6-Si Aling Simang
Ramdam ni Tammy ang mga mainit na mata ni Aling Simang. Masusi siyang tinignan ng matanda mula ulo hanggang paa.
"Hija, sigurado ka ba na gusto mong mamasukan dito bilang kasambahay?"
"O... Opo." Napayuko si Tammy na nanliliit sa sarili. Ito siya ngayon sa isang kakaibang mundo, namamasukan bilang isang kasambahay sa dormitoryo na puro mga lalaki.
"Anong nagtulak sa iyo na gawin ito? Sa itsura mo pa lang, mukha kang galing sa buena familia." Diniin ng matanda ang huling dalawang salita.
Masyadong obvious ang balat ko. Whoa grabe. Sana lamunin na lang siya ng lupa at ibalik sa panahon niya. Sana talaga mag-milagro. Pero heto, di pa yata nagigising si Tammy sa isang panaginip.
Siyet, this is for real! Oh well, I'll suck it up. Isinantabi muna niya ang kaalaman sa wikang Ingles at inisip ang mga salita bago niya ito bitawan.
Inangat ni Tammy ang kanyang ulo para sumagot kay Aling Simang.
"Mawalang-galang na po, ang totoo po niyan, sa Hong Kong po ako nanggaling. Tsino ang aking ama, at Pilipina naman po ang aking ina. Iniwan po kami ng aking ina noong ako'y bata. Ang huling sinabi ay dito siya tumuloy sa Maynila. Nagpunta po ako dito sa bansa niya para siya'y hanapin, ngunit sa kasamaang-palad, siya ay wala na. Sasakay sana ako sa barko pauwi ng Hong Kong, ngunit ninakawan po ako ng pera. Ngayon ay wala na akong matutuluyan. Kung maari sana, payagan niyo po akong magtrabaho dito hanggang sa ako'y makaipon ng salapi pauwi."
"Kaylungkot na kwento." Naging seryoso ang mukha ni Aling Simang, pero bumalik din siya sa pagiging matanong.
"Ang iyong ama? Paano ka natuto mag-Tagalog?"
"Marunong din po ang ama ko, dahil sa aking ina. Di ko pa po siya masusulatan, dahil ayoko siyang mag-alala sa aking kalagayan."
Naisip ni Tammy ang tunay niyang mga magulang. Nag-aalala kaya ito sa kanya? Sana di nila mapansin na nawawala siya. Sa bagay, parehong busy ang mga iyon sa negosyo.
"Ah, ganoon ba?" Lumapit si Aling Simang sa kanya. "Marunong ka bang maglinis, magluto---"
"Marunong po ako ng mga gawaing bahay!" Sabik na wika ni Tammy.
"Huwag kang sumabat, di pa ako tapos magsalita!" Masungit na tugon ng matanda. "Tungkol sa tanong ko, marunong ka ba?"
"O... Opo. Kaya ko pong maglinis at maglaba."
Ang totoo niyan, naturuan naman si Tammy ng kanyang mga naging yaya, dahil sa utos na rin ng kanyang ina na matuto siya kahit papaano. Nguit may isang gawain na sablay pa rin siya hanggang ngayon.
"Ang magluto? Araw-araw tayong magluluto para sa trentang katao dito," giit ni Aling Simang.
"Ang totoo po niyan, pipilitin kong matuto."
"Naku, di pwede sa akin iyan! Manuel, humanap ka na lang ng iba."
"Aling Simang, parang awa niyo na po, hayaan niyo siyang maging kasambahay dito. Wala siyang kakilala dito sa Maynila. Buti na lang nakita ko siya sa may plaza."
Napatingin si Tammy kay Manuel. Nakalimutan niyang nandito pala ang binata.
Tinignan ni Aling Simang si Manuel. Inangat niya ang tingin sa may binatang nakatapat sa likod-bahay, at nakita ang isang dosenang binatang nanonood sa kanila.
"Magsibalik kayo sa loob, mga tonto!"
Sa boses pa lang ay nasindak na ang mga lalaki, at agad kumaripas ng takbo pabalik.
"Nakita mo na, hija? Iyan ang dahilan kaya ayokong kumuha ng dalagang kasambahay. Di mo mapipigilan ang mga iyan na umaligid sa iyo, lalo na ganyan ang mukha mo... Kaakit-akit sa kanila."
Hindi alam ni Tammy kung matutuwa ba siya o maiinis. Iba kasi ang pagkakabitaw ng matanda sa salitang kaakit-akit.
"Aling Simang, nangangako po ako sa inyo, gagalingan ko po! At di ako magpapakapilya sa kanila dito," pamamakaaawa ni Tammy.
"Manuel, maari mo ba siyang bantayan?"
"Opo, Aling Simang," pangako ng binata sa kanya.
"Oh siya, tatapusin ko muna ang niluluto ko. Ikaw na bahala ipakita sa kanya ang buong kabahayan. Basta huwag lang siyang makikipag-harutan sa kahit isa sa mga estudyante dito. At bukas, magsisimula ka na. Ipapaalam ko sa iyo ang lahat ng dapat mong gawin dito. Entiende?"
"Si, Señora." Buti na lang marunong si Tammy ng Basic Spanish.
"Ano nga pala ngalan mo?" Tanong sa kanya ni Aling Simang.
"Ta...Tammy po," nahihiyang sagot ng dalaga.
"Aba marunong mag-Espanyol!" Bulong ni Aling Simang bago bumalik sa nilulutong ulam.
Naglakad na palayo si Tammy kasama si Manuel. Pinakita sa kanya ng binata ang buong dormitoryo. May malaki pala itong kusina at hapag-kainan bukod sa salas. May mga labindalawang kwarto kung saan dalawa o tatlo ang okupante, at sa silong naman ay may kwarto si Aling Simang. May isa pang bakanteng silid kung saan may kama, lamesa, upuan, at salamin.
"Dito ka tutuloy," sabi ni Manuel. "Tungkol sa mga damit mo, sasabihan ko na lang si Aling Simang na ihanap ka ng bago."
Tumango lang ang dalaga.
"Masungit talaga iyon, pero sa katagalan, bumabait naman."
Natawa ng kaunti si Tammy.
"Di mo maisip siguro na nagiging mabait ang matandang tigre, hindi ba? Malalaman mo na lang," ngiti ni Manuel sa kanya.
"Teka nga pala, saan ang banyo namin dito?" Bigla niyang tanong.
"Sundan mo ako, Binibini."
Inaya siya ni Manuel lumabas at dinala siya sa isang munting silid na may isang maliit na bintana. Naglalaman ito ng isang malaking banga ng tubig at sinaunang kasilyas. Naalala ni Tammy ang bahay ni Rizal sa Laguna, kung saan pareho rin ang banyo. Sana ma-meet ko dito si Jose Rizal!
"Dito ka pwedeng maligo. Huwag kang mag-alala, hiwalay naman ang sa mga lalaki sa itaas."
"Salamat, Manuel."
Bumalik na sila sa labas. Iniwan muna siya ng binata sa kwarto at doon muna siya namalagi, habang umakyat naman si Manuel.
Tinanggal muna ni Tammy ang bag niya sa likod. Buti na lang di ito napansin ng mga taong nakahalubilo niya. Tinanggal niya muna ang laman, at laking tuwa niya nang makita ang toothbrush at toothpaste set niya sa loob.
Wow, di ko po-problemahin dito ang bad breath! Paano kaya sila nagsisipilyo dito?
Di mapigilan ni Tammy na mahiga dahil sa pagod. Gusto pa rin niyang bumalik sa kasalukuyan. Pero dahil wala naman siyang magagawa, siguro subukan na niya munang mag-enjoy dito.
Bukas ay simula na ng kanyang kakaibang buhay dito sa nakaraan.
(Itutuloy)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top