Chapter 32
Chapter 32
Balita
Isang oras ang ibiyenahe namin. Pansin ko rin na lumabas na kami ng siyudad. Mistulang hindi maubos-ubos na matatayog na mga puno ang tumambad sa paningin ko. Walang katapusang luntiang damo ang nasa lupa.
Huminto na ang sasakyan at lumabas kami mula rito. Dama ko ang kapayapaan ng lugar at ang dalisay ng sariwang hangin. Tanging huni ng mga ibon lang ang naririnig ko. Napatingala ako sa isang malaking lumang bahay na nasa tapat. Sa nakikita kong istruktura nito ay para akong nasa medieval period. May terasa ang ikalawang palapag nito na tanaw naman talaga ang lawa.
Sinulyapan ko si Caleb na nakamasid lang sa akin. Ang isang kamay niya ay nakahawak kay Dillon.
"Ang laki naman ng bahay. Wala ng nakatira rito?" mababakas sa boses ang pagkamangha ko.
"Wala na dahil nanirahan na sila sa States. Ibenenta 'to sa akin noong nakaraang taon. I just decided to buy this two days ago."
Sabay kaming napatingin nang may itinuro si Dillon sa malayo.
"I think the water from the lake just moved! Is there a fish in there, Tatay?"
"There could be. That's why I brought some fishing rods. We will find out soon enough."
Mabilis na napalingon sa kanya ang aming anak. Lantad sa mukha nito ang pagkasabik.
"Really?! That is so cool!"
Ngumisi si Caleb at ginulo ang buhok ni Dillon. Tiningnan niya ako.
"Wanna come inside the house?"
Tumango ako at naglakad na kami papasok nito.
Nang buksan ni Caleb ang double doors na gawa sa mamahaling kahoy ay pakiramdam ko nasa palasyo ako ng makalumang panahon. Sa loob nito ay isang napakalaking espasyo na pinalilibutan ng malalaking bintana.
Napatingala rin ako sa tila ba walang katapusang hagdanan na gawa rin sa matibay na kahoy. Kapansin-pansin din ang malaking chandelier na animoy korteng malaking buwan na pinalilibutan ng mga bituin.
Mabilis na tumakbo si Dillon papunta sa isang lumang piyano na nasa gilid ng bintana.
"Ang ganda naman dito," anas ko. Hindi pa rin matanggal ang tingin sa chandelier. Nagbaba ako ng tingin kay Caleb at nakita na sa akin lang nakatuon ang kanyang atensiyon.
Nakitaan ko ng ngiti ang kanyang mga labi.
"Nagustuhan mo ba?" tanong niya.
"Oo naman! Maganda siya. Anong balak mo rito?"
May pangungusap sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ako.
"I want to build my family here... our family," marahan niyang sinabi.
Hindi ko na magawang mag-iwas ng tingin. Para akong na-magnet ng titig niya. Sa pagkakataong ito ay nahihinuha kong mayroon siyang layunin na hindi ko na maatim na ignorahin pa.
"Mukhang nagustuhan naman ni Dillon dito. P-Pwede siyang bumisita rito kung gusto mo..."
"Ikaw? Gusto mo ba rito?"banayad na tanong niya. Sa mga mata niya ay para bang handa niyang ibigay ang anumang hihilingin ko.
Pakiramdam ko ay nasa bingit ako ng pagkahulog sa bangin. Mapanganib. Walang kasiguraduhan sa maaaring naghihintay sa ibaba. .
"Can we go fishing now?!" Magkasabay kaming napatingin dahil sa naging tanong ni Dillon.
"Sure, son," tugon ni Caleb.
Nauna ako sa paglabas ng bahay. Gusto kong huminga nang maluwag at mag-isip. Nasa likod ko naman ang dalawa. Nang nasa labas na kami ay saka pa lamang ako lumingon kay Caleb.
"May kukunin lang ako sa likod ng sasakyan," paalam niya.
Nginitian ko siya pabalik. Sinundan ko siya ng tingin habang naglalakad palapit sa sasakyan. Binuksan niya ang likod nito. Nakita ko ang bagay na kinuha niya. Isang picnic basket na may takip. Nag-angat din siya ng isang mat.
Nilapitan ko siya upang tulungan.
"Akin na 'yang basket," alok ko.
"Mabigat 'to. Ako na." Iniabot niya sa akin ang mat."Ito nalang dalhin mo."
Ibinigay niya naman ito sa akin. Muli niyang kinutingkay ang likod hanggang sa dalawang fishing rods na ang inangat niya.
"Magpi-picnic tayo?" tanong ko sa likuran niya.
Nilingon niya ako at nginitian.
"That's the plan. This is Dillon's first list."
Nagtagpo ang kilay ko. "Huh? Anong list?"
Natigilan siya at may biglang gulat na dumaan sa mga mata. Itinikom niya ang bibig.
"Don't tell her, Tatay! It's our secret!"agap ni Dil na mabilis nakalapit sa ama.
Napatingin si Caleb sa kanya. May nakakubling ngiti sa kanyang mga labi.
"I'm sorry, Dil. I just slipped. But yeah, I won't tell your Nanay."
"Won't tell me what?" Palipat-lipat na ang tingin ko sa dalawa. "What are you guys not telling me?"
Pareho nila akong binalingan. Hawig na hawig ang ngisi nilang dalawa.
"It's a secret," sabay na sambit ng mag-ama.
Mariin ko silang tinitigan. Naka-poker face pa sila. Batid ko na hindi talaga sila magsasalita kaya sa huli ay bumuntonghininga na lang ako at sumuko. Iminuwestra ko ang nasa tapat.
"Fine. Now go fish," malamig kong utos.
Nauna silang naglalakad patungo sa lawa. Kitang-kita ko ang pagbubulungan nila dahil nakasunod lang naman ako sa kanilang likuran.
"I think Nanay is angry at us," si Dil na hininaan pa talaga ang boses. Akala niya siguro hindi ko sila naririnig.
"It won't be for long. We'll make it up to her. We'll make her happy that she'll forget about it," si Caleb naman sabay mabilisang sulyap sa akin. Pilyo siyang ngumisi at kinindatan ako.
Naiiling na lang ako na sumusunod sa kanila habang bitbit ang basket hanggang sa tuluyan na naming narating ang lawa.
Inilapag ko ang mat sa damuhan. Ibinaba na rin ni Caleb ang basket dito. Tumakbo naman ang anak namin patungo sa maiksing boardwalk na gawa sa tabla na nasa gilid ng lawa. Bitbit niya ang maliit niyang fishing rod.
Naupo na ako sa mat at inilabas ang mga pagkaing nasa loob ng basket. Sandwiches na may iba-ibang palaman. May hotdogs, ham, bacon, cheese. May nakuha rin akong mga bote ng gatas at juice. May fried chicken din at nuggets, at marami pang iba. Kaya naman pala mabigat.
Nag-angat ako ng tingin kay Caleb. Nakapamulsa siya habang tinatanaw ang anak namin.
"Ikaw ba ang naghanda ng lahat ng 'to?"
Dahil sa tanong ko ay napabaling siya sa akin.
"Oo. Gumising ako ng alas kuwatro ng madaling araw." Dumukwang siya at pinulot ang isang bagay na lata. Siguro ay pansin niya ang tanong sa pagtitig ko rito. "Worms. Bait for the fish."
"Ah."
"Puntahan ko lang ang anak natin," sabi niya.
"Sige. Punta lang kayo rito kapag nagugutom na kayo."
Umalis na si Caleb at ipinagpatuloy ko naman ang pag-aayos ng mga pagkain. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang mga nakalatag na pagkain. Halatang-halata na pinaglaanan talaga ng atensiyon at panahon ni Caleb ang paghahanda nito.
Inilipat ko ang tingin sa dalawa. Magkatabi silang nakaupo sa dulo ng boardwalk. Parehong may hawak na pamingwit habang nakalambitin ang mga paa na nasa ibabaw ng tubig. Kahit na marunong na namang mamingwit si Dillon ay malambing na nagpapa-alalay pa rin siya sa kanyang ama. Pansin ko ang pagiging uhaw niya sa atensiyon at kalinga ng ama.
Dinukot ko ang cellphone mula sa bulsa. Kinuhanan ko sila ng litrato. Habang ginagawa ito ay biglang tumili ang anak ko.
"I caught a fish! I caught it!" Mabilis ang ginawa niyang pagtayo hawak-hawak ang pamingwit na may nakatangan ng isda. Sa sigla ay napatalon siya.
Dinaluhan siya ni Caleb. Mapagmalaki niyang ginulo at hinagkan ang ulo ng aming anak. Tinulungan niya si Dillon sa paghawak ng pamingwit dahil nangingisay pa talaga ang may kalakihang isda.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa at nakangising kinuhanan na ng litrato ang dalawa.
Nilingon ako ng aming anak. "Nanay, look! I caught a fish!"
Halos tumakbo na ako papalapit sa kanila. Umakyat ako sa boardwalk na tinutungtungan nila. Hinagkan ko ang noo ni Dillon.
"That you did. I am so proud of you!" Sinulyapan ko si Caleb. "Come on. Let's take a pic of you two."
Tinabihan niya ang aming anak na hinahawakan pa rin ang pamingwit. Inakbayan niya ito at umatras naman ako upang maayos ang pagkuha sa kanila.
Tatlong shots nila ang kinuha ko. Malapad na ngisi naman ang ipinakita ng dalawa sa litrato. Matapos ang picture taking ay inilagay na nila ang isda sa container.
"You gotta join us, Nanay! You should fish too!" baling sa akin ni Dil.
Kaagad akong umiling. "You know I don't know how. Kayo na lang ni Tatay."
"That's okay. He'll teach you!" sabay baling niya kay Caleb. "You should teach, Nanay..."
Napatingin sa akin si Caleb at bahagya siyang napangiti na rin.
"Turuan kita? Madali lang naman..."
Nagbaba ako ng tingin sa pamingwit na hawak niya. Kinagat ko ang ibabang labi at humugot ng malalim na hininga.
"Sige na nga..."
"Yippee!" si Dil.
Muli kaming naupo sa dulo ng boardwalk. Magkatabi na kami ngayon ni Caleb samantalang si Dil naman ay nasa kabilang gilid niya. Iniabot niya sa akin ang pamingwit. Pakiwari ko ay medyo komplikado ito tingnan dahil sa paikot-ikot na hawakan. Kunot-noo ko itong tinitigan.
"Iikot mo lang ng ganito para bumaba 'yong dulo ng pain sa tubig," turo sa akin ni Caleb.
Sinubukan kong sundin ang sinabi niya ngunit hindi naman bumababa ang pain. Tumayo si Caleb at nagpunta sa bandang likod ko. Lumuhod siya at inilapit ang sarili sa akin. Ramdam ko ang init ng kanyang katawan maski hindi naman mainit ang araw.
Mistulan niya akong niyapos galing likod. Halos madikit na ang likod ko sa malapad niyang dibdib. Gumapang ang kamay niya sa kamay kong may siyang hawak ng pamingwit. Nag-init ang pisngi ko nang maramdaman ang mumunting balahibo sa kanyang braso dahil sa pagdampi nito sa balat ko.
"Like this, Win," bulong niya sa bandang tainga ko.
Hindi na magkamayaw ang kabog sa dibdib ko. Hindi na ako magtataka kung marinig man niya ang lakas ng kabog nito.
Sa nanginginig na kamay ay sinubukan ko itong ikutin.
"Uh...ganito ba?"
"Lower...please," paos na bulong niya.
Uminit ang pisngi ko dahil sa kabalbalang naiisip. Tumikhim ako.
"Tama ba 'to?" Palagay ko ay unti-unti na naman itong bumaba.
"Hmm."
Tuloy-tuloy na ang pagbaba ng pain hanggang sa tuluyan na nga itong pumailalim sa tubig. Sinulyapan ko si Caleb at nakitang sa akin siya nakatitig. Sa lagkit ng titig niya ay para yatang mas domoble pa ang lakas ng pagpintig ng puso ko. Masyado ng magkalapit ang mga mukha naming dalawa.
"Sobrang ganda mo pa rin," parang wala sa sariling bulong niya.
Napatingin ako sa labi niya dahil sa marahang paglandas ng dila niya rito. Dahan-dahan akong napalunok at nag-angat na ng tingin sa mga mata niya. Unti-unti nang nawawala ang lakas ng kamay kong nakahawak sa pamingwit. Pakiramdam ko anumang sandali ay mabibitiwan ko na ito.
"I caught another one!" tili na naman ni Dillon sa gilid namin.
Nabulabog kaming dalawa ni Caleb at sabay na napabaling sa nagtatalon na anak. Nilapitan siya ni Caleb at maingat na kinuha ang nangingisay na isda mula sa taga. Inalalayan siya nitong ilagay ang isda sa container. Bumuga na lamang ako ng malalim na hininga at itinuon ang atensiyon sa sariling pamingwit. Halos matampal ang sarili dahil sa muntik na pagrupok.
Pagkatapos mamingwit ng isda ay kumain na muna kami. Nakita kong enjoy na enjoy si Dillon habang pinupunasan ng ama ang kanyang bibig dahil sa natirang cheese sa gilid nito. Naalala ko tuloy iyong nakita ni Dil na palabas sa tv. Lubos ang saya ko para sa anak. Sa mga sandaling iyon ay ramdam kong para kaming isang buong pamilya. Masaya lang.
Pagdapit-hapon ay nakaupo kaming dalawa ni Caleb sa inilatag na mat habang pinagmamasdan ang anak namin na hinahabol ang mga tutubi sa damuhan. Masiglang hiyaw niya ang namayani sa buong paligid. Hindi matanggal ang ngiti ko na napabaling kay Caleb ngunit parang gusto kong malusaw dahil sa napakarubdob naman ng pagtitig niya sa akin.
"Are you happy?"mahina niyang tanong makalipas ang ilang sandali.
"Oo naman. Sure ako na masayang-masaya rin si Dil ngayong araw."
Lumunok siya at bahagyang ngumiti.
"Can I ask you something?"
Sinulyapan ko muna ang anak namin bago ulit siya tingnan.
"Ano 'yon?"
"Pwede ba kitang ligawan ulit?" deretsahan at walang paliguy-ligoy niyang sinabi.
Umawang ang labi ko. Ilang segundo pa akong tila ba naparalisa at nangangapa sa isasagot sa kanya.
"Uh...Hindi ko... uh... kasi," hindi ko na alam kung may patutunguhan pa ba ang pinagsasabi ko.
"I want my intentions to be clear to you," marahan niyang sabi. "I loved you five years ago. I am still in love with you, now. And with your permission, I want to court you again..."
Nag-iwas ako ng tingin at tinanaw na naman ang anak namin na walang kapaguran sa paghahabol sa mga dumarami ng tutubi.
"Hindi... Hindi mo naman ako kailangang ligawan dahil lang nariyan na si Dil. Nangako naman ako na hindi ipagkakait sa'yo ang anak natin kahit na walang tayo." Tiningnan ko muli si Caleb at malungkot na nginitian. "We can be civil with each other. Parang...modern family kumbaga."
Mariin niya pa rin akong tinitigan. Mapaghanap ng kung ano ang tingin niya. May bigat na emosyong lumandas sa kanyang mga mata.
"Hindi kita liligawan dahil lang nandiyan si Dil. Labas ang anak natin dito. Nandiyan o wala man si Dil minahal na kita at mamahalin pa. I want you to understand that, Win."
Sinuklian ko ang titig niya. Sa dami ng emosyon na dumaan sa akin ay hindi ko na alam pa kung ano ang kanyang nakikita sa hitsura ko. Ngunit sa mga titig niyang hindi natitibag ay isa lang ang nasisiguro ko, hindi na mapapawi pa ang kanyang determinasyon.
"Sige. Pag-iisipan ko, Caleb," sabi ko pagkatapos ng ilang minutong titigan.
Umuwi na rin kami nang mag-alas singko na ng hapon. Nang makarating sa bahay ay nakatulog nang deretso si Dillon dahil na rin siguro sa pagod. Hindi naman ako pinatulog ng pag-iisip sa naging usapan naman ni Caleb.
Alam kong dahil sa sinabi ko sa kanya ay binibigyan ko na siya ng pagkakataon. Siguro ay parang inamin ko na rin sa sarili ko na may natitira pa sa pagmamahal ko sa kanya noon. Ang tanong, handa ba akong sumugal ulit? Handa na ba akong magpaubaya ulit?
Baon-baon ko ito hanggang sa pagpasok sa trabaho kinabukasan. Nakokonsensiya rin ako nang maisip si Theo. Ano na lang kaya ang iisipin niya? Na pinaaasa ko lang siya? Nabagabag ako rito kaya nang magkita kami ay ako na ang nag-imbita sa kanya ng lunch para na rin makausap siya.
"Konti lang ang kinain mo, ah. May problema ba, Winona?" nag-aalala niyang tanong matapos naming kumain.
Hindi pa kami umalis ng restaurant at nanatili lang sa upuan. Wala naman masyadong costumer kaya pwede kaming magtagal. Banayad kong tiningnan si Theo na naninimbang naman ang tingin sa akin.
"Nag... Nag-picnic kami kahapon nina Dil at Caleb," nahihiya kong panimula.
"You don't have to tell me about it. Labas na ako riyan dahil private affair mo naman 'yan. I don't wanna intrude your privacy,"agap niya. Kumunot ang kanyang noo. "Are you feeling guilty about it?"
Napakagat ako sa pang-ibabang labi at saka bumuntonghininga.
"I just feel like I should tell you... Caleb also asked if he could court me. Gusto niya akong ligawan ulit..."pahayag ko at napapikit. "I told him that I would think about it. Alam ko na... na dapat deretsahang ni-reject ko na siya but I'm just so confused. Gulong-gulo ako, Theo..." Nabasag ang boses ko sa huli. Unti-unti akong dumilat at nilakasan ang loob upang muli siyang pagmasdan. Nabanaag ko ang pinaghalong sakit at takot sa kanyang mga mata ngunit mas nakonsensiya lang ako nang mas nanaig dito ang malalim na pang-unawa.
Marahan niyang kinuha ang kamay kong nakapatong sa mesa. Tinitigan niya ito at mahinang pinisil.
"I'm sorry that you're feeling that way. But I gotta be selfish this time." Nag-angat siya ng tingin. Nag-aalab ang kanyang mga mata. "I won't give you up to him. Ipaglalaban kita, Winona. Maybe he was your first, but I am dreaming to be your last. Siguro nga siya ang una mo, pero baka naman sa huli ako ang mapili mo."
Mas bumigat pa yata ang nararamdaman ko matapos naming mag-usap ni Theo. Pakiramdam ko talaga nagiging two timer na ako eh wala pa nga akong sinasagot sa kanilang dalawa ni Caleb. Masyadong naging okupado ang utak ko. Hindi ko na nga namamalayan ang oras at hapon na pala.
Hindi dumalaw si Caleb sa kanyang ina. Para naman ako nitong nabigyan ng kaginhawaan dahil mukhang hindi ko pa yata kayang harapin si Caleb ngayong araw. Hindi ko alam kung paano umasta sa harap niya.
Sa mga sumunod na araw ay hindi pa rin nagpaparamdam si Caleb. Maski sa aming anak ay wala siyang sinabi. Naisip ko na baka nga masyado na siyang naging abala sa trabaho dahil sa ginawang pagliban dito sa maraming nagdaang araw.
"Is Tatay going to pick me up later?" pangsampong beses na yatang tanong ito sa akin ni Dillon.
Nasa sala kami habang inaayos ko ang kanyang bag para sa eskuwela. Ikatlong araw na kasi mula noong huling nagparamdam si Caleb. Feeling ko tuloy ni-ghost niya kami ng anak niya dahil sa biglaang pagkawala niya na parang bula.
"I don't know, anak. He didn't text me. Pero pag nag-text siya, I will tell Ate Weng and then she'll tell you, okay?"
Nakabagsak ang balikat niya akong tinanguan.
"Okay."
Napasulyap ako kay Nanay na tahimik lang habang nakaupo sa sofa at nanonood ng tv. Nagkatinginan kami at may dumaang tanong sa mga mata niya. Inilingan ko lang siya dahil sa totoo lang ay hindi ko naman talaga alam kung bakit hindi pa rin tumatawag at bumibisita si Caleb.
Pumasok ulit ako sa trabaho na may dinaramdam na awa para sa anak. Medyo naiinis din ako sa ama niya. Hanggang kailan niya ba planong paasahin si Dillon? Masyado ba siyang abala para ni text o tawag ay hindi niya man lang magawa?
Dahil sa inis ay halos hindi ko na mabati ang mga residente sa Pillars. Pati tuloy pagtatrabaho ko ay naaapektuhan na. Kaya naman noong kalagitnaan ng pag-ring ng cellphone ko sa noon break at nakita ang pangalan ni Caleb sa caller ID ay may panggigigil ko itong pinindot upang masagot.
"May nabuhay yata," malamig na pambungad ko sa kanya sabay irap sa kawalan.
"I'm sorry... May emergency lang..." tugon niya sa kabilang linya. Pansin ko na parang nasa malayo lang ang kanyang boses.
"Sa susunod ay huwag mo na akong tawagan at si Dillon na lang. Ilang araw na 'yong naghihintay sa'yo. Dapat hindi mo na lang siya pinaasa kung iiwan mo rin pala sa ere," ratsada ko.
May narinig pa akong isa pang boses sa linya niya. Mukhang abala nga siya.
"Look, I'm sorry... May importante lang akong inaasikaso." Narinig ko siyang sinabihan ang kausap na 'block out everything'. Nagtagpo ang kilay ko. Wala na akong pakialam kung parang nagiging tsismosa na eh siya naman itong dala-dalawa ang kinakausap.
"Have you noticed someone following you, Win?" muling tanong niya.
"Huh? Wala naman. Bakit?"
May inihabilin na naman siya sa siguro'y kausap niya sa harapan na hindi ko maintindihan.
"I want you to go straight home after your shift. Huwag na muna kayong lumabas ni Dillon for this week. I will take care of everything first...."
"Teka nga! Ano bang nangyayari, Caleb? May problema ba?"
Ilang segundo pa siyang natahimik. Narinig ko ang marahas niyang pagbuntonghininga.
"Nothing. Nothing." Nahimigan ko ang kawalan ng pananalig niya sa sinabi. "May aasikasuhin lang ako... I'll... I'll be home soon to you and our son. I promise."
Matapos ang pag-uusap namin ni Caleb ay kaagad akong bumalik sa station para magtanong. Mabuti na lang at nadatnan ko pa si Kim.
"May senate hearing ba ngayong araw o this week?"
Natigilan si Kim sa pag-aasikaso sa mga gamot at binalingan na ako. Nagtagpo ang kilay niya at halatang nag-iisip.
"Parang wala naman..." Muli siyang bumalik sa pag-aasikaso ng mga gamot. "Ang suwerte nga ng mga senador. Hindi sila masyadong abala."
Hanggang sa pag-uwi ng bahay ay hindi pa rin ako nilulubayan ng mga tanong at kaguluhan sa sinabi ni Caleb. Ipinaalam ko na lang sa aming anak ang naging pagtawag niya. Masyado namang maunawain si Dillon kaya hindi na siya nang-usisa pa at sabi niya ay handa siyang maghintay sa tatay.
Bitbit ang isang baso ng gatas para sa anak ay muli akong bumalik sa sala. Nadatnan ko si Nanay at Tiyang na nanonood ng balita sa telebisyon. Luminga-linga ako sa paligid dahil sa paghahanap sa anak.
"Si Dillon po, Nay?"
"Sinamahan ni Weng sa kuwarto. Bibihisan na ng pantulog dahil inaantok na raw."
"Ah. Sige." Hahakbang na sana ako papunta sa dereksiyon ng hagdanan ngunit nakuha ng palabas sa balita ang atensiyon ko.
"...tinatagong anak. Galing sa matibay na source ay anak daw ito ni Senator Caleb Del Fuego sa ibang babae. Ayon din sa source ay nasa limang taong gulang na ang bata. Kung magkaganoon man ay anak ito ng pinakakilalang senador ng bansa noong nabubuhay pa ang kanyang yumaong asawa.... Magpasahanggang ngayon ay kinukuha pa rin natin ang panig at komento ng batang senador."
Nanghina ako at tuluyan na ngang nabitiwan ang baso. Ni paglagpak nito sa sahig ay hindi ko na narinig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top