Chapter 8
Chapter 8
Unos
Bumagsak ang panga ko sa agarang rebelasyon niya. Hindi man lang siya nagpaligoy-ligoy pa. Ang bilis niyang umamin. Ni hindi ko alam kung ano ang isasagot.
Marahil ay pansin niya ang kawalan ko ng boses kaya nagpaliwanag na siya.
"I'm a straightforward kind of person. Ayaw kong magtaka ka kung bakit ko ginagawa ang lahat ng bagay na 'to para sa'yo. I want you to understand my intentions."
Ilang beses akong napakurap. Tama naman si Raffa sa sinabi niyang nararamdaman ko ang interes ni Governor sa'kin pero iba pala kapag lantaran na ang pag-amin niya. Hindi ako handa sa pagiging mabilis niya!
"Pero...p-paano...May asawa na po kayo," deretsahan kong pahayag sa isang malinaw na katotohanan sa buhay niya.
Nagbaba siya ng tingin sa mga palad niyang nakabukas. Kritikal niya itong tinititigan na parang may nireresolba.
"My...wife and I, we're just married on papers. Pareho kaming miserable sa dalawang taon naming kasal."
Marahan akong tumayo at naupo sa tabi niya. "Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko."
Unti-unti siyang nag-angat ng tingin. Namutawi sa mga mata niya ang takot at pangamba.
"Alam kong hindi 'to tama. I know it's infidelity. Sinubukan ko namang pigilan ang sarili kong isipin ka. Gusto kong isipin na gusto lang kitang tulungan...But everytime I'm with you, I become more and more greedy. To the point where I want you for myself."
Lumakas ang tibok ng puso ko. Hindi na ako makapag-isip nang deretso. Pakiramdam ko rin hindi na ako makahinga nang maayos. Unti-unti akong tumayo at tinalikuran siya.
"H-hindi po ito tama. Ayaw kong makasira ng pamilya. Oo nga at lumaki akong kulang sa pagmamahal pero 'di ko rin naman kayang magnakaw ng pagmamahal na dapat ay nakalaan sa iba."
"I'm planning to leave my wife," bulong niya.
Unti-unti ko siyang nilingon. Hindi na ako nagtaka nang makita ang nag-aabang na tingin niya. Hindi pa rin ako nagpatinag at ginawaran siya ng disgustong hitsura.
"Sana hindi ako kasali sa mga dahilan mo para gawin 'yan."
Mapait siyang ngumiti. "No. Kahit naman na gusto ko matagal ko nang napagdesisyonan 'to."
Napakagat ako sa ibabang labi at tiningnan lang siya. Nakita ko nga ang determinasyon sa mga mata niya.
"Can you...can you wait for me then?" Namumungay na ang kanyang mga mata. Puno ito ng pag-asa habang naghihintay sa sagot ko.
Nag-iwas ako ng tingin dahil hindi ko na makayanan ang umaapaw na emosyon. "Hindi ko alam."
Dinig ko ang pagpakawala niya ng maginhawang hinga. "Atleast hindi ako nabasted kaagad..."
Sa dami ng iniisip ko ay hindi ko na alam kung paano kami nag good night sa isa't-isa. Wala naman akong karanasan sa pagboboyfriend dahil sa pagiging abala sa sariling buhay. Ang alam ko lang kakaiba ang naranasan ko kay Gov na paraan niya ng panliligaw. Hindi rin ako sigurado kung panliligaw ba ang tawag sa ginagawa niya. Masyadong komplikado ang lahat.
Sa sumunod na mga araw ay naging 'awkward' ang pakikitungo ko kay Gov. May mga pagkakataon na hindi ako makatingin sa kanya nang deretso. Laging sumasagi sa isipan ko na gusto niya ako. At sa tuwing maaalala ko ang gabi ng pag-amin niya, mas lalong bumibilis ang tibok ng puso ko.
Dumaan ang isang linggo at unti-unti nang nagiging normal ang lahat sa amin. Minsan ay hindi ko siya nakakasama sa isang araw at lagi kong idinadahilan sa sarili na siguro ay umuuwi siya sa kanila sa tuwing hindi siya nakakauwi sa bahay.
Sa bilis ng panahon ay hindi ko na namamalayan na patapos na pala ang buwan. Bumibisita pa rin naman sa akin si Raffa. Kinukwento niya sa akin ang nangyayari sa tiyahin ko. Kay Raffa ko rin napag-alaman na iniwan na ni Tiyong si Tiyang. Kasalukuyan raw na ibinubuhos ni Tiyang ang panahon niya sa simbahan pero hindi pa rin daw nagbabago ang kanyang pag-uugali. Lalong-lalo na noong ipinagkalat niya na naglayas daw ako dahil sa pagiging ambisyosa.
Sa tuwing tinatanong ko naman si Governor kung anong ginawa niya kay Tiyong wala akong nakukuhang kongkretong sagot mula sa kanya kaya tumigil na rin ako sa pangungulit. Dumating ang araw ng Sabado. Hindi ko maiwasan ang makaramdam ng pananabik nang narinig ko ang tunog ng sasakyan sa labas ng bahay. Dalawang araw na hindi umuwi si Gov kaya nabigla ako nang mapagtanto na namiss ko rin pala siya.
Mula sa kusina ay nakapaa lang akong kumaripas ng takbo palabas ng bahay. Mas lalong lumapad ang ngiti ko nang makita ang pagbaba niya mula sa sasakyan. Mabilis na umaliwalas ang mukha niya nang makita ako. Ngumisi rin siya habang pinapasadahan ng tingin ang hitsura ko mula ulo hanggang paa.
"Miss me that much, huh?" May bahid ng panunukso ang boses niya. Nadepina rin ang kanyang dimple sa pisngi.
"Nagluto ako ng paborito mong kare-kare!" masiglang bungad ko.
Mas lalo lang siyang ngumisi. Napalinga ako sa bandang likod niya nang makita si Ben na may kinukuhang dalawang bagahe sa likod ng sasakyan.
Kumunot ang noo ko. "May lakad ka ba bukas?"
Nilapitan niya ako at marahang kinuha ang aking kamay. Pinagsiklop niya ang mga kamay namin.
"Let's go out of town, Winona. Pumunta tayong Cebu. I already booked us a ticket." At kinabukasan nga ay tinupad niya ang kanyang sinabi.
"Ang galing! Ang ganda! Tingnan mo sila!" Para akong isang bata habang pinagmamasdan ang mga dolphins na mistulang nagpapakitang gilas sa amin habang sabay-sabay ang kanilang paglundag.
Sampong minuto pa lang kaming nasa bangka sa gitna ng isla sa Oslob Cebu pero hindi kami dinismaya ng mga dolphins dahil kaagad silang bumungad sa amin. Kumapit ako sa braso ni Governor habang masiglang itinuturo ang mga dolphins sa may 'di kalayuan. "Tingnan mo! Ang ganda talaga!"
"I am looking at it. Sobrang ganda nga..." aniya sa magaagang na boses.
Nang tingnan ko siya ay napairap ako. Hindi naman siya nakatingin sa mga dolphins na lumalangoy sa dagat kundi sa mukha ko.
"Hindi ka naman nakatingin eh!"
Umangat ang sulok ng labi niya at patuloy pa rin akong pinagmamasdan.
"Alin ba? Ikaw lang naman ang nakikita kong sobrang ganda rito."
"Ewan ko sa'yo. Corny mo!" Inismiran ko siya at ibinaling na lang uli ang atensiyon sa mga dolphins.
Dinig ko ang mahina niyang pagtawa. Mag-iisang oras din ang ginugol namin sa gitna ng karagatan bago bumalik ng resort para sa hapunan. Kumain kami sa floating restaurant ng resort. Lantad sa mga mata namin ang tanawin ng banayad na dagat at ang paglubog ng araw.
Sumimsim ako sa wineglass at iginala ang tingin sa paligid. Mistulang nagsasayawan ang mga puting kurtina dahil sa dalisay na ihip ng hangin. Hindi lang kaming dalawa ang naroon dahil may iba pang mga customers ang kumakain na kadalasan ay mga poreners.
"Ang ganda talaga rito ano!" sambit ko.
Banayad niya akong nginitian. "We can always come back here."
Ibinaba ko ang wineglass. "Paano kung may...makakilala sa'yo rito?"
"Don't worry about it. This is an exclusive resort so they're quite...discreet when it comes to their guests."
Ngumiti ako kahit na may naramdaman na kaunting kirot. Naunawaan ko na naman na magiging ganito ang sitwasyon naming dalawa dahil bukod sa isa siyang politiko, may asawa rin siyang tao. Makakayanan ko kaya na hanggang dito lang ako? Makokontento kaya ako sa ganitong patagong sitwasyon? Wala pa naman akong naipapangako sa kanyang sagot. Pero kasi...
"Okay ka lang ba? Is something bothering you?" untag niya na nagpabalik sa reyalidad ko.
"Uh...oo naman, Caleb. Ninanamnam ko lang iyong wine."
Batid ko sa paraan ng paninitig niya ay hindi siya kumbinsido sa sinabi ko. Kinuha niya ang isang kamay ko na nasa mesa. Pareho naming pinagmasdan ang mga kamay. Ang liit ng akin kumpara sa kanya. Nasasakop niya ito ng walang kahirap-hirap at ganoon nga ang ginawa niya.
"Hindi tayo palaging ganito, Winona. Pangako ko 'yan sa'yo," bulong niya sa paos na boses. Punong-puno ng matibay na pangako. Sana nga lang hindi matibag.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Nag-angat ako ng tingin mula rito. Kitang-kita ko ang pag-aabang ng mga mata niya sa akin. Parang hinihigop ng determinadong tingin niya ang tiwala ko. Sa huli ay nanghina ang mga kamay ko na nasa lilim ng kanya. Sa huli ay nagpaubaya ako.
Lampas alas nuwebe na ng gabi nang magbalik kami sa cottage na kasalukuyan naming tinutuluyan. Naka-book kami rito ng isang buong linggo. Hindi nga ako makapaniwala noong sabihin iyon sa akin ni Caleb. Ang sabi niya sa akin, tinapos niya lahat ng kanyang trabaho para maglaan talaga ng isang linggong bakasyon.
Imbes na hotel room ay homey ang istilo ng resort. Nakahilerang cottages ang kanilang ipinagmamalaki. Pinili ni Caleb ang cottage na mayroong dalawang kuwarto para raw maging komportable ako. Mukha itong isang buong condo unit kung susumahin na kompleto ang amenities.
Habang naliligo siya sa shower room ay inaliw ko naman ang sarili sa pagbabasa ng pamplet ng resort. Napag-alaman ko na marami itong water activities tulad ng jet skiing, surfing, sailing, diving, banana boating, at iba pa.
Nagbubuklat ako ng ikalawang pahina at nakuha nito ang aking atensiyon dahil sa nakitang impormasyon tungkol sa kakaibang isla na nasa tapat lang ng resort. Nakarinig ako ng mahinang katok mula sa pintuan. Inilapag ko ang pamplet sa mesa upang tugunan ang katok. Binuksan ko ang pinto at bumungad sa akin ang isang bellboy na may tray na dala-dala. Mayroong dalawang bote ng champagne na nakapatong dito.
"Good evening po, ma'am! Ilalagay ko lang po itong special request ni Sir sa minibar niyo."
"Ah sige. Pasok ka!"
Pumasok siya at sinundan ko siya sa kusina. Matapos niyang mailagay ang dalawang bote ng champagne sa minibar ay tumuwid na siya sa pagtayo.
"Thank you po, maam. Have a good stay," nakangiting sabi niya at nagsimula ng maglakad patungo sa pinto.
"Wait pala! May itatanong lang ako tungkol dito," sabi ko sabay kuha sa pamplet na nasa mesa. Ipinakita ko ito sa kanya.
"Maganda ba rito?"
Mariin niya itong tinitigan. "Aba oo naman po! Medyo kakaiba siya dahil sa rock formations niya pero masasabi ko na worth it naman po! Kaya lang po medyo madalang ang bangka papunta roon dahil medyo may kalakasan ang alon dahil sa hanging habagat."
"P-pero maganda ro'n 'di ba?"
"Opo! Perfect para sa mga honeymooners!" Uminit ang pisngi ko sa huling sinabi niya. Halatang hindi niya naman napansin iyon dahil nagpatuloy siya sa kanyang pa-trivia, "May mahabang sandbar din kasi doon at magandang lokasyon para makita ang paglubog ng araw kapag dapit hapon!"
"Kasama rin ba 'to sa freebies namin?" tanong ko sa umaasang boses.
Napalinga siya sa paligid. "Kasama po siya dahil sa VIP room kayo nag-ii-stay."
Hindi ko na napigilan ang pagngiti. "Sige. Magpapa-book ako ng bangka papunta ro'n."
"Noted po, ma'am! Ipapaalam ko kaagad sa front desk."
Pagkaalis ng bellboy ay hindi na mawala ang ngiti sa mga labi ko. Excited na ako sa sorpresa ko kay Caleb para bukas.
"Where are we going again?" paulit-ulit na tanong ni Caleb habang hinahawakan ko siya sa braso at hinihila papuntang likod ng resort.
Lubusan mang naguguluhan ay nagpatianod naman siya kaya hindi ako nahirapang hilahin siya. Pagkatapos mananghalian ay kinuha ko na ang pagkakataon para siya naman ang sorpresahin.
"Nandito na tayo," pagdeklara ko nang makita na ang guide na kausap ang isang bangkero sa may dalampasigan.
Naniningkit ang mga mata ni Caleb dahil sa sinag ng araw habang pinagmamasdan ang bangka.
"Halika na!" untag ko at hinila na naman siya.
Nang marating ang guide at bangkero ay binati ko sila. Ibinigay ko ang coupon sa guide. Tahimik lamang si Caleb habang nakikinig kami sa mga paalala ng guide. Matapos ang halos kinse minutos ay natapos din siya kaya sumakay na kami sa bangka.
"Akala ko pa naman magpo-pool lang tayo ngayong araw," si Caleb matapos maupo sa tabi ko.
"Ang boring kaya no'n," sabi ko.
"So where are you taking me?"
Lumapad ang ngisi ko. "Sa Isla Bato."
Hindi na kami nakapag-usap ni Caleb dahil hindi rin naman namin maririnig ang isa't-isa sa ingay ng makina ng bangka. Hinawakan niya ang kamay ko at pinagsiklop ito. Medyo may kalayuan pala ang isla at inabot pa talaga kami ng dalawang oras na pagbiyahe. Ngunit nang makarating na ay nawala ang pagod at sakit sa puwet dahil talaga namang kayganda nito.
Hindi pa man kami nakakababa ng bangka ay binusog na namin ang mga mata sa magandang tanawin na dulot ng mga rock formations. Dinig na dinig din namin ang bawat paghampas ng alon sa bato. Totoo nga ang sinabi ng bellboy, may kalakasan ang hangin sa naturang isla kaya malakas ang alon.
Sa paanan ng pangpang na bato ay mayroon kaming nakitang isang cabin. Puro man salamin ang nakapalibot dito ay hindi naman namin kita ang loob dahil siguro sa tinted ito.
Narinig ko na ang paghina ng makina ng bangka hanggang sa unti-unti na nga itong namatay. Naging hudyat ito para bumaba na kami. Naunang tumalon sa tubig na hanggang tuhod si Caleb. Inabangan niya naman ang pagbaba ko upang maalalayan ako.
Matapos makababa ay nagpaalam na rin ang bangkero. Mamayang hapon pa ang usapan namin na pagsundo niya.
Pareho kaming hindi nakapagsalita ni Caleb habang manghang pinagmamasdan lang ang mga rock formations. May nakita pa akong tila isang hugis puso. Pinapagitnaan nito ang pagkahaba-habang sandbar.
"Damn. I should have brought my camera," bulong niya. Nakatingala pa rin siya sa malalaking bato.
"Mabuti na lang at dinala ko!" sambit ko at kaagad na tinapik ang maliit na backpack sa likod.
Pilyong umangat ang sulok ng labi niya habang pinagmamasdan na ako. "Pinaghandaan mo talaga 'to, huh?"
"Kagabi lang naman..."
Naglahad siya ng palad. "Give me the camera. I'll be your photographer. You'll be my muse."
Hindi na ako nagdalawang isip pa at kinuha na nga ang high end na camera niya mula sa bag. Iniabot ko 'to sa kanya na kaagad naman niyang tinanggap at minanipula. Nagbaba ako ng tingin sa suot na manipis na puting loose longsleeve at high waist maong shorts. Lantad na lantad ang mahaba kong legs. Halos magkaterno kami ng suot dahil puti rin ang suot niyang short sleeve button down at kulay gray naman ang kanyang suot na shorts. Parehas din kaming puting sneakers ang suot. Binili niya noong isang linggo.
Magkahalong lakad at takbo ang ginawa ko papunta sa gitna ng mahabang sandbar. Sumunod naman siya at dinig ko na ang bawat click ng camera niya. Ngumisi ako at nilingon ulit siya. Tinabunan ko ang mukha gamit ang isang kamay.
"Excited ka naman masyado! Hindi pa ako handa, Caleb!" natatawa kong apila.
Tuso siyang ngumisi. "I can't help it. You just look so beautiful."
Umirap lang ako at nagsimula ng mag-pose. Iba't-ibang anggulo ang kinuhanan niya. Ako na tumatakbo. Ako na naglalaro sa tubig. Ako na nakaupo sa may buhangin. Wala siyang naging reklamo at mukhang enjoy na enjoy pa nga sa ginagawa.
Siyempre kinuhanan ko rin siya. Hindi na rin ako nagtaka nang mapuna na sanay na siyang mag-pose sa harap ng camera na parang isang modelo lang. Hindi ko maiwasan ang mamangha sa gwapo niyang mukha habang naka side view siya at nakapamulsa pa. Tinatanaw niya ang dagat at tila umaalon dahil sa hangin ang makapal na napakaitim niyang buhok. Nadepina rin ang kanyang matangos na ilong at panga.
Nag-selfie rin kaming dalawa. Minsan niyayapos niya ako at may pagkakataon din na nagnanakaw siya ng halik sa pisngi ko habang nakatapat kami sa camera. Gusto kong ihinto ang oras at manatili kaming ganoon. Masaya. Walang inaalalang pangamba. Ngunit tulad na lamang ng kadalasang simula, may katapusan din ang lahat.
Magdadapit-hapon na at nagkukulay kahel na ang langit. Nag-aabang na lang kami ni Caleb sa dalampasigan para sa sundo naming bangka. Ramdam namin ang pagbabago ng ihip ng hangin. Mistulan itong naging mabagsik. Napayapos ako sa sarili sabay haplos sa magkabilang balikat dahil sa lamig. Ni hindi ito nalabanan ng suot kong manipis na long sleeve.
Agad itong napalitan ng kaunting init nang maramdaman ko ang pagyakap niya sa akin mula sa likod. Dinig ko ang paghinga niya nang malalim at ang marahan niyang paghalik sa aking ulo. Napasandal ako sa malapad niyang dibdib at huminga nang maluwag. Parehas naming tanaw ang dagat at ang pagyakap ng papalubog na araw dito ngunit wala pa rin kaming naaaninag na bangka.
"Ang tagal naman ni Kuya," sabi ko.
"Hmm," tugon niya at muli akong ginawaran ng halik sa bandang noo.
Nilinga ko siya at hinarap para matingnan nang maayos. Kaagad niya akong hinapit papalapit sa katawan niya. Marahan kong tinampal ang matigas niyang dibdib.
"Hindi ka ba nag-aalala na baka hindi siya makabalik?"
Tinitigan niya lang ang bawat sulok ng mukha ko gamit ang namumungay na mga mata.
"Hmm. Sana nga."
Tinampal ko ulit siya sa dibdib. Medyo nilakasan ko na. "Anong sana nga!"
Pilyong tumaas ang sulok ng kanyang labi. "Ang ibig kong sabihin...oo nga."
Umirap ako at ngumuso. Pansin ko na namumungay pa rin ang mga mata niya habang nakatitig sa mga labi ko. Wala sa isip kong pinalandas ang dila sa ibabang labi dahil sa pag-aalala na baka hindi na kami masundo. Naalala ko rin ang sinabi noong bellboy tungkol sa hanging habagat.
Nawala ako sa iniisip nang bigla ko na lang narinig ang mahinang pagmura at pagdaing ni Caleb na parang may pinoproblema siya.
"Ano?" inosenteng tanong ko at napakagat labi na.
Nagmura ulit siya. "Don't do that."
"Don't do what?"
" 'Wag mo akong tuksuhin sa mga labi mo," aniya sa paos na boses. Sa mga labi ko pa rin ang kanyang tingin.
Lumunok ako at napatitig na rin sa mga labi niya. "Eh 'di...halikan mo?"
Ramdam ko ang panghihina ng pagkakawak niya sa beywang ko.
"Pwede ba?" bulong niya. Sa sobrang hina ay halos sumabay na sa ihip ng hangin.
"Kung...gusto mo...talaga?" Hindi ko na maintindihan ang lumalabas sa bibig ko. Parang patanong na lahat ang sinasabi ko.
Unti-unti niyang inilapit ang kanyang mukha sa akin. Hanggang sa tuluyan na ngang naglapat ang aming noo dahil sa lapit nito. Nakaaligid na rin ang mga labi niya sa mga labi ko. Nag-aabang. Kinukubawan na ito.
"Gusto. Gustong-gusto ko, Winona," malamyos na bulong niya at kasabay ng biglang pag-unos, tuluyan ng lumapat ang mga labi niya sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top