Chapter 22

Chapter 22

Ambush

Mabilis na tumigas ang ngiting nakaplaster sa mga labi ko. Hindi ko na rin magalaw ang katawan. Ni paghinga ay hindi ko na namamalayan na ginagawa. Pinasadahan ko ng tingin ang kanyang hitsura. Hindi ito nagbago. Kung may pagbabago man dito siguro ay ang tingin lamang ng kanyang mga mata. Mas lalo itong naging eksperyensyado. Iyong tipong marami ng nasaksihan sa mundo.

Natigilan din siya sa bukana ng pintuan at hindi na muling nakahakbang pa. Titig na titig siya sa akin na parang isang aparisyon ang nakikita niya.

"Bunsoy ko..." malambing na pagtawag ni Nanay Luz.

"Senator Del Fuego?" untag sa kanya ng isa sa mga doktor ng nursing home na mula sa kanyang likod ay bigla na lang sumulpot sa tabi niya. Palipat-lipat ang nagtatakang tingin nito sa aming dalawa ni Caleb.

"Senator..." pag-uulit ng babaeng doktor dahil mistulang naging bato na si Caleb sa tabi niya.

Nilunok ko ang yanig na gumimbal sa akin. Kailangan kong umasta ng normal. Kailangan kong makabawi agad.

Ang ngiting tumigas na parang yelo ay nilusaw ko. Tinanggal ko ang anumang emosyon sa mga mata at mas pinag-igihan pa ang pangngiti.

"Good, afternoon po, Doc and... Sir," banayad kong sinabi. Nahanap na ang balanse.

Dalawang beses na napakurap si Caleb. Bahagya siyang nailing na parang may kung anong tinatanggal sa isipan.

Humakbang ako ng isang beses at nagpunta sa likod ni Nanay Luz na walang kamalay-malay sa tensiyong namumuo sa paligid. Itinulak ko ang kanyang wheelchair upang maihatid siya sa gitna ng silid. Maihatid siya sa kanyang Bunsoy na ni hibla ng posibilidad ay hindi man lang sumagi sa isipan kong si Caleb pala.

Hindi ko na muling idinapo ang tingin sa kanya. Sa kabila nito ay ramdam na ramdam ko pa rin ang masidhing pagtitig niya sa akin.

"This is one of her nurses, Ms. Winona Santibañez. Well... she's just a few weeks old on the job but I assure you, Senator, she's very capable," pagpapakilala para sa akin ng doktor.

Bahagya akong napatingin sa mukha ni Caleb ngunit iniwasan pa rin ang kanyang mga mata.

"I guess... maiwan muna namin kayo ng mother mo," dagdag pa ng doktor sa alanganing tono dahil hindi pa rin kumikibo si Caleb, "I'll just see you in the office for Mrs. Del Fuego's development."

Bumaling ako sa doktor at nakita ang pagtango niya sa akin. Kinuha ko itong senyales para sumunod sa kanya sa paglabas ng silid.

Taas noo akong naglakad na parang wala lang kahit na gusto nang bumigay ng mga tuhod ko dahil sa pangangatog nito. Tuloy-tuloy ang ginawa kong paghakbang na hindi siya sinusulyapan kahit na alam ko namang nakasunod ang tingin niya sa akin. Hanggang sa tuluyan ko na nga siyang nalampasan at nakalabas na ng silid.

Hindi na ako nagtaka pa nang makita ang tatlong bodyguards na nakaantabay sa labas. Dahil sa pagmamadaling makaalis sa lugar ay hindi ko na nga sila tiningnan pa sa mukha kahit na medyo kuryoso ako kung sila pa rin ba ang dating bodyguards ni Caleb noong kami pa.

Kung hindi ko lang nasa unahan na naglalakad ang doktor ay baka kumaripas na ako ng takbo papalabas ng nursing home. Napakalakas ng kabog sa dibdib ko dahil sa matinding kaba. Natigilan ako nang unti-unting huminto ang doktor sa paglalakad at nilingon ako. Nagtagpo ang kanyang kilay habang tinititigan ako.

"Magkakilala ba kayo ni Senator?"

Segundo pa ang lumipas bago ako sumagot.

"H-Hindi po."

Marahan siyang tumango at muli nang tumalikod. Nagpatuloy na siya sa paglalakad habang nakasunod naman ako sa kanya.

Ilang minuto pa ay huminto rin siya sa tapat ng isang pinto na marahil ay ang kanyang opisina. Binuksan niya ang pinto nito at pumasok na sa loob. Sa isang iglap ay binilisan ko na ang paglalakad papuntang locker imbes na sa nurse's station. Hindi naman na ako pinansin ng mga residente at nurses dahil normal na naman talaga ang pagmamadaling paglalakad dito lalo na sa isang nurse.

Sa nanginginig na mga kamay ay kinuha ko mula sa bulsa sa suot na unipormeng kulay blue green ang susi. Kaagad kong binuksan ang locker at kinuha mula rito ang bag. Isinara ko rin ito pabalik.

Mistulan akong isang hangin na naglakad na naman papaalis ng locker area at nagtungo na sa nurse's station. Nabuo ko na sa isipan ang dahilan na gagamitin para mag-out nang maaga kahit na hindi ko pa naman tapos ang shift ko. Naabutan ko ang isa pang nurse na kasamahan na pagod na nakasampa ang ulo sa mesa. Bahagya niyang inangat ang ulo nang makita ako. Umaliwalas ang kanyang mukha.

"Totoo bang nasa isa sa mga kuwarto rito si Senator Del Fuego? Ang strict naman kasi ng security. Nakita mo ba? Dumaan daw sa hallway niyo!"

"Masama ang pakiramdam ko. Gusto kong umuwi nang maaga para makapagpahinga," paalam ko na inignora ang intriga niya tungkol kay Caleb. "Pwede bang ikaw na muna ang mag-check sa mga meds para bukas? "

"Ha?! Naku, biglaan naman yata. O siya sige, ako na lang bahala!"

"Salamat talaga, Kim. Promise ko sa'yo, babawi ako." Mabilis akong tumalikod na at sa pagmamadaling makaalis ay hindi na nakuha ang huli niyang sinabi.

Saka palang ako nakampante at nakahinga nang maayos nang nasa loob na ng sasakyan. Mahigpit ang pagkakapit ko sa manebela. Tiningnan ko ang mukha sa salamin ng sasakyan. Kapansin-pansin ang pamumutla ko. Pakiramdam ko tuloy para akong na-ambush sa nangyari kanina. Hindi ko naman isinantabi ang posibidad ng pagkikita namin pero hindi ko lang inasahan na magiging ganito kaaga.

Nagpakawala ako ng malalim na hininga at saka umupo na nang maayos. Tingin ko naman ay hindi nahalata ang panginginig ko kanina. Ayaw kong isipin niya na may epekto pa siya sa akin. Pinaandar ko na ang sasakyan at umalis na.

"Diyos ko! Hindi nga?! Tapos anong sinabi niya sa'yo? Sinabi ba niya na mas lalo kang gumanda?" sunod-sunod na tanong ni Raffa.

Naabutan ko siya sa bahay dahil kahahatid lang niya kay Dillon. Pinasyal niya ang anak ko. Kinuha ko kaagad ang atensiyon niya at pumasok kami ng kuwarto ko dahil nasa sala sila Nanay at Tiyang. Nanonood ng palabas sa TV.

"W-Wala siyang nasabi." Kinuha ko ang tasa ng kape na ipinatong ko sa ibabaw ng bedside table at sumimsim dito. Nakaupo ako sa gilid ng kama habang si Raffa naman ay nakatayo sa harap ko at nakatalikod sa pintuan.

"Ha? Anong wala? As in, nganga?"

"Oo. Nagulat siguro."

"Sino naman kasi ang hindi magugulat. After five years nagkita ulit kayo at ikaw pa talaga ang tagapag-alaga sa nanay niya! Mapaglaro nga naman talaga ang tadhana."

Pareho kaming natahimik na muna. Siguro sabay na nag-iisip.

Napahilot ako sa sentido.

"Ikuwenento ko pa naman sa nanay niya ang tungkol kay Dillon. Paano kung malaman ni Caleb na nagsinungaling pala ako sa kanya at hindi ipinalaglag ang bata?"

Tinitigan niya ako ngunit alam kong nag-iisip pa siya.

"Pero 'di ba, sinabi mo naman sa kanya noon na kay Ben 'yong bata? Eh 'di kapag nabuking ka niya panindigan mo na lang na kay Ben talaga 'yon. Pero teka... Anak ng tinapa! Paano naman si Doc? Ang gulo, day!" Napahilot na rin siya sa sentido at napaisip ulit, "Ay punyeta. Isang tingin lang pala ni Caleb kay Dil malalaman niyang kanya."

Binalot na naman kami ng katahimikan. Pilit na nag-iisip pa rin ng solusyon at naghahanap ng maaaring itakip sa butas.

Malalim ang ginawang pagbuntonghininga ni Raffa.

"Bakit naman kasi ginawa mo pang kamukha talaga si Dillon sa ama niya? Siya lang ba talaga ang laman ng isipan mo habang buntis ka?"

Inirapan ko siya. "Kasi nga galit ako. Gusto kong maghiganti sa kanya no'n kaya lagi ko siyang iniisip."

Humalukipkip siya. "Siguro mas ginalingan talaga ni Senator 'yong performance niya no'ng binuo niyo si Dillon, 'no? Carbon copy eh."

Pinandilatan ko siya. Hindi niya naman ito pinansin. Banayad niya akong pinagmasdan.

"Wala ka ba talagang balak na sabihin kay Senator ang tungkol kay Dil?"

Nakagat ko ang ibabang labi. "Sasabihin ko naman..."

Kaagad siyang umalerto. "Talaga?! Kailan?"

"Kung magtatanong na ang anak ko tungkol sa tatay niya. Habang hindi pa, hinding-hindi malalaman ni Caleb ang tungkol kay Dillon," matigas kong saad. Buong-buo na ang pasya.

"Kaya ba hanggang ngayon hindi mo pa rin ipinopost ang pictures ninyo ni Dil sa social media account mo? Alam ko naman na kababalik mo lang sa social media simula noong... alam mo na... lahat ng nangyari..."

Marahan akong tumango. Simula noong ipinagbubuntis ko si Dillon ay binura ko na talaga nang tuluyan ang social media account ko. Lahat ng pictures ni Dil ay hanggang nasa cellphone o camera ko lang. Nasa mga frames lang sa bahay. Siguro nga walang alam ang mga kaibigan kong hindi ko na nakakausap na may anak na ako.

"Masyadong ulyanin naman 'yong nanay niya 'di ba? Baka naman hindi niya maibahagi kay Caleb na may Dillon ka," pagpapatuloy ni Raffa na nag-aalala pa rin pala.

"Hindi ako sigurado kung pati tungkol kay Dillon makakalimutan niya. Pero... pero may naisip na akong paraan. Sana nga gumana. Sasabihan ko siya na hindi niya dapat sabihin kahit kanino na may anak ako dahil pinagtataguan ko ang ama. Dahil mamamatay tao 'to."

Inismiran niya ako. "Minsan talaga hindi ako sure kung napatawad mo na ba talaga si Senator. Tingnan mo! Ginawa mo pa talaga siyang mamamatay tao, day!"

Hindi na ako nakakibo pa.

Pagod siyang napabuntonghininga.

"Basta kapag nagkataon na magkakabukingan na at hindi mo pa rin sasabihin kay Senator ang totoo dahil hindi pa rin magtatanong si Dillon tungkol sa tatay niya, sabihin mo sa akin agad!"

Naniningkit ang mga mata ko habang kuryosong nakatingin sa matalik na kaibigan.

"Bakit? Anong gagawin mo?"

"Ipupuslit ko kayo sa North Korea! Doon kayo magtatago," aniya sa napakaseryosong boses.

Hindi ko na pinauwi si Raffa sa apartment niya at inimbitahan na lang na manatili para sa hapunan. Gusto kong tanungin ang sarili kung tama ba ang pag-imbita ko sa kanya nang magsimula na siya sa pahapyaw na pang-iintriga at panunukso sa akin sa harap ng hapagkainan.

"Mommy V, pa'no po kung halimbawa...uh may comeback 'yong alam mo na..." bahagya siyang napasulyap kay Dillon na abalang kumakain sa tabi ko. Kumibot ang kanyang labi para sa salitang 'tatay' na hindi niya maisatinig, "Ano po sa tingin niyo? Anong team kayo? Team Doc Theo o Team Past Love?"

"Hindi ko masasabi. Pero sa ngayon, loyal ako sa Team Doc Theo," si Nanay na nakisabay naman. "At siyempre, depende pa rin iyon kay Winona. Ang pagdedesisyon ay nasa sa kanya. Bakit? Sumulpot ba?"

"Sino po? Si Bunsoy?" pasaring naman ng kaibigan ko maski alam naman niya kung sino ang tinutukoy ni Nanay.

Hindi ko na natiiis at pinatid ko na ang paa niya sa ilalim ng mesa. Nakakunot ang noo ni Nanay habang palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ng kaibigan ko.

"Sino si Bunsoy?" pang-uusisa na ni Nanay..

"W-Wala po, Nay. A-Anak lang ng... matandang inaalagaan ko sa Pillars..." sabi ko na hindi makatingin nng deretso sa kanya. Binalingan ko na lang ang anak at inabala ang sarili sa pagpupunas sa bibig nito.

"Si Tiyang po?" pag-iiba ko ng usapan.

"Nando'n sa kuwarto niya. Inihatid ni Weng. Pinakain ko na 'yon kanina."

"Alam ko na po talaga ngayon kung kanino nagmana itong si Winona sa pagiging santa, Mommy V. Kayo po pala ang puno't dulo ng lahat. Humingi na naman ba iyang si Aling Emelda ng kapatawaran sa ginawa niya kay Win?" si Raffa na naman matapos sumubo ng kanin.

"Hayaan mo na. Paano naman hihingi ng tawad si Tiyang sa'kin, eh hindi nga siya nakakapagsalita dahil naparalisa," sabi ko.

"Aba dapat mag try harder siya, day!"

Sumimsim muna si Nanay mula sa baso ng kanyang tubig bago binalingan ng tingin ang kaibigan ko.

"Alam mo, Rafael Henry..." pagsisimula ni Nanay.

Kaagad na madramang napahawak si Raffa sa kanyang dibdib. Napangiwi siya.

"Sakit sa heart, Mommy V! Wala pa lang kuwenta itong long hair ko!" apila niya.

Sabay kami na natawa ni Nanay.

"Alam mo Raffa," pagwawasto ni Nanay na nagpangisi naman kay Raffa sa tapat, "ang pagpapatawad sa isang tao, may dalawang bagay na saklaw 'yan. Pagpapatawad sa taong humihingi nito. At pagpapatawad sa taong nangangailangan nito."

Banayad na napangiti si Raffa. "Amen!"

Ipinagpatuloy na namin ang pagkain at inilipat na ang usapan sa magagaang na bagay.

Kinaumagahan ay inihatid ko si Dillon sa pribadong special prep school kung saan na siya mag-aaral. Inayos ko ang kanyang suot na seatbelt. Napangiti ako habang pinagmamasdan siya sa kanyang suot na uniporme. Isang polo na may logo ng kanilang paaralan sa bandang dibdib at shorts na ternong kulay violet. Nakaupo siya sa front seat sa tabi ko habang si Ate Weng naman ay nakaupo sa may backseat ng sasakyan.

Nang mapaandar na ang sasakyan ay binalingan ako ni Dillon.

"Nanay, will I ever see Doc Nancy again and play in her playroom?"

"One day, Dil. But, don't you like your new doctor? She is kind too."

Ilang segundo pa siyang natahimik. Siguro ay napaisip sa sinabi ko.

"She's...fine, I guess. But I kinda like Doc Nancy and her playroom better. It's spacious and she has some more challenging legos."

Bumuntonghininga ako at iniliko na ang sasakyan sa kalsada na patungo sa eskwelahan niya. Binagalan ko na ang pagpapatakbo nang nasa school zone na kami.

"Please don't tell Doc Lisa that when we visit her this weekend."

"I know, Nanay," aniya sa maliit na boses.

"And why is that?" Napasulyap ako sa suot na relo bago muling itinuon ang tingin sa kalsada. Hindi pa ako mahuhuli sa trabaho.

"Because that's a rude thing to say to someone..."

"Uh huh... And?"

"And being rude is bad," aniya na memoryado na naman ang itinuro ko.

Gaano man kahirap si Dillon na umintindi ng emosyon dahil sa kanyang kondisyon, hindi pa rin ako tumitigil sa pagtuturo sa kanya ng magandang asal. Lagi ko rin na sinasabi sa kanya na dapat sasabihin niya sa akin ang lahat ng nararamdaman niya dahil hirap din siyang ipakita ito. Kaya tulungan kaming dalawa at alam kong nag-eefort din naman ang anak ko dahil ipinaliwang ko sa kanya ang kondisyon niya.

Matapos makapagpaalam sa kanila ni Ate Weng ay tumulak na rin ako sa trabaho. Habang papasok na ng gusali ay pinakalma ko ang sarili. Siguro naman hindi na bibisita si Caleb sa ina niya ngayong araw dahil bumisita na siya kahapon. Sa buong araw na pagtatrabaho ko ay inalala ko ang sasabihin kay Nanay Luz. Sana nga ay maging epektibo ang plano ko.

Dalawang beses akong humugot ng malalim na hininga bago pumasok sa kanyang silid. Nang mabuksan na ang pinto ay nakita ko siyang nakatanaw na naman sa labas ng bintana.

"Magandang hapon po, Nay!" bati ko, "Gusto mo bang lumabas para makalanghap ng sariwang hangin?"

Hindi siya umimik at patuloy lang na nakatingin sa may bintana. Lumapit ako sa kanya at doon na nakita ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi.

"Anong masakit, Nay?!" Kaagad akong kinabahan at hinarap na siya. Nag-squat ako upang maglebel ang aming mukha. Mabilisan kong sinuri ang katawan niya para mahanap ang pinagmulan ng iniinda niyang sakit.

Napasinghot siya habang walang tigil sa paghikbi.

"Patay na ang asawa ko... Wala na si Renato... Paano na kami ni Bunsoy... Nag-aaral pa si Bunsoy..."

Bahagya akong tumayo. Taas-baba kong hinagod ang kanyang likod. Sinusumpong na naman siya ng kanyang Alzheimer's. At sa nakikita ko, mukhang mas malala ang pag-atake ng episode niya ngayong araw kumpara sa mga nagdaan.

"Marami pang pangarap si Bunsoy..." dagdag pa niya. Nakakapit na ang mga kamay sa isang braso ko. Mistulang nagmamakaawa na pakinggan siya.

"Alam ko po. At sigurado akong kakayanin niyo ni Bunsoy. Masipag kaya iyon, hindi ba? Kayang-kaya niya 'yon," pagpapatatag ko sa kanya.

Ang pinakaimportanteng natutunan ko sa madalas na pagsaksi sa mga Alzheimer's o Dementia attack ay dapat hindi kontrahin ang nagkakaroon nito. Bagkus, dapat panatagin ang pasyente at dapat na makisabay sa nakalipas na bahagi ng alaala na ginagawa nilang kasalukuyan. Para hindi mas lumala ang atake, dapat na panandaliang umastang mamuhay rin sa kasalukuyang reyalidad para sa kanila.

Unti-unti ko rin naman siyang napakalma na ulit. Nang tuluyan na siyang huminto sa pag-iyak ay kunot-noo niya akong pinagmamasdan.

"Sino ka na nga ulit?"

Ginapangan ako ng kaba. Ito ang unang beses na hindi niya ako nakikilala. Kahit na masyado na siyang ulyanin ay hindi naman siya gaanong nakakalimot pagdating sa pangalan. Ito lang talaga ang unang pagkakataon matapos ang nangyaring episode.

Kinausap ko si Doc Wenceslao tungkol dito. Agarang pinadaan ang ina ni Caleb sa maraming tests. Sinuri muli ang stage ng Alzheimer's ng kanyang ina. Maghapon nila itong ginawa. Si nurse Abby ang sumama sa kanila kaya naiwan ako sa station.

Dumating ang alas singko ay hindi pa rin lumalabas si Nanay Luz mula sa consultation room. Hindi ko mapigilan ang sarili sa pag-aalala. Tumayo na ako upang magligpit para sa katapusan ng shift ko. Nahinto ako sa ginagawa nang may humintong nurse sa istasyon. Tinawag niya ako.

"Pinapupunta ka ng office ni Doc Wenceslao," aniya at nagpatuloy na sa paglalakad.

Sinuklay ko ang nakalugay na buhok gamit ang mga daliri. Sinuri ko rin ang suot na uniporme kung mayroon bang gusot.

Naglakad na ako papunta sa opisina ni Doc. Baka kakausapin niya ako tungkol sa kondisyon ni Nanay Luz. Baka may iba pa siyang tanong sa akin. Hinawakan ko na ang door knob at inikot. Pagbukas ko ng pinto ay sabay na napalingon sa akin si Doc Wenceslao na nakaupo sa likod ng kanyang mesa at si Nurse Abby na nakatayo naman sa gilid niya. Huli namang lumingon ang isang lalaki na nakaupo sa tapat nila.

Nanlamig ang katawan ko nang makitang si Caleb ito. Hindi man lang ako nabalaan dahil wala naman akong nakitang bodyguards sa labas ng pinto. Mukhang kararating lang niya galing sa kung anong conference o meeting dahil sa suot niyang tailored dark suit at pants. Hindi ko siya nakitaan ng pagkabigla sa hitsura. Napagtanto ko na siguro ay inasahan na niya ang pagdating ko.

"Please come inside, Winona," si Doc Wenceslao.

Pumasok na ako sa loob. Pansin ko ang lantarang pagsunod ng tingin sa akin ni Caleb. Tumayo ako sa harap nila. Pansin ko naman na mukhang may ibang ideya yata si Caleb nang iminuwestra niya ang bakanteng silya sa tapat niya.

"You can sit here."

Lumunok ako at sumunod na lang. Hindi ko naman siya pwedeng tanggihan at baka magtaka pa ang dalawa naming kasama.

"As I was saying, Senator," pagpapatuloy ni Doc sa mukhang naudlot nilang usapan kanina dahil sa pagdating ko, "Si Winona ang naka-witness sa bagong episode attack ni Mrs. Del Fuego. And we've run some few steps for your mother."

"And?" si Caleb na hindi pa rin tinatanggal ang tingin sa akin.

Nag-iwas ako ng tingin at itinuon ito sa nagsasalitang doktor.

"And I am afraid to say that her Alzheimer's has progressed," pagpapatuloy ni Doc.

"Hindi ko maintindihan. It was just a month ago when you said that my mother is getting better. Bakit biglang malala na?"

Napasulyap ako ulit kay Caleb dahil sa pag-aalala na narinig ko sa boses niya. Naniningkit ang kanyang mga mata at may pag-igting ang panga habang nakatingin kay Doc.

"As I said, Alzheimer's Disease is very unpredictable. Mayroong nagti-trigger nito and sometimes it just progressed gradually in its natural course."

Pagod na bumuntonghininga si Caleb. Hinilot niya ang sentido.

"What about all the meds she's taking? Tumatalab ba 'to?"

"Panandalian lang. And just to slow down and minimize some attacks," marahang pahayag ng doktor.

"But she's fine, right? I mean physically, wala namang problema sa kanya?"

Banayad na tumango si Doc Wenceslao.

Binalot kami ng katahimikan. Hindi ko alam kung bakit pinatawag pa ako eh wala naman akong naiambag sa kanila. Tahimik lang na nakaupo at nakikinig.

"Pwede niyo ba kaming iwan na muna ni Winona?" biglang anunsiyo ni Caleb na nagpatigas naman sa akin sa kinauupuan.

Mahinang tumikhim ang doktor.

"Well...actually, Senator, si Nurse Abby talaga ang main nurse ni Mrs. Del Fuego. Pwede naman na silang dalawa ang iwan ko rito..."

"No. I only want Winona," aniya sa pinal na tono.

Marahil napansin niya na hindi magandang pakinggan sa tenga ang naging pahayag, awkward siyang napatikhim at wala sa sariling napaayos sa suot na neck tie. "I mean... I think Winona is more than enough. Siya naman ang... ang nakapansin sa nangyari kanina..."

Muli akong nag-iwas ng tingin. Parang ako pa ang mas nahiya sa naging pahayag niya.

Pagkalaon ng ilang minutong nakabibinging katahimikan ay nagpaubaya rin ang doktor.

"A-Alright. I guess, Nurse Abby and I shall leave you two for it. I will be just in the consultation room if you need anything."

Tumayo na si Doc Wenceslao at naglakad na patungo sa pintuan. Tahimik naman na nakasunod sa kanya si Nurse Abby. Muntik na akong mapapikit nang marinig ang tunog ng isinarang pinto. Pakiramdam ko ay pinagsarhan na ako ng pag-asang makatakas mula sa lalaking siyang pinakakinatatakutan kong makasama sa iisang kuwarto. Gusto ko na lang kainin ng lupa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top