Chapter 27
Chapter 27
Origami
Nakalimutan ko na kung paano humakbang. Nagpirmi ang mga paa ko sa sahig habang pinagmamasdan ako ng naguguluhang si Caleb at nakangiti namang si Nanay Luz. Mas humigpit ang pagkakahawak ko sa sphygmomanometer.
"Oo nga, Bunsoy! Si Dillon na kakakuwento ko lang sa'yo!" si Nanay Luz ang sumagot sabay baling sa anak. Muli niya akong tiningnan. "Kanina ko pa ikuwenento sa kanya ang tungkol sa Dillon mo, Winona. Ilang taon na nga siya ulit? Nakalimutan ko na naman!"
Gusto ko nang mahimatay dahil sa walang tigil na inosenting pagbulgar ni Nanay Luz sa pinakatatago ko. Nanatili ang tingin ni Caleb sa akin. Sa kanyang hitsura ay alam kong naghihintay siya sa sagot ko. Napakurap ako ng dalawang beses. Nanuyo ang lalamunan ko at hindi makalunok dahil sa bukol na bumara bigla rito. Kumapit ako sa huling alas ng mga kasinungalingan ko.
"Yes. I have a son," matapang kong sinabi at nagpatuloy na sa paglapit sa kanila. Bahaw akong ngumiti kay Nanay Luz sabay angat sa hawak na sphygmomanometer. "Check muna po tayo ng BP mo."
Inangat niya ang kanyang braso kaya marahan ko iyong hinawakan at sinimulan na ang pag-check sa BP niya. Hindi man nakatingin kay Caleb, ramdam ko naman ang titig niya.
"I didn't know you have a son..." aniya na mangha pa rin sa rebelasyon.
Tinanggal ko na ang strap sabay anunsiyo sa BP ng kanyang ina.
"Hindi naman tayo nagkakuwentuhan sa kani-kanyang buhay," kalmado kong sinabi kahit na nanginginig na ang kalamnan sa matinding kaba. Sinulyapan ko siya. Punong-puno ng kaguluhan ang hitsura niya.
"How old is he?" Dinig ko ang duda sa tono ng kanyang naging tanong.
Nag-iwas ako ng tingin at ginawang palusot ang pagiging abala sa pag-aayos ng unan ng kanyang ina. Tumikhim ako para ibsan ang kabang nararamdaman.
"I had him in Canada," pahayag ko na may pinalidad. Ayaw kong magkuwenta pa siya ng taon at isipin na sa Pilipinas ko ipinagbuntis ang anak. Mabuti na iyong binanggit ko na sa Canada para isipin niyang doon nabuo si Dillon.
"And the father?"
Napasinghap si Nanay Luz. Sinipat niya ng tingin ang anak.
"Huwag mo nang tanungin! Naalala kong sabi ni Winona no'n na it's complicated daw."
Tila nabunutan ako ng tinik sa dibdib dahil sa pagtubos ni Nanay Luz sa akin na sa unang banda naman ay siya rin ang may gawa kung bakit nasa ganitong sitwasyon kami ngayon.
"May kailangan pa po ba kayo, Nay?" medyo magaspang kong tanong.
Nakakunot-noo niya akong tinititigan. Siguro ay nagtataka siya dahil hindi na ako nakangiti sa kanya at dahil sa medyo pagbago ng pakikitungo ko.
"W-Wala na, hija..." sa maliit niyang boses sinabi.
"Kung gano'n, maiwan ko na po kayo." Magalang akong tumango at tinalikuran na silang dalawa.
Bumilis ang paglalakad ko nang makalabas na ng kuwarto. Hindi ko alam kung nakumbinsi ba si Caleb sa kasinungalingan ko. Dahil sa nangyaring aksidenteng rebelasyon kanina ay napagtanto ko na hindi pa pala ako handa. Hindi pa ako handa na ibunyag ang katotohanan sa kanya at sa anak ko.
Sa locker area ako dumeretso. Mabilisan kong kinuha ang susi mula sa bulsa at binuksan na ang locker. Kinuha ko ang cellphone mula sa loob ng bag. Sa nanginginig na kamay ay ni-dial ko ang numero ni Nanay. Kaagad naman siyang sumagot sa kabilang linya.
"Si Dillon po, Nay?" unang mga salitang lumabas sa bibig ko.
"Nandito sa bahay. Naglalaro rito sa sala. Bakit?"
Napapikit ako at nakaramdam ng kaginhawaan.
"Huwag po kayong lalabas o aalis ng bahay. Diyan lang po si Dillon sa loob."
"Bakit, anak? Ano bang nangyayari? May problema ba?" Batid ko ang kalituhan sa tono ng mga tanong niya.
"Basta gawin niyo na lang po ang bilin ko, Nay."
Segundo pa siyang natahimik lang sa kabilang linya. Sa huli ay narinig ko ang pagod sa pagbuntonghininga niya.
"Sige. Pero pag-uusapan natin 'yan kapag nakauwi ka na."
Hindi na ako nagtagal pa sa nursing home nang matapos ang shift. Tila ba may nag-uudyok sa akin na umuwi na kaagad ng bahay. Gusto kong pangaralan ang sarili dahil sa pagdagdag na naman ng kasinungalingan. Pero naisip ko rin na siguro kung huhusgahan man ako ng ibang tao dahil sa patuloy na pagsisinungaling, wala naman sila sa posisyon ko. Hindi nila alam kung gaano kahirap ang sitwasyon ko. Madali lang sabihin na dapat ibinunyag ko na ang katotohan kay Caleb tungkol sa anak namin, pero sobrang hirap nito gawin. Alam na alam ko dahil ako ang kasalukuyang nakararanas nito.
Sa sumunod na araw ay hindi pa rin humuhupa ang pangamba sa damdamin ko. Nababalisa ako dahil naiisip na anumang oras ay baka malaman na nga ni Caleb ang katotohan. Sa kabila nito ay matapang pa rin akong sumuong sa pagpasok muli sa silid ng kanyang ina. Umakyat ang nararamdaman kong peligro nang nadatnang wala sa loob si Caleb.
"Si Caleb po, Nay?" tanong ko sa kanyang ina na abala sa pagguhit. Nakaupo siya sa kanyang wheelchair sa may malapit na bintana.
"Nasa eskwelahan pa iyon. Alas singko pa iyon uuwi," nag-angat siya ng tingin sa akin. Nakangiti man siya ay pansin ko naman na malayo ang tanglaw ng kanyang mga mata. "Ang sipag talagang mag-aral ng Bunsoy ko..."
Ngumiti na lang ako. Nasa nakaraan na naman siya. Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at tiningnan ang iginuguhit niyang larawan. Isang malaking puno na animo'y hinahagupit ng malakas na hangin. May mga iginuhit din siyang nalagas na dahon at pagtangay ng hangin nito. Imbes na mabuwal ay nag-iisang nanatiling nakatayo ang kahoy na pinagitnaan ng mga nabuwal na iba pa.
"Ang tibay naman po ng kahoy na 'yan," bulong ko habang mariin itong tinititigan.
"Hindi ito isang kahoy, Winona. Isa itong tao."
Napatingin ako sa kanya. Nagtagpo ang kilay ko.
"Po? Isang tao?
Banayad siyang ngumiti at patuloy lang na pinagmamasdan ang iginuhit na larawan.
"Oo. Isang matibay na tao. Ang malakas na hangin na iginuhit ko ay nagrerepresenta sa hagupit ng buhay. Nakikita mo ba? Anumang pagsubok ay nalalagpasan ng tao. Anumang hagupit ng mga masasakit at mabibigat na pagsubok ay madadaig pa rin sa huli. At kapag nagawa niya ito, mas titibay pa siya sa buhay."
Natahimik ako at muling itinuon ang tingin sa larawan. Naalala ko ang sariling pinagdaanan. Nalagpasan ko nga ang pagsubok na iyon ngunit tapos na ba talaga? Masasabi ko na bang matibay na ako?
Wala akong sagot sa mga katanungan na iyon. Wala na rin naman akong panahon upang masagot ito dahil sa pagpasok ni Caleb sa loob ng kuwarto. Punong-puno ng mga laruang nakabalot pa sa plastik ang dalawang kamay niya.
"Hi." Nakuha niya pang bumati sa kabila ng pagiging hirap sa mga bagay na bitbit.
Inilapag niya ang mga ito sa kama. Naniningkit ang mga mata ko habang pinagmamasdan ang mga ito.
"I...uh brought some legos. Sabi kasi ni Mama na naikuwento mo raw sa kanyang mahilig si Dillon nito. I didn't know which one he likes so I kinda... picked up what I could see," tuloy-tuloy na pagpapaliwanag niya sa naninimbang na tingin sa akin.
Bahagyang napaawang ang labi ko. At siya pa mismo ang namili? Hindi niya iniutos sa bodyguards?
Ayaw ko namang maging bastos kaya tinanguan ko siya at unti-unting lumapit sa kama. Pinagmasdan ko ang pinamili niya. Hindi ito biro at alam kong may kamahalan dahil siyempre bumibili ako ng legos para sa anak. Nga lang mayroon ng parehong modelo si Dillon sa bahay mula sa mga pinamili niya.
"May mga ganito na si Dillon, eh," wala sa sarili kong pagsasatinig sa naiisip. Natutop ko ang labi nang mapagtanto na malakas ko pala itong nasabi.
"That's okay. Good thing I bought extras..." kalmante niyang sinabi sabay lingon sa bandang pintuan.
Napasunod na rin ako ng tingin dito. Nakita ko ang dalawang bodyguards niyang may bitbit pang mga toy bags sa isang kilalang brand ng mga laruan. Inilagay nila ang mga ito sa sofa. Bumagsak ang panga ko sa sahig.
"Pakitingnan mo na lang kung alin sa mga 'yan ang wala pa siya," marahan niyang sinabi.
Binalingan ko siya. Napansin kong puno ng paghahangad ng pag-asa ang mga mata niya.
"Hindi ka na sana nag-abala pa para sa anak...ko," apila ko sa mahinang boses.
"Wala 'yon. I hope you don't mind if I give him gifts. And maybe...maybe I can meet him one of these days?" dinagdagan niya ito ng nerbiyos na mahinang pagtawa.
Bakit? Bakit mo siya bibigyan ng mga regalo? Bakit parang nag-aasam ka pa na makita siya? Hindi ko naman sinabing anak mo siya. Pwede ko namang anak siya sa iba. Mga tanong na gusto kong sabihin sa kanya pero pinangungunahan ako ng takot.
Bumuntonghininga na lang ako at hindi na siya tinugunan pa. Walang imik akong lumapit sa sofa. Sinilip ko ang laman ng mga bags. Anim na bags ang mga ito kaya natagalan talaga ako.
"Sa tingin ko wala pa siya nitong apat na mga 'to," sambit ko na hindi siya nililingon.
"Alright. Mag-uutos ako ng bodyguard na maghatid niyan sa sasakyan mo.... kung okay lang naman sa'yo?"
Napakagat ako sa labi at unti-unti na siyang nilingon. Ang kanina pang tahimik na nagmamasid lamang na ina niya ay malapad na ngumiti.
"Ipahatid mo na ang lahat ng mga iyan sa sasakyan niya, Caleb. Wala namang batang maglalaro niyan kaya kay Dillon na 'yan lahat! Pamalit na rin sa mga luma na niyang laruan."
Nanatili ang maingat na tingin ni Caleb sa akin. Dinilaan niya ang ibabang labi at mabigat na lumunok.
"Is that okay with you, Winona?" malamyos na bulong niya.
Hindi ko na napigilan ang sarili at napahilot na sa sentido. Ayaw ko namang mag-inarte at sabagay tama naman ang sinabi ng ina niya. Masasayang lang kung hindi ko tatanggapin at baka itapon pa ni Caleb.
Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga at sa wakas ay tinanguan na siya.
Tulala ako na nanatili lang sa loob ng sasakyan kahit nakaparada na naman ako sa garahe ng bahay namin. Napalingon ako sa mga bags na nakalapag sa may backseat. Alam kong magtatatalon sa tuwa si Dillon kapag nakita niya ang mga ito. Muli na namang bumalik ang isipan ko kay Caleb. Hindi niya pa nga alam na anak niya si Dillon subra-sobra na siya kung makapagbigay ng regalo. Paano pa kaya kung malaman niya ang totoo?
Pagpasok ko sa loob ng bahay ay tinawag ko si Ate Weng. Nagpatulong ako sa pagkuha ng mga laruan mula sa loob ng sasakyan. Hindi nga ako nagkamali. Walang pagsidlan ang saya ng anak ko nang makita ang mga bagong laruan. Uminit ang puso ko at napawi kaagad ang kanina'y pag-aalinlangan sa pagtanggap ng mga ito mula sa kanyang ama.
Pinagmamasdan ko ang mga larawan sa picture frames na nakadisplay sa ibabaw ng kabinet ng kuwarto ko. Larawan na karga-karga ko pa ang bagong silang na si Dillon. Sa isa naman ay si Dillion na ten months palang habang gumagapang sa kama. Sa isa pang picture frame ay ang nakangising si Dillon na hawak ang pamingwit na may isdang nakatangan. Four years old siya nito. At hanggang ngayon, ni isang beses, hindi niya pa rin ako tinatanong tungkol sa ama niya. Ang ama niyang nagtanong na tungkol sa kanya.
Napukaw ang malalim na iniisip ko nang marinig ang pagkatok mula sa pinto. Nilapitan ko ito at binuksan na. Nakita ko si Dillon na may hawak ng tinuping papel.
"I almost got it, Nanay!" aniya sa masiglang boses sabay muwestra sa papel na hawak.
Sumilay ang ngiti sa labi ko habang pinagmamasdan ang origami na halos tama na ang pagkakahugis niya sa pato. Pinag-aralan niya talaga ang itinuro ko.
Yumuko ako at kinarga siya. Hinagkan ko ang tungki ng kanyang ilong. Naupo kami sa ibabaw ng kama. Marahan kong hinaplos ang kanyang buhok habang abala naman siya sa ginagawang origami. Nasa bandang likuran niya ako.
Pinagmasdan ko siya na pokus na pokus sa ginagawa. Nakakunot-noo pa siya habang kritikal itong tinitingnan kung tama na ba ang hugis. Naalala ko naman sa hitsura niya si Caleb.
"You almost got it right, anak. Fold the other side," bulong ko.
"Ugh. It's so hard!" may gigil niyang pahayag.
Itinikom ko ang bibig upang maiwasan ang pagtawa at baka mas ma-high blood pa ang anak.
"Can I play my new legos tomorrow, Nanay?" bigla niyang tanong habang ipinagpapatuloy ang ginagawa.
"Of course, Dil."
"Who gave them?"
Natigilan ako. Hindi alam ang isasagot. Imbes na sumagot ay isang tanong ang itinugon ko. Tanong na pinakakinatatakutan kong sagutin niya.
"How come you never ask me about your Tatay, Dil?" bulong ko sa paos na boses. May panginginig din rito.
Bahagya siyang natigil sa ginagawa ngunit nagpatuloy din. Hindi niya ako sinagot.
"Dil... " may pagbabanta kong agap. Marahan kong kinuha ang origami niya para makuha ang kanyang atensiyon. Ibinaba ko ito sa kama.
"B-Because... Because I don't wanna give you a hard time, Nanay," aniya sa maliit na boses.
Umusog ako nang kaonti para maharap siya. Yumuko ako upang maglebel ang aming mga mata kahit na alam kong hindi niya naman ako matitingnan.
"What do you mean by that, Dil?" marahan kong sinabi.
Lumikot na naman ang mga mata niya. Alam ko ang ibig sabihin nito. Kinakabahan at natatakot siya.
"I don't want you to be s-sad..." Nanginig ang boses niya.
Mistulang may punyal na tumusok sa puso ko.
"W-Why will... Why will Nanay be sad?"
"I heard you and Wowa talking one time. You... You talked about Wowo. And Wowo is your Tatay. You said you never wanna ask about Wowo. I know why. It's because you don't wanna be sad. You don't want Wowa to be sad too..." Kasabay ng panginginig ng kanyang munting labi ay bumuhos na rin ang mga luha niya. Niyakap niya ako nang mahigpit habang humahagulgol na sa iyak. "I don't want you to be sad, Nanay! I don't want to talk about Tatay because it will make you sad!"
Niyapos ko pabalik ang aking anak. Ang anak ko na walang kakayahang makaintindi ng emosyon dahil sa kapansanan. Ngunit siya pang unang nakaintindi sa emosyon na mismong ako ay hirap na unawain. Nanlabo ang paningin ko dahil sa nagbabadyang luha. Mga luhang hinayaan kong bumuhos para sa anak. Dinama ko ang sakit niya. Sa init ng pagkakayakap ko sa kanya pabalik ay gusto kong higupin ang sakit na nararamdaman niya. Ang sakit na alam kong ako ang siyang may gawa.
Hinagod ko ang kanyang likod.
"I'm so sorry, Dil... Patawarin mo si Nanay... I'm so sorry, anak ko..." sambit ko sa basag na boses. "I promise you, you will meet your Tatay. Itatama ko ang lahat. Pangako, anak..."
Hindi ko alam kung ilang oras kaming ganoon ng anak ko. Inamo ko ang pag-iyak niya. Unti-unti na siyang kumalma. Hanggang sa nakatulog na lang siya sa kandungan ko.
Malalim na ang gabi ay nasa balkonahe ako at nakatanaw sa buwan. Tahimik akong tinabihan ni Nanay. Inabutan niya ako ng isang tasa ng gatas.
"May bumabagabag ba sa isipan mo?"
Sumimsim muna ako sa gatas para ibsan ang lamig ng gabi na nararamdaman bago siya sinagot.
"Sasabihin ko na po sa ama ng anak ko ang totoo," deretsahan kong sinabi.
Napasulyap ako kay Nanay dahil sa hindi niya pagkomento sa anunsiyo ko. Nakitaan ko ng pang-unawa ang mga mata niya.
"Hindi na ako magtataka riyan sa desisyon mo. Natantiya ko na sa pagdating mo palang kanina dala-dala iyong mga laruan. At napaigting lang nito ang duda ko nang nakita kita kung paano mo pagmasdan si Dillon na sabik sa mga laruan na 'yon." Ngumiti siya. "Ang ama niya ba ang nagbigay no'ng mga laruan?"
Tumango ako. "May takot pa rin naman sa puso ko, Nay."
Hinarap niya ako. Marahan niyang tinapik ang aking balikat.
"Hindi kailanman mawawala ang takot, anak dahil kaakibat na ito ng buhay natin. Ngunit kayang-kaya ng nangingibabaw mong pagmamahal na sugpuin ito."
"Maraming salamat po talaga sa lahat. Anumang desisyon ko sa buhay ay palagi kayong nariyan at nakasuporta. Nakakaya ko pa ang lahat dahil sa inyo, Nay." Humugot ako ng malilim na hininga. "Tungkol po pala sa ama ko...."
"Shh..." agap niya, "Hindi muna ngayong gabi. Gusto kong malagpasan mo muna ang mabigat na pagsubok na ito. Balang araw, kapag okay na ang lahat, sasabihin ko ang lahat tungkol sa ama mo, Winona."
Tumango ako at ngumiti. Sa kanyang sinabi ay guminhawa ang pakiramdam ko. Tama siya. Kailangan ko munang malagpasan ang pagsubok na ito.
Kung kailan handa na sana ako ay saka naman hindi pa nagpakita si Caleb. Hindi niya dinalaw ang ina. Napag-alaman ko mula sa mga kasamahan sa trabahong updated sa balita na mayroon na namang hearing sa senado. Tatlong araw ito kaya tatlong araw ko ring babaunin ang magiging rebelasyon na sana. Kung ganoon, sa Miyerkules sa susunod na linggo ko pa pala makikita si Caleb.
"All I can see right now is the wide ocean," bungad ni Theo sa akin sa kabilang linya isang Linggo ng umaga.
"Don't feel so bad. Mabuti nga at may signal pa rin," patuya kong sinabi.
Mahina siyang natawa. "Well... That's the only good thing with this conference on the island, I guess."
"Ilang araw ka ba riyan?" Pinulot ko ang naiwang laruan ni Dillon sa sofa bago naupo.
"Dalawang araw pa."
Medyo pareho pala sila ng sitwasyon ni Caleb.
"I was thinking... Gusto mo bang mag-lunch kasama ng parents ko... pagbalik ko?" Humigpit ang pagkakahawak ko sa laruang kotse ni Dillon. "Kung komportable ka lang naman. It's just....lagi kasi kitang nakukuwento sa kanila. My mom got curious so..."dagdag niya sa alanganing boses.
"P-Pag-iisipan ko, Theo."
"Thank you, Winona."
Araw ng Lunes ay dinala si Nanay Luz sa consultation room para sa isa na namang memory test. Wala pang kasiguraduhan kung makakapunta ba si Caleb dahil sa pagiging abala. Ang sabi naman daw ng kanyang sekretarya, susubukan niyang makadalo. Pero pakiramdam ko, napakaimposible dahil sa hectic ng schedule niya.
Sinamahan ko si Nurse Abby sa paghatid kay Nanay Luz sa silid kung saan naghihintay na si Doc Wenceslao. Ipinahiga ang ina ni Caleb kung saan may isang machine sa uluhan niya. May mga petsang binanggit si Doc Wenceslao at mga impormasyong tinanong. Ang iba ay nasagot ni Nanay Luz, ang iba naman ay hindi.
Hindi pa natatapos ang eksaminasyon ay nagpaalam na ako kina Doktora at Nurse Abby dahil kailangan ko pang asikasuhin ang sunod na matandang residente. Lumabas na ako ng silid at naglakad sa lobby. Naging mabagal din ang paglalakad ko dahil sa pagtataka at gulat nang makita si Ate Weng na nasa pasilyo. Nababanaag ko sa kanyang hitsura ang pagiging balisa habang palinga-linga sa paligid.
Binilisan ko na ang paglalakad at nilapitan siya. Medyo kumalma ang disposisyon niya pagkakita sa akin.
"Ano'ng ginagawa mo rito, Ate? May problema ba kay Dillon?"
"Ma'am, si Dillon po... si Dillon po nawawala."
"Ano?!" Panandaliang tumigil ang oras ko sa matinding pag-aalala.
"Nandito lang po 'yon kanina. Nagpunta po kasi kami rito dahil kinulit niya ako. Gusto niya po kasing ipakita sa inyo 'yong origami na maayos niya nang napormang pato..."
"Diyos ko. Sige, nandito lang 'yon. Hanapin natin, Ate," sabi ko at nagsimula na sa paglalakad sabay suyod ng tingin sa nadadaanan. Kaagad naman na sumunod sa akin si Ate Weng.
Naibsan na naman ang kaba ko dahil alam kong hindi mapapahamak si Dillon sa loob ng gusali. Mahigpit naman ang seguridad kaya alam kong may makakapansin din sa kanya. Aligaga akong huminto sa nurse's station. Naningkit ang mga mata ni Kim nang makita ako.
"Tapos na ang test ni Ma'am Luz?"
"Kim, may nakita ka bang batang lalaki na nakasuot ng kulay violet na uniporme?"
"Ay 'yong gwaping na bata? Parang nakita ko 'yon kanina na tumatakbo papasok sa room 25. Room ni Nanay Luz 'yon 'di ba? Apo niya?"
"Salamat, Kim!" mabilis kong tugon at nagsimula ng humakbang.
"Nando'n na rin pala si Senator!" pahabol na dugtong niya.
Natigilan ako. Sa nanginginig na kalamnan ay nilingon ko ulit siya.
"A-Anong...sabi mo?"
"Si Senator nando'n na sa loob. Kararating lang din yata. Sinabihan ko na sa loob ng kuwarto na maghintay kay Ma'am Luz—"
Hindi na niya nadugtungan pa ang sasabihin dahil kumaripas na ako ng takbo papunta sa kuwarto. Hindi ko na inalintana na pinagtitinginan na ako ng mga nakakasalubong sa daan. Gusto ko namang magkita ang mag-ama ko pero hindi naman sa ganitong paraan. Sa ganito kabiglaan. Ang plano ko ay kausapin na muna si Caleb at magpaliwanag sa kanya. Hindi ganito.
Habol ang hininga ay huminto na ako sa tapat ng pintuan ng kuwarto. Nakita kong nakabukas ang pinto. Humakbang ako ng isang beses at kaagad na nanlamig. Tumambad sa paningin ko si Caleb na nakaluhod sa harap ng aking anak. Sa aking lokasyon ay kitang-kita ko ang hitsura ng dalawa.
Si Caleb na parang nananalamin habang tinititigan ang bawat sulok ng mukha ng aming anak. Sa kanyang hitsura ay mistulan siyang isang bulag na sa unang pagkakataon ay nakikita na ang liwanag. Alam ko kung ano ang nakikita niya. Isang mistulang repleksiyon ng kanyang hitsura. Si Dillon naman ay nakayuko at nakatitig lang sa kanyang hawak na perpektong origami ng isang pato.
"What's this? A swan?" bulong ni Caleb sabay marahang lapat ng palad sa hawak ni Dillon. Na para bang isa itong babasaging kristal.
"A pato. My Nanay taught me how to do this..." ang anak naman namin sa maliit na boses.
Pansin ko ang mabigat na paglunok ni Caleb.
"What's... What's your name?" May panginginig na ang boses niya.
Ang anak naming walang kakayahang makipag-eye contact, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa siyang tingnan nang deretso sa mga mata. Sa pagkabigla ay napatakip ako sa sariling bibig gamit ang palad.
"My name is Dillon Jesse Santibañez. Dillon means hope and Jesse means gift. I am my Nanay's gift of hope," mapagmalaki niyang pahayag. Gayang-gaya ang itinuro ko sa kanya.
Umigting ang panga ni Caleb. Napapikit siya nang mariin. Parang piniga ang puso ko sa nakikitang pighati na bumalatay sa kanyang mukha. May luha ng lumandas sa pisngi niya.
"O-Ofcourse... Of course you a-are a gift of hope," aniya sa basag na boses. Muli siyang dumilat. Punong-puno ng pagsusumamo ang kanyang mga mata. "Can I... Can I please, hug you?"pagmamakaawa niya.
May pagtataka man ay isang beses siyang tinanguan ni Dillon. Walang pagdadalawang isip niyang niyapos ang aming anak. Na para bang dito nakasalalay ang buhay niya. Kitang-kita ko ang panginginig ng kanyang balikat dahil sa umaapaw na emosyon. Sunod-sunod ang pagbuhos ng kanyang luha.
"M-My son...My son..."paulit-ulit niyang sambit na parang anyo ng debosyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top