Chapter 4
Chapter 4
Isla
Nanunuot sa aking balat ang lamyos ng hangin na amoy dagat. Mas lalong dumerekta ang dampi ng hangin sa aking balat dahil nakasuot lamang ako ng puting maxidress. Tirik na tirik na ang araw dahil alas siyete na ng umaga. Pinasadahan ko ng aking mga daliri ang bawat nagagalawang alon sa dagat dahil sa pag-andar ng sinasakyan kong bangka. Kasama ko ang apat pang mga kandidata, dalawang staff para sa gagawing video shoot, at ang head ng Tourism Department. Mayroon din kaming kasamang isang make up artist.
Ang buong akala ko ay hindi ako papayagan ni Tiyang na sumama sa gagawing proyekto para sa turismo naming mga kandidata. Mabuti na lang at nakumbinsi siya ni Raffa na pasamahin ako pero siyempre sinamahan na niya iyon ng suhol na pera na kaagad namang tinanggap ng tiyahin ko.
Pagkatapos ng halos trente minutos na pagbiyahe ay unti-unti ng humina ang tunog ng makina ng bangka hanggang sa tuluyan na nga itong namatay. Nagsilbi itong hudyat na nakarating na nga kami sa isla.
Inilapit muna ang bangka sa may dalampasigan at dahan-dahan ng nagsitayuan ang mga kasamahan ko upang makababa na. Kaagad kong iginala ang tingin sa kabuuan ng maliit na isla kung saan kami mamamalagi ng dalawang araw para sa shoot na gagawin sa islang malapit lang din dito. Bumungad sa paningin ko ang nagtatayogang mga puno ng niyog at ang maputing buhangin.
Ako ang pinakahuling bumaba sa grupo. Pag-apak ko pa lang sa buhangin ay ramdam na ng mga paa ko kung gaano ka pino ang buhangin. Sinalubong kaagad kami ng isang lalaki na nasa edad singkuwenta anyos na siguro. Nagpakilala siya bilang tagapamahala ng rest house na pagmamay-ari ni Governor Caleb Del Fuego.
Naglakad pa kami ng ilang metro habang iginigiya ng tagapamahala hanggang sa makadaan kami sa isang pathway na gawa sa tabla ng matibay na kahoy. Ilang minuto pa ay narating na rin namin ang isang bahay na mayroong dalawang palapag na pinalilibutan ng mga puno ng niyog. Namangha ako nang makita ang naglalakihang window glasses na nagsilbing pader ng bahay kaya nakasisiguro ako na nakikita talaga maski sa loob ng bahay ang magandang isla sa labas nito.
"Wow! How nice. Ang yaman siguro ni Gov Del Fuego," manghang bulong ng isa kong kasamahan na kandidata.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa backpack na dala. Siguro naman ay wala si Governor sa loob?
"Pasok po tayo sa loob," paanyaya ng caretaker sabay bukas ng bahay.
Pumasok na kami sa loob. Bumungad kaagad sa paningin namin ang maaliwalas na espasyo ng bahay. Agaw pansin din ang chandelier na mistulang droplets ng tubig. Mas iginala ko ang tingin at nakita ang naglalakihang bintana na may mapuputing kurtina.
"Madalas po bang pumupunta rito si Gov?" tanong ni Isabelle, ang bagong Mutya ng Pasig 2020 kay Manong Caretaker.
"Ah naku hindi po. Abala siguro sa politika," tugon nito.
Hindi ko maipaliwanag ngunit pakiramdam ko ay para akong nabunutan ng tinik sa naging sagot ng lalaking tagapamahala.
Iginiya niya kami sa magiging kuwarto namin. Nasa ikalawang palapag ito ng bahay kaya kinailangan pa naming umakyat sa hagdanan na gawa sa mamahaling kahoy. Pagdating doon ay nakita ko na tatlong malalaking kuwarto ang naroon. At dahil walo kaming lahat na naroon, sa isang kuwarto ay tatlong kandidata ang uukupa, habang ang dalawang staff naman ang nasa isang kuwarto.
Kasama ko sa iisang kuwarto si Yasmin na naging second runner up at ang babaeng make up artist namin. Binuksan ko na ang kuwarto kung saan kami naka-assign at pumasok na kami sa loob. Una kong napansin ang queen size bed, at isa pang single bed na may puting bedsheet. May isang tukador din sa gilid ng kama. At sa bandang sulok naman ay isang malaking babasaging bintana.
Ang una naming ginawa ay ang isaayos ang aming mga dalang gamit. Hindi naman kami nagkaroon ng problema dahil may mga cabinet naman sa loob ng kuwarto. Matapos maisaayos ang mga gamit ay bumaba na kami at nagpunta sa dining area para sa pananghalian.
"Ang bongga ano? May tagapagluto pa talaga tayo!" bulong ng katabi kong si Yasmin sa akin. Nasa hapag na kami at kasalukuyan ng kumakain.
Nginitian ko siya. "Ang bait ni Mayor at hindi talaga tayo pinabayaan."
"Naku, mabait nga si Mayor pero sa pagkakataong ito, masasabi ko na hulog ng langit si Gov Del Fuego. Siya kasi ang nag-provide sa atin ng lahat. Pati nitong pagkain," pahayag ni Miss Tess, ang head ng Tourism Department ng aming munisipyo.
Napuna ko kaagad ang pagkamangha sa mga mukha ng mga kandidata samantalang tahimik lamang ako na nagpatuloy na sa pag-kain.
Alas tres ng hapon na kami tumulak sa kabilang isla sakay ng bangka. Nag-ayos at nag-make up pa kami sa rest house kaya natagalan. Nang makarating doon ay kaagad kaming nagsimula. Kinuhanan kami ng video habang naglalakad kaming limang kandidata na nakapaa sa buhanginan. Kinuhanan din kami habang nakaapak sa tubig at kunwari ay masayang nagtatalamsikan sa isa't-isa.
Dahil sa dami ng kinuha rin na shots ay halos magtatakip-silim na nang makabalik kami sa rest house. Puna ko na pagod ang lahat dahil sa maghapong shoots. Nagbihis muna kami bago pumanaog para sa hapunan. Suot ang kulay dilaw na loose shirt at maong shorts ay bumaba na ako ng hagdanan kasabay ng humihikab naming make up artist. Nasa hapag na ang iba ko pang kasamahan at nagsisimula ng kumain. Muli akong naupo sa bakanteng silya katabi ng inuupuan ni Yasmin.
"May pinapautos pala si Mayor. Sabi niya na magsusulat daw kayo ng script bilang sagot sa tanong na 'Ano para sa'yo ang isla?' Para raw sa huling shoot na kukunin." anunsiyo ni Miss Tess sa lahat.
"Wala ba kaming script na gawa na? Kami talaga mismo ang magsusulat?" nakangusong tanong ni Elise.
Nahalata ko ang plastik na ngiti na iginawad ni Isabelle sa kanya.
"Ang tanong ay 'Ano para sa'yo ang isla?' Para sa'yo. Siyempre dapat tayo mismo ang magsulat."
Nakasimangot na napayuko na lamang si Elise at muling itinuon ang pansin sa kanyang plato.
"Napaka-feeling talaga porque't siya ang nanalo," bulong-bulong naman ng katabi kong si Yasmin.
"So okay na ba? Iyan ang gagawin ninyo ngayong gabi bago kayo matulog. Alam kong parang impromptu na pero mga kandidata kayo kaya dapat sanay na kayo sa mga agarang tanungan." si Miss Tess.
Tumango lang kami bilang pagsang-ayon at nagpatuloy na sa pag-kain.
Iyon na nga ang ginawa namin bago matulog. Alam ko na abala na ang lahat sa pag-iisip ng magandang isasagot sa tanong. Habang abala na si Yasmin na nasa kama at nagsusulat sa kanyang phone ng sagot, nakahiga naman ako at nakatitig sa kisame. Ang dalawang kamay ko ay nakapatong sa aking tiyan. Humugot ako ng malalim na hininga at nag-isip. Ano nga ba para sa akin ang isla? Bilang kandidata ng isang pageant na isinusulong ang turismo ng lugar ay alam na alam ko na ang isasagot. Ngunit bilang isang ordinaryong babae na si Winona Arabella Santibañez ay naguguluhan pa rin ako.
Sa huli ay pumikit ako nang mariin at ipinaubaya na lang sa panaginip ang magiging sagot kinabukasan. Tuluyan na akong nahulog sa kawalan.
Paghampas ng mga alon at tunog ng pagpatak ng ulan ang gumising sa akin kinabukasan. Dahan-dahan akong napabalikwas na ng bangon at nadatnan ang mga kasama ko sa kuwarto na nakaligo na at nagbibihis na lang. Kinusot ko ang mga mata at nilinga sila.
"Good morning," bati ko.
"Morning. Maligo ka na rin. Maaga raw tayong aalis papuntang kabilang isla ngayon para hindi magabihan pag-uwi," sabi ni Yasmin.
Nagtagpo ang dalawang kilay ko. "Pag-uwi rito sa rest house?"
"Hindi. Uuwi na tayo deretso sa atin. May bagyo raw kasi at signal number one na tayo kaya pinapadali ni Mayor ang video shoot."
Tumango ako at napabaling sa malaking bintana. Napansin ko nga ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan. Tumayo na ako at kinuha ang puting tuwalya na nakahanger sa gilid. Muli kong tiningnan si Yasmin na nagsusuklay na ng kanyang basang buhok.
"Tutulak na tayo pagkatapos ng agahan kahit na umuulan?" tanong ko.
"Sabi ni Sir Randy na videographer ay hihintayin daw natin na tumila ang ulan bago tayo pumunta ro'n. Pero kapag hindi pa talaga at hindi naman gaanong kalakasan ang ulan, tuloy daw tayo. Pagbibiro pa niya waterproof naman daw ang equiments nila." Tumigil siya sa pagsusuklay at nilingon ako, "May naisagot ka na para mamaya? Hindi kita nakitang nagsulat kagabi."
Ngumiti ako. "Wala pa nga eh. Ewan ko ba. Bahala na."
Tinitigan niya pa ako at bakas sa mukha niya ang pag-aalala para sa akin. Napangiti ako sa sarili. Sa isang pageant talaga hindi na maiiwasan ang namumuong pagkakaibigan kahit na hindi gaanong matagal ang pinagsamahan.
Matapos maligo ay nagbihis na ako. Isinuot ko ang white off shoulder dress na lace ang laylayan. Pagkatapos kumain ng agahan ay nagpamake-up na rin ako sa aming make up artist. Ako iyong pinakahuli sa linya dahil nahuli ako ng gising.
Laking pasasalamat na rin namin dahil sa wakas ay tumila na ang ulan at nagpakita ulit ang araw. Tumulak na kami papuntang isla gamit ang malaki ng bangka dahil isinama na rin namin ang mga gamit para deretso na kami ng uwi pagkatapos ng shoot. Pinadalhan na rin kami ng pagkain na packed lunch para sa pananghalian.
Halos lahat kami ay napatuwid ng pagkakaupo sa bangka ng dumaong na ito. Tumambad sa amin si Mayor Cariño na nakasuot ng puting polo shirt at khaki pants. Nakatayo naman sa tabi niya si Governor Caleb Del Fuego na kaswal lamang na nakasuot ng kulay asul na manipis na tshirt at white short pants. Nakasuot din siya ng itim na sunshades. Sa likod naman nilang dalawa ay mayroong apat na bodyguards.
" 'Si Governor Del Fuego 'yan hindi ba? Grabe ang pogi. Mukhang artista..." bulong ng nasa tapat kong kandidata.
Nang mamatay na ang makina at tuluyan ng dumaong ang bangka sa dalampasigan ay tila ba nag-uunahan na ang mga kasama kong kandidata sa pagbaba. Halos mahulog pa sa tubig si Carmen dahil sa pinagagagawa nila. Nagpahuli na lang ako kasunod ni Miss Tess. Inalalayan naman kami ng bangkero kaya nakababa rin kami nang maayos.
"Good morning, ladies," nakangiting bati ni Mayor sa amin.
Bumati rin kami pabalik. Nakahilera na kami sa harap nina Mayor upang magbigay galang. Nasa likod naman ako ni Miss Tess. Sumulyap ako kay Mayor at doon ko na nakita na nakatingin sa akin si Gov. Sa hindi malamang kadahilanan ay bigla na lang lumakas ang pintig ng puso ko. Kaagad akong nag-iwas ng tingin at itinuon na lang ang atensiyon kay Mayor.
"Alam ko na hindi man lang ako nagpasabi na pupunta kaya siguro ay nagulat kayo. But well . . ." napasulyap siya kay Governor bago bumaling ulit sa amin. "things happen and I also wanna check the outcome first hand. So shall we start?"
Nagsitanguan kami at maya-maya pa ay kinausap na ni Mayor ang staffs na kasama namin pati na rin si Miss Tess. Nakatingin lamang kaming mga kandidata sa kanila at hindi alam ang susunod na gagawin habang naghihintay. Napansin ko ang paglapit ni Isabelle kay Governor.
"Hello po, Governor. I'm Isabelle Dela Fuente. The winner of the pageant. I just wanna thank you for the wonderful accommodation," aniya sabay lahad ng kamay.
Tinanggap ito ni Governor at matipid siyang nginitian.
"You're welcome. I hope you had a comfortable stay."
Mas lumaki pa ang ngiti ni Isabelle. Lumapit na rin sa kanila ang iba pang kandidata samantalang nag-ugat naman ang mga paa ko sa aking kinatatayuan. Luminga-linga ako at nakita sa may hindi kalayuan si Miss Tess at ang isa pang staff na abala sa paglalapag ng puting manipis na tela sa buhangin samantalang ang make up artist naman namin ay tumulong na sa pagsasaayos ng wire sa mga equipments. Hindi na ako nagdalawang isip pa at naglakad na papalapit sa kanila upang tumulong.
"Tulungan na kita, Ate," sabi ko at tinulungan na siya sa pagbubuhat ng wire.
"Maraming salamat, Winona. Ang bait mo talaga."
"Wala po iyon," nakangiting sambit ko.
Matapos maisaayos ang mga equipment at props ay nagsimula na kami sa final video shoot.
Unang sumalang ang aming fourth runner up. Pinaupo siya sa nakalapag na tela sa buhangin at hinanap ang magandang anggulo. Nang maging komportable na siya sa kanyang puwesto ay nagsimula na siya sa pagsasalita. Masasabi ko na magandang ang pagka-construct ng sagot niya kahit na halatang memoryado ito. Mukhang bumilib naman si Mayor.
Sumunod naman si third runner up na halatang kinakabahan. Umabot pa ng apat na takes dahil hindi niya nasaulo ang kanyang sagot. Sumunod na rin sa kanya si Yasmin.
Medyo kinakabahan na rin ako nang matapos na si Yasmin. Maganda ang naging sagot niya at isang take lang iyon dahil hindi siya nagkamali. Huminga ako ng malalim at lumapit na sa gitna.
Dahan-dahan akong naupo sa inilapag na tela. Taliwas sa ayos ng nauna sa akin ay nag-iba ako ng puwesto. Upang maging komportable talaga ay nag-squat ako. Naka-cycling shorts naman ako kaya kampante ako na walang makikita.
"Sigurado ka na ba sa porma mo?" tanong ng videographer sa akin.
Ngumiti ako at hinawi ang iilang hibla ng buhok na tumabon sa mukha ko dahil sa malakas na hangin. Hindi ko na ito itinali at hinayaan na lang na nakalugay.
"Dito po talaga ako komportable."
Ngumiti siya pabalik. "Sabagay...Ready?"
Tumango ako at nakangiting bumuntonghininga. Hindi ko na inisip ang mga taong alam kong nakatingin sa akin. Pumasok ako sa isang lugar kung saan para lang akong nagkukwento ng buhay ko sa isang kaibigan. Malaya. Walang iniisip na problema. Kahit sa mga oras lang na iyon.
"Kalayaan. Para sa akin ang isla na ito ay kalayaan ko," pagsisimula ko sabay angat ng tingin. Itinuon ko ito sa camera na nakatutok sa akin. Malungkot akong ngumiti, "Isang lugar kung saan pwede akong maging malaya, maging makasarili kahit sa isang pagkakataon lang. Kung saan pwede ko namang mahalin ang sarili ko. Na hindi ko na . . hindi ko na kailangan pang patunayan ang sarili ko . . . para lang tanggapin at . . . at mahalin." Kumurap ako at naramdaman ang pagtulo ng luha mula sa mga mata. Kaagad ko itong pinalis gamit ang likod ng kamay at pekeng ngumiti. "Pasensiya na. Uh ... nadala lang. Kaya uh...maganda po ang isla na ito. At inaanyayahan ko po kayong bumisita." Mabilisan na akong tumayo dahil nahiya na sa inasta kanina.
Nilapitan ko si Miss Tess. "Pasensiya na po."
Banayad niya akong nginitian at marahang tinapik sa balikat.
"Okay lang iyon. Marami nga kaming na-touch. Your piece was very genuine. May problema ka ba, Winona? Sa pamilya o. . . ?"
Mabilis ang pag-iling ko. "Wala po! Okay. . . lang po ako."
Tinitigan niya pa ako nang mariin na para bang hindi siya kumbinsido. Nag-iwas naman ako kaya sa huli ay bumuntonghininga siya at magkasabay na lang naming tiningnan si Isabelle na nagsasalita na.
"Hello po, Governor," biglang bati ni Miss Tess ilang minuto pa lang ang nakalilipas kaya napalinga na rin ako.
Nakita ko ang pagngiti at pagtango ni Governor sa kanya. Ganoon din ang iginawad niya sa akin.
Ilang minuto pa silang nagkausap ni Miss Tess tungkol sa proyekto. Hindi na ako nakinig at nakisali pa. Itinuon ko ang pansin sa hindi pa rin tapos sa pagsasalitang si Isabelle.
Hindi ko na namalayan ang biglang pagtahimik sa tabi ko. Naisip ko na baka umalis na rin sina Miss Tess at Gov. Marahan akong lumingon at hindi ko na nga nakita si Miss Tess ngunit laking gulat ko nang nakita pa rin si Gov sa aking likuran na nakapamulsa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top