Chapter 6
Chapter 6
Safe Haven
"T-tulungan mo ako. P-please... Tulungan mo ako," pahingal kong pagkakasabi at nanginginig na ang boses.
Rumahan ang pagkakahawak niya sa palapulsuhan ko hanggang sa maging haplos na ito. Marahan niya akong hinawakan sa balikat at mabilisang sinuri ang katawan ko na tila ba naghahanap ng anumang sugat. Tumalim ang tingin niya nang dumapo ito sa leeg ko.
"Who did this to you?" Mistulang yelo sa lamig ang boses niya.
Pumikit ako nang mariin. Sa pagpikit ko ay deretso na ang pagbagsak ng mga luha.
"S-si Tiyong. . .si. . .Tiyong," anas ko na sumisikip na naman ang dibdib.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa magkabilang balikat ko. Marahan niya akong hinapit papalapit sa kanya hanggang sa bumagsak na ako sa kanyang malapad na dibdib.
"Ben," malamig niyang sinabi.
Dumilat ako at nakita ang dalawang bodyguard niyang kaagad tumugon sa pagtawag niya. Mabilis ang ginawa nilang paghakbang papalapit sa bahay na desperadong nilabasan ko kani-kanina lang. Pumasok sila sa loob at nanlamig ako bigla.
"Come on. Dadalhin kita sa ospital."
Nag-angat ako ng tingin at nakita ang paglamlam ng mga mata niya.
"Anong...anong gagawin mo kay Tiyong?"
Tumalim ang tingin niya. Tumuwid ang linya ng kanyang mga labi. "Kung ano ang dapat..."
"Ayaw kong pumunta ng ospital. Ayaw kong...ayaw kong..." Hindi ko na maituloy-tuloy ang sasabihin dahil sa panginginig ng mga labi ko.
"I understand. Come with me." Inalalayan niya ako palapit sa sasakyan niya. Mabilis kaming pinagbuksan ng pinto ng kanyang drayber. Nauna akong pumasok sa loob at sumunod naman siya.
"Paano ang bodyguards mo?" tanong ko nang makaandar na ang sasakyan.
"They'll have their own ride." Inabutan siya ng isang paper bag at kulay puting box ng kanyang isa pang bodyguard na nakaupo sa front seat.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko na naman habang tinitingnan siyang nagbubukas sa paper bag. Nakita kong kinuha niya mula rito ang isang kulay brown at halatang mamahalin na leather jacket. Isinuot niya ito sa akin.
"Sa isa sa mga pagmamay-ari kong properties." Kinuha na niya ang puting box at binuksan ito. Doon ko nakita na naglalaman pala ito ng first aid kit. Kumuha siya ng maraming bulak at isang bote ng betadine mula sa box at pagkatapos ay inilapag niya ang box sa gilid ng upuan.
Naglahad ako ng palad. "Ako na po, Gov. Mukhang hindi naman gaanong malalim."
Inignora niya lang ang sinabi ko at inilapit niya ang mukha sa bandang leeg ko. Marahan niyang hinawi ang buhok ko sa likod ng balikat. Nakakunot ang kanyang noo habang kritikal na pinagmamasdan ang sugat sa aking bandang leeg. Marahas siyang bumuntonghininga at unti-unting idinampi ang bulak sa sugat ko.
Dahan-dahan akong napapikit dahil sa hapdi na dulot nito.
"Ano po ang mangyayari sa tiyuhin ko?"
Ramdam ko ang panandaliang pagtihil niya sa ginagawa. Napadilat ako upang matingnan siya sa mga mata. Nakita ko ang matinding pagpipigil dito. Ang pagpipigil sa pagpuyos ng galit.
Umigting ang kanyang panga kasabay ng marahas na paglunok niya.
"Kung ako ang masusunod hindi mo magugustuhan ang gagawin ko." Siguro nakita niya ang takot na sumakop sa mga mata ko at agad na bumanayad ang tingin niya. Nang magpatuloy siya ay huminahon ang kanyang boses, "Anong gusto mong gawin ko, Winona?"
Pumikit ulit ako. Kasabay ng pinaghalong galit at takot ay muling tumulo ang luha ko. Naramdaman ko ang malamyos na pagpalis niya sa mga luha ko gamit ang kanyang daliri. Suminghot ako at nag-iwas ng mukha. Ayaw kong kaawaan niya ako. Ayaw kong makita ng kahit na sino ang pagiging miserable ng buhay ko.
"Hayaan niyo na lang po si Tiyong," sambit ko sa maliit na boses na hindi siya tinitingnan.
Matagal pa bago siya nakapagsalita. Ramdam ko ang tensiyon sa kanya.
"Is that what you really want?" pabulong na pagkakasabi niya. Punong-puno ng pang-unawa. Masyadong mapagbigay.
Unti-unti akong tumango. Hindi pa rin siya magawang tingnan. Dinig ko ang pagbuga niya ng malalim na hininga. Ipinagpatuloy na niya ang marahan na paggagamot sa akin. Pareho kaming hindi na nagsasalita hanggang sa matapos ang panggagamot niya.
Binalot kaming muli ng komportableng katahimikan. Siguro ay parehong nilulunod ang mga sarili sa pag-iisip. Hinilig ko ang ulo sa head rest ng upuan. Niyapos ko ang sarili at naging komportable sa suot na jacket ni Gov.
"We're here, Sir," anang kanyang bodyguard paglaon ng ilang minuto.
Pansin ko na nga ang paghinto ng sasakyan. Naupo na ako nang deretso at hinanda ang sarili. Sabay na lumabas ang kanyang drayber at bodyguard. Pinagbuksan nila kami ng pinto ng sasakyan. Unang lumabas si Gov at inalalayan niya naman ako sa paglabas ko.
Iginala ko ang tingin sa paligid. Sa kabila ng kadiliman ay may naaaninag pa rin akong mga pine trees. Patuloy lang ang paglinga ko hanggang sa dumapo na nga ang tingin ko sa isang bahay na mayroong dalawang palapag. Nakabukas ang ilaw nito sa loob. Bumaling ako kay Gov at nakitang pinagmamasdan niya pala ang reaksiyon ko.
"Bahay niyo po ba ito?"
Tinanguan niya ako. "Oo. Pero walang nakatira rito dahil nasa kabilang bayan ang residential house ko. I want you to stay here for the meantime. This will be your safe haven."
Gusto ko sanang umapila ngunit hindi na ako nakapagsalita dahil mabilis niyang tinanguan ang kanyang bodyguard at kaagad naman nitong binuksan ang pinto ng bahay.
Iginiya niya na ako papasok sa loob ng bahay kaya wala na rin akong nagawa at nagpatianod na lang. Kaagad kong nakita ang maaliwalas na loob nito. May iilang mga mamahaling muwebles sa loob at agaw atensiyon din ang malaking flat screen tv.
"Your room is upstairs. Bukas na bukas ay magpapapunta ako ng doktor dito. To check on your wound since you don't want to go to the hospital."
Dahil sa sinabi niya ay napadampi ulit ako sa sugat na nasa leeg na nilapatan na niya ng bandage.
"Bukas din magpapabili ako kay Ben ng mga damit at kakailanganin mo," pagpapatuloy niya pa. Para bang naisaayos at napag-isipan na niya nang mabuti ang gagawin.
Dahil nasa likod ko siya nakaantabay ay napalingon ako sa kanya.
"May mga gamit at damit naman ako sa...bahay."
"Hindi ka na babalik doon, Winona," agap niya na may pinalidad ang tono.
Naitikom ko ang bibig na parang kuting lang na napagalitan.
"Come on. I'll take you to your room upstairs."
Nauna siyang umakyat ng hagdanan. Tahimik lamang ako na nakasunod sa kanya. Pagdating sa ikalawang palapag ay nakita ko na mayroon itong tatlong kuwarto. Nagpatuloy siya sa paglalakad at nang marating ang pangalawang kuwarto ay huminto na siya at binuksan ang pinto nito. Sumunod ako sa pagpasok niya sa loob.
Malaki ang espasyo ng silid. Mayroon ding isang maliit na flatscreen tv. May isang queen size bed din na may malinis na puting bed sheet. At sa nakita kong isang pinto sa may sulok, naisip kong indoor CR siguro iyon.
"Do you like it here? Pwede kang lumipat ng ibang kuwarto kung hindi mo 'to gusto."
Naupo na ako sa dulo ng kama at tiningnan siya.
"Maganda na po rito, Gov. Sobra pa nga..." Nang maalala na suot ko pa pala ang jacket niya ay kaagad akong umakto sa paghubad nito.
"Keep it. Sa'yo na 'yan," agap niya.
Natihil ako at unti-unting inayos na lang ang jacket na suot. Tiningnan ko siya nang deretso sa mga mata.
"H-hindi ko po alam kung...kung paano ko kayo pasasalamatan sa kabaitan niyo sa'kin. Ang dami niyo na pong naitulong. Hayaan niyo po at kapag nakahanap na ako ng pwedeng lilipatan aalis din po ako agad...dito."
Pagod siyang bumuntonghininga at inilagay ang isang kamay sa bulsa.
"Huwag mo iyang aalalahanin. You can stay here for as long as you want and need."
Gusto ko sana siyang tanungin kung bakit ang bait niya sa akin ngunit natatakot ako sa magiging sagot niya. Hindi ko lang alam kung sa magiging sagot niya ba ako takot o sa magiging reaksiyon ko.
Pareho kaming napabaling sa bukas na pinto nang marinig ang pagtikhim mula rito. Nakita naming si Ben ito na may bitbit ng isa na namang malaking paper bag. Naglahad si Gov ng kamay kaya pumasok na si Ben at iniabot ang paper bag sa kanya. Matapos gawin ito ay iniwan niya na rin kami. Ano kayang ginawa nila kay Tiyong?
Marahang inilapag ni Gov ang paper bag sa gilid ko.
"I bought you some clothes and toiletries. You should go and change. I'll be staying in the other room. Tawagan mo lang ako kapag may kailangan ka."
"Hindi po ba kayo uuwi, Gov?"
Marahan siyang umiling.
"Hindi po ba kayo hinihintay ng...asawa at anak niyo?" inosenting pagpapatuloy ko.
Mariin niya muna akong tinitigan sa mga mata bago siya nagsalita.
"I don't have a child."
Awang man ang labi sa nadiskobre ay tumango pa rin ako.
"Eh 'di...asawa na lang?" Huli na nang mapagtanto ko na ang awkward pala ng naging tanong ko. Gusto ko tuloy tampalin ang sarili ko!
Nag-iwas siya ng tingin. Pansin ko ang paggalaw ng Adam's apple niya marahil dahil sa mabigat niyang paglunok. Napahilot siya sa kanyang sentido.
"My wife and I...it's complicated," parang patay niyang ibinaba ang kanyang kamay at muli akong tiningnan, "Are you hungry? Pwede akong magpaluto kay Ben..."
Marahan akong umiling at nginitian siya sa kabila ng pinagdaanan ko sa isang gabi lang. Tama nga ang kasabihan na sa bawat problema ay laging may pag-asa.
"Hindi naman po. Magbibihis lang po ako at...magpapahinga na."
"Alright. Good night then," aniya.
Nang makalabas na si Governor at masara na niya ang pinto ay kinuha ko na ang paper bag at binuksan. Nakita ko sa loob ang iilang damit at underwear. Uminit ang pisngi ko nang maisip na bodyguard niya pa talaga ang bumili nito. Mayroon din akong nakitang toothbrush, toothpaste at tissue. Medyo nagtaka ako kung saan ito nabili ng kanyang bodyguard eh malalim na ang gabi at halatang sarado na ang mga mall.
Naresolba rin ang isipan ko nang maalala na isang Governor pala ang nag-utos sa kanya kaya siguro nga ay nagagawang posible ang lahat. Tumayo na ako bitbit ang mga damit at nagtungo sa CR. Naisipan kong mag-shower upang mawala ang dumi sa katawan. Mawala ang alaala ng mga mararahas na kamay ni Tiyong na dumampi sa balat ko.
Matapos maligo ay nahiga na ako sa kama kahit basang-basa pa ang buhok. Yapos ang sarili ay pumikit ako...at tuluyan ng humagulgol.
Kinabukasan ay nagising ako sa naririnig na pag-uusap na mukhang nanggagaling sa ibaba. Napabalikwas ako ng bangon at muling iginala ang tingin sa buong kuwarto. Oo nga pala. Hindi nga pala isang masamang bangungot ang nagyari kagabi. Napagtanto ko na totoo ang lahat ng nangyari. Dahan-dahan akong tumayo na mula sa kama at nagpunta ng CR upang maghilamos.
Nang makapasok sa loob ng banyo ay pinagmasdan ko ang sariling mukha sa harap ng salamin. Nakita ko kaagad ang pamumugto ng aking mga mata at pamumula ng aking ilong. Namumula rin at may sugat sugat na ang aking mga labi marahil dahil sa pagkagat ko nito upang mapigilan lang na umingay ang iyak at marinig pa ni Gov na nasa kabilang kuwarto lang. Hindi ko alam kung ilang oras o baka naman buong gabi ang iniyak ko. Mas pinag-igihan ko na lang ang paghilamos para maibsan at mawala ang bakas nito.
Nang disente na tingnan suot ang kulay asul na bestida na binili ng bodyguard ni Gov ay bumaba na ako. Nasa huling baitang na ako ng mahabang hagdanan nang bumungad sa akin ang kaibigang si Raffa na may bahid ng lubusang pag-aalala ang hitsura. Nakaupo siya sa sofa na nasa tapat ng inuupuan ni Gov. Bigla siyang nag-angat ng tingin at nakita ako. Walang pagdadalawang isip siyang tumayo na.
Hindi ako sigurado kung ako ba o siya ang tumakbo basta't nahanap ko lang ang sarili ko na niyayakap na siya nang mahigpit habang umiiyak. Kung gaano ka banayad ang paghaplos niya sa likod ko ay kabaligtaran naman ang matigas na paulit-ulit niyang pagmura sa aking Tiyuhin.
Marahil ay parehas naming naisip na hindi lang kaming dalawa ang naroroon sa sala. Magkasabay kaming kumalas na sa yakap at umayos na.
"Pa'no mo nalaman na nandito ako?" tanong ko sa kaibigan.
Napalingon naman siya kay Gov kaya ganoon na rin ang ginawa ko.
"I called him earlier this morning. Nakuha ko iyong number niya sa over all in charge noong pageant," paliwanag ni Gov. Nakatayo na rin siya at pinagmamasdan kaming dalawa.
Tumango lang ako. Banayad niya pa akong tinitigan nang matagal. Para niyang sinusuri ang bawat sulok ng mukha ko.
"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong niya sa mahinang boses.
"Okay naman po ako. S-salamat po," nahihiya kong sagot. Batid ko na nakamasid sa aming dalawa si Raffa.
Bumuntonghininga siya at nakapamulsa na. Doon ko lang napansin ang suot niyang white button down shirt at black khaki pants. Mukhang may lakad.
"Alright. Maiwan ko muna kayong dalawa para makapag-usap kayo. I need to take care of some things first. I'll be back. And the doctor will be here in an hour or so."
Sa isang iglap ay umalis na sila ng kanyang bodyguards at naiwan naman kaming dalawa ng kaibigan ko. Naupo na ako sa sofa at sumunod naman sa akin si Raffa at naupo na siya sa aking tabi.
"Nakakaloka. Sinasabi ko na nga ba na napakawalang hiya talaga niyang manyak mong tiyuhin! Kahit na may phobia ako sa baril gagamitin ko talaga para tadtarin siya ng bala!" nanggagalaiting ratsada ni Raffa.
Humugot ako ng malalim na hininga.
"Gusto ko na lang kalimutan ang lahat."
Napasinghap siya sa sinabi ko. "Ano bang pinagsasabi mong kalimutan ang lahat? Gano'n-gano'n na lang iyon?Hindi pupwede iyan, Winona! Kailangang managot ang tiyuhin mo sa ginawa niya sa'yo!"
Mahina akong umiling. Napapikit na rin ako dahil naaalala na naman ang mabigat na pinagdaanan. Unti-unti akong dumilat at tinatagan ang loob. Seryoso kong tiningnan ang kaibigan.
"Ayaw kong lumaki pa ito. Gusto ko lang...gusto ko lang na lumayo. Ayaw kong makita si Tiyong."
Umusog siya at kinuha ang dalawang kamay na nasa kandungan ko. Mariin niya itong pinisil.
"Hindi ka na masasaktan pa ng pamilya mo lalong-lalo na ng tiyuhin mo. Nandito lang ako at si Nanay para suportahan ka sa lahat ng magiging desisyon mo."
Niyakap ko ulit siya upang humugot ng lakas mula sa kanya. Marahan niyang hinaplos ang buhok ko.
"Diyos ko. Sa tuwing maiisip ko kung anong pwedeng nangyari sa'yo kung 'di dumating si Governor Del Fuego...nanlulumo ako, Win." Kumalas siya sa yakap at kunot-noo akong tiningnan, "Ano ba ang nangyari? Paanong nalaman ni Governor ang bahay mo?"
Ikuwenento ko na kay Raffa ang lahat. Wala akong mintis sa detalye. Halos makalimutan ko na nga na hindi pa ako kumakain ng agahan, mabuti na lang at pinaalalahanan niya ako kaya ipinagpatuloy namin ang kwentuhan sa kusina. Hindi na ako nagluto pa ng kakainin dahil may nakalapag na sa mesa. Hindi ko lang alam kung sino ang nagluto ng mga pagkain.
Matapos magkuwento at kumain ay ginawaran niya ako ng marunong at mapagdudang tingin.
"Alam mo kahit ayaw ko mang bahiran ng kahit na anong ibang kahulugan ang pagtulong ni Governor sa'yo...hindi ko pa rin talaga maiwasan."
Nag-iwas ako ng tingin at kinuha na lang ang isang baso ng tubig at sumimsim mula rito. Pagkatapos uminom ay inilapag ko na ito.
"Ano ba ang ibig mong sabihin?" pagmamaang-maangan ko, hindi pa rin makatingin sa kanya nang deretso.
"Win, maganda ka. Alam kong hindi ka ignorante sa mga lalaking nagpaparamdam sa'yo ng interes kahit noon pa man. Alam kong ganoon din ang nahihinuha mo sa mga ikinikilos ni Governor."
Pinagmasdan ko ang sariling kamay na ipinatong sa mesa. At sa wakas ay unti-unti akong nag-angat ng tingin sa kanya.
"Mabait lang talaga si Governor kaya niya ako tinutulungan. Kahit naman siguro sinong nasa sitwasyon ko ay tutulungan niya pa rin."
Nananantiya ang tingin na ipinupukol niya sa akin.
"Gusto ko rin naman na iyon din ang isipin. Pero may duda na talaga ako kahit pa noong tumawag siya at mas lalo lang akong naging sigurado sa kutob ko sa nakita ko kanina."
"Anong duda? Anong kutob? Ano ba iyong nakita mo kanina?"
Deretso niya akong tinitigan sa mga mata. Hindi man lang siya kumurap.
"Win, nakita ko kung paano ka tingnan ni Governor. At sa paraan ng pagtitig niya sa'yo, inangkin ka na niya. At parang wala na siyang balak na pakawalan ka pa."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top