Chapter 3
Chapter 3
Success
Parang tumigil ang mundo ko. Sa isang segundo ay hindi ko na narinig ang hiyawan ng mga tao. Napagtanto ko na natigilan din sila dahil sa pagkakatapilok ko. Nang mabalik na sa wisyo ay kaagad akong tumayo nang deretso, matamis na ngumiti, at nagpatuloy sa pagrampa na parang walang nangyari.
Marahil sa panlabas na anyo ay napaka-confident ko tingnan ngunit halos hindi na magpirmi ang mga tuhod ko dahil sa pangangatog nito. Dere-deretso ang pagrampa ko at hindi na muling idinapo ang tingin sa mga judges. At kagaya na lang ng ginawa ng iba pang mga kandidato na nauna, huminto rin ako sa harap ng mikropono upang magpakilala. Kinuha ko ang pagtahimik ng manonood bilang hudyat upang magpakilala na.
"Success is not defined by how much money you have. Success is defined by how much genuine happiness you can give," pagsisimula ko at saka tumango sabay ngiti, "Winona Arabella Santibañez, 21, Pasig City!"
Confident akong tumalikod na, nagpatuloy sa pagrampa hanggang makarating sa puwesto para sa aming production number.
Hindi ko rin alam kung ano ang naging ayos ko sa buong production number.
Nang makabalik na ng backstage ay doon pa lang ako nabunutan ng tinik.
"Nakakaloka ka, day! Anyare? First time mong natapilok ha," bungad kaagad ni Raffa sa akin.
Mabilis na akong naghubad at nagpalit na ng suot para sa talent portion. Isang itim na leotards at kapiranggot na puting tela na itinapis ko sa bandang beywang. Pagkatapos nito ay tulala at pabagsak akong naupo sa silya.
"J-judge si G-gov," anas ko.
"Ah 'yon ba. Oo, day. Ngayon ko lang din nalaman. Ang sabi hindi naman daw siya kasama sa final set of judges . . . pero ewan ko kung bakit may pa-late minute na changes."
Kinalabit ko siya sa braso. "Bakla, wala na akong chance na manalo!" bigo kong sinabi.
Naningkit ang mga mata niya at naupo na sa bakanteng silya na nasa harap ko.
"Huh? Bakit naman?"
"May amnesia ka ba? Hindi ba nga nag-eskandalo ako at sinabihan pa siyang manyak!" Nanlumo ako nang muli kong balikan ang mga sinabi ko sa kanya.
"Ten minutes before talent portion! Get ready!" sigaw ng over all in charge ng pageant.
Hanggang sa sumalang na nga ako sa talent portion. Isinantabi ko na ang pangamba kay Gov. Wala na akong pakealam kung matalo man ako basta ang sa akin lang ay matapos na kaagad ang pageant. Para akong nakalutang habang sumasayaw ng interpretative dance. Hindi ko na maramdaman ang mga buto ko.
Ang alam ko lang na noong matapos ako ay biglang natahimik ang lahat at matapos ang halos dalawang segundo ay nabingi na ako sa palakpakan ng mga tao.
Suot ang silver body fit diamond sequence na long gown ay nasa gitna ako ng entablo kasama ang iba pang mga kandidata upang marinig ang hatol at para na rin sa minor and major awards.
Pasok ako sa top five. Sa akin din napunta ang Best In Production Number, Most Photogenic, Kutis Artista Award, at Best In Talent.
Kaming limang kandidata lang ang nakapasok sa Final Q & A Round. Nakahilera kami sa bandang gilid ng entablado at sinuotan ng headphones upang hindi marinig ang nag-iisang tanong para sa huling round.
Noong tinawag na ang unang kandidata na nakapasok para sa tanong ay naramdaman ko na ang kaba ng mga kasamahan ko sa gilid. Kitang-kita ko ang panginginig ng mga kamay ng katabi kong si candidate number six.
Ako ang pinakahuling tinawag kasunod ni Candidate number eight. Kampante akong naglakad at tinungo na ang kinatatayuan ng lalaking Master of Ceremonies.
"Beautiful evening as beautiful as you, Candidate Number Five!"
Palakaibigan naman akong bumati pabalik sa lalaking MC.
"How are you feeling tonight? Well as the last one being called."
Matamis akong ngumiti. "I'm feeling nervous, frankly speaking."
"Then hindi na natin patatagalin ito. Here's the question. What did you do first thing earlier this morning?"
Nagtagpo ang kilay ko. Hindi mapagtanto kung seryoso ba siya. Dahil sa naisip ko pa rin na kailangan kong sumagot ay nagsalita na ako.
"I woke up." Dinig ko ang tawa ng mga taong nanonood sa naging sagot ko. Pati ang MC ay ngumisi.
Bumaling siya sa manonood. "See? It's time to relax. Last na eh," pagbibiro pa niya. Muli niya akong tiningnan nang seryoso.
"This is really the question. If you were to choose between Love and Morality, what would it be and why?"
Natigilan ako dahil hindi ko inasahan ang naging sagot. Huminga ako nang malalim, bumaling sa mga audience at nagsalita.
"If I were to choose between Love and Morality, I would choose Love. Because for me, Love is the most genuine virtue. In love, there is no right or wrong but only love itself. If you have love, everything that you do comes from the heart and it will be all right. And I thank you!"
Dinig ko na naman ang masigabong palakpakan bago ako tumalikod at bumalik na sa puwesto.
Buong-buo ang pagbalik ng kumpiyansa ko sa sarili nang matawag na ako sa Top Three. Hindi na matanggal ang ngiti na nakaplaster sa mga labi ko at panandaliang nakalimutan na isa pa rin sa judges si Gov Caleb.
Nasa gitna na kaming tatlong kandidata na nakapasok sa Top Three. Tinawag na si Candidate Number One bilang second runner up kaya umabante na siya at nagpunta sa harapan upang tanggapin ang kanyang award.
Kagaya na lang ng nangyayari sa beauty pageant, magkaharap kaming naghawak kamay ni Candidate Number Eight habang naghihintay sa huling hatol.
"Congrats sa ating dalawa," palakaibigang bulong ko sa kanya.
Bahagya siyang nagtaas ng kilay at hindi sumagot.
"And now, the name that I will be mentioning first is our Mutya Ng Pasig 2021 so that means the other candidate who's not going to be mentioned is automatically our first runner up," sabi ng MC.
"Who is your bet, People Of Pasig?" masiglang tanong niya sa madla.
Halos wala na akong marinig sa hiyaw ng mga tao dahil abala ako sa pakikinig sa malakas na tibok ng puso ko.
"Our Mutya Ng Pasig 2021 is none other than candidate...candidate...candidate number eight! Isabelle Dela Fuente!"
Kaagad na ikinalas ni candidate number eight ang kamay niya mula sa akin at naiiyak na nagtungo na sa harapan. Habang ako naman ay natameme.
"And that means candidate number five, Miss Winona Arabella Santibañez is our first runner up. Congratulations everyone!" pagpapatuloy ng MC na hindi na pinakikinggan.
Tulala ako habang nilalagyan ng sash at binibigyan ng bulaklak. Kahit na malungkot ay pinilit ko pa rin ang ngumiti. Hindi na ako nasanay. Ganito naman talaga ang isang kompetisyon. Minsan nananalo at minsan din natatalo.
Siyempre naging abala na ang lahat sa picture taking. Kaagad na dinumog si candidate number eight. Nagpunta naman ako sa gilid at pilit na hinahagilap si Raffa.
Pababa na ako sa hagdanan ng entablado nang makasalubong ko ang paakyat naman na si Governor Caleb Del Fuego. Siguro ay babatiin ang bagong Mutya ng Pasig. Sa may di kalayuan ay may dalawang guards na nakasunod sa kanya.
Nginitian niya ako. "Congratulations."
"T-thank you po, Gov," magalang na sambit ko at gumilid para makadaan siya. Ngunit nagtaka ako nang makitang sa halip na magpatuloy na siya sa pag-akyat ay nagpirmi siya sa kinatatayuan at hinarap pa ako ng mas maayos.
Mariin niya akong tinitigan. "I believe I haven't properly introduced myself earlier this morning what's with the circumstance and all," naglahad siya ng kamay, "I'm Governor Caleb Del Fuego."
Sa nanginginig na kamay ay tinanggap ko ang inilahad niya. Napakaliit tingnan ng kamay ko kumpara sa magaspang at maugat na kamay niya. Kayang-kaya niya itong sakupin nang buo.
"Winona Santibañez po."
Sa taranta ay kaagad kong binawi ang kamay ko na ikinabigla naman niya.
"Uh . . . Good night po, Gov,"sabi ko at bumaba na ngunit natigilan ako dahil sa pagtawag niya.
"Winona . . ."
Muli ko siyang nilingon.
"Malungkot ka ba dahil hindi ikaw ang nanalo?" mahinahon niyang tanong.
Lumunok ako at nag-iwas na lang ng tingin. Hindi ko naman alam kung ano ang isasagot sa kanya.
"I'm sorry," bulong niya.
Napabaling na ako ng tingin sa kanya dahil sa pagtataka kung bakit siya humihingi ng tawad.
"P-po? H-hindi ko po kayo maintindihan."
Masidhi niya akong tinitigan.
"It was all my fault why you did not win. Ayaw ko lang na . . . magselos. I guess I'm just that possessive."
"Hoy! Winona!" pagpukaw ni Raffa sa diwa ko.
Napakurap ako ng dalawang beses at nilingon na siya. Kasalukuyan kaming nakasakay ng tricycle habang papauwi matapos ang pageant.
"Bakit? Ano ba 'yon?" tanong ko.
Inirapan niya ako. "Kanina pa ako nagchi-chika rito. Physically present ka nga pero mentally absent naman. Ano ba iyang iniisip mo?"
"Ah. Wala . . .naman."
"Napakaimposible na lang talaga. Puwera na lang kung may isang hurado na nagbigay sa iyo ng zero," pagpapatuloy niya na parang kinakausap ang sarili.
"K-kalimutan mo na 'yon. Tanggap ko na ang naging resulta ng pageant. At least 'di ba, first runner up pa rin ako," wala sa isip na sabi ko. Iniisip ko pa rin ang naging pag-uusap namin ni Governor at ang huli niyang sinabi na hindi ko naman maintindihan.
"Pero dapat ikaw talaga ang naging Mutya ng Pasig 2021! Naghakot award ka na nga sa mga minor awards! Nakakapagtaka talaga."
Pagod akong bumuntonghininga at napasandal sa upuan ng tricycle. "Bakit? Sa tingin mo ba may lutuan na nangyari?"
Hindi siya sumagot. Pipikit na sana ako para makaidlip kahit sandali ngunit hindi ko nagawa dahil bigla na lamang siyang suminghap.
"Madre de dios! Baka . . .baka dahil iyon kay Gov dahil nagtanim pala siya ng galit sa'yo dahil sa eskandalong nagawa mo? Huwag naman sana. Hindi ganoon ang dinig ko tungkol sa pagkatao niya. Kung tama ang hinala ko, nadali ka ni Gov!"
Nasamid ako sa sariling laway sa naging huling pahayag niya. Tumikhim ako upang mapagtakpan ito.
"H-hindi naman siguro. Ah, baka ano lang . . .mali lang talaga ako ng sagot. Baka dapat Morality ang isinagot ko."
"Eh 'di wala sana sa inyo ang nanalo! Love lahat ang isinagot ninyo, day."
Hindi na ako nakasagot pa dahil huminto na ang tricycle sa tapat ng bahay namin. Bumaba na ako at dudukot na sana ng pampamasahe sa drayber.
"Ako na ang bahala sa pamasahe, Win," agap ng kaibigan ko. "Anyways, susubukan nating sumagap ng tsismis sa munisipyo bukas sa pagkuha ng cash prize mo."
"Sige. Good night, beshy." Kinawayan ko siya at pagkatapos ay umandar na ulit ang tricycle paalis.
Alas nuwebe ng umaga kami tumulak ni Raffa sa munisipyo upang kunin ang cash prize at para na rin sa meeting patungkol sa gagawing project para sa turismo. Nakasuot ako ng puting body fit na blouse at high waist jeans. Suot ko rin ang black stilettos na binili ko noong huli kong panalo sa pageant dahil sa utos ni Raffa. Ang sabi niya, every beauty queen must have a good pair of shoes.
Pagpasok pa lang namin sa munisipyo ay iginiya na kami ng isa sa mga sekretarya ni Mayor patungo sa conference hall. Tumanggi na si Raffa sa pagsama sa akin sa loob kaya sinabi ko na lang na siya na ang kumuha sa cash prize ko na nasa treasurer's office sa katabing silid lang ng conference hall.
Nang makarating na ako sa loob ng silid ay nadatnan ko na ang top five na mga kandidata sa katatapos pa lang na pageant. Nakaupo na sila na pinapalibutan ang malaking mesa. Naupo na rin ako sa bakanteng silya na pakiramdam ko ay inilaan din para sa akin.
Ilang minuto pa ay pumasok na rin si Mayor sa silid at naupo na sa kabisera.
"Good morning, ladies!" masiglang bungad niya sa amin.
Bumati kami pabalik. Nag-usap muna kami sa magagaang na bagay. Ngpasalamat si Mayor sa aming kooperasyon at bumati ulit sa mga nanalo. Matapos ang magagaang paksa ay tinalakay na namin ang proyekto na gagawin para sa turismo. Mayroong binanggit na isla si Mayor na parte pa rin ng bayan na maganda raw at kung madidiskobre ay papatok sa mga turista.
Sumang-ayon kami at napag-usapan na tutulak kami roon at mananatili ng dalawang araw para sa gagawing video shoot upang mapromote ang naturang isla.
"Bakit po hindi iyan naisali during the pageant, Mayor? Maganda sana kung may naipakitang video presentation para sa mga nanood do'n," tanong ng kandidata na nag second runner up.
Ngumiti si Mayor. "Kinapos din kasi tayo sa oras, hija. Marami ang kailangang preparasyon na gagawin kaya hindi na naisali. Pero, lets just say it is still an extension of your pageant scene."
Nag-angat ng kamay ang bagong Mutya ng Pasig na parang nasa classroom lang.
"Saan po pala kami magsi-stay, Mayor kung two days. Medyo malayo po ang Isla Leones . . ."
"Sa malapit na maliit na isla doon. There is a private rest house in there. And the owner is willing to accomodate you."
Tumango ang lahat sa naging sagot ni Mayor. Mukhang nagiging kampante na at naisantabi ang inaalala. Mabuti pa sila wala ng dapat alalahanin, pero ako, hindi pa sigurado kung papayagan ba ni Tiyang. Pwera na lang kung sabihin kong may dagdag premyo ito.
Sa kabila ng pag-aalala at pagiging abala sa iniisip, hindi ko pa rin nakaligtaan ang pagbaling ng tingin sa akin ni Mayor.
"Winona hindi ba?" pagkaklaro niya sa pagkakakilanlan ko.
Gusto ko sanang mangiti dahil kilala ako ni Mayor kaya lang natihil ako nang maalala ang nakakahiyang istorya sa likod nito. Magalang ko na lang siyang tinanguan.
"May tanong ka ba, hija?" untag ni Mayor sa akin.
Napalunok ako at nang sulyapan ang mga kandidata na nakabaling na sa akin ang atensiyon ay na-pressure ako. Lalo na nang makitang nag-aabang sina second runner up at Mutya ng Pasig 2021 sa sasabihin ko. Pareho pa naman silang nagbigay na ng tanong kanina! Kailangan ko rin naman sigurong magpakitang gilas.
Tumuwid ako ng upo at taas noong sinuklian na ang tingin ni Mayor.
"Ang bait naman po ng may-ari ng private rest house para akuin ang accomodation namin. Ano po pala ang pangalan niya nang mapasalamatan namin?" madulas na tanong ko.
Parang may nakita akong kakaibang kislap sa mga mata ng aming butihing Mayor. O baka naman sa repleksiyon lang iyon ng sinag ng araw na nagmumula sa labas.
"Sa tingin ko ay nakilala mo na siya sa personal, hija. Si Governor Caleb Del Fuego. Siya ang may-ari ng rest house na tutuluyan niyo sa isla sa loob ng dalawang araw."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top