OSS 30: Tears of Blood

"Hindi mapapantayan ang pagmamahal ng isang ina para sa kanyang anak at walang inang kayang tiisin ang kanyang nagsusumamong supling."

👩❣👩❣👩

Tahimik na bumubuhos ang mga luha ni Jaize habang nagsusulat ng kanyang mensahe sa Mother's day card na kanyang ginawa para sa kanyang ina.

Mama,

Sana'y matagpuan n'yo na po ang kapatawaran na aking inaasam. Hindi po akong magsasawang paulit-ulit na magsumamo sa inyo hanggang matunaw ang yelong bumabalot sa inyong puso. Patuloy akong nananalangin na tanggapin n'yo po ulit ako bilang inyong anak.

Mahal na mahal po kita. Lagi ka pong mag-iingat.

Happy Mother's day po.

Love,
Jaize

Pinunasan niya ang kanyang mga luha't maayos na inilagay sa isang sobre ang kard. Miss na miss na niya ang kanyang inang si Janine. Bihira lang kasi silang magkita kahit pa dalawang oras na lakarin o isang sakay lang ng pampasaherong d'yip ang layo nila. Kung hindi pa siya ang dadalaw rito ay hindi sila magkikita. Kung dumalaw naman siya'y hindi rin naman sila nag-uusap nang matagal. Lagi itong nagmamadali't ni hindi man lamang siya makamusta. Minsa'y inaabutan agad siya ng pera na para bang iyon ang dahilan kaya siya dumadalaw, kahit pa ang tunay niyang hangari'y mayakap at makausap ito. Ihandog rito ang mga medalyang kanyang natanggap noong nagtapos siya sa senyor hayskul bilang Valedictorian kahit ni hindi ito dumalo sa mahalagang araw na iyon. Makipagkuwentuhan dito't sabihin ang mga pangyayaring nagaganap sa kanya sa araw-araw. Ngunit iyon ay pangarap lamang na malabong matupad dahil kasing lalim ng dagat ang galit nito sa kanya.

Nag-live in caregiver ang ina sa isang mayamang pamilya sa kabilang bayan at hindi na siya binalikan pa sa maliit na barung-barong na kanilang inuupahan dati. Labing-tatlong taong gulang pa lamang siya noon. Sa murang edad ay namasukan na siya bilang serbidora sa karinderya na pagmamay-ari ng ina ng kanyang kaibiga't kaklase na si Hazel. Ang ina nitong si Nanay Malou ang nag-alok sa kanya na pumisan na siya sa kanila. Ito rin ang tumayong ina niya sa loob ng pitong taon na.

"Happy Mother's Day po, Nay Malou." Niyakap niya ito nang mahigpit at hinalikan sa noo, na siyang inaasam niyang gawin sa tunay niyang ina.

"Aww... ang suwit naman ng batang ire!" Ginantihan siya ng yakap ng ginang.

"Hala! Nauna ka pang bumati sa nanay ko, Bes," saad ni Hazel na pungas-pungas pa't katatayo lamang sa higaan, "Maligayang araw ng mga mommy sa pinakamaganda't pinakamabait na nanay sa buong mundo," dagdag pa nito. Naki-group hug pa ito sa kanila.

"Ang suwirte ku nama't dalawang magandang delag ang mga anak ko."

"Mas masuwerte po ako't itinuring ninyo akong tunay na anak."

Tunay na kapatid rin ang turing sa kanya ni Hazel. Lihim siyang naiingit sa kaibigan dahil mahal na mahal ito ng kanyang ina kahit tulad niya ay anak rin ito sa pagkadalaga.

Why can't you learn to love and forgive, Mamang? Sabi nila, walang inang nakatitiis sa anak pero bakit natitikis mo akong hindi makita't mahawakan? You were treating me like a person infected with Covid-19.

"Ang aga-aga'y nagbobolaha't nagdidrama na naman tayo," sabi ni Hazel nang kumalas sa kanilang yakapan, "Saan ang lakad, Bes, nakapustura tayo, ah?" baling nito sa kanya.

"Pupuntahan ko lang si Mamang." Ipinakita niya ang dala niyang mga paper bags.

Iniabot niya kay Nanay Malou ang isang paper bag na regalo niya at nasa loob din ang kard na ginawa niya para rito. Ang isang paper bag ay para sa kanyang ina.

"Salamat, Ening. O siya, segi. Sana'y magka-osap na kayung mag-ena. Mag-engat ka, anak."

Nagpaalam na siya sa kanila at masayang sumakay ng d'yip patungo sa kabilang bayan. Nakaplano na ang nais niyang mangyari sa araw na iyon. Dahil Linggo naman at day-off ng kanyang mama'y yayayain niya itong mamasyal kahit sa parke lamang, doon na lang sila magpipiknik. May dala siyang pagkain at regalo para rito. Sarado pa kasi ang mga simbahan at mga sinehan dahil sa Covid-19 pandemic.

HALOS mapunit ang kanyang mga labi sa sobrang lawak ng kanyang pagngiti, kahit pa dumaragundong na tila isang tambol ang kanyang dibdib, nang pindutin niya ang buzzer sa gilid ng matayog na tarangkahan na nasa kanyang harapan. Sobra siyang nananabik na makita ang kanyang ina at yayakapin niya agad ito.

"O ikaw pala, Jaize. May binili lang sa grocery store ang mama mo pero parating na rin siguro iyon. Pasok muna." Labis na panghihinayang ang kanyang naramdaman.

"Hindi na po, Aling Dorinda," magalang niyang sabi sa kasamahan ng kanyang ina. Baka kasi mapagalitan pa ito ng mga amo kapag nalamang nagpapasok ng ibang tao gayon, may pandemic. Bilin din kasi ng kanyang ina noong kala-lock down pa lamang na huwag na siyang dumalaw roon. Pero espesyal na okasyon naman ngayon, kaya sinadya niya ito ng personal.

Muling lumawak ang kanyang ngiti nang sa di-kalayuan ay natanaw na niya ang ina sa kabilang kalye. Mangilang-ngilang lamang naman ang mga tao't sasakyan. May bitbit itong dalawang plastic bag ng groceries sa kaliwang kamay na tingin naman niya'y 'di gaanong mabigat, at sa kanang kama'y hawak nito ang selpong nakatapat sa tainga habang walang tigil ang pagbuka ng bibig nito. Nasa kabilang kanto lang naman kasi ang pamilihan kaya naglakad lang ito. Patawid na ito kaya nais niya sanang salubungin nang matulungan na rin.

Nanlaki ang singkit niyang mga mata nang mamataan niya ang rumaragasang pick-up truck na tila nawalan ng preno. Hindi naman ito napuna ni Janine kaya patuloy ito sa pagtawid. Napahiyaw siya nang malakas, "Mamang!" At tila nagkaroong ng mga pakpak ang kanyang mga paa sa bilis ng kanyang pagtakbo. Naitulak niyang ang ina sa gilid ngunit naramdaman niya ang pagbunggo ng sasakyan sa kanyang maliit na katawan.

Tila bumagal ang takbo ng oras, nakita pa niya ang paglipad ng mga paper bag na dala niya't pagtilapon sa ere ng pagkain, ng blusang regalo niya para rito at ng kard na gawa niya, gaya rin ng kanyang manipis na katawan na tila isang rag doll na binuhat ng hangin, bago tuluyang lumagapak sa espaltong kalye. Narinig niya ang mga hiyawan ng mga tao, at namataan niya ang paglapit ng kanyang inang nabalot nang pagkamangha ang maamo nitong mukha. Pinilit niyang ngumiti sa napipipilan niyang ina bago siya tuluyang lamunin ng kadiliman.

NAKABUBULAG na liwanag ang sumalubong sa kanyang paningin nang imulat niya ang mga mata.

Where am I?

May napakalaki't sobrang liwanag na screen sa kanyang harapan na tulad ng nasa mga sinehan. Inilibot niya ang paningin sa kabuoan ng madilim na silid. Walang anumang bagay ang naroroon maliban sa kanya na nakatayo sa gitna nito.

"Ang takaw-takaw mo namang bata ka! Para iyan sa kuya mo't hindi sa iyo!" bulyaw ni Janine sa pitong taong gulang na batang babae at pinaghahampas ito ng walis tingting.

"Aray ko po! Tama na po, Mamang! Sorry po... Sorry po!"

"Ma, huwag mo na pong paluin si Jaize." Niyakap siya ng kanyang kuya at sinalo nito ang hampas ng walis.

"Huwag ka nang umiyak. Nandito na si Kuya, hindi ka na sasaktan ni Mama," bulong sa kanya ng kapatid na limang taon ang tanda sa kanya, "Smile. May pasalubong ako sa iyo." Pinunasan nito ang kanyang mga luha't may iniabot itong Cloud 9 na tsokolate.

Biglang nag-flash ang tagpong iyan sa malaking screen.

"Kuya..." tanging nasambit niya't umagos na tila Twin Falls ang kanyang mga luha. Ang kuya niya ang lagi niyang tagapagtanggol mula sa galit ng ina o kahit sa ibang mga batang umaaway sa kanya.

"Ampon! Ampon!" sigaw ng mga kaklase niya noong nasa Grade 5 na siya.

"Hindi ako ampon," sagot niya habang umiiyak.

"Hindi ka kamukha ng nanay atkaptid mo. Ampon ka lang kasi!"

"She's my real sister. Ayokong makitang inaaway ninyo ang kapatid ko!"

Ang tagpong iyan ang sumunod niyang napanood sa screen.

I missed you so much, Kuya.

Mula pagkabata'y mainit na talaga ang dugo ng ina sa kanya. Parang ang kuya lang niya ang anak nito. Ito lang ang binibilhan ng bagong damit at sapatos, ngunit sa kanya'y ang mga pinagkaliitang damit at sapatos nito kahit panlalaki. Ang tanging bagong damit na natanggap niya ay mga panties at uniporme. Pati sa pagkain ay mas marami sa kuya niya't tila aso lamang siyang naiintay sa bigay nito. Mabuti na lang na mabait ito sa kanya na 'di tulad ng kanilang ina.

"Kuya, hindi po ba talaga ako ampon?"

"Hindi nga. Natatandaan ko pa nga na ang laki ng tiyan ni Mama noon."

"Eh, bakit maputi po ako at singkit?"

"Ipinaglihi ka lang ni Mama sa singkamas at kay Jackie Chan kaya ka singkit. Gusto mo bang maging ampon? Ayaw mo na ba kay Kuya?"

"Siyempre, hindi po. I love you so much, Kuya." Niyakap niya ito at naramdaman niya ang pagdampi ng mga labi nito sa kanyang noo.

Ramdam niyang ligtas siya kapag kasama ang kapatid.

"Kuya, maligo po tayo sa ilong. Tingnan mo po ang daming batang naliligo."

Tandang-tanda niya ang tagpong iyan. Dose anyos na siya noon. Dahil diyan ay lalo siyang kinamunghian ng kanyang ina.

"Huwag ngayon, Jaize. Malakas ang agos, baka tangayin ka."

"Hindi po, magaling na akong lumangoy! Saka babantayan mo naman po ako, 'di ba?"

Bago pa nakasagot ang kanyang kuya'y nakatalon na siya sa ilog. Napangiti't napailing na lang ito habang pinapanood siya nitong masayang lumalangoy.

"Kuya, si Jaize po, tinatangay ng agos!" sigawan ng mga batang nag-ahunan na.

Siya nama'y nagpipilit na makalangoy pataliwas sa mabilis na agos. Tila si The Flash ang kanyang kapatid sa pagtakbo't pagtalon nito sa ilog para masagip siya. Inabot siya nito sa ibang bata para maiahon. Paahon na ito nang sumabit ang isang paa nito sa mga ugat ng punong-kahoy sa ilalim ng tubig at hindi nito maalis. Sumisid ito ngunit tinamaan naman ng isang inaanod na malaking sanga ang ulo't nawalan ng malay.

"Ikaw na lang sana ang namatay at hindi ang kuya mo!" sigaw ng kanyang ina habang tumatangis.

Hindi niya masisi ang ina kung nasusuklam man ito sa kanya dahil siya man ay galit na galit sa kanyang sarili. Kung nakinig lamang siya sa kanyang kuya noon, buhay pa sana ito ngayon. Napahawak siya sa kanyang dibdib at habol-habol ang kanyang paghinga dahil tila may pumipiga sa kanyang puso.

"Doc, we're losing her. Her vitals are dropping fast," sabi ng isang nars.

Napanood niya sa screen ang mabilis na pagkilos ng mga nars at doktor para maisalba ang buhay ng pasyenteng naliligo sa sariling dugo. Isini-CPR ito ng doktor ngunit nag-flat line pa rin ang signal sa Vital Monitoring Equipment na nakakabit dito. Namangha siya nang makita ang mukha ng pasyente.

Why am I lying on that bed? Why there's so much blood? What happened to me? Am I dead?

"Prepare the defibrillator!" sigaw ng doktor.

Nag-iba naman bigla ang tagpo na nasa screen. Nakita niya ang sarili niya noong dose anyos siya na umiiyak sa harap ng isang Ferris Wheel, habang palinga-linga't tinatawag ang kanyang mama. Naalala niya ang tagpong iyon.

Isinama siya ng kanyang mamang sa isang pistahan sa kabilang bayan, tatlong buwan matapos mailibing ang kanyang kuya. Tatlong buwan din siyang hindi kinausap ng kanyang ina. Akala niya'y pinatawad na siya nito kaya isinama sa peryahan, ngunit iniligaw lang pala siya na parang isang pusa. Hindi siya binalikan nito. May nagmalasakit lang na ihatid siya sa kanilang bayan at hanapin ang kanilang barung-barong. Ang sumunod na pangyayari'y lalong nagpalugmok sa kanya. Lagi siyang sinisigawan't pinagbubuhatan ng kamay nito kahit walang dahilan. Lagi nitong sinasabing sana'y siya na lang ang namatay at hindi ang kuya niya.

Mamang, hindi mo po ba ako kayang patawarin? I was hurt too when he died. How I wish to replace his place for both of you to be happy. I'm so sorry. I'm not the one you need. I'm not the one who could make you happy. Maybe, I'm not really your daughter. Maybe it's better to be dead.

Biglang nilamon nang nakapangingilabot na kadiliman ang buong paligid sa biglaang paglaho ng malaking screen. Niyakap niya ang sarili habang patuloy na lumuluha. Tinanggap niyang hanggang doon na lang ang kanyang buhay.

NATAGPUAN niya ang sarili sa tabi ng kanyang ina. Nakaupo ito sa waiting area sa labas lang ng operating room. Nakapikit ito't bulong nang bulong na hindi naman niya maunawaan habang ang mga luha nito'y tila ulan na bumubuhos.

"Mamang, bakit ka po umiiyak?" Niyakap niya ito, ngunit laking gulat niya nang tumagos lamang ang kanyang mga braso sa katawan nito.

I'm really dead.

Napasalampak siya nang upo sa tabi ng ina't nakisabay sa pagtangis nito. Hindi niya akalaing iiyakan siya nito. O baka naman luha ng kaligayahan iyon?

"Doc, k-kamusta po ang anak ko?" Sinalubong nito ang doktor na lumabas ng OR.

"Misis, maraming dugo ang nawala sa kanya. We need a blood transfusion."

"Gawin n'yo po ang lahat para mailigtas siya. Parang awa n'yo na po, Doc." Hindi niya akalaing marinig iyon mula sa ina. Gusto siya nitong mailigtas. Bakit?

Napalakas ang hagulgol nito nang sabihin ng doktor na walang nakaimbak na blood type B- sa blood bank dahil very rare ito, gayundin ang universal donor na blood type O- dahil madalas itong gamitin at bibihira ang nagdo-donate.

"Ako po. Magdo-donate po ako para maligtas ang anak ko."

Agad pinasamahan ng doktor ang ina sa isang nars sa laboratoryo para masuri ang dugo nito. Lalo lamang itong nanlumo dahil hindi kumpatibol ang uri ng dugo nito sa kanya.

"Bakit ganoon? Anak ko naman siya." Bakas sa itsura ng ina ang sinseridad.

Nag-suggest pa ang nars na baka puwedeng mag-donate ang ama o kapatid niya. "Patay na ang ama't kapatid niya." Gumuhit ang labis na pighati't kawalang pag-asa sa mukha nito. Sinabi ng nars na nagpahanap na sila sa mga ibang blood bank.

Pagkalabas sa laboratoryo'y may tinawagan ang kanyang ina. Hindi niya alam kung sino. Nagtungo ito sa kapilya at nagdasal doon.

"Panginoon, alam ko pong napakalaki ng pagkakasala ko sa aking anak. Sana po'y iligtas ninyo siya nang mabigyan po kami ng pangalawang pagkakataon," pabulong na dasal ni Janine habang walang patid ang pag-agos ng mga luha nito. "Hindi ko po siya dapat idinamay sa galit ko sa kanyang amang Intsik. Patawarin mo ako sa lahat ng kasalanan nagawa ko sa anak ko, pinagsisihan ko po iyon. Parang awa niyo na po, iligtas n'yo siya. Alam ko rin pong hindi niya kasalanan ang pagkalunod ng kuya niya. Siya lang ang napagbuntunan ko ng lahat ng galit ko sa mundo noon dahil ang kuya niya ang tanging alaalang naiwan ng unang lalaking aking minahal. Parang awa n'yo na po. Si Jaize na lang ang natitira sa akin, huwag naman pong pati siya'y kukunin n'yo pa. Bigyan n'yo ako ng isa pang pagkakataong makabawi sa kanya." Napahagulgol na ito nang tuluyan.

Magkahalong emosyon ang nararamdan niya. Sa kabila ng kalungkutang posible siyang tuluyang pumanaw ay may kaunting kaligayahang nang malaman niyang may malasakit din sa kanya ang ina. Nakapulupot ang mga bisig niya sa balikat nito habang siya ma'y nanalangin na mabuhay pa.

"Yaya?" Napatingin siya sa lalaking bagong dating. Ang binatang lihim niyang kinainggitan dahil inaruga ng kanyang in amula pagkabata nito. Sa tantiya niya'y bata lang ito ng isang taon sa kanya.

"Dylan, parang awa mo na. Tulungan mo ang anak ko," umpisa ng kanyang ina.

Mabilis nitong sinabi sa lalaki ang tungkol sa aksidente't pangangailangan niya ng dugo. Ngunit ikinagulat nilang parehas ang rebelasyon nitong magkapatid sila sa ama. Panuna niyang parehas silang maputi't singit, matangkad rin ang lalaki't guwapo. Hindi niya akalaing papayag ito't laking pasasalamat nila na magkatipo nga sila ng dugo.

HABANG naghihintay sila sa kahihinatnan ng operasyon ay inilahad ni Janine sa alaga ang istorya. Naging katulong siya sa Filipino-Chinese na pamilya. Nagustuhan siya ng anak na lalaki ng amo. Gayunpaman, tinangihan niya ang pag-ibig nito dahil na rin sa estado nila sa buhay. Dumating sa puntong hinalay siya ng binata't pinangakuang pananagutan at ipaglalaban sa magulang. Ngunit hindi nangyari iyon. Pinalayas sila ng matandang amo lalo na't hindi naman lalaki ang anak niya rito kahit pa napatunayang sa DNA na apo nila ito. Pinadala sa China ang lalaki para ipakasal sa iba.

Sobrang hirap ang dinanas niya dahil may dalawa siyang maliit na anak at walang gustong tumanggap sa kanya bilang kasambahay. Kung ano-anong trabaho ang pinasok niya; pamamasura't paglalako ng paninda habang kasama ang dalawang bata. Nang sampung taon na ang panganay ay naiiwan na niya rito ang bunso kaya nakapasukan ulit siya bilang yaya. Hindi niya akalaing mapaglaro talaga ang tadhana dahil ang panibagong amo'y ang naging asawa ng ama ng bunsong anak. Hindi na sila nagkita ng lalaki dahil namatay na pala ito sa isang aksidente sa China at ang mag-ina lang ang bumalik sa Pilipinas. Siya ang naging yaya ni Dylan Wang.

"Hindi ako naging mabuting ina sa bunso ko," hinagpis niya, "Sana'y makaligtas siya't mapatawad pa ako."

"You're a very caring and loving person, Yaya. I'm sure she'll forgive you," sabi ni Dylan.

"Mamang!" pagtawag niya sa ina kahit hindi naman siya naririnig nito dahil unti-unti siyang naglalaho na tila abong nililipad ng hangin.

HINDI nilubayan ni Janine ang anak na isang linggo nang nakaratay ngunit hindi pa rin nagigising kahit normal na naman daw ang mga vital signs nito. Sa tuwina'y nagdarasal siyang magising na ang dalaga. Hindi siya nagsasawang kausapin ito, humihingi ng tawad at basahin nang paulit-ulit ang kard na ibibigay sana nito sa kanya kahit pa may natuyong tilamsik ng dugo roon.

Ang alagang si Dylan ay araw-araw rin dumadalaw para magdala ng pagkain at damit ng kanyang yaya. Bata pa lang ito ay gustong-gustong nitong magkaroon ng kapatid kaya tanggap na tanggap nito ang kanyang Ate Jaize.

Halos mapatalon sa tuwa't 'di napigilan ni Janine ang paglandas ng mga luha sa kanyang mga mata nang igalaw ni Jaize ang kanyang daliri na sa tuwina'y hawak niya, kasunod ang unti-unti nitong pagmulat ng mga mata.

"Salamat sa Diyos at gising ka na, Anak," sambit niya.

Isang matamis na ngiti ang iginanti sa kanyang ng anak, kasunod ang pagpatak ng mga luha ng kaligayahan.

Words count: 2,993 [MS Word] 2,907 [Wattpad]
11-14 May 2020

Tears of Blood
Eiramana325
Copyrighted © 2020
All Rights Reserved.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top