13-Kasiyahan
Magkaakbay na umuwi sila Tammy kasama ang tinuturing niyang mga bagong kaibigan. Di nila alintana ang mga galos at pasa na nakuha nila mula sa pakikipag-harap sa grupo ng mga Kastilang estudyante na pinangungunahan ni Aron Sarrael. Napalitan ang kanilang takot ng tapang at tibay ng loob matapos ang lahat ng pangyayari. Wala silang pinagsisisihan pagkatapos. Siguro naman ay titigilan na sila ng grupong iyon.
Nang makatuntong na sila sa loob ng dormitorio, masasayang hiyawan at palakpakan ang sumalubong sa kanila.
"Sa wakas, nanlaban din kayo sa grupo nila Sarrael!" Sigaw ng isang binata. Nagsilapitan ang grupo sa apat na magigiting na estudyante, kasama na si Tammy, na naka-bihis lalaki pa rin at naka-salakot. Inakbayan sila habang nagsisigawan ng "Indios Bravos!"
"Paano niyo nagawa iyon?" Tanong ng isa pang kapwa estudyante.
"Tinulungan kami ng matapang na binibini na ito!" Nakangiting inakbayan ni Dario si Tammy.
"Si Señorita pala ay matapang! Hindi umaatras sa bakbakan!" Giliw na wika ni Juan.
"Dahil diyan, dapat tayong magdiwang! Tamang-tama, wala ang Senyora Simang!" Suhestiyon ng isang binata.
"Ano sa tingin mo, Emilio?" Lingon ni Manuel sa kanya.
"Tayo'y magbigay na ng kanya-kanyang ambag para makabili man lang ng isang bilaong pansit!" Ngumiti si Emilio.
"Anong narinig ko na pancit?" Sumipot si Tetay na galing sa kusina.
"Tayo ay may munting salu-salo na magaganap ngayong gabi dahil natalo namin ang grupo ng mga Kastilang Bangus!" Masayang wika ni Dario. "May maiaambag ka bang halaga ng salapi, Binibining Tetay?"
Dumukot si Tetay ng nga barya mula sa bulsa niya. "Ito na, basta kasama ako sa kainan!"
Nagsidukot na rin ng mga barya ang lahat ng tao sa dormitorio para makabili ng pancit pang-hapunan.
---
Sila Dario at Juan ang nagpasyang bumili ng pancit sa kalapit na panciteria. Bumalik sila sa dormitorio at nagsimula na ang masayang hapunan ng grupo. Nagkwentuhan sila tungkol sa mga pangyayari.
"Kaya ayon, bugbog na si Aron, saka naman dumating ang ina niya at pinahiya siya sa kanyang mga kaibigan!" Natawa si Dario.
"Baka nakatali pa rin siya sa dulo ng saya ng kanyang ina!" Tawa ni Juan.
"Nagpapasalamat ako kay Binibining Tami." Tinignan ni Manuel si Tammy na nakaupo sa harap niya sa lamesa. Tipid na ngumiti ang dalaga sa kanya at sinabing, "Wala iyon! Mabuti nakatikim siya sa akin ng gulpi de gulat!" Tinaas ni Tammy ang kanyang kamao sa ere, at nagsitawanan ang lahat.
"Huwag mong kalimutan na maging kilos mayumi bukas. Tapos na ang pagiging lalaki mo ngayong araw," pabirong paalala sa kanya ni Dario.
"Masusunod po ginoo," sagot ni Tammy.
"Mas bagay sa iyo maging lalaki," biro ni Emilio sa kanya.
"Huwag naman, dahil di na siya maliligawan ni Manuel!" Pinalo ni Dario ang balikat ni Emilio sabay hiyawan ng mga nasa hapag-kainan.
"Ilyong, may sugat ka sa labi." Lumapit si Tetay sa kanya mula sa kabilang bahagi ng lamesa para matiginan ang nasabing sugat.
"Binibini, huwag mo ako basta hawakan sa labi!" Nilayo ni Emilio ang ulo niya at halatang namumula siya sa ginawa ni Tetay.
"Gamutin niyo iyan pagkatapos kumain," seryoso niyang paalala. Bigla na lang tumayo si Tetay at umalis sa hapag.
"Hala, mukhang nagtatampo ang Binibini sa iyo!" Pang-aasar ng isa nilang kasama kay Emilio.
"Nagpapakita lang ng malasakit, nagsuplado ka naman! Humingi ka ng paumanhin!" Si Juan naman iyon.
"Mabuti pa gamutin ko muna kayo pagkatapos," ika ni Tammy.
Nagpatuloy na sila sa kainan at nang matapos, may mga nag-alok na maghugas ng mga pinggan at kubyertos. Nagpuntahan ang grupo sa salas at dinala ng Tammy ang mga gamot para sa kanilang mga pasa. Sila Juan at Dario ang naglapat ng gamot sa mga sugat ng isa't isa, habang si Emilio ang gumawa nito sa sarili niya. Sa may bintana, nakaupo si Manuel habang inaabot naman ni Tammy ang gamot sa kanya.
"Maraming salamat, Señorita," ngiti ni Manuel sa kanya. Napansin ng binata ang likod ng kamay ni Tammy, na may pasa rin mula sa pakikipag-suntukan.
"Ang iyong kamay." Kinuna ni Manuel ang kamay ni Tammy at tinignan ito.
"Ngayon ko lang nararamdaman ang sakit," sabi ni Tammy.
Maingat niyang binitawan ang kamay ng dalaga. Tahimik na kinuha ni Manuel ang bote ng likidong gamot at naglagay nito sa kapirasong tela. Kinuha niya ulit ang kamay ni Tammy at pinahid ang gamot sa parte na may pulang pasa.
"Aray," bulong ni Tammy nang maramdaman ang hapdi.
"Tiisin mo lang, para gumaling kahit papaano."
Patuloy niyang ginamot ang kamay ni Tammy. Nang matapos na ito, nagulat na lang ang dalaga nang nilapit ni Manuel ang kanyang kamay sa labi niya at hinalikan ito.
Nagulat si Tammy sa ginawa ni Manuel. Nakita ni Manuel ang mukha niya at sinabing, "Alam ko nagitla ka, ngunit paraan ko iyon ng pasasalamat sa iyong tulong kaninang hapon."
"Ganoon ba..." Hindi alam ni Tammy kung iiwan na niya si Manuel o mananatiling nakatanga sa harapan niya.
"Magsipunta kayo sa kabilang salas, at tutugtog ng piano si Dario," pag-aaya ni Juan sa kanilang dalawa.
Nagtinginan sila Manuel at Tammy. Sumunod na rin sila pagkatapos.
---
Natapos na ang gabi na puno ng musika, kantahan, at marami pang biruan. Bumaba na rin sa silong si Tammy pagkatapos mag-ayos. Sa kwarto niya, naupo siya sa tabi ni Tetay.
"Tetay, tulog ka na ba?" Tanong niya. Nakabiling si Tetay sa kabilang panig ng kama. Parang narinig ni Tammy na humihikbi ito.
"Oy, umiiyak ka ata," dagdag niya.
"Si... Si Ilyong kasi..." Humikbi si Tetay. "Nakita mo kanina, hindi ba?"
"Naku, pagpasensyahan mo na siya, may panahon na suplado ang dating niya," marahan na sinabi ni Tammy. "At ayaw niya talaga na hinahawakan mukha o buhok niya. Noong isang araw nga, binatukan niya si Dario sa paggulo ng buhok niya eh." Natawa si Tammy nang maalala iyon.
"Siguro nga masyado akong nagpapakita ng pagkagusto sa kanya," pagsisisi ni Tetay. "Buti ka pa, nakuha mo loob niya."
"Dahan-dahan lang kasi sa pakikipag-kaibigan." Inakbayan ni Tammy si Tetay sa balikat. Ramdam niya ang panginginig nito dahil sa kakaiyak.
Bumiling si Tetay at tinignan si Tammy. May liwanag naman na galing sa labas dahil bilog ang buwan ngayong gabi. "Para akong sira-ulo. Iniiyakan ko siya," wika niya sabay punas ng luha sa kanyang kanang mata. "Sana ginamot na niya sugat niya."
"Okay lang magka-crush, huwag lang desperada." Naku, dumulas na naman ako! Napansin niya na salitang moderno ang sinabi niya. "Ibig kong sabihin, walang masamang humanga, basta nasa lugar."
"Tama ka... Naaalala ko kasi ang dati kong nobyo kay Ilyong. Wala na kami. Baka nga di pa nga ako handang umibig muli," pagsisisi ni Tetay.
"Hayaan mong maghilom ang mga sugat. Darating din ang para sa iyo," ngiti sa kanya ni Tammy.
Nanahimik si Tetay. Bumangon siya at yumakap kay Tammy.
"Salamat, mabuti kang kaibigan. Ikaw pa lang ang parang pamilya ang turing sa akin mula nang maulila ako. Wala na akong mapupuntahan, kaya iba-iba naging trabaho ko at kung sino-sino na rin mga sinamahan kong lalaki. Baka sakaling umayos buhay ko pag mapang-asawa ko isa sa kanila. Buti na lang, natauhan ako nang umalis ako sa dati kong kinakasama. Binigay ko sa kanya ang lahat, ngunit pang-aalipusta ang naging kapalit."
Umiyak si Tetay sa balikat ni Tammy.
"Di pa naman huli ang lahat, mabuti nga tinanggap ka ulit dito." Hinimas ni Tammy ang ulo ni Tetay.
Umalis si Tetay sa pagkakayap sa kanya. "Salamat talaga, Tami." Nahiga na ulit ito at pinilit makatulog.
Gumaan ang loob ni Tammy sa kanya. Akala lang niya kasi ay sadyang kiri si Tetay. Iyon pala, paraan niya iyon para mabuhay at maging maayos ang lahat para sa kanya. Ang importante, natuto siya sa mga pagkakamali.
"Tulog ka na ba?" Si Tetay muli ang nagsalita.
"Hindi pa." Nahiga si Tammy at naalala si Manuel. "Teka, anong ibig sabihin pag hinalikan ng lalaki ang kamay mo?"
"Huh? Gusto ka niya! Teka, si Manuel ba ito?"
"Oo... Kanina kasi... Pagkatapos niya gamutin sugat ko sa kamay..." Nahiya bigla si Tammy.
"Senyales na iyan!" Kinilig na tumili si Tetay. "Manuel pala ah!"
"Pero pag nakita iyon ni Aling Simang, di ba kami didiretso sa simbahan?"
"Bakit, kasal agad gusto mo?"
"Hindi!"
"Yeeee!"
"Matulog na tayo, Tetay!"
"Kunwari ka pa!"
(Itutuloy)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top