Track 3: You Belong With Me

"ALY!"

Natigil ang masaya naming kwentuhan ni Aly nang lumapit si Eli sa tinatambayan naming kubo rito sa loob ng university. Nawala ang ngiti sa labi ko at napabuntong-hininga na lamang habang nakatingin sa bagong dating.

Hindi ko alam kung nananadya siya pero pansin kong lagi na lamang itong sumusulpot tuwing kasama at kakwentuhan ko si Aly. Pinanood ko itong umupo sa harapan ko, sa tabi ni Aly at inusisa ito ng kung anu-anong bagay. At ito naman ako na ilang ulit nang nagbuntong-hininga at hinihiling na sana ay umalis na agad ang kolokoy na 'to para masolo ko na muli si Aly.

"So, payag ka na?" masayang tanong ni Eli. "Yes!" masayang sigaw niya at sumuntok pa sa ere nang nakangiting tumango si Aly bilang sagot sa tanong nito na hindi ko na nagawang marinig dahil sa lihim na paghihimutok.

Nagtiim-bagang ako at napaiwas ng tingin dahil sa ngiting nakita ko sa mga labi ng babaeng gusto ko. Tuwi na lamang ngingiti siya nang ganoong kaganda para sa iba, lalo pa't alam kong gusto niya, ay labis ang sakit na nararamdaman ko sa aking puso. Dahil hindi lamang mga labi niya ang nagsasabing masaya siya, kung 'di pati ang mga mata niya.

"Mauna na muna ako dahil may klase ako ngayong alas dose. Basta susunduin na lang kita mamaya, okay?"

Lumingon na muli ako sa dalawang tao na nasa harapan ko noong marinig ko ang pamamaalam ni Eli. Masamang tingin ang ipinukol ko sa kanila kahit pa hindi nila iyon nakikita dahil busy sila sa pag-ngi-ngitian at ilang ulit na pagpapaalaman. Pilit naman akong napangiti nang bumaling sa akin si Eli at tinapik pa ang balikat ko.

"Una na 'ko, P're."

"Huwag, bata ka pa." Gusto ko sanang sabihin pero ayokong isipin niyang pinipilosopo ko siya kahit iyon naman ang gusto kong iparating. Hindi na lang ako umimik. Ngumiti lamang ako at tumango. Kahit kailan talaga ay hindi ko siya magawang kausapin. Hindi ko gusto.

"Bye!" ani Aly at kumaway pa kay Eli na nakatingin pa rin dito habang paatras na naglalakad.

Madapa ka sana. Isip-isip ko na hindi naman nangyari dahil tuluyan na itong humarap sa daan at nagpatuloy sa paglalakad.

Narinig ko ang malalim na buntong-hininga ni Aly kaya naman naibaling ko sa kanya ang atensyon ko. Nakangiti pa rin ito habang nakatingin sa daan kung nasaan kanina si Eli.

"Saan kayo pupunta mamaya?" pang-uusisa ko. At sa wakas... Bumaling rin siya sa akin.

"Sa bahay nila. Birthday ng mommy niya at magkakaroon ng kaunting salu-salo."

Tumango ako at nagtiim-bagang. Botong-boto ang pamilya ni Aly kay Eli at ganoon rin ang pamilya ni Eli kay Aly. Wala na silang po-problemahin, kulang na lamang ay relasyon nila. Dalawang taon ng nanliligaw si Eli kay Aly. Balak niya itong sagutin kapag naka-graduate na ng kolehiyo. At malapit na iyon, isang buwan na lang.

Isang buwan na lang pero hindi ko pa naipagtatapat ang nararamdaman ko. Nangako ako sa sarili ko na bago niya sagutin si Eli ay dapat nasabi ko na sa kanya ang nararamdaman ko. Doon ko malalaman na baka may pag-asa rin ako, pag-asang makapasok sa puso niya.

Hindi naman 'yon malayo mangyari. Napakadami kong lamang o puntos kumpara kay Eli. Mas kilala ko siya kumpara kay Eli. Mas nagkakasundo kami sa lahat ng bagay: movies, music, concerts, band, foods, places to travel. Name it, lahat iyon napapagkasunduan namin.

Mas matagal na niya akong kilala kumpara kay Eli. Labing limang taon na kaming magkakilala at magkaibigan, samantalang sila ni Eli ay nito lamang nagkolehiyo. Ako ang kasa-kasama niya sa lahat ng pangyayari sa buhay niya, malungkot man iyon o masaya. Kaya sigurado akong may laban ako sa puso niya. Kung hindi nga lang...

"Blake!" natatawang sigaw ni Aly na pinitik pa ang noo ko.

Napakurap ako nang ilang beses. Hindi ko man lang namalayang kanina pa ako nakatitig sa kanya habang iniisip ang mga bagay na 'yon.

"Ano'ng nangyayari sa 'yo at natutulala ka pa riyan?" natatawang tanong niya.

"Ano'ng oras ka susunduin mamaya ni Eli?" tanong ko at parang naguluhan siya sa layo ng itinanong ko.

"Mga six ng gabi. Bakit?"

"Pwede ba tayong magkita mamaya sa park ng subdivision bago mag alas-sais?" Bakas ang pagkalito sa itsura niya habang nakatingin sa akin. "May sasabihin lang ako," dagdag ko pa nang hindi siya sumagot sa tanong ko.

"Okay," nakangiting aniya kaya napangiti rin ako.

Umuwi ako nang natapos ang huling klase ko. Alas-kwarto pa lang kaya may oras pa para maghanda sa pagtatapat na gagawin ko mamaya. Araw-araw na yata akong naghahanda, pero ito ako at nag e-ensayo pa rin ng sasabihin kay Aly habang nakaharap sa salamin na nasa kwarto ko. Pero tulad ng laging nangyayari ay hindi ko naman nagugustuhan lahat ng ineensayo ko.

Naligo ako at piniling isuot ang pulang flannel na iniregalo ni Aly noong birthday ko last year. Halos maubos pa ang perfume ko dahil ipinaligo ko na iyon sa buong katawan ko. Lumabas ako ng kwarto kasama ang gitara ko na nakasabit sa aking balikat.

Nakita ko sa sala ang kapatid ko sa sala na nanonood ng Detective Conan. Agad ako nitong piansadahan ng tingin.

"Naks! Gwapo ng datingan, ah," panunukso ni  Bruce pero seryoso ang mukha.

Umupo ako sa tabi niya para magsuot ng white converse shoes.

"Pupunta ka kay Aly?" tanong niya. Hindi ko iyon sinagot. "'Wag mong sabihing magtatapat ka sa kanya?" tanong niya muli.

"Wala ka na do'n," mahina kong sabi habang nasa pagsisintas ng sapatos ang atensyon.

"Wala kang pag-asa do'n," bakas ang kaseryosohan sa boses niya nang sabihin iyon. Nang-iinis.

Nagtiim-bagang ako at hindi pinansin ang sinabi niyang iyon. Ayokong panghinaan ng loob. Kahit ano'ng mangyari ay magtatapat ako kay Aly.

"Ilang beses ko nang sinabi 'yan. Hindi ka talaga nakikinig," dagdag niya pa. Bakas na ang inis sa boses.

Parang biglang nagpanting ang tenga ko kaya naman inis ko siyang hinarap. "Pwede ba! Kung wala kang matinong sasabihin, tumahimik ka na lang!" asik ko sa kanya.

Pero dahil sanay na siya sa ugali kong palaging naiinis kapag tungkol doon ang pinag-uusapan, ay hindi man lang nagbago ang reaksyon niya. Nanatili siyang seryosong nakatingin sa akin.

"Kailan hindi naging matino ang sinasabi ko?" tanong niya.

Malalim at naiinis na buntong-hininga ang pinakawalan ko.

"Paano ka niya magugustuhan? Mag isip ka nga! Ayoko lang na masaktan ka kaya nga itigil mo na ang balak mo habang maaga pa!"

Umiling ako habang seryosong nakatingin sa kanya. "Kung hindi ko gagawin 'to, baka pagsisihan ko rin 'yon. Hindi bale ng masaktan, ang mahalaga sinubukan ko." Tumayo na ako pagkasabi no'n at mabilis na naglakad palabas ng bahay.

"Paano ka niya magugustuhan kung—"

Hindi ko na narinig ang sinabi niya dahil lakad-takbo akong lumabas ng gate. Palagi na lang niyang ipinamumukha sa akin ang mga dahilan para hindi ako magustuhan ni Aly at isa na roon ang pagiging bestfriend ko rito.

Sumakay ako ng pedicab papunta sa subdivision kung nasaan ang bahay nila Aly. Malapit lang naman iyon sa amin at pwede ng lakarin, pero ayokong mauna pa siya na makarating sa tagpuan namin. Nang makarating sa park ng subdivision nila ay wala pa akong naabutan roon. Tahimik ang buong parke pero maliwanag naman doon dahil napapalibutan iyon ng mga poste na may mga ilaw.

Umupo ako sa swing at inayos ang tono ng gitara ko. Ilang minuto pa akong naghintay bago ko nakita ang pagdating ni Aly. Nakasuot na ito ng yellow floral dress. Batid kong handa na siya sa pag-alis nila ni Eli mamaya. Napakaganda niya kahit walang makeup sa mukha. Naturak na natural.

"Blake!" masayang tawag niya sa akin at kumaway pa habang naglalakad palapit sa pwesto kung nasaan ako.

Nakangiti ko siyang pinanood na naglalakad habang kumikilos ang mga daliri ko sa gitara at pinapatugtog ang You Belong With Me ni Taylor Swift na paborito niyang kanta. Malumanay at dahan-dahan ang paraan ko ng pagtugtog kumpara sa orihinal nitong bilis. Nakalapit siya sa akin at umupo sa swing na nasa tabi ko na hindi nagsasalita. Pinapakinggan lamang nito ang pagtugtog ko.

Matagal kong tinitigan ang nakangiti niyang mukha habang nakatingin sa mga daliri ko na patuloy sa pagkalabit ng string ng gitara.

Hinahanap ko sa sarili ko ang lakas ng loob na magsalita at sabihin ang dapat sabihin. Matatapos na ang kanta noong mahagilap ko ang tapang ko kaya naman hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Itinigil ko ang pagtugtog. Nakasimangot naman siyang tumingin sa akin dahil doon.

"Bakit mo—"

"Gusto kita, Aly."

"—itinigil—"

Pagtatapat ko kasabay ng pagsasalita niya at agad naman siyang natigilan dahil sa sinabi ko. Seryoso akong nakatingin sa kanya habang nakatitig siya sa akin. Hindi ko mawari kung magsasalita ba ako dahil bakas ang labis na gulat sa nanlalaking mga mata niya at nakangangang bibig. Pero mayamaya ay humagalpak siya ng tawa. Tawa niya na sa unang pagkakataon ay kinainisan ko.

"Anong sinasabi mo riyan?" tanong niya makalipas ng ilang segundong pagtawa. Bakas sa mukha niya na nagpipigil pa siya ng tawa.

"Sabi ko gusto kita," seryoso muling sabi ko.

"Baliw ka talaga, Blake," naiiling at natatawang aniya kasabay ng pagtayo. Tumayo rin ako at hinawakan ang braso niya.

"Seryoso ako, Aly," seryosong ani ko at sa pagkakatong ito ay nawala na ang natatawang mukha niya. Napalitan iyon ng pagtataka... At disgusto. Ang sakit!

"Ano bang sinasabi mo riyan?" naiinis na tanong niya.

"Gusto kita—"

"Please, stop." Putol niya sa sasabihin ko at hinawi ang pagkakahawak ko sa kanya. Malungkot akong napatingin sa braso niyang hawak ko kanina bago muling tumingin sa mukha niyang bakas ang pagka-inis. "Kung nang ti-trip ka na naman ay itigil mo na 'to, Blake, dahil hindi nakakatuwa," naiinis na aniya at tinalikuran ako.

Maglalakad na sana siya kaya naman natataranta at mabilis akong naglakad papunta sa harap niya. Napaatras pa siya sa pagkabila at para hindi bumangga sa akin.

"Makinig ka naman muna, oh. Seryoso ako, Aly. Gusto kita."

Napanganga siya, nagtikom ng bibig, bago nag-iwas ng tingin. Bakas na bakas ang disgusto sa mukha niya dahil sa sinabi ko. Ngunit hindi rin nakatakas sa akin nag lungkot sa mga mata niya.

"Alam mong hindi pwede 'yang nararamdaman mo, Blake," aniya na hindi nakatingin sa akin. Sa gilid ko siya nakatingin, pilit iniiwas ang tingin sa akin.

"Bakit hindi? Dahil kay Eli?" tanong ko at doon na siya seryosong tumingin sa akin. "Akala ko ba ang gusto mo 'yung makakasundo mo sa lahat ng gusto mo? Akala ko ba ang gusto mo 'yung kapareho mo ng hilig? Akala ko ba ang gusto mo 'yong naiintindihan ka sa lahat ng bagay? Magkasundo naman tayo sa lahat, 'di ba? Pareho naman tayo ng mga hilig at mas lalong naiintindihan kita sa lahat-lahat, Aly." Huminga ako ng malalim pagkatapos sabihin ang mga iyon. Nanatili siyang nakatingin sa akin. "Pwede bang ako na lang?" dagdag ko pa. May pagmamakaawa sa boses.

Rinig ko ang malakas na buntong-hininga niya bago umiling. Iling pa lang, pero parang sinaksak na ang puso ko.

"Oo, magkasundo naman tayo sa lahat ng bagay, Blake. Pareho tayo ng mga hilig at mas lalong naiintindihan mo ako sa lahat-lahat. Pero I'm sorry, Blake, dahil hindi sapat ang mga 'yon para gustuhin kita."

Muling sinaksak ang puso ko, iyon nga lang mas malalim. Mas masakit. Parang pagkatapos saksakin iyon ay ipinaikot pa roon ang patalim. Ganoong kasakit ang unang beses na nabigo ako sa pag-ibig.

"Dahil kay Eli?" tanong ko pa. Hindi pa kuntento sa sakit na nararamdaman.

Umiling si Aly at malungkot na ngiti ang nakita ko sa labi niya. "Dahil hindi kita kayang gustuhin, Blake. I'm not like you. Hindi ko kayang magmahal ng babae."

Tumulo ang mga luha ko at hinayaan lang iyon kasabay ng pagdama ko sa sakit na nararamdaman. Ginising ako ng sinabi niyang iyon. Iyon ang katotohanan na hindi ko matanggap sa puso ko. Katotohanan na pilit na isinisiksik ng kapatid ko sa isip ko noon pa man pero ayokong tanggapin.

Ano'ng saysay ng lahat ng bagay na lamang ko kay Eli, kung ang kaisa-isang bagay na lamang niya sa akin ang kailangan ko? Ang pagiging lalaki.

Natapos man ang pagtatapat ko sa pagdating ni Eli at ang pagsama sa kanya ni Aly, pero alam kong bukas ay tatanggapin niya muli ako bilang bestfriend niya. At dapat maging sapat iyon sa akin. Dahil kahit hanggang doon man lang, masasabi kong, "You belong with me, Aly."

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top