Kabanata 20: Taguan

KABANATA 20: TAGUAN
TAGUAN BY JOHN ROA

HINDI ko pinansin kung ano man ang nararamdaman ko kay Noah dahil baka sa dalas namin magkasama ay kung ano-ano nang naiisip ko. I mean, we are together for a year now under the same roof. Marami pa sa mga activities na ginagawa namin ay lagi kaming magkasama kagaya ng jogging, workout, panonood ng movie, pagtambay sa cafe, and he even spent his summer vacation sa lugar namin.

Iyon lang siguro marahil ang dahilan kung bakit may mga diablong thoughts na tumatakbo sa utak ko paminsan-minsan. Masyado na kaming dikit sa lahat ng bagay.

"Hey," Nabalik ako sa huwisyo nang ikaway ni Noah ang kamay niya sa mukha ko. "I thought you are gonna be late with your first subject. And yet, here you are... staring blankly at my face. Napopogian ka na 'no?" He chuckled.

"Kapal mo, mukha kang bola na pabigat sa buhay ko." Naiiling kong sagot at kumain na ng egg sandwich.

"Ouch. So grumpy. Aga-aga." Hindi naman din dinidibdib ni Noah ang mga lumalabas sa bibig ko dahil alam niya naman na ganoon lang talaga ako magsalita. Blunt. But I don't mean it.

Sumubo siya ng egg sandwich niya at mata sa mata akong tiningnan. Kumunot ang noo ko sa pagtataka.

"Problema mo?" Tanong ko.

"Did I do something off these past days? Dahil ba 'yon sa nilanggam na isang baso ng ice cream na naiwan ko sa lamesa last time?" He curiously asked. Wow, naalala niya pa 'yon samantalang nakalimutan ko na 'yong bagay na 'yon.

"Wala naman problema. Nababaliw ka lang." Sagot ko sa kaniya.

"No. There is really something off. You are aloof these past few days." He gazed to me like he is analyzing my actions.

Umiwas ako ng tingin at lumingon sa sala. "I don't know what you are talking about."

"Hindi ka pumayag na mag-movie night tayo, dalawang araw na." Sabi niya.

"Eh may quiz ako no'n. Nakita mo pa ko na nagre-review sa study table ko." Depensa ko.

"How about when I invited you na may newly discovered akong cafe sa QC, you declined it."

"Eh may groupings kami no'n tapos kailangan namin bumili ng ingredients. Alangan namang sumama pa ako sa 'yo kakasimula pa lang ng sem." Depensa ko ulit. Ako naman ang tumingin sa kaniya. "Teka nga, bakit ba pinapalabas mo na iniiwasan kita?"

"That's what I felt that time. I am just being vocal." Sagot niya sa akin.

Well slightly true naman na hindi ako sumasama o sumasabay niya sa trip niya lately. It just, ayoko lang magkaroon ulit ng mga weird thoughts na parang gusto siyang halikan o kaya naman ay kiligin sa mga simpleng words na lumalabas sa bibig niya. Tangina, hindi normal 'yon sa magkaibigan.

"Napa-praning ka lang. Kapag may free time ako ay sasamahan naman kita, hindi naman kita pagdadamutan ng oras. Masyadong busy lang this sem." Sagot ko at napatingin sa orasan. "Male-late na ako, kailangan ko nang maligo."

Kinain ko ang sandwich at nagmamadaling naglakad papasok sa kuwarto para kumuha ng damit para makaligo

***

MATAPOS ang araw ay bumawi naman ako kay Noah. Inuwian ko siya ng macaroons na ginawa namin ngayong araw at pumayag akong manood ng movie. Baka umiyak na kakatampo, eh. Daig pa batang nagmamaktol dahil panay pagpupumilit sa akin kanina sa chat. Muntik ko pa ngang i-block sa buwisit.

"What do you think about the movie that we watched?" He asked habang nakaupo na lang kaming dalawa at inuubos ang mga natirang tsitsirya. We decided to watch a Filipino movie titled Dead Kids.

"Well acting wise, they are all good. Maganda ang casting saka suwabe ang batuhan ng linya." Sagot ko sa kaniya dahil wala naman moment na naburyo o inantok ako sa buong movie. "Ikaw, anong sa tingin mo 'yong ending? Are you satisfied with it? Namatay 'yong bida?" Tanong niya.

"Definitely the ending is not a happy ending. But that's the appropriate ending for the movie, and it shouts a lot of message. 'Yong mga mayayaman ay makakatakas sa mga katarantaduhan nila samantalang ang mahihirap ay makukulong o ang malala... patay." Ito naman ang kainaman kay Noah dahil ninanamnam niya rin naman ang mga pinanonood naming palabas. May substance kausap matapos ang palabas.

Naikwento niya rin sa akin na lowkey ay gusto niyang maging film major pero mas gusto niya pa rin talaga ang engineering. If he had a chance daw ay pagkatapos ng engineering ay baka kumuha siya ng course na related sa film.

E 'di siya na maraming pangarap sa buhay.

Nililigpit ko na ang pinagkainan namin. "Siya nga pala, marami kaming ibe-bake this next week sa subject na Bread and Pastry. Madalas ay male-late ako umuwi. Kapag wala pa ako ay bumili ka na ng ulam mo sa ibaba." Para akong kuya na nagbibilin sa bobo niyang kapatid na may attachment issue.

"Iyan din sana ang sasabihin ko." He chuckled habang naghuhugas ng pinggan. Yes, finally! Kumikilos na siya sa gawaing bahay. "I will be busy these couple of weeks dahil UAAP season na. Subsob na kami sa training."

"Kaya 'wag mo ako aandaran ng tampo-tampo mo sa susunod na araw. Hindi ko ikakapasa 'yang pagiging sanggang-dikit sa 'yo." Tuluyan lang siyang natawa.

Mabuti na nga rin na magiging busy ako. Baka sakaling mahimasmasan din ako sa mga thoughts na paminsan-minsan na tumatakbo sa isip ko.

Sinulit ko ang sabado't linggo ko kanila Tito Vince at Tito Drew. They are having a mini celebration dahil 5th birthday ng aso nilang si Hershey.

"Kumusta na kayo ng roommate mo, nagbabangayan pa rin ba kayo?" Tanong ni Tito Vince dahil madalas naman ay sa kaniya ako nagrereklamo. Especially kapag may mga bagay akong gustong pagkuwentuhan na ayokong mag-aalala sila Mama.

"Medyo nag-tone down naman na po these past days. Saka tumutulong na sa gawaing bahay." Kuwento ko habang hinihimas si Hershey.

"Atleast may character development, hindi ba? Bakit ba hindi mo siya in-invite ngayong araw na sumama sa birthday ni Hershey." Tito Vince said.

"Busy din po 'yon." Pero ang totoo ay hindi ko rin siya in-invite. At saka, sobrang busy niya na sa UAAP na kahit nitong weekend ay nasa school siya. Naaawa nga ako minsan dahil natutulof na puro salonpas ang binti at balikat. "But I will invite him kapag kaya ng time niya."

"Drew and I will be happy to meet him. Ang intriguing ng personality niya base sa mga kuwento mo." Nakangiting sabi ni Tito Vince.

Kumain lang kami ng cake at nilutong spaghetti ni Tito Vince. Nagkuwentuhan at sinasabi nila Tito na pinaplano na nila Tito Vince na magpakasal this year. They want it to be private as possible pero gusto lang nila daw na malaman ko dahil paborito nila akong pamangkin.

Bandang hapon ay nakatanggap ako ng chat galing sa gc namin for baking.

B and P grouping

Valeen:
Kelviiiiinnnn

Kelvin:
Ang haba naman basahin. Ano 'yon? Haha

Valeen:
Para sa ibe-bake kasi natin, kulang pa tayo ng dalawang variety ng tinapay. Kulang pa tayo sa ingredients. Baka puwedeng dumaan ka sa mall tutal malapit ka lang huhu.

Kelvin:
Wala ako sa condo ngayon, eh.

Pero malapit-lapit naman ako sa MOA. Puwede ako dumaan bago umuwi.

Valeen:
Thanks lord! @Althea  pa-send na lang kay Kelvin 'yong list ng kulang sa ingredients

Althea:
Sure thing! PM ko na lang sa 'yo in a minute. Nililista ko pa.

Dominic:
I am also in MOA right now, puwede kita samahan Kelvin bumili.

Valeen:
Samahan mo na Dom, para naman 'di mukhang aping-api 'yang kaibigan natin. Send ko na lang sa gcash mo Kelvin 'yong pangbili

Kelvin:
Sige langs.

Si Dominic ay irregular student na paminsan-minsan sumasama sa amin. Tutal by five itong groupings na ito sa subject na 'to ay sinama na namin si Dom. Ginusto lang talaga ni Dom na mag-drop last year dahil tinamad daw siya. Isa ring gago.

Bandang alas-kwatro noong umalis ako kanila Tito Vince at nag-jeep papunta sa MOA. Dom and I decided na mag-meet na lang sa harap ng isang bookstore. I immediately saw him wearing a blue polo shirt at naka-khaki shorts.

His hair is side parted at nakasuot siyang salamin, maputi rin itong si Dom na para bang hindi nalalabas sa kuwarto niyang aircon. He immediately smiled and waved at my direction.

"Kanina ka pa?" Tanong ko.

"Hindi naman. Tumambay din ako sa starbucks para hindi mainip." Paliwanag niya sa akin. Nagastusan pa siya sa pagtambay sa SB. Hindi ako agad nakaalis dahil nag-video call pa kami nila Mama at hindi ko na namalayan ang oras.

We headed sa mga bilihan ng gamit pang-bake. Ako ang tumitingin sa listahan habang si Dom ang may dala ng basket.

"You know what, ang galing lang dahil taga-El Nido ka. That place is a paradise." Napabuntong hininga ako at napailing. It is not the first time na narinig ko ang narrative na iyon. Typical Manila people na na-a-amaze makakilala ng tao na galing sa isla.

"Not the first time na narinig ko 'yan." Natawa si Dom.

Kumuha ako ng All purpose flour, baking soda, chocolate bars, at kung ano-ano pa.

Nasa counter na ako at binuksan ang gcash app ko. Namilog ang mata ko sa nakita ko. "Maintenance." Sambit ko. Pasabay-sabay naman 'to oh! Kung kailan magbabayad na saka maggaganito.

"1,352 po lahat, sir." Sabi ng cashier.

"What happened?" Dom asked curiously.

Pinakita ko sa kaniya ang phone ko. "Maintenance ang gcash."

"It's on me." Inilabas niya ang credit card niya at inabot kay Ate.

"Sigurado ka? Bayaran ko na lang sa 'yo kapag okay na 'yong app." Sagot ko sa kaniya. Badtrip, kung solo pala akong pumunta ay mapapahiya pa ako.

"Kahit next month ninyo na bayaran. Next month pa naman bayaran niyang credit card ko." Nakangiti niyang sabi.

"Hindi, bayaran ko agad." Sagot ko na lang.

Nagprisinta si Dom na isabay niya na ako pauwi dahil madadaanan naman daw niya ang Espana pauwi sa kanila. Eh sino ba ako para tumanggi? Magkano rin ang matitipid ko kung sakali. Mahal pa naman ng grab o angkas sa panahon ngayon.

Dumaan muna kami sa Fully Booked dahil may bibilihin daw siya.

"Finally, may stock na." Nakangiti niyang sabi habang hawak ang isang maliit na box.

Kumunot ang noo sa pagka-curious. "Ano 'yan?"

"Hirono." He answered. "Mystery box."

Iniabot niya sa akin para matingnan ko. "Ah, laruan." Sagot ko. Arte pa ng tawag, hirono pa! Laruan lang pala.

"It's not just a toy, Kelvin. This is collection."

"Okay, sabi mo." Bakit ba ako nangingialam? Pera niya naman pinambili niya roon.

Buong paglalakad namin sa sasakyan niya ay kinukuwento niya 'yong mga collections niya kagaya ng Hirono, Labubu, at may sinabi pa siya. Kunwari lang talaga may pakialam ako.

"Saan ka pala nakatira?"

"Sun Residence. Tower 3." Sagot ko sa kaniya.

"You have your own pad?" He asked habang inilalabas ang sasakyan sa parking. Puting hi-lux nga ang sasakyan ng gago. Angas.

"Condo sharing. I have a roommate." Paliwanag ko sa kaniya. "Ikaw, you have a pad?"

"It's not actually mine, it's from my dad." E 'di gano'n din! Sa kanila pa rin. "Sa Manhattan Tower sa Cubao."

"Ang layo. Hindi ka nale-late?" Tanong ko.

"Around 45 minutes drive lang naman. Saka I don't experience the hassle of commuting so who am I to complain?" Natawa siyang bahagya.

"Why you choose to study here in Ardano pala?" Tanong niya.

"Quality of education tapos connections." Sagot ko.

"Connection?"

"Mas madali mag-build ng connection dito kaysa kung mananatili ako sa Palawan. Katulad na lang ni Eya, anak ng mag-ari ng sikat na samgyupsal-an sa bansa. Ikaw maraming franchise din 'yong business ninyo. It's nice to have a connection with people na may establish career na sa path na tinatahak natin." Paliwanag ko sa kaniya.

"Point taken."

Since sunday ngayong araw ay mabilis naman ang naging biyahe namin. Malapit na kami sa tower 3 noong magsalita si Dom.

"Kelvin, puwede ba akong makiihi?" Tanong niya. "Kanina ko pa pinigilan."

"Walang kaso. Park ka muna sa gilid, paalam na lang natin sa guard." Sabi ko.

Nagawa niya nga akong ihatid papunta rito sa Condo ng walang bayad. Ang gago ko naman kung hihindi ako sa request niya.

Dala-dala ko ang paper bag na naglalaman ng mga pinamili namin. Sa elevator pa lang paakyat ay nakikita kong namamawis nga si Dominic sa pagpigil ng ihi. Legit nga.

Umakyat kami sa 24th floor at hinanap ang unit C.

"Pahawak naman." Inabot ko kay Dom ang gamit at kinuha ang susi sa wallet ko. Akmang bubuksan ko ang pinto ngunit kusa na itong bumukas.

Tumambad ang mukha ni Noah. "Welcome home—" mukhang nagulat si Noah noong makita niyang may kasama ako. "Sino siya?"

"Can I pee now?" Tanong ni Dom.

Magmula ng araw na itong, mas gumulo na ang lahat pagdating sa nararamdaman ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top