OSS15: Maling Akala [One-Shot for Nobelista]
Tapos na ang hell week nina Lowella kaya nagkayayaan silang magpunta sa SM Megamall. Dapat ay apat silang magkakasama ngunit biglang nag-backout ang dalawa. Kaya sila lang ni Knight ang magkasamang nag-scroll. Napagpasyahan nilang manood ng sine, kaya umakyat sila sa level four. Naka-abrisiete pa siya kay Knight nang may nakita siyang pamilyar na taong makakasalubong nila. Matalim ang titig ng lalaking kasalubong na nakatikom pa ang mga kamao na tila gustong manapak.
Binulungan niya si Knight, "acts as if you're my boyfriend. I'll explain later."
Magtatanong na sana ang binata nang biglang ihilig ni Lowella ang ulo sa balikat nito, lalong hinigpitan ang yakap sa kanyang braso at may kalakasang sinabing, "babe, doon tayo sa balcony, ha. Alam mo na..." Humagikgik pa ang dalaga na parang bulateng binuhusan ng tubig na may sabon sa kilig.
Nagsalubong naman ang kilay ng lalaking dalawang metro na lang ang layo sa kanila. Kung nakamamatay lang ang talim ng paningin, walang kalaban-labang bumagsak nang walang kamuwang-muwang si Knight, pero nakisakay pa rin sa trip ng kaibigan. "Of course, babe, para may privacy tayo."
Pinagtaasan ng kilay ni Lowella ang kasalubong lalaki at inirapan. Mamatay ka ngayon sa selos, sabi niya sa isipan.
Nang nasa loob na sila ng sinehan ay nag-usisa na ang lalaki. Sinabi niya rito ang tungkol sa kanyang ex-boyfriend. Si Ignacio ang lalaking nakasalubong nila, dati niyang nobyo. Dalawang taon din silang mag-nobyo noong nasa senior high school sila. Away-bati ang relasyon nila at tuluyan na nga silang nagkahiwalay noong bakasyon lang. Ngayon ay nasa kolehiyo na sila at sa magkaibang unibersidad pumapasok. Hindi niya akalaing magkikita sila ngayon. Ayaw naman niyang magmukhang kawawa sa paningin nito. Kaya ang laki ng pasasalamat niya't may kasama sa muling nilang pagkikita.
"Ay, gaga! Iyong bang guwapong lalaking kasalubong natin. Akala ko pa naman ay gusto lapain ang kagandahan ko. Intense ang titig niya sa akin, bes," may kaartehang pananalita nito nang pabulong.
Si Knight? Guwapo, matangkad, moreno, hindi man kalakihan ang pangangatawan pero malakas ang sex appeal nito sa mga babae. Manghihinayang nga lamang sila dahil mas maarte pa itong magsalita kaysa sa babae at marami pa itong crush na boylets. Mukhang lalaki pa rin naman itong manamit dahil hindi pa ipinaaalam sa kanyang pamilya ang napiling kasarian, pero todo bigay siya sa harap ng mga kaibigan lamang.
"If you don't like his yumminess, give him to me. He's igniting the woman's side of my heart." Dinaig pa ang pekeng paghagikgik niya kanina at mas kinikilig pa ang baklita.
"Sa iyo na. Isaksak mo pa sa baga mo," sagot niya sa kaibigan.
"Ay, bitter ka pa, bes. Labsi mo pa 'noh?" Isang maasim na mukha ang itinugon niya sa kaibigan.
"Shhh! Kung magkukuwentuhan lang kayo, doon sa labas. Nakaiistorbo kayo sa nanonood!" masungit na sabi ng isang babae na nasa harapan nila.
"Ay, mas bitter si Ate!" sabi ni Knight, na mas mataray ang tono, "commercial pa lang, oh! Huwag kang masyadong epal!" Nagtawanan pa silang magkaibigan.
Matapos ang pelikula ay naghiwalay na ang magkaibigan sa pilahan ng mga pampublikong transportasyon. Pumila si Lowella sa may kahabaang pila ng FX papuntang Simbahan ng Pasig at pa-Antipolo naman si Knight. Sumakay si Lowella sa d'yip papuntang Bagumbayan, Taguig. Nang makasakay ay nagbayad agad siya dahil gusto niyang umidlip, doon siya pumuwesto sa dulo, malapit sa drayber para hindi siya maistorbo. Sa may Bicutan pa naman siya, malayu-layo pa. Niyakap niya ang backpack na dala, tumungo't pumikit na. Bumalik sa gunita niya ang huli nilang pag-uusap ni Ignacio, anim na buwan na ang nakalilipas.
"Bebe, I miss you! Two weeks, akong parang praning sa pag-aalala sa 'yo." Yumakap agad siya sa nobyo nang magkita sila sa may Vista Mall. "Nagkasakit ka ba? Nanakaw ba ang selpon? Bakit hindi ka man lang nag-text?" Magkaka-sunod niyang tanong dito.
Hinawi nito ang mga braso niyang nakayakap dito't walang sali-salitang hinila siya sa di-mataong lugar.
"Lowella, listen carefully. This relationship isn't working for us anymore. It's not you, it's me," sabi ni Ignacio na walang emosyong mababasa sa mga mata nito.
"Kinginang, it's not you, it's me, na iyan! May nagawa ba ako? O may iba ka na?" may kalakasan nang sabi ni Lowella. Nag-uunahan nang tumulo ang kanyang mga luha.
"I'm sorry. Makahahanap ka ng lalaking mas nakahihigit pa sa 'kin," iyon ang huling sabi ni Ignacio sa kanya't agad itong lumakad palayo. Napaupo na lang siya sa bench at doon ibinuhos ang hinagpis. Ayaw naman niyang pababain lalo ang sarili para habulin ang lalaki't magmakaawang balikan siya.
Maraming mga tanong sa kanyang isipan. Oo nga't away-bati ang relasyon nila, pero naaayos naman nila ang lahat. Dalawang taon nilang ikinubli sa mga magulang ang kanilang relasyon dahil nasa high school pa lang sila. Nang maka-graduate ay agad niyang pinadalaw sa bahay nila ang nobyo para ipakilala sa kanyang magulang. Kung bakit nakilala na ito ang ina at pumayag na sa kanilang relasyon ay bigla naman itong nakipagkalas sa kanya? Hindi siya makapaniwalang iiwan siya nito, gayon ang sabi nito ay mahal na mahal siya. Mas pinili ba siya nitong tuluyang ang Mobile Legend? Iyon kasi ang lagi nilang pinagtatalunan noon. Mas inuuna nito ang paglalaro kaysa mag-chat o mag-text sa kanya.
Ilang buwan niyang iniyakan ang pakikipagkalas ng nobyo. Nagpalit pa ng sim card at nag-deactivate sa Facebook si Ignacio para tuluyang hindi sila magkaroon ng kumunikasyon. Ngayon na nagkita ulit sila. Bumalik ang kirot sa kanyang puso na unti-unti na sanang naghihilom. Manghinayang sana siya sa iniwan niya. May bagong girlfiend kaya siya? Bakit parang galit siya nang makita niya kami ni Knight? Nagselos kaya siya?
Move on, Lowella, move on. Iniwan ka kasi hindi ka na mahal, sigaw ng isipan niya.
Gusto niyang maiyak pero pinigilan niya. Tinakpan niya ng panyo ang kanyang mga matang nakapikit. Hanggang sa tuluyan siyang hilahin ng antok.
"I'm so happy na kayo pa rin palang dalawa. Ang balita ng dati nating mga kaklase na nag-break na raw kayo, eh."
"Nagbakasyon lang ako sa probinsiya namin. Tapos, nagpasukan na. Kaya siguro inakala nila iyon."
Naalimpungan si Lowella sa narinig na nag-uusap. Parang pamilyar sa kanya ang mga boses. Pero dala ng sobrang pagod rin at pagpupuyat sa pagre-review ay hindi niya magawang imulat ang mga mata.
"O sige, Ice. Dito na ko. Ikamusta mo na lang ako kay Lowella ha."
"Sure. Bye, Annie."
Annie? Ice? Nagsumigaw sa balintataw ni Lowella. Naramdaman niyang may humapit sa balikat niya at naamoy niya ang dating pamilyar na amoy ng cologne. Pinakiramdaman niya ang sarili. May nakaakbay nga sa kanya at nakasandal ang ulo niya sa pamilyar na balikat. Nagmulat siya ng mata, sabay angat ng ulo. Nagkauntugan siya ng pahangas na lalaki.
"Aray naman, babe!" reklamo ni Ignacio. Tinamaan kasi ito sa ilong.
"Babe?" Pinanlakihan nito ito ng mga mata at siniko ang tagiliran para makabitiw ito sa pagkakaakbay sa kanya. "Lumagpas ka na 'ata." Taga-Pateros kasi ang binata at ngayo'y nasa bandang Bicutan na sila. Malapit na siyang bumaba. Ice ang palayaw ni Ignacio at si Annie ay isang kaklase nila na taga-Hagonoy.
"Ihahatid na kita. Gabi na. Hindi ka man lang ihinatid ng boyfriend mo," sabi ni Ice na pabulong. Marami-rami pa rin kasi sila sa d'yip. Nahihiya sigurong sigawan niya.
"Hindi ako nagpahatid. Malayo pa uuwian niya. At ikaw naman, hindi mo ako obligasyon," pabulong pero may diin niyang sabi.
"Obligasyon kita dahil mahal pa rin," malumanay na sabi ng lalaki.
Tumawa nang mapakla si Lowella. "Bakit mo ako iniwan kung mahal mo pa rin ako? Babalik ka't aakuin ang obligasyon ng nobyo ko? You left without giving me a valid reason, don't you remember? Do you just realize that you still love me because you saw me in other's arms? Well, I'm happy with him. I love him more than I used to love you."
Hindi na niya napigilang ilabas ang lahat ng saloobin. Wala na siyang pakialam kung tingnan sila ng ibang pasahero. Eh 'di nakapanood sila ng live drama.
"Mama, para po!" sigaw niya sa drayber gayon nasa napakalapit lang niya rito.
"Iha, hindi ako ang kaaway mo, iyang ex mo. Hindi rin ako bingi para sigawan," sagot ng drayber at ihininto ang sasakyan.
"Sorry naman, manong. Ba't kasi nagpasakay kayo ng asungot sa d'yip n'yo?" tanong pa ng dalaga habang pababa na. Sumunod naman si Ice sa dating nobya.
Tumawid ng kalye ang dalaga, sumunod pa rin ang binata.
"Huwag kang parang asong susunod-sunod. Ayan lang ang sa amin. Kaya makakauwi ka na!" angil niya sa lalaki.
"Naipakilala mo na ba sa mommy mo ang bago mong boyfriend?" tanong ni Ice.
"Pakialam mo!" Binuksan ng dalaga ang tarangkahan nila. Bumungad sa kanya ang amang nakaupo sa may pasimano ng kanilang teresa na naninigarilyo.
"Anak, nandiyan ka na pala. May kasama ka 'ata, patuluyin mo nang makilatis," sabi ng kanyang daddy. Nakangiti pa ito.
Nang lingunin niya si Ignacio ay nakasunod na pala ito sa kanya at tila nag-aapoy ang mga mata nito habang nakatingin sa kanyang... Daddy.
Napalingon din siya sa kanyang ama at tila binuhusan ng suka ang itsura nito habang nakatitig rin kay Ice.
"Nakabalik na ho pala kayo," walang emosyong sabi ni Ignacio sa daddy ni Lowella.
"Noong makalawa lang," sagot nito. Galing sa Saudi ang kanyang daddy at nagbabakasyon lang ulit dito sa Pilipinas. Hindi ito nakadalo sa kanyang graduation kaya ngayong sem-break ito nangakong babawi sa kanya. Mamasyal silang pamilya sa Singapore.
Nagpalitan ang tingin niya sa dalawang lalaki. "Magkakilala po kayo, Daddy?" naisatinig ng dalaga nang magmano siya rito.
Hindi siya sinagot nang ama na tila nakikipagsukatan ng tingin sa dating kasintahan. Nagpalipat-lipat naman ang tingin niya sa dalawang lalaki. Nakita niya ang pag-iigting ng panga ni Ice. Alam niyang galit ito pero pinipigilan.
Pero bakit?
"Hoy, Ice. Umuwi ka na nga," sabi na lang ng dalaga. Itinulak pa niya ito ngunit, hindi ito nagpatinag.
"Alam ho ba niya?" tanong ni Ice sa nakatatandang lalaki. Lalo naman naguluhan si Lowella. Nakita niya na napalabas na rin ang kanyang ina.
"Alam ho ba nila?" tanong ulit ni Ice.
"Sa loob natin pag-usapan ito," sagot ni Mang Ige, ang ama ng dalaga.
"Tinanong mo ko kung bakit kita iniwan, 'di ba?" Saglit na tumingin sa kanya ang dating katipan. "Dahil sa kanya." Itinuro nito ang kanyang daddy. "Nakita ko ang family picture ninyo. Ang mommy mo, ang kapatid mong bunso, ikaw at siya, lahat nakangiti. A picture of a whole and happy family!" Humugot ito ng isang malalim na bungtonghininga ngunit, may luha pa ring umalpas sa kanan nitong mata, na agad rin nitong pinunasan.
"Kasalanan mong lahat ng ito!" Idinuro nito ang kanyang daddy, agad rin itong nakalapit at tumama ang nakatikom nitong kamao sa panga ng kanyang daddy. Napatili sila ng kanyang ina ng bumagsak sa sementadong sahig ang kanyang ama. Agad sumaklolo ang kanyang ina sa ama. Kung hindi lang medyo mataas ang pader na bakod nila ay baka nagtinginan na ang mga kapitbahay nilang mga tsimosa.
"Mahal na mahal ko si Lowella pero hindi pala puwede! Pinagsabay mo kasi ang mga ina namin! Kapatid ko pala ang babaeng pinakamamahal ko." Napaluhod sa semento si Ignacio dala ng bigat sa kanyang dibdib. Hindi na niya napigilan nang tuluyang bumulwak na tila bukal ang mga luhang pilit pinigilan.
Tila binuhusan rin ng malamig na tubig si Lowella sa narinig. Samu't saring emosyon ang kanyang nadarama. Kasiyahan sana na malamang mahal siya ng lalaking sobra rin niyang minahal. Awa dahil alam na alam niya na anak sa labas ang dating nobyo, at sinasaktan ito ng amain nito. Kaya nga lagi itong nakakulong sa silid at naglalaro ng ML o nakikipag-usap sa kanya. Samantalang silang magkapatid ay ni minsa'y hindi napagbuhatan ng kamay ng kanilang ama. Napakabuting ama nito sa kanila at totoong isa silang masaya't buong pamilya pag nasa Pilipinas ito. Sobrang kalungkutan para sa sitwasyon nila ngayon.
Lumuhod siya sa harap ng lalaki at niyakap niya ito. Gumanti ito nang mahigpit na yakap sa kanya at malayang pinaalpas ang naipong hinanakit sa kanyang dibdib. Tila nakahanap ito ng isang kakampi. Kakamping makauunawa sa kanya. Kakamping nagmamahal sa kanya. Kakamping mamamalagi sa kanyang tabi.
"Pumasok kayo sa loob, para maunawaan ninyo ang buong kuwento," malumanay na sabi ng kanyang ina nang mahimas-masan na sila.
Ayaw pa sana ni Ignacio pero napilit ito ng dalaga na kailangang makinig rin ito sa sasabihin ng kanilang daddy.
"Hindi naman kumplikado ang sitwasyon naming tatlo ng mama mo," umpisa ni Mang Ige habang nakaupo ito sa sopa kahawak-kamay ang ina ni Lowella.
Inihalad nito sa kanila na sila talaga ni Tina ang magkatipan mula pa noong nasa kolehiyo sila hanggang sa nagkatrabaho na. Marami silang magkakabarkada't magkakaibigan. May magkakapareha rin at iba ang nobyo ni Christie, ina ni Ice. Nagkahiwalay ito ng nobyo kaya nagkayayaan mag-inuman ang barkada para damayan ito. Wala noon si Tina kaya siya ang inatasan ng ibang mga kaibigan na maghatid rito dahil magkalapit lang sila ng bahay. Pero nagpatuloy pa sila sa pag-inom sa bahay nito dahil wala itong kasama noon at naghinga ng sama ng loob. Dala ng pagkalago nila sa alak ay hindi nila sinasadyang may mangyari sa kanila. Hindi nila mahal ang isa't isa kaya plano na sana nilang ilihim iyon pero nagbunga ang pagkakamaling iyon.
Nakipaghiwalay si Tina sa nobyo dahil sa nangyari. Hindi naman pinilit ni Christie na panagutan ni Ige ang ipinagbubuntis. Nagpasya silang i-keep ang bata at susuportahan na lang niya. Dahil hindi naman sila kasal ay hindi nito naipagamit ang apelyido sa anak. Kaya ang pangalan na lang ng bata ang isinunod sa ama, Ignacio. Hindi naman kasi maitatama ang isang pagkakamali ng panibagong pagkakamali. Magiging miserable lang ang buhay nila kung sapilitan lang. What was important is they've faced the consequences of their mistakes.
Samantalang nagkasundo naman ulit ang magnobyong Ige at Tina dahil mahal nila ang isa't isa. Tinanggap ni Tina ang lahat ng pagkakamaling nagawa ni Ige. Hindi rin siya tumutol sa pagsuporta nito sa bata dahil kaibigan rin naman nito si Christie, at walang kasalanan ang sanggol. Nagpakasal sila bago isilang ang ipinagbubuntis ni Christie. Hindi naman agad nagkaroon ng anak ang bagong mag-asawa. May dumating na trahedya sa pamilya ni Tina, ang kapatid nitong panganay at ang asawa nito ay namatay sa isang aksidente. May naulila itong sanggol na tatlong buwan pa lamang. Napagpasahan nilang mag-asawa na ampunin ang pamangkin. Pinalitan ang apelyido nito sa apelyido ni Ige. Ang sanggol na iyon ay si Lowella.
Napaawang ang mga labi ni Ice nang marinig ang nagsusumigaw na katotohanan at sinulyapan niya ang dating katipan, sa katapat na upuan na napapagitnaan ng coffee table. Nangamba siya sa magiging reaksyon nito pero isang matamis na ngiti ang itinugon nito sa binata.
"Ipinagtapat sa akin nina Mom at Dad ang tunay kong pagkatao noong sampung taon na ako. Dinadalaw pa rin kasi namin sina Mama at Papa sa memorial garden. Kahit hindi nila ako tunay na anak, hindi ko naramdaman iyon kasi mahal na mahal nila ako. At alam rin namin na may ibang anak si Daddy, pero hindi pa nga lang niya naipakikilala sa min. Ikaw pala iyon," paliwanang ni Lowella.
"Kung hindi tayo tunay na magkapatid, ibig sabihi'y puwedeng maging tayo?" nagkaroon ng kulay ang mukha ng binata at nagningning ang mga mata nito na tila isang maliwanag na tala sa kadiliman ng gabi.
Hindi siya sinagot ng dalaga bagkus ay napatuloy ito, "kung sana sinabi mo noon ang dahilan nang biglaang mong paglayo sa akin. Hindi na sana nasaktan ang mga puso natin. Hindi mo sana kinimkim ang lahat ng ito. Nobya mo ako noon, kaibigan at kaagapay sa lahat ng problema. Pero sinolo mo. Hindi mo ako pinagkatiwaalaan. Kung sana nagtiwala ka sa akin. Masasagot agad ang maling akala mo," mahabang hinaing ng dalaga.
"I'm sorry. Mas pinili ko ang magsaktan mag-isa kaysa madamay ka. Ayoko na sanang guluhin pa ang buhay ninyo. Pero nang makita kitang kaninang may kasamang iba, bumalik lahat eh. Gusto kitang maprotektahan. Kahit hindi na ako ang nasa puso. Kahit bilang kapatid sana... Pero puwede naman maging tayo ulit, 'di ba?"
Inismiran siya ng dating kasintahan. "Gawin natin tama ang lahat. Umpisahan mo sa paghingi ng pahintulot sa mga magulang ko kung puwede mo kong ligawan."
19-20 Oct 2019
2740 words
MALING AKALA
By Eiramana325
Copyrighted © 2019
All Rights Reserved.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top