Chapter 34

Chapter 34

Fight to Protect

"Uminom ka muna nitong tubig, anak," si Nanay sabay abot sa akin ng isang baso.

Tinanggap ko ito at sumimsim na mula rito.

"Nakatulog na si Dil sabi ni Weng," pagkukuwento niya. "Napagod talaga siguro iyon sa kakaiyak at sa nangyari."

"Tumawag si Senator kanina." Sabay kaming napalinga kay Raffa dahil sa pagsasalita niya. Hawak niya ang kanyang cellphone.

Pagod akong napahilamos sa mukha gamit ang dalawang palad.

''Oo nga pala. Hindi ko na nasagot ang mga tawag niya simula pa kanina."

"On the way na raw siya rito, day.''

Sa pagkabigla ay napaangat ako ng tingin.

"S-Sinabi niyang pupunta siya rito?"

Malungkot na tumango ang kaibigan ko.

"Nag-aalala raw siya."

Pagod akong bumuntonghininga at tumayo mula sa sofa.

"Papasok na po ako sa kuwarto at magpapahinga."

"Hindi mo siya kakausapin, Win?" si Nanay.

Tiningnan ko na rin siya at inilingan.

"Hindi na muna po. Kayo na lang ang kumausap sa kanya. Pagod po ako."

Nagkatinginan ang dalawa. Sa huli ay tumango na lang sila. Pumasok na ako ng kuwarto at nahiga sa kama. Pagod ako sa parehong emosyonal at pisikal na anyo. O baka gusto ko lang talagang matulog upang magising at lokohin ang sarili na isang masamang panaginip lang ang lahat.

Awtomatiko akong napasulyap sa digital clock na nakalapag sa mesa nang magising. Nakita ko na alas siyete na pala ng gabi. Siguro nga ay napagod talaga ako dahil sa sobrang haba ng naitulog. Kumalam ang sikmura ko at doon pa lang napagtanto na hindi pa pala ako kumakain.

Nagbihis ako at inayos ang sarili. Suot ang gray loose shirt at cotton shorts ay lumabas na ako ng kuwarto at bumaba. Nasa panghuling baitang na ako ng hagdanan nang makita si Caleb na nakayukong nakaupo sa sofa. Nakasuot pa siya ng white button down shirt at pants. Ang mga palad niya ay nasa magkabilang tuhod nakapatong.

Unti-unti siyang nag-angat ng tingin. Nang makita niya ako ay alisto siyang tumayo. Nakitaan ko ng pinaghalong pagod at pag-aalala ang kanyang hitsura.

Nagpatuloy ako sa pagbaba at naglakad na patungo sa kinatatayuan niya. Mapanglaw niyang sinuri ang mukha ko na para bang naghahanap ng kung anong sugat.

"Hey... I was so worried..." paos niyang panimula.

Iminuwestra ko ang upuan. Nakuha niya naman ang gusto ko at muling naupo sa sofa. Umupo na rin ako sa tabi niya.

"Kanina ka pa?" sabay tingin ko sa kanya.

"Medyo. Mga limang uh...oras na siguro. I already had a talk with our son."

Tinanguan ko lang siya. Malalim ang naging buntonghininga niya.

"I'm sorry about what happened. My intel wasn't quick enough to take action. Huli na nang matunugan namin na pati school ng anak natin susugurin ng media. Kasalanan ko lahat ng 'yon, Win. I'm sorry I failed you..."

Banayad ko siyang tiningnan.

"Huwag na tayong magsisihan pa. Pareho naman nating hindi ginusto ang nangyari. All I want is for Dil to be safe. 'Yon lang, Caleb."

"He will be. And you."

Pinasadahan ko ng tingin ang buong disposisyon niya. Nakita ko ang pagod dito. Mukha ring hindi na siya nakakatulog nang maayos.

"You should go home," sabi ko. "Magpahinga ka na muna."

Malungkot siyang ngumiti.

"Hindi pa naman ako masyadong pagod. Uh... I heard you got fired from Pillars."

"Oo. I... I broke their moral conduct dahil sa pagiging..." hindi ko na masabi-sabi ang salitang 'kabit'. Mukhang nakuha niya naman iyon.

"I'll take care of you and our son," pangangako niya. "Pwede ko bang hingin ang account number mo?"

"Para saan?'

"Para lang sa mga gagastusin niyo. Like...groceries?"

Wala sa sarili kong ibinigay ang account number sa kanya. Siguro dala na rin ng pagod ay hindi na ako nang-usisa pa. Pang-groceries lang naman. At isa pa vitamins at gatas lang naman ng anak niya ang bibilhin ko.

Nagtungo ako ng kusina para kumain nang makaalis na si Caleb. Nadatnan ko si Nanay kaya ipinaghain niya ako kahit na ipinilit ko na ako na ang maghain dahil kaya ko naman. Pagkatapos kumain ay binisita ko si Dil sa kanyang kuwarto.

Pinagmasdan ko ang mahimbing niyang pagtulog. Sa mura niyang edad ay napakarami na niyang pinagdaanan. Ayaw kong masaktan pa siya. Mas pipiliin ko na ako na lang huwag lang ang anak ko.

Matagal pa bago ako muling nakatulog. Nakapag-usap pa nga kami ni Theo sa telepono. Gusto niyang pumunta sa bahay ngunit tinanggihan ko. Ayaw kong madamay pa siya sa mga nangyayari ngayon. Hindi na siya nagpumilit pa nang sabihin kong gusto ko lang magpahinga. Nirespeto niya ang desisyon ko.

Sa sumunod na araw ay inabala ko ang sarili na magpasa ng resume online. Kahit wala pa naman akong natatanggap na termination notice mula sa Pillars ay nanigurado na ako. May mga agarang nagrereject ng application letter ko. Hindi na ako nagtaka pa sa naging resulta dahil alam ko namang hindi pa humuhupa ang isyu. Kaya lang nagbabakasakali pa rin ako na baka may mga employer na hindi agad mapanghusga.

Napahilot ako sa sentido dahil sa buong araw na pagod. Hinilot ko rin ang batok ko. Huminga ako ng malalim at tumayo. Iniwan kong nakabukas ang laptop at lumabas na muna ng kuwarto upang makalanghap ng hangin sa labas.

Nagkasalubong kami ni Nanay sa may pintuan. Nakita ko ang mga papel na hawak niya. Halatang nasuri na niya ang laman ng mga ito dahil nakabukas na ang takip ng sobre. Natigilan ako bigla dahil sa gumapang na pangamba.

"S-Sa Meralco po ba 'yan, Nay?"

"Oo. Nakita ko sa mailbox kanina. May mga notice rin ng bills na dumating."

"Puputulan na po tayo ng kuryente?"

Nakitaan ko ng gulat ang mga mata ni Nanay. Mahina siyang natawa.

"Naku hindi, anak! Binayaran na ni Caleb ang lahat. Pati nga ibang bills bayad na rin. Advance nga ng isang taon eh."

"Totoo po?" Mabilis na kinain ng hakbang ko ang distansiya namin ni Nanay. Kinuha ko ang mga bills mula sa kanya at isa-isang sinuri. Tama nga siya. Fully paid na nga at may advanced pa ang iba. May mga pangalan ni Caleb sa dulo bilang payor. Kung tutuusin ay wala na akong aalalahanin pa sa mga bayarin.

Mabilis akong nagpaalam kay Nanay at umakyat muli sa kuwarto nang may sumagi sa isipan ko. Nagtipa ako sa nakabukas pang laptop at sinuri ang online banking account. Nawindang ako nang makita ang statement of accounts. Isang milyon. Isang milyon ang amount na ni-transfer ni Caleb dito. Akala ko ba pang-groceries lang?!

Nagpa palpitate ang sentido ko habang nagda-dial ng numero ni Caleb. Palakad-lakad sa loob ng kuwarto at kagat ang ibabang labi ay hinihintay ko ang pagsagot niya. Ilang beses ko itong paulit-ulit na ni-dial pero hindi pa rin siya sumasagot sa kabilang linya. Nahimigan niya ba na tutustahin ko siya ngayon kaya siya umiiwas?

Sa pagka-irita ay halos itapon ko na ang cellphone sa ibabaw ng kama. Halatang umiiwas talaga ang mokong na 'yon. Sa inis ay nagtipa ako ng mensahe sa kanya.

Ako: Pakikuha ulit ng 1M mo.

Hindi nag-isang minuto ay nagreply na siya. Akala ko ba abala dahil hindi naman sinasagot ang tawag ko kanina?

That is non-transferable.

Kumunot ang noo ko sa naging reply niya at muling nagtipa.

Ako: Dalawang libo lang ang kailangan ko pang-groceries. Sobra ka ng 998k.

Nakita ko ang senyales na niseen niya ang mensahe ko. Nakitaan ko pa na may sign din na typing siya ngunit nawala rin ito. Naghintay ako at nakita na typing na naman ulit hanggang sa may reply na siya.

Keep it for later use

Hindi na ako nagreply pa at sumalampak nalang sa kama. Tumihaya ako at tulalang tinitigan ang kisame.

"Ay wow! Kung ganoon, milyonarya ka na pala, day!" si Raffa. Bumista siya ulit sa bahay at inimbita ko na dito maghapunan. Ikinuwento ko na sa kanya ang natuklasan ko kanina tungkol sa pera ni Caleb.

Umismid ako. "Isusuli ko kay Caleb 'yon."

"Ang arte mo talaga!" Umasim ang mukha ni Raffa. "Hayaan mo na 'yon! In case of emergency 'di ba? At saka barya lang naman 'yon para kay Senator."

"Oo nga naman, maam. Parang sustento na rin niya 'yan sa inyo ni Dil para sa nakalipas na limang taon," segundo naman ni Ate Weng.

Ngumuso lang ako at sinimulan na ang pagtulong sa paghahanda ng mga pagkain sa mesa. Maagap naman nila akong tinulungan ngunit walang tigil pa rin ang pangungumbinsi nila na tanggapin ko na lang ang pera. Si Nanay naman tahimik lang na parang may malalim na iniisip. Siguro nga ay naapektuhan pa rin siya dahil hindi pa talaga humuhupa ang isyu tungkol sa amin ni Caleb.

"Tatawagin ko lang si Dil para sa dinner. Mukhang kanina pa iyon hindi lumalabas ng kuwarto, ah," sabi ko at lumabas na ng kusina.

Umakyat na ako at pinuntahan na ang anak sa kanyang kuwarto. Pinihit ko ang door knob at nagtaka kung bakit ito naka-lock. Kinatok ko ang pinto.

"Dil! Open up please. Dinner is ready!"

Hindi ako pinansin ni Dillon. Kaya sumubok muli ako.

"Come on, anak! Open the door now..."

"Leave me alone! I wanna be alone!" sigaw niya.

Nagitla ako dahil mukhang sinusumpong na naman si Dillon. Pansamantala ko siyang iniwan at tinungo na muna ang sariling kuwarto para kunin ang susi. Mabilis kong binuksan ang drawer ng cabinet at kinuha na ang susi. Lalabas na sana ako ng kuwarto nang matigilan dahil sa napansing nakabukas na laptop. Nilapitan ko ito at tiningnan ang nakadisplay sa screen. Niplay ko ito at pinanood nang buo. Nayanig ako nang makita na isa itong video patungkol sa isyu namin ni Caleb. Nang nag-scroll ako sa ibaba ay nakita kong may iba pa. Kung ganoon nakita ni Dillon ang mga ito? Kaya ba siya...

Dumiin ang pagkakahawak ko sa susi. Sa isang iglap ay bumalik ako kaagad sa kanyang kuwarto at binuksan na ang pinto gamit ang susi. Doon ko na nakita si Dillon na nakaupo sa may sulok. Nakapatong ang mga braso niya sa tuhod habang nakayuko. Wala man siyang ginagawang tunog ay alam ko naman ang pag-iyak niya dahil sa panginginig ng kanyang balikat.

Dahan-dahan kong nilapitan ang anak.

"Dil... what's wrong, baby?"malumanay kong tanong at napaluhod na sa harap niya.

Unti-unti siyang nag-angat ng tingin. Basang-basa ng luha ang kanyang pisngi. Pati ang munti niyang mga labi ay namumula na rin. Siguro ay resulta sa pagkagat niya rito upang hindi makagawa ng ingay sa kaiiyak.

"I wanna go home. Let's just go home, Nanay..."

Hinaplos ko ang pisngi niya habang banayad siyang tinititigan.

"What do you mean, anak? We are home."

"I wanna go home to Canada. I don't like it here."

Naningkit ang nga mata ko.

"I thought you love it here? What made you changed your mind?"

"People here are mean. They say... They say bad things..."

Parang may pumilas sa puso ko.

"Is this about the videos, Dil?" marahan kong sinabi. Yumuko siya at itinuon ang titig sa tuhod. "I know that you've touched my laptop again, Dil. Is this about it?"

Ang buong akala ko ay hindi na niya ako sasagutin pa. Ngunit nagkamali ako nang muli siyang nagsalita sa maliit na boses.

"Why are they so mean to us? They said... They said that you're a man stealer. That you stole Tatay from...from his wife. That's what Jeb said to me too..." nag-angat siya ng tingin ngunit hindi ako tiningnan nang deretso. "Is that true, Nanay? Did you steal Tatay from his... wife?"

Para akong binagsakan ng langit dahil sa mabigat na naging tanong ng anak. Pumikit ako nang mariin. Sa pagdilat ay mas pinili ko ang maging matapat sa anak.

"Yes, Dil," bulong ko. "I...I fell in love with your Tatay. And he...he loved me too."

"Is love a bad thing then?" inosente niyang tanong.

Masakit man ay napangiti pa rin ako nito.

"No it isn't. But some love are not always right. Especially when it comes to the right time and the right people. Lalong-lalo na kung ang love na ito ay pasakit naman ang maidudulot sa iba. It's hard to explain because you're too young for it. Pero darating ang panahon na maiintindihan mo rin, anak."

Natahimik siya. Umayos ako ng upo sa sahig.

"Was me being born a mistake, Nanay? They said—"

"Of course not," pagtutol ko kaagad. " 'Di ba I told you that you're a gift?" Tumango siya at nagpatuloy naman ako. "Are gifts a mistake? Hindi 'di ba? Ginusto kita, anak. You are my gift of hope. You made me want to live again. During my darkest and hopeless times you became my torch. I want you to always remember that."

"Why do people hate us? Are we evil? I try to be a good boy. You are the best Nanay in the world. But why can't they like us? Are we not doing good enough?"

"Oh, Dil..." Nanlabo ang paningin ko dahil sa nagbabadyang luha sa matinding pagkahabag sa anak. Kasabay ng tuluyan nitong pagbuhos ay niyakap ko si Dillon nang mahigpit. Sa murang edad niya ay maski siya hindi nakaligtas sa mundong mapanghusga. Nasasaktan ako para sa anak. Kung kaya ko lang higupin ang sakit na dinaranas niya ay ginawa ko na.

"May lakad ka?" tanong sa akin ni Nanay kinaumagahan.

"May job interview po ako, Nay," sagot ko naman habang itinutupi hanggang bandang siko ang pink longsleeve na suot. Sinuri ko na rin ang pencil skirt sa anumang gusot. Niplantsa ko na naman ito kanina.

Nag-angat ako ng tingin dahil naramdaman ko pa rin ang pagtitig ni Nanay sa hitsura ko.

"Umiyak ka ba, anak? Bakit namumugto iyang mga mata mo?"

Mapait ko siyang nginitian. "Mauubos din po itong luha ko." Nilinga ko ang kuwarto ng anak bago muling binalingan si Nanay. "Kayo na po munang bahala kay Dil. Tulog pa po kasi siya."

"Oo naman. Sige. Pag-uwi mo...may importanteng sasabihin din ako sa'yo.''

"Sige po, Nay."

Matapos makapagpaalam kay Nanay ay lumabas na ako ng bahay at pumasok na sa sasakyan. Mabilis naman na umalerto ang mga bodyguards ni Caleb. Pumasok din sila sa kanilang sasakyan. Bubuntutan na naman siguro ako.

Naging doble ingat na si Caleb matapos ang insidenteng nangyari sa labas ng eskwelahan ng anak namin. Pero pakiramdam ko kulang na kulang pa rin. Humugot ako ng malalim na hininga at nagpokus na lang sa pagmamaneho.

Ilang minuto ay nakarating din ako sa municipal hall. Matapos maiparada ang sasakyan sa parking area ay lumabas na ako. May interview ako kay Mayor. Hindi naman kasi ako pinalad sa mga pinag-apply-an kong nursing homes kaya nang mapag-alamang naghahanap siya ng isang sekretarya ay pinatos ko na.

Napatingin ako sa sasakyan ng security ni Caleb. Napagkasunduan na namin na mananatili lang sila sa loob ng sasakyan. Wala namang panganib dahil may seguridad naman ang munisipyo. Hinaplos ko ang buhok na itinali ko. Tumuwid ako ng tayo at pumasok na sa loob.

Nang makapasok ay iginiya ako ng babaeng staff sa opisina ni Mayor. Nagtaka nga ako dahil wala ng initial interview at deretso na sa alkalde. Siguro nga ay ayaw na nilang mag-aksaya pa ng oras.

Huminto kami sa isang malaking opisina na glass ang pader ngunit hindi naman kita sa loob. Pinihit ng babaeng staff ang door knob sabay baling at ngiti sa akin.

"Pasok lang. Nariyan na si Mayor at naghihintay."

Nginitian ko siya pabalik at pumasok na sa loob. Dinig ko naman ang muli niyang pagsara ng pinto. Bumungad sa akin ang matandang mayor na nakaupo sa kanyang swivel chair sa likod ng mesa. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita ko siya ng personal. Bago lang din naman ako sa bayan kaya hindi ko rin kilala ang mga namumuno rito.

"Maupo ka, hija," pag-imbita niya sa malalim at buong boses. Naalala ko sa kanya si Santa Claus dahil na rin sa kanyang pangangatawan.

Marahan akong naupo sa may bakanteng silya sa tapat ng kanyang mesa.

"I have read your resume and I am quite impressed with your records," nakangiting pahayag niya.

Nabuhayan ako ng loob. May mga tao pa rin talaga na malawak ang pang-unawa.

"Thank you po. But I have to be honest. I don't have any experience in being a secretary but I am willing to learn. I'm a fast learner and a hard worker."

"Oh. I am sure that you are a hard worker. I will give you the job."

Napasinghap ako dahil sa gulat at saya.

"T-talaga po?"

"Of course." Ngumisi siya at dahan-dahang tumayo. "You see, I have lots of work. Minsan napapagod at naiistress ako. As my secretary, hindi lang paperworks ang hihingin ko sa'yo as assistance. There are...extras."Ipinalandas niya ang dila sa ibabang labi nang masambit ang huling salita.

Ginapangan ako ng walang pakundangang kaba.

"Ano pong ibig niyong sabihin?" anas ko.

Lumabas siya sa likod ng mesa at ngayon ay nasa bandang gilid ko na.

"Are you, perhaps willing to take the extra mile?"

Humigpit ang pagkakapit ko sa dalang bag. Tama ba ang kutob ko?

"H-Hindi ko po kayo maintindihan. Pero kung konektado pa rin po ito sa trabaho at marangal ay gagawin ko."

Mahina siyang natawa.

"You are such a tease, Miss Santibañez. I am talking about sexual favors of course. Mahilig ka naman sa politicians hindi ba? I've seen the news."

Mabilis akong tumayo at marahas siyang hinarap. Matalim ko siyang tiningnan.

"Nagkamali po kayo sa inaakala niyo! Aalis na po ako."

Bago pa man ako makahakbang ay marahas na niya akong hinawakan sa braso. Lantaran na siyang nakangisi sa akin ngayon.

"Magkano ka ba, hija? Hindi ba papasa ang isang mayor? Pang-senador ka lang ba?"

Nilukob ako ng galit. Sa matinding emosyon ay pumikit ako at sinubukang itulak siya. Tanging pagbangga niya sa pader lang ang narinig ko. Akala ko ay naging malakas ang pwersa ko ngunit sa pagdilat ko ay ang nagpupuyos sa galit na si Caleb ang tumambad sa akin. Kinuwelyuhan niya ang matandang mayor na nakasandal na ngayon sa pader. Ni hindi siya umabot sa balikat ni Caleb.

"You son of a bitch. I'm going to fucking kill you!" galit na sambit ni Caleb. Mas humigpit pa ang pagkakahawak niya sa kuwelyo ni Mayor na dahilan ng walang tigil na pag-ubo nito.

"H-Help," hingal na paghingi ng tulong ng matanda.

Imbes na security personnel niya ang pumasok, mga bodyguards ni Caleb ang dumating.

Umawang ang labi ko. Sa isang segundo ay parang nanigas ang buo kong katawan. Nang makabawi ay muli kong pinagmasdan si Mayor. Namumutla na ang kanyang mukha at mistulang naghihingalo.

"T-Tama na, Caleb! Bitiwan mo na siya!" utos ko sa nanginginig na boses.

Binitiwan niya ito at kaagad na sumalampak sa sahig ang matandang alkalde.

Tinungo ako ni Caleb at mariing sinuri ang buo kong katawan.

"Sinaktan ka ba niya?"

Para akong tuod na umiling.

Marahan niyang hinawakan ang braso ko na parang babasaging kristal lang. Napatingin ako rito.

"Come on. Let's go home," mahinahon niyang sabi habang inaalalayan ako.

Nang makalabas ng opisina ni Mayor ay kitang-kita ko ang iilang empleyado na nakatingin sa amin. Sa masasamang tingin nila sa akin ay tila ba ipinako na nila ako sa krus. Nanliit ako sa sarili ko. Hinayaan ko si Caleb. Sa huling pagkakataon ay hinayaan ko siya.

Sa paglabas namin ng gusali ay dere-deretso na akong naglakad papalayo sa kanya. Dahil sa marahan niyang pagkakahawak sa akin ay kaagad akong nakakalas mula sa kanya. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Ang tanging nasa isip ko lang ay ang kagustuhan na lumayo sa lahat. Ang takasan na lang ang lahat.

Dere-deretso ang mabilis na paglalakad ko. Inignora ko ang lahat ng pagtawag ni Caleb sa akin. Hanggang sa palakas nang palakas ang boses niya. Alam kong maaabot na niya ako. Tumawid ako sa gitna ng kalsada sa kabila ng maraming sasakyan na nagdaraan. Tulala ako at hindi inalintana ang mga bosina at sigaw ng mga nag-aalburoto sa galit na drayber.

"The fuck are you doing?" galit na untag sa akin ni Caleb na nakahawak na sa braso ko. Pareho na kaming buhis-buhay na nasa gitna ng kalsada.

"Hayaan mo na ako! Gusto ko nang mamatay para matapos na lahat!" singhal ko.

Hinapit niya ako papalapit sa kanya at pilit na niyayakap. Mariin akong nagpumiglas.

"Come with me. Let's go away. Umalis tayo ni Dil," pagsusumamo niya.

Gusto kong matukso at bumigay. Pero kapag ba ginawa ko iyon matatapos na ang lahat? Hindi na ba ako isusuka ng lipunan?

Punong-puno ng pagkasuklam ko siyang tiningnan. Hindi ako nagpadala sa pagmamakaawa na ipinapakita ng kanyang mga mata. Nagpakain ako sa galit.

"Kasalanan mo 'to! Kasalanan mo ang lahat ng 'to!" hinampas-hampas ko siya sa dibdib. Hindi ko na napigilan pa ang pagbuhos ng mga luha na parang rumaragasang talon. "Ang sabi mo poprotektahan mo kami! Nangako ka! Nangako ka, Caleb!"

Sa kabila ng lakas ng paghampas ko ay malambot naman na yakap ang isinusukli niya.

"I'm sorry, Win. I tried. I really tried. I'm doing everything I can. I love you. I love you so much," paulit-ulit niyang sambit sa nanginginig na rin na boses.

Sumubsob na ako sa dibdib niya. Kumapit ako sa tshirt niya na parang dito nakasalalay ang buhay ko. Gusto ko na namang magpaubaya. Ngunit sa isang iglap ay natauhan na naman ako.

"Mahal din naman kita pero ano namang magagawa ng pagmamahal na 'to?! Mapoprotektahan ba ng pagmamahal na 'to ang anak natin?" Nanlumo ako nang maalala ang naging pag-uusap namin ni Dillon kagabi. Muli akong nagpumiglas. Marahil na rin sa gulat niya sa ibinunyag kong totoong nararamdaman ay nakakalas ako sa kanya dahil sa pagkawala ng kanyang lakas.

"Kaya kong tanggapin ang lahat ng mga masasakit na salita at masasamang pagtrato ng mga tao sa'kin, Caleb! Pero hindi ko maatim na pati anak ko dinadamay na nila. Na pati... pati si Dil naiipit na sa eskandalong pilit kong tinakasan noon pero hinahabol pa rin ako ngayon! Hindi ko kaya! Mamamatay ako kapag nasaktan pa ang anak ko..."

Pumikit siya nang mariin. Pati luha niya ay bumuhos na rin. Puna ko ang mabigat niyang paglunok.

"You... You love me." Mistulang pagdarasal ang pagsambit niya nito.

Pansamantala akong natigilan. Maski ako ay nagulat sa sariling rebelasyon ng totoong nararamdaman. Nakabawi rin naman ako kaagad dahil sa trato niya rito. Wala na ba siyang ibang narinig kundi iyon lang? Hindi niya ba naiintindihan ang ipinupunto ko?

"Hayaan mo na lang kami ng anak mo."

Dumilat siya at ngayon ay nag-aalab na sa umaapaw na emosyon ang kanyang mga mata. Mabilis siyang umiling.

"No. No I won't do that. Nagparaya na ako noon pero hindi na ngayon. Ipaglalaban ko na kayo. Magalit ka sa'kin, Win. Ipagtabuyan mo'ko. But I will always comeback to you and our son." Muli niya akong inalu at niyapos. Sa pagod na rin siguro ay nagpaubaya na ako.

"Please fight with me, Win. Kayo ni Dillon ang buhay ko. If people cast stones at us because they think that this love is wrong...  then let this love be our shield. Just... Just fight with me. Fight for us. I need you. I need you so bad."

Pinagmasdan ko ang paligid. Ang mga sasakyang nagdaraan na walang tigil sa pagbosina. Pinagmasdan ko ang mga galit na mukha ng mga nagmamaneho nito. At sa huli, ibinalik ko ang tingin kay Caleb. Puno man ng galit ang ibang tao sa akin, gusto naman itong tabunan ng pagmamahal na ipinapangako sa akin ng lalaking kaharap ko. Sa huli, buong-buo kong tinanggap ang pagmamahal na ito.

Inihatid ako ni Caleb sa bahay sakay ng kanyang kotse. Isa sa mga bodyguards niya ang nagmaneho ng sarili kong sasakyan. Tahimik lang kami hanggang sa makarating na ng bahay. Pinagbuksan ako ng pinto ng kanyang bodyguard.

Nasa labas na ako nang lingonin si Caleb na hindi bumaba ng sasakyan.

"H-Hindi ka ba papasok sa bahay?" tanong ko.

Sinulyapan niya muna ang suot na relo bago ako tiningnan. Malungkot siyang ngumiti.

"I want to. Kaya lang late na ako sa...isang appointment."

Niyapos ko ang sarili dahil sa naramdamang lungkot at panghihinayang.

"Ah. Gano'n ba. S-Sige..."

Mariin niya akong tinitigan. Bumuntonghininga siya at mapanglaw na ibinaling ang tingin sa bahay.

"An hour," biglang sabi niya nang tingnan na ako ulit sa namumungay na mga mata. "Just wait for me for an hour. I will finally be home to you and our son."

Kung anuman ang gagawin niya sa isang oras na iyon ay hindi na ako nang-usisa pa at tinanguan na lang siya.

Umatras ako at unti-unti namang isinara ng kanyang bodyguard ang pinto ng sasakyan. Ilang sandali pa ay umalis na sila.

Pumasok na ako sa loob ng bahay. Hindi ko na ibinahagi kay Nanay ang buong pangyayari at baka mag-alala pa siya. Sinabihan ko na lang siya na mukhang malabo akong matanggap sa trabahong in-apply-an.

Habang nasa sala at nagliligpit ng mga laruan ni Dillon ay aligagang bigla nalang dumating si Raffa. Sa hitsura niya na parang pinalid ng hangin ang buhok na kulay gray ay halatang nagmamadali talaga siyang magpunta ng bahay.

"I-on mo 'yong TV,  Win!" tili niya.

Naningkit ang mga mata ko. "Huh? Bakit?"

Madrama siyang napasapo sa noo.

"Basta! Sige na dalian mo at baka mahuli tayo!"

Dahil sa taranta niya ay nahawaan pa tuloy ako. Mabilis kong iniwan ang nakakalat na mga laruan at ni-plug na ang TV. Kinuha ko ang remote nito.

"CNN, day," utos niya. Hindi man lang umupo sa sofa at nakatayo lang habang nakapameywang.

Sinunod ko ang gusto niya at inilipat ang channel sa CNN. Doon na bumulaga sa akin si Caleb na nakatuntong sa isang platform. Sa tapat niya ay ang isang speaker stand. Napapalibutan naman ito ng pa-oval na mesa na sa likod ay ang mga nakaupong taga media. Sa hitsura ng silid na nahahagip ng camera ay tingin ko isa itong conference room.

Nakuha rin ng camera ang mga cameraman ng iba't-ibang istasyon na nakatayo sa tapat. Nakatutok ang mga camera nila sa nakatayong si Caleb. Halos masilaw din ako sa mga flash ng camera na kumukuha ng larawan.

"Good morning," kalmanteng pagbati ni Caleb. "I am Senator Caleb Del Fuego. Today, at this very moment, I am going to release an official statement. I will finally be breaking my silence. I am going to protect my love..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top