3-Panaginip

Kadiliman ang bumabalot sa buong paligid. Hindi niya alam kung nasaan siya, kung anong lugar ito. Gusto niyang tumakas at magtatakbo papalayo, ngunit paano niya magagawa iyon kung di niya alam kung saang direksyon siya magsisimula?

Sa malayo ay may naaninag siya na isang kislap ng liwanag. Marahan siyang lumakad papalapit dito. Habang naglalakad ay napansin niyang parang ang bigat yata ng suot niya. Di niya inalintana ito, at sa halip ay tinungo niya kung nasaan ang munting liwanag na iyon.

Nang makalapit na siya ay doon niya nalaman na isa palang kandila ang pinagmumulan ng ilaw. Napatingin siya sa sarili mula paa hanggang dibdib. Ngayon lang niya nakita kung anong klaseng damit ang suot niya: isang puting traje de boda na Maria Clara ang istilo.

Ba't ganito suot ko? Pagtataka niya.

Pagtingin niya sa harapan ay nakakita pa siya ng dalawang hilera ng mga puting kandila sa kaliwa at kanang bahagi. Ang mumunting mga ilaw mula dito ay nagsilbing gabay sa kanyang dinadaanan. Naisipan niyang maglakad at hinayaan niya ang kanyang mga paa na dalhin siya sa kung saan man siya tutungo.

Nang makarating na siya sa dulo ay nalaman niyang nakatayo pala siya sa harapan ng isang malaking pintuan. Akmang bubuksan na niya ito nang kusa naman itong bumukas.

Sa di kalayuan ay nakarinig siya ng tugtog mula sa isang piano. Agad niyang natanto na tinutugtog pala nito ang pamilyar na musiko kapag may kinakasal.

May kung anong pwersa ang humahatak sa kanya na maglakad pa. Di na niya napapansin na unti-unti na pala siyang nakapasok sa loob ng pintuan.

Patuloy ang musiko habang siya ay naglalakad. Nakakatakot ang dating nito sa pandinig. At namalayan na lang niya na may mga luha na palang pumapatak mula sa kanyang mga mata.

Matinding kalungkutan ang biglang bumalot sa kanya, na parang pumipiga sa puso. Hindi niya mawari kung bakit bigla na lang siyang naiiyak ng walang dahilan.

Niyuko niya ang kanyang ulo habang kinukubli ang kanyang mga luha.

Patuloy siya sa pag-iyak habang naglalakad sa kawalan.

---

Nagitla si Tammy mula sa pagkakatulog. Napadilat agad ang kanyang mga mata. Natanto niya na nakahiga pala siya sa kama, at napatingin siya sa kisame, na naaaninag ng isang poste ng ilaw mula sa labas.

Napahawak si Tammy sa kanyang pisngi. Basa ito, at nalaman niyang siya pala ay umiiyak habang natutulog.

Panaginip pala iyon. Parang totoong nandoon ako.

Naisip niya bigla ang painting ng The Señorita, na nakita lang niya kahapon sa museo. Naalala niya ang nakakatakot na boses na kanyang narinig sa basement kung saan nakalagak ang nasabing painting. Konektado kaya ito sa panaginip niya?

Kandila. Kalungkutan. At traje de boda.

Ano kaya ang koneksyon ng kanyang panaginip sa misteryosong painting?

Pinilit ni Tammy na makatulog muli. Naisipan niyang balikan ang museo, at umaasa siyang may mahanap na sagot sa kanyang katanungan.

---

Naisipan ni Tammy na magpasama sa kanyang lalaking pinsan. Tinext niya ito para tanungin kung pwede ba siyang samahan sa Manila Art Museum. Pero ito lang ang reply sa kanya ng pinsan niya sa text:

Sorry, di kita masasamahan ngayon. Mamimili kami ng tatay ko ng mga prutas pang media noche para sa New Year.

"Pinsan ko talaga, puro palusot! Last week sabi niya ayaw niyang manood ng sine. Don't tell me nagmumukmok lang siya sa kwarto dahil sa babaeng iyon! Di nga siya halos lumabas ng kwarto noong namasko kami sa kanila." Wika ni Tammy sabay lagay ng cellphone sa kanyang desk.

May pinsang lalaki si Tammy na naging kamag-aral niya noong high school. Close sila sa isa't isa at alam niya ang pinagdadaanan nito kamakailan. Nag-away sila ng babaeng best friend nito at natapos ang pakikipag-kaibigan dahil aksidenteng nahalikan ang nasabing lalaking pinsan ng isang kaklase nito. Nangyari iyon sa isang cooking competition na ginanap sa hotel, at nakita ng nasabing best friend ang lahat ng pangyayari. Kahit anong pagmamakaawa ng pinsan ni Tammy sa best friend niya ay di siya pinatawad nito.

Nakausap ni Tammy ang best friend ng pinsan niya, pero kahit anong pagkukimbinsi niya ay ayaw na ng nasabing best friend na makipag-usap pa.

"Ay naku, ayusin niyo iyang problema niyo. Parehong sakit ng ulo sila Bearwin at Leianne!" Usal ni Tammy sabay pasok sa banyo para maligo. Naisipan niyang siya na lang ang lalakad sa museo. Wala naman ang mga magulang niya at may kasambahay naman sila, kaya pwede naman.

---

Ito na naman ako. Kinakabahan pero atat pa rin mag-research tungkol sa La Señorita.

Nakatayo ulit si Tammy sa may hagdan ng museo pababa sa basement. Huminga siya ng malalim at nag-aalinlangan ulit kung itutuloy ba niya ito o hindi.

Sa bagay, nandito na ako, baback-out pa ako?

Tinignan niya ang maliit na flashlight na kanyang dala. May munting backpack siya na nakasukbit sa likuran, na naglalaman ng notebook, ballpen, cellphone, isang bote ng mineral water, at mga biskwit. Dinala lang niya iyon para di na siya kakain pa sa labas kapag inabot ng gutom.

Nandito na naman din ako. Itutuloy ko na. Di naman ako matatagalan.

At tinahak na ni Tammy ang hagdan pababa sa basement, kung saan nakalagak ang La Señorita.

(Itutuloy)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top