akong bumangon pagkatapos ng pagkakalugmok noong maiwan niya ako nang mag-isa.
Mariin akong napapikit nang pumatak ang mga luha dulot ng kirot sa puso nang maalalang muli ang gabi kung kailan natapos ang lahat sa amin.
"I like Jessey, Red."
"J-Jersey?" Hindi makapaniwalang ani ko. Isa lang ang kilala kong Jessey. That guy from our department. Nagbibiro lang siya, hindi ba? "Ano'ng kalokohan 'to, Tyron Julian? Sinasabi mo lang ba 'to para magkaroon ng dahilan na iwan ako?" naiinis kong tanong.
"Totoo ang sinabi ko, Red."
Natatawa akong napasinghal. "Pagkatapos ng limang buwang relasyon natin sasabihin mo sa 'kin ngayon na may iba ka ng gusto at sa lalaki pa, Tyron? Binabaliw mo 'ko!" singhal ko. "Kung gusto mong makipaghiwalay sabihin mo ang totong dahilan!"
"Iyon ang totoong dahilan, Red. Gusto ko nang magpakatotoo. Hindi ko na kayang kinakain ako ng konsensya sa araw-araw kang kasama pero siya ang naiisip ko at kung ano'ng totoong ako. Hindi ko na kayang saktan ka pa, Red." Bakas na ang frustration sa kanyang mukha. Bawat bigkas niya sa mga salitang iyon ay may diin na para bang nagpapaintindi.
Hindi ko nagawang umimik. Nanatili ang luhaan kong mga mata na nakatitig sa kanya, gulat at sakit ang nakapinta.
"You deserve someone better, Red."
"Pero ikaw 'yon, Tyron!" mariin kong ani.
"Hindi ako 'yon, Red." Malungkot siyang umiling. "Simula pa lang nang malaman ko ang totoo kong nararamdaman at ang totoong ako at simula nang umiyak ka dahil nasaktan kita, hindi na ako 'yon. Deserve mo ang totoo, Red. Simula sa katauhan hanggang sa pagmamahal."
Nangatal ang labi ko nang dalhin niya ang kamay ko sa labi niya at marahang dinampian 'yon ng halik. Isa ito sa palagi niyang ginagawa kahit noon pa man. Kaya naman hindi ko napigilan ang mapahagulgol.
Hindi na ako nagpumilit pa. Hindi ko na ipinilit ang nag-uumapaw kong pagmamahal. Baka kasi malunod lang kaming pareho. Tama ng ako na lang. Ako na lang ang nalulunod sa labis na pagmamahal sa kanya.
Buong puso akong nagparaya kahit sobrang sakit ng lahat. Sa ginawang pagtatapat ni TJ sa katotohanan tungkol sa kanya mas lalo ko siyang minahal. Lalo akong humanga sa kanya nang malaman kong nagkaroon siya ng tapang na ipagsigawan niya sa iba ang pagmamahal para kay Jessey.
"Congratulations, Red! Sabi ko na nga ba mananalo ka," masiglang bati sa akin ng kaibigan kong si Vaughn. Siya ang kasama ko sa venue kung saan ginanap ang Likha.
Nakangiti kong pinagmasdan ang painting ko na hindi ko akalaing magbibigay ng tagumpay sa akin. Isa 'yong maple tree. Berde ang bawat dahon. Pero ang isa ay pumatak, kulay pula na iyon. At mayroon pang isa sa ibaba niyon na kulay kahel. Sa ganoong paraan ko rin maihahalintulad ang naging relasyon namin ni Tyron isang taon na ang nakakaraan. Para sa akin naging mabilis ang pagbabago ng lahat at ang pagkawala.
Lahat ng galit, selos, frustration na naramdaman ko sa limang buwang relasyon namin noon, palagi 'yong natatabunan ng labis na pagmamahal ko para sa kanya na hanggang ngayon ay nakatanim sa puso ko. Pagmamahal na hindi ako tinuruang magtanim ng galit sa kanya.
"Burning red?" nagtatakang tanong ni Vaughn nang sabihin ko ang pamagat ng likha ko. "Bakit burning red?"
Ngumiti lamang ako.
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top