19-Pagpapanggap
"Mabuti at nakarating ka, Binibining Tami!"
Agad na sinalubong si Tammy ng isang mahigpit na yakap mula kay Señorita Almira.
"Salamat! Mukhang sabik ka nang makita ako," wika ni Tammy. "Nasaan pala mama mo?" Tanong niya.
"May binisita lang na kaibigan. Halika, tayo ay magmeryenda! Nagpabili ako ng kakanin at may kasamang mainit na tsokolate."
Dinala ni Señorita Almira si Tammy sa azotea. May nakahanda na nga doon na meryenda sa maliit na lamesa.
"Mukhang masarap ah!" Di mapigilan ni Tammy na ngumiti.
Naupo na sila at nagsimula nang kumain. Mas tahimik na sila ngayon kumpara ng una silang magkita. Pero halata na masaya ang Señorita.
"Ikaw ba ay nasa maayos na kalagayan sa dormitoryo?" Si Señorita Almira ang nagsimula ng usapan.
"Oo naman. Maayos naman sila sa akin. Ikaw, kumusta?"
"Ito, nalulumbay."
"Bakit?"
"Malapit na akong itakdang ikasal kay Sebastian."
Lumamlam ang mga mata ni Señorita Almira.
"Ngayong gabi ay uuwi ang aking ama at magkakaroon ng salo-salo sa bahay ng mga Carreon. Aayusin ang nalalapit naming pag-iisang dibdib."
"Señorita... Alam ko na si Julian ang tunay mong minamahal."
"Siya nga, Binibini. Ilang-beses ko nang sinabi kina Mama na wala na akong nararamdaman para kay Sebastian. Pero mapilit pa rin silang ituloy ang kasal, lalo na si Papa. Para raw lumago ang negosyo naming mag-anak."
"Hindi ba pwedeng subukan mo ulit mahalin si Sebastian? Magkakilala na kayo dati pa, baka posible," wika ni Tammy.
Nanahimik si Almira. "Kung ganoon lang kadali iyon. Pero... Pero..."
"Ayokong makisali sa relasyon niyo, pero huwag mo sanang masamain ang payo ko," marahan na winika ni Tammy.
Nanahimik ulit sila hanggang sa nagsalita ulit si Almira.
"Binibini, maari mo ba akong gawan ng pabor ngayong gabi?"
Biglang kinabahan si Tammy nang marinig niya ang salitang pabor.
"Ano iyon?"
"Maari ka bang magpanggap muna bilang ako sa pagtitipon nila sa bahay nila Sebastian? Makikipagkita kasi ako ngayong gabi kay Julian."
Ito na nga ba sinasabi ko.
Hindi alam ni Tammy ang sasabihin. Natanto niya na kasambahay lang siya sa dormitoryo kumpara kay Señorita Almira. Hindi siya pwedeng tumanggi sa kahilingan nito.
Kaya pumayag na rin siyang magpanggap bilang si Almira, labag man ito sa kanyang kalooban.
"Sabihin mo sa akin ang gagawin. Pumapayag na ako."
Seryoso ang pananalita ni Tammy. Wala nang urungan ito.
"Salamat," ngiti ni Almira.
Pagkatapos kumain ay nakipagpalit ng damit ang Señorita kay Tammy, para hindi mahalata na lalabas siya ng bahay. Pinasuot kay Tammy ang magarang blusang puti na may burda, at may katerno itong panuelo. Isang malawak na kulay rosas na saya ang pang-ibaba niya, at sa mga paa ay bakya na gawa sa kahoy.
Tinaas ni Señorita Almira ang buhok ni Tammy. Nilagyan siya ng krema sa mukha na parang pulbos (sa isip ni Tammy ay para itong chin chan su), at pinapula rin ang kanyang mga labi.
Nang matapos na ang pag-aayos, ay namangha si Tammy sa sarili niyang repleksyon sa salamin.
Ako ba talaga ito?
Tinignan niya si Señorita Almira sa tabi. "Magkamukha talaga tayo," bulong niya.
"Iisipin ng mga tao na tayo ay kambal!" Giliw na winika ni Almira.
"Kinakabahan naman ako."
"Isang beses ko lang itong hihilingin sa iyo, pangako." Kinuha ni Almira ang mga kamay ni Tammy at pinisil, na para bang pinapakalma siya.
"Talaga bang ayaw mong pakasal kay Sebastian? Kailangan mo pang makipagtanan kay Julian?"
"Siya talaga ang gusto kong piliin," giit ni Almira. "Hahanap ako ng tyempo para magawa namin ang plano."
"Paano naman ang iyong mga magulang? Pati na rin magulang ng papakasalan mo?"
"Kung pwede lang ikaw na pumalit sa pwesto ko at ipakasal kay Sebastian." Natawa si Almira sa kanyang iniisip. "Ngunit alam kong ikaw rin ay may sariling buhay. Sa gabing ito, magpanggap ka na ako. Sabihin mo na pwede bang ipagpaliban muna ang kasal, at ako'y di sigurado sa kanilang mga kagustuhan. Para lamang sa pagpapalago ng negosyo ang kanilang mga balak."
"O sige," matamlay na pumayag si Tammy.
"Ako'y hahayo na." Tinalukbong ni Almira ang panuelo mula sa kasuotan na hiniram niya kay Tammy. "Pipilitin kong makabalik kaagad. Maraming salamat."
Lumabas na si Almira ng kwarto.
Tumayo si Tammy at nanatiling nakatitig sa salamin.
Kaya ba ako ay napunta dito sa nakaraan dahil related kami ni Almira? Related din ba ito sa assignment ko?
Nami-miss na ba ako ng nanay at tatay ko? Di kaya nananaginip lang ako? Sana magising na ako.
Kinurot ni Tammy ang sarili. Pero hindi ito panaginip. Dama niya ang lambot ng kanyang kasuotan, naaamoy niya ang nasusunog na sinaing mula sa kapitbahay, at nang hinawakan niya ang gilid ng salamin, nadama niya ang kinis ng kahoy.
Gusto niyang maiyak, ngunit nakatago pa rin ang kanyang hinagpis at di niya ito mailabas.
Bangungot ba ito o isang di matapos-tapos na panaginip?
"Almira?"
Nagbukas ang pinto at pumasok si Doña Elena de Izquierdo.
"Mama?"
Oras na ng pagpapanggap. Sana di nila ako mahalata.
"Handa ka na ba? Ang papa mo ay nandoon na sa bahay nila Sebastian," wika ni Doña Elena.
"Si, mama," magalang na sagot ni Tammy.
"Tayo na."
Sumunod si Tammy kay Doña Elena at sumakay na sila sa isang malaki at mas magarang kalesa. Medyo may kalayuan ang tahanan nila Sebastian, kaya inaliw na lang ni Tammy ang sarili sa pamamagitan ng pagtingin sa labas.
Walang trapik ah. Namiss ko ang mundo ko! Pati ang trapik sa kalye.
Teka, mga estudyante ba ang mga binatang iyon? Kamukha ng uniporme nila Manuel.
Ay, bakit pinapalo ng Guardia Civil ang matandang iyon? Oo nga pala, malulupit din ang ibang mga Kastila.
"Andito na tayo."
Tinapik ni Doña Elena ang kamay ng inaakala niyang si Almira. Nauna siyang bumaba ng karwahe sa tulong ng kuchero. Sumunod naman si Tammy. Namangha siya nang makita ang magarbong bahay na bato.
Ito na ang tahanan ng Pamilya Carreon.
Tahimik na sumunod si Tammy paakyat ng hagdan. Nakarating siya sa loob. Sa oras na iyon ay mayroon nang mga bisita.
"Ang iyong ama, Almira. Magmano ka sa kanya."
Sinundan ni Tammy ang tingin ni Doña Elena. Nakita niya ang isang may edad na mestizo na nakaupo sa salas at may kausap na Kastilang ginoo na naka-uniporme ng heneral.
Lumapit si Tammy at sinabing, "Papa."
Tinignan siya ni Señor Alberto De Izquierdo at niyakap siya nito. "Almira, hija! Nasasabik akong makita ka ngayon!"
"Ako rin papa," sagot ni Tammy.
Di kaya nila nahahalata na medyo iba boses ko kay Almira?
Kumalas siya sa pagkakayakap kay Don De Izquierdo at tumingin dito. Wala naman siyang kakaibang reaksyon. Buti na lang.
"Ikaw ba ay nagugutom na?"
"Hindi naman po."
"Ipapakilala kita kay Heneral Torres. Isa siya sa mga ninong niyo sa kasal."
Tumayo ang nasabing si Heneral Torres. "Buenas Dias, Señorita Almira!" Kinuha niya ang kamay ni Tammy at humalik dito. "Eres bella!"
"Gracias, Heneral Torres," ngiti niya. Alam ni Tammy na ibig sabihin noon ay maganda siya.
"Magsisimula na ba ang usapan?" Tanong ni Doña Elena sa kanyang asawa.
"Hihintayin natin makabalik si Sebastian at ang kanyang ama na si Leopoldo. Doon na magaganap habang kumakain ng hapunan."
Tumango si Doña Elena. Inaya niya si Tammy na maupo muna sa may salas at samahan ang kanyang mga kaibigan.
Isang oras nagtiis si Tammy sa boring na usapan ng mga mayayamang matrona. Halos wala siyang naintindihan dahil Kastila ang kanilang pananalita. Doon niya nakilala ang nanay ni Sebastian na si Camilla. Ang mother-in-law ko, pabiro niyang naisip.
Sa wakas ay oras na ng hapunan. Dumulog sila sa mahabang lamesa. Puro mga yayamanin ang mga bisita. May kasama pa silang prayle bukod kay Heneral Torres.
"Buenas noches, Doña Elena."
Lumingon si Tammy at nakita ang isang gwapong binata na may kasamang ama.
Gosh, mukha siyang artista! Sayang ayaw na ni Almira sa kanya.
"Sebastian!" Lumapit sa kanya si Doña Elena. "Nandito ngayon si Almira."
"Sebastian," mahinhin na wika ni Tammy. Nahalata niya ang pagkamangha sa binata sa tono ng kanyang boses. Mas lalo siyang namangha nang kinuha ng binata ang kanyang kamay at hinalikan ito.
"Mabuti at nandito ka," wika ng ama ni Sebastian na si Don Leopoldo Carreon. "Mukhang handa ka na sa pakikipag-isang dibdib sa aking anak.
"Sabik na akong maging parte ka ng pamilya," wika naman ni Doña Camilla.
Nagsimula na ang kainan nang maupo sila Sebastian at Don Leopoldo. Nasarapan si Tammy sa mga hinandang hamon at iba pang exotic na pagkain, pero pinaalala niya ang sarili na huwag damihan ang kain. Maya-maya ay sinimulan na ni Don Alberto ang usapan tungkol sa kasal.
"Sa katapusan ng Pebrero magaganap ang kasalan. Maayos na ang simbahan, ang susuotin ng dalawa, at ang ihahandang hapunan. Sa palagay ko ay wala nang problema."
Biglang naalala ni Tammy ang bilin ni Almira.
"Papa?" Tanong niya.
"Ano iyon Hija?" Tinignan siya ni Don Alberto.
"Maari bang ipagpaliban muna natin ang kasal?"
Natahimik ang lahat sa hapag-kainan nang marinig iyon.
"May problema ba, hija?" Kumunot ang noo ni Don Alberto.
"Ako... Ako ay kinakabahan."
Pwede na ba akong mag best actress? Pabirong naisip ni Tammy.
"Bakit naman hija?" Nag-aalalang tanong ni Doña Elena.
"Gusto ko ulit mapalapit kay Sebastian. Ang tagal niyang nawalay sa akin," seryosong tugon ni Tammy.
"Magiging malapit ulit kayo kapag mag-asawa na kayo," wika ni Doña Camilla.
Naramdaman ni Tammy na kinuha ni Sebastian ang kamay niya sa ilalim ng lamesa.
"Tama siya, siguro hindi pa nga handa si Almira. Bigyan natin siya ng panahon para mapalapit ang loob niya sa akin."
"Di ko na kayang maghintay pa ng matagal," sagot ni Don Alberto.
"Makinig muna tayo sa kanilang dalawa," suhestiyon ni Doña Elena.
"Mas magandang maikasal sila habang maaga," wika ni Don Leopoldo. "Balak ko na rin kumuha ng mga tela at magtayo ng negosyo sa Calamba. Siguradong matutulungan tayo nila Don Alberto."
"Sang-ayon ako sa aking kabiyak," sabi ni Doña Camila. "Ganyan din ako noong bago ako ikasal, pero nawala rin ito nang makasama ko si Leopoldo."
Talagang push na nila ito?! Wow iba ang nagagawa ng negosyo ah! No wonder ganyan si Almira.
Nanatiling tahimik si Tammy habang pinagpatuloy ang kinakain.
Sa mga itsura nila, kanyang natunton na tuloy na ang kasalan nila Sebastian at Almira.
Gulo ito pag makikipagtanan na si Almira kay Julian! Señorita, mag-isip isip ka! Sayang, papable pa naman si Sebastian!
(Itutuloy)
A/N: Extra-long update! :)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top