Chapter Seven
"Salamat, at pasensya na rin kung parang istorbo pa ko sayo, kailangan kita Wendy," sambit niya ngunit walang tinig. Ilang saglit lang ay binuhat nya si Wendy papasok ng kwarto nito. Hindi na muna niya ito gagambalain, tingin nya kasi ay napuyat ito sa pagtingin ng kalagayan niya. Pagkatapos ay nag-almusal muna sya at nagsimula na ring maglinis ng mga kalat sa bahay. Makailang saglit pa ay nagising na rin si Jimjim at ganadong nag-almusal kasama siya.
“Kuya Rico, hindi na po ba ako babalik sa welfare station dahil naampon na ninyo ako ni Ate Wendy? Ibig sabihin ba, hindi na ate at kuya ang itatawag ko sa inyo kasi parang pamilya na tayo?” masayang tanong ni Jimjim habang abala sa pagkain ng almusal.
“Ikaw ang bahala, pwede mo kaming maging bestfriend, tito at tita,” sagot naman ni Rico. He felt relieved ngayong kasama na niya ang anak ng kanyang matalik na kaibigan na ipinagkatiwala sa kanya bago ito pumanaw.
“Paano po kung gusto ko kayong tawagin bilang mga magulang ko? Okay lang po ba? Gusto ko rin po kayong tawagin na papa,” matapat na sagot ng inosenteng paslit na talagang ikinaantig ng puso ni Rico. Kung buhay nga lang ang kaibigan niyang si Mateo, talagang ikatutuwa nitong makita na napakabibo ng anak nito.
“Wala namang problema sa’kin kung tatawagin mo akong papa. Kaso, si Ate Wendy mo, hindi niya gustong matawag na ‘mama’ dahil bata pa raw siya para magkaroon ng anak na kasing edad mo,” palusot naman ni Rico.
“Papayag po ‘yan si Ate Wendy na tawagin ko siyang ‘mama’. Kasi kayo ang magiging papa ko. May crush po kaya siya sa inyo,” sagot naman ni Jimjim at dahil doon, kusang nagdiwang ang puso ni Rico. Batid niyang hindi marunong magsinungaling si Jimjim.
“Ikaw huh, paano mo naman nasabi? May nasabi ba si Ate Wendy mo tungkol sa’kin?” tanong naman ni Rico. He’s just hoping na pabor sa kanya ang maririnig niyang kasagutan.
“Opo. Narinig ko po siya, nabihag ka raw po niya,” paglalahad naman ni Jimjim.
“Talaga lang? Sinabi niya talaga na nabihag niya ako? Ang yabang naman niya,” natatawang sagot na lang ni Rico. “Huwag mong sabihin sa kanya na alam ko na crush niya ako. Okay?”
“Opo. Pinky promise po tayo,” magalang na sagot pa ni Jimjim at nag-pinky swear nga sila ni Rico.
Isang oras pa ang nagdaan ay nagising na si Wendy, agad-agad syang bumangon dala ng pagkagulat niya. Namulat siyang nasa kwarto na, malamang ay naunang nagising si Rico at siguro ay naglilinis na ito at mas magulantang siya dahil wala na rin si Jimjim.
“Diyos ko! Hindi pa talaga ako prepared na maging nanay, hindi dapat tanghali kung gumising ang nanay na tulad ko. Nakakahiya ito!” bulalas ni Wendy sabay labas ng kwarto at nagmamadali pa. Tamang-tama,kakalampaso pa lang ni Rico nang sahig at dahil nagmamagdali sya ay hindi niya napansing basa pala ang sahig kaya siya nadulas at sumalampak. Imbis na saklolohan, tinawanan lang siya ni Jimjim.
“Aray!”
Narinig naman ni Rico ang pagdaing ni Wendy kaya nilapitan niya ito at bahagyang tinawanan.
“Parang nagmamadali ka naman masyado dyan? Bakit?” tanong ni Rico at saka tinulungan si Wendy na tumayo habang nakialalay na rin sa kanya si Jimjim.
“Hindi ko napansin na basa pala ang sahig kaya nadulas ako. Saka, nakakahiya dahil tanghali na akong nagising, pasensya na," paumanhin naman ni Wendy.
“Hindi mo kailangang mag-sorry, salamat din sa concern Wendy. Mabuti na lang talaga sinamahan mo ‘ko kagabi. May tendency talaga na halos binabangungot ako kapag sobrang pagod. Mag-agahan ka muna, malinis na rin naman ang ibang part ng bahay at nakapag-almusal na si Jimjim."
“Sige,” nahihiyang sagot naman ni Wendy at napansin niyang pilyo kung ngumiti si Jimjim. Marahil, gusto na naman siya nitong tuksuhin sa harap ni Rico.
“Jimjim, nag-almusal ka na ba?” bigla niyang tanong sa paslit.
“Kasasabi lang po ni Kuya— papa, na kumain na ako,” sagot naman ni Jimjim na hindi pa rin tumitigil sa pagbungisngis.
“Papa? Papa na ang tawag mo sa kanya?” naguguluhang tanong ni Wendy.
“Opo, tapos ikaw ang mama ko. Family na po tayo ngayon,” magiliw na turan pa ni Jimjim.
“Hindi ko pa feel maging nanay. Pero sige na nga, anak.” Natatawang niyakap pabalik ni Wendy ang bata at sumulyap kay Rico. Ipinasyal din nila si Jimjim sa malapit na park, habang nakabantay sa bata, hindi na napigilan ni Wendy na magtanong ng tungkol sa totoong ugnayan ni Jimjim kay Rico.
“Pasensiya ka na kung sasabihin ko ito. Pero, nahihiwagaan talaga ako sa ugnayan ninyo ni Jimjim. Hindi ko rin ma-gets kung bakit ayaw mong maampon siya ng iba at kung kaya mo namang ampunin siya, bakit hindi na lang ikaw ang direktang umampon sa kanya?” tanong ni Wendy habang napakarami pang tanong na naglalaro sa kanyang isip.
“Ayaw mo bang malaman ng iba na anak mo siya? Natatakot ka ba na masira ang career mo?” patuloy na tanong pa ni Wendy.
“Hindi ko siya ikahihiya kung anak ko man siya. Kaso, hindi ko naman talaga siya anak. Anak siya ng matalik kong kaibigan noong high school,” pagtatapat ni Rico saka huminga nang malalim bago magpatuloy sa paglalahad ng totoo.
“Well, ten years na ang nakalipas, hindi pa ako artista. Lumaki talaga ako sa hirap, naging palaboy pa nga ako simula nang mawala si tatay. Pinalad pa rin akong makapag-high school dahil kinupkop ako ng kamag-anak ni Mateo, tatay siya ni Jimjim. Siyempre, ang mga kabataan noon, mapupusok pa kaya nabuntis ni Mateo ang girlfriend niya at sa kasamaang palad, namatay ito sa panganganak kay Jimjim. Sinubukang buhayin mag-isa ni Mateo ang anak niya. Namasukan kami sa isang malaking pabrika pero hindi naman kami tinrato nang maayos. Hindi kami pinasahuran nang tama. Dahil nga desperado na siyang makuha kung ano ang nararapat na para sa kanya, naisipan niyang nakawan ang pabrika na ‘yon. Naging lookout ako, pero hindi naging matagumpay ang plano namin, nahuli kami ng gwardiya tapos nakulong, hindi man lang sinaklolohan si Mateo ng mga kamag-anak niya, ikinahiya pa nga siya, eh. Doon sa kulungan, nagkasakit si Mateo at nawalay na nga sa kanya ‘yong anak niya. Siguro mga anim na buwan din kaming nakulong pero hindi na kinaya ni Mateo ang lahat. Na-depress siya at nanghina. Bago siya pumanaw, pinakiusapan niya ako na hanapin kung saan dinala si Jimjim. Sobrang nanghihinayang ako dahil nang malaman ng may-ari ng kompanya na pumanaw na si Mateo, saka lang nila inurong ang kaso. Hindi ko man lang nakita ang may-ari ng kompanyang iyon pero isinumpa ko na kakarmahin din siya sa ginawa niyang panggigipit sa mga empleyado niya. Hangga’t sa may naka-discover sa akin na talent manager noong makalaya ako, tinanong niya ako kung gusto ko raw na mag-artista. Siyempre, dahil alam kong wala nang tatanggap sa’kin dahil sa criminal record ko, pumayag na lang ako at gumawa sila ng fake profile ko. Pero may kondisyon sila, hindi pwedeng alagaan ko si Jimjim dahil baka isipin ng media na may anak ako sa pagkabinata na maaring ikasira ng career ko. Kaya nilipat na nga ng welfare station si Jimjim pero lagi ko pa rin siyang nasusubaybayan. Lumipas din ang siyam na taon at parang kailan lang, ngayon, hindi pa rin niya alam ang tungkol sa mga magulang niya. Ngayong wala na siya sa welfare station, handa na rin akong magpaka-hands on bilang tatay niya at determinado na rin akong tumigil sa pag-aartista.”
Parang sinaksak nang paulit-ulit si Wendy matapos marinig ang pinagtapat ni Rico. Ni hindi sumagi sa isip niya na sasapitin ng binatang ito ang karimarimarim na pangyayari na kagagawan ng mga kauri niyang mayayaman noon. Napaiyak na lamang siya habang tinatanaw si Jimjim sa hindi kalayuan. Sa kabilang banda, napahanga naman siya sa determinasyon ni Rico para subaybayan ang batang hindi naman nito anak sa kabila ng pagiging abala sa career.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top