Track 14: We Are Never Ever Getting Back Together

I miss you, Alex. I love you! Let’s get back together again, please!

Natawa ako at napailing ng mabasa ang text na 'yon galing sa ex-boyfriend ko. In-off ko ang aking cellphone at muling itinuon ang paningin sa laptop na nasa harapan ko. Nagpatuloy ako sa pag e-edit ng manuscript na ipapasa ko sa isang publishing company.

I am working as a Process Associate sa isang Insurance Company at sumubok rin sa larangan ng pagsusulat. Kadalasan sa mga isinusulat ko ay tungkol sa mga karanasan ko sa buhay. At ang story na huling isinulat ko at balak ipasa sa publishing company ay ang tungkol sa story namin ng ex-boyfriend kong si Rain, ang taong nagpadala ng message na iyon.

Bakit nga ba gano’n ang text niya? So, let me tell you a story tungkol sa mga pangyayari kasama siya.

Nakilala ko si Rain noong 2nd year college student ako. Isa ako sa kawani ng No Boyfriend Since Birth o NBSB, at hindi ako sanay makihalubilo sa mga lalaki. Hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit, to think na ang tatlong kapatid ko ay puro lalaki. Sa sobrang kulit at pursigido ni Rain na mapalapit sa akin ay nakuha niya hindi lang ang loob ko, kung ‘di maging ang puso ko.

“Alex gusto raw makipagkilala sa'yo ni Rain.”

Nakasimangot kong nilingon ang pinsan kong si Yuri. Nandito kami sa field ng University habang nagpapalipas ng oras. Nagbabasa ako ng romance novel habang mag isang nakaupo dito sa isang bench at siya naman ay nakikipag-usap sa boyfriend niyang si Jack sa kabilang bench. Kasama naman ng boyfriend niya ang pinsan nitong si Rain.

Parati kong nakikita si Rain dahil lagi siyang kasama ng pinsan niya kapag nakikipagkita ito sa pinsan ko, pero hindi ko pa siya nakakausap. Ngayon pa lang yata dahil nakita ko itong naglalakad palapit sa kung nasaan ako.

“Hi, Alex. Lalo kang gumaganda, ah,” ani Rain.

Umupo ito sa tumabi ko. Umusog ako nang maramdaman ang pag dikit ng braso niya sa braso ko. Masyado siyang malapit!

“Anong binabasa mo?” pang-uusisa niya.

Nilingon ko siya. “Libro,” sagot ko na ikinatawa niya nang malakas. Kunot-noo ko siyang tinitigan. Ano’ng nakakatawa? Libro naman talaga ang binabasa ko.

Tiningnan ko ang pinsan ko at boyfriend nito pero busy na sila sa sariling mundo. Napabunting-hininga na lamang ako. Mukhang magtitiis pa ako nang kaunting oras sa tabi ng lalaking ito.

“Grabe! Joker ka pala, A.”

“A?” nakangiwing tanong ko.

“Yeah. A for Alex,” nakangiti aniya.

“Ang ikli na nga ng pangalan ko lalo mo pang pinaikli,” sabi ko at umirap.

“Gusto ko ako lang may tawag sa’yo niyan, ha. Nickname ko para sa’yo.”

Nanahimik na lang ako at hindi siya pinansin. Magpapatuloy na sana ulit ako sa pagbabasa nang muli siyang magsalita.

“May boyfriend ka na, A?”

Napairap ako habang nakatingin sa libro bago siya nilingon. Alam ko na ang mga ganitong tanungan. Ganito rin kasi ang mga kapatid ko sa mga chikababes daw nila. Tss!

“Bakit mo tinatanong? Interesado ka sa’kin?” walang paligoy-ligoy kong sagot.

Natulala siya sa akin bago siya napahagalpak ng tawa. Seryoso lang akong nakatingin sa kanya. Doon ko nagawang tingnan ang kabuuan ng mukha niya. Gwapo naman si Rain. Nakikita ko sa kanya ang sikat na hollywood actor na si Zac Efron, pwera sa kanyang kulay dahil kayumanggi ang kulay ng balat niya.

“You’re—” Napahagalpak muli siya ng tawa.

Gusto kong mag-alala na baka maubusan siya ng hangin kakatawa. Naluluha na rin ang mata niya at nakahawak na sa tiyan. Ganoon bang nakakatawa ang sinabi ko?

“You’re funny, ha!” natatawa pa rin na aniya. “Hindi ko alam na prangka ka palang tao, A.”

“So, lalo mo akong nagustuhan?”

Muli siyang napahagalpak ng tawa. Napatingin ako kina Yuri at ang boyfriend nito. Pareho na silang nakatingin sa amin. Pareho silang natatawa base sa itsura ng mukha nila. I bet na hindi nila alam ang pinag-uusapan namin. Natatawa lang sila dahil natatawa ‘tong lalaking katabi ko.

“Grabe! Napaka-prangka mo pala talaga, A.”

Hindi ko na siya sinagot. Isinilid ko na ang libro ko sa red knapsack ko. Sinilip ko ang wristwatch ko at nakitang ten minutes na lang ay magsisimula na ang next class ko. Isinukbit ko sa balikat ko ang bag habang tumatayo.

“Oh, aalis ka na?” tanong ni Rain habang nakatingala sa akin.

“Bakit, ayaw mo?” balik-tanong ko.

“What?” natatawa na namang aniya.

Napabuntong-hininga ako. “Tawa ka nang tawa, mamaya mapautot ka, ewan ko naman sa’yo.”

Pagkasabi ko niyon ay tumalikod na ako at nagsimula ng maglakad. Narinig ko pa ang malakas na pagtawa ni Rain maging ang pagsabi niya ng “See you around, A”, maging ang pagtawag sa akin ng pinsan ko pero hindi ko na sila nilingon.

Hindi iyon ang huling beses na nakausap ko si Rain. Madalas na hindi ko siya kinakausap pero hindi siya tumigil sa paglapit sa akin. Masyado siyang maingay at madaldal. ’Yung tipong kahit barahin ko na siya ay tatawanan niya lang ‘yon. Nakukulitan na nga ako sa kanya kaya parati ko siyang sinusungitan.

Kung tatanungin ako kung bakit ganito ang pakikitungo ko sa kanya at sa ibang lalaking nakakasalamuha ko ay dahil sa mga kapatid ko. Nakatira ako sa isang bubong kasama ang tatlo kong kapatid na lalaki. Alam na alam ko ang gawain nila. Gustong gusto nila kapag may nauuto silang babae. Hindi man lang nila naisip na may kapatid silang babae at baka ako ang makasalo ng karma nila.

Kaya sino’ng hindi matatakot doon, ‘di ba? Alam mong player ang mga kapatid mo kaya sinong hindi matatakot na baka ang taong gustong mapalapit sa’yo ay ganoon din.

Pero tumagal ang panahon, hindi ko napansin na tumatawa na rin ako sa mga biro ni Rain. Hindi ko napansin na nagagawa ko ng magkwento sa kanya tungkol sa akin, hindi ko napansin na pumapayag na ako kapag niyayaya niya akong kumain sa labas, at lalong hindi ko napansin na nagugustuhan ko na siya.

Naging magkaibigan kami ni Rain. Hindi ko na pinansin ang nararamdaman ko dahil masaya na ako kahit ganoon lang kami. Tumagal ang pagkakaibigan namin ng dalawang taon.

Gustong gusto ko ang mga lalaking magaling kumanta. At may ganoong talento si Rain. Parati niya akong kinakantahan kapag magkasama kami. And I didn’t expect na kakantahan niya ako sa harap ng maraming tao.

Nasa canteen kami ni Yuri noong araw na iyon at kumakain ng lunch nang biglang dumating si Jack kasama si Rain. May bitbit itong ang gitara tulad ng ibang araw. Aalukin ko na sana siyang kumain nang makalapit sila sa amin pero nabigla ako noong patugtugin niya ang gitara niya at kumanta habang nakatayo sa harapan ko. Pagkatapos niyang kumanta ay doon na siya nagtanong kung pwede niya akong ligawan. Hindi na ako nagdalawang isip, pumayag ako doon..

Maraming nakasaksi ng tagpong ‘yon kaya medyo naging maingay ang pangalan niya. Sweet daw kasi. After ng graduation ay sinagot ko siya. Sobrang saya namin no’ng araw na ‘yon.

Pangako na hindi kita iiwan, A. Ikaw lang mamahalin ko.”

Marami siyang pangakong binitawan na pinanghawakan ko naman. Naging working adult na kami pero nagkakaroon pa rin ng oras sa isa’t isa. Naging masaya ang first three-years ng relasyon namin. Siya na nga ang nakikita kong makakasama ko habang buhay. Akala ko okay na ang lahat, hanggang sa may makilala siyang banda at kinuha siyang bokalista ng mga ito.

“Alam kong matagal mo ng pangarap ‘to, kaya susuportahan kita sa lahat ng gagawin mo, Love. Ako kaya ang number one fan mo,” sabi ko sa kanya noong araw na banggitin niya ang tungkol doon.

Pinagsabay niya ang pagta-trabaho at pagbabanda. Sinuportahan ko siya kahit pa nawawalan na siya ng oras sa akin. Pero hindi naging sapat ‘yon. Mas pinili niyang pakawalan ako at sa mismong araw pa ng fourth anniversary namin.

“I’m sorry, A. Nakakapagod na kasi. Nawawalan na rin ako ng oras sa’yo kaya dapat sigurong pakawalan na kita.”

“Naiintindihan ko naman ‘yon, e. Okay lang sa akin kahit wala kang oras sa akin,” umiiyak na sabi ko habang nakahawak sa unahan ng t-shirt niya. Natatakot akong bigla siyang umalis at hindi na bumalik sa akin.

I’m really sorry, A!

Pero hindi ko nagawang pigilan ang pakikipaghiwalay niya. He’s my first boyfriend kaya hindi naging madali sa akin ang lahat. Nasasaktan ako pero nag-uumapaw ang pag-intindi ko sa kanya.

Sobrang saya ko dahil after three months ng paghihiwalay namin ay nagkabalikan kami. Bumalik siya sa akin.

Mahal kita, A. Hindi ko pala kayang wala ka.

Pinanghawakan ko ang sinasabi niyang pagmamahal pero agad ‘yong nawala nang kinailangan nilang pumunta sa Singapore para roon tumugtog. Kailangan nilang mamalagi roon ng isang taon.

Babalik ako sa’yo, A.

“Eh, ‘di huwag na tayong magbreak kung babalik ka rin pala,” humahagulgol na ani ko. 

Ayoko ng may isipin habang nandoon kami. Mag-enjoy ka na lang muna bilang single. Basta babalik ako.

Sa pangalawang pagkakataon ay inintindi ko siya. Naghintay ako sa pagbabalik niya. Tiniis ki ang pangalawang beses na pagkakalayo namin sa isa’t isa. Noong bumalik siya ay tinupad niya ang pangako niyang babalik siya sa akin.

Sabi ko naman sa’yo babalik ako, eh. Mahal na mahal kita kaya hindi ko kayang mawala ka nang tuluyan.

Akala ko okay na ang lahat. Akala ki tapos na ang paghihirap ko. Pero ang hayop, pumangatlo pa! After a month ng huli kaming nagkabalikan ay humihingi na naman siya ng kalayaan niyang makipaghiwalay sa akin. Iyon ay dahil kailangan daw sa kontratang pipirmahan nila sa isang recording company na dapat single sila.

Pwede naman nating itago ang relasyon natin!” galit na sigaw ko. Sa pagkakataong ito ay hindi na ako umiiyak, hindi tulad noong una at pangalawang pakikipagbreak niya.

Ang nakakabwisit pa sa hayop na ‘to, ang kapal ng mukhang papuntahin ako rito sa bahay niya. Iyon pala para makipagbreak lang sa akin.

Hindi pwede! Malalaman at malalaman nila 'yon!

Ako na naman ang iintindi, Rain?” gigil na tanong ko.

Saglit lang naman, eh,” puno ng frustration na aniya. “Hanggang makapirma lang ng kontrata. Gano’n ang sabi ni Manager Evan.”

So, ako na naman nga ang iintindi?” mariin kong tanong.

“A—”

Alam mo bang maiituring na walang kwenta lahat ng dahilan mo?” mariing putol ko sa tangka niyang pagsasalita. Malungkot siyang nakatingin sa akin pero hindi na niya ako madadala pa ulit sa gano’n ngayon. “Noong unang beses nakipaghiwalay ka sa ‘kin dahil sabi mo wala kang oras. Walang oras, Rain? Samantalang after ng gig n’yo nagagawa mo pang makipag-inuman sa mga kabanda mo! Noong nagpunta kayo sa Singapore? T*ngina, Rain, ayaw mo na may iniisip habang nandoon ka? So, ayaw mong isipin ako? Ganoon ba ako kawalang halaga sa’yo, na ultimo ang isipin ako ay ayaw mo?

Ayoko lang na may pinoproblema—”

“Ako ba gusto ko?!” malakas na asik ko sa kanya kaya natigilan muli siya sa pagsasalita. “Hindi mo ba naisip na tuwing nakikipagbreak ka ay grabe ang pamomroblema at pag-iisip ko?! ‘Wag na ‘wag mong sasabihin na wala kang oras, Rain, dahil ang taong nagmamahal parating may oras! Kahit bigyan mo lang ako ng tatlumpong minuto sa bente kwatro oras mo sa isang araw masaya na ako do’n, eh. Pero mas pinipili mong pakawalan ako! Wala akong ginawa kung 'di intindihin ka at sundin lahat ng gusto mo pero hindi na ngayon, Rain. Gusto mong makipaghiwalay? Fine! Break na tayo!

Mabilis kong dinampot ang bag kong nasa sofa at mabibilis ang bawat hakbang habang palabas ng bahay niya. Panay ang pagsunod at paghingi ng sorry ni Rain pero hindi ko na siya pinakinggan pa.

Tulad noong bago ko siyang nakilala, naging makulit din siya para makipagbalikan sa akin. Kinausap niya si Jake para magpatulong at kinausap naman nito si Yuri. Kinausap ako ni Yuri at sinabing nagbago na si Rain. Sorry, pero naubos na ang pasensya ko. Yes, I still love him. Pero hindi naman ako para sa ganito lang. I know my worth. Sayang lang dahil sinayang niya lahat ng ginawa ko para sa kanya.

Napatingin ako sa cellphone ko ng tumunog iyon. Nakita kong tumatawag si Rain. It's been five months since last break up namin at hanggang ngayon ay nangungulit pa rin siya. Maraming nagsasabi na pagbigyan ko na dahil baka nga nagbago na talaga. Hindi ko sila pinakinggan. Bakit? E, ang walanghiya puro text at tawag lang. Hindi man lang ako pinupuntahan.

Dinampot ko ang cellphone at sinagot iyon.

“I love you—”

We are never ever, ever, ever getting back together!malakas na sigaw ko kasabay ng kanymta ni Taylor Swift at pinatayan siya ng tawag. Natawa na lamang ako sa ginawa.

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top