Chapter 21

Chapter 21

Home

"Ang ganda no'ng movie! Nakakawindang 'yong plot twist!" masiglang saad ko habang nakaupo na kami ni Theo sa isang sikat na pizza place na talaga namang dinadayo ng mga tao rito sa Vancouver, Canada.

Dahil day-off naman namin pareho, inaya niya ako kahapon na mag-date. Matagal na kaming nagplano na panoorin ang sci-fi movie na kalalabas lang. Ngayon lang talaga nagkaroon ng pagkakataon.

"Next week, we should really bring Dillon with us," nakangiting sabi ni Theo na nakaupo sa tapat ko.

"Sige. Gawin natin 'yan. Sigurado akong matutuwa 'yon." Napangiti ako dahil sa pagiging maaalalahanin niya lalong-lalo na sa anak ko.

Matapos ang sampong minuto na paghihintay ay dumating din ang order naming mainit-init pang pepperoni pizza.

"Have you settled your flight details in going back to the Philippines?" aniya habang nilalagyan ng slice ng pizza ang plato ko.

"Oo. It's going to be by the end of the month."

"Na-send mo na ba ang resume mo sa Pillars?"

Ang tinutukoy niya ay ang sikat na nursing home na ipinatayo ng mga magulang niya sa Pilipinas na nasa Makati ang building.

Kinuha ko ang tissue na nasa gitna ng mesa at binigyan siya ng isang piraso.

"Kahapon pa. Matatanggap kaya ako ro'n? Ang laking nursing home no'n eh."

Umangat ang sulok ng labi niya.

"Don't worry about it. I will put on a good word for you. Sasabihan ko ang owner na hindi lang vitamins ng residents ang memoryado mo kundi pati na rin mga paborito nila."

Nakangisi ko siyang inirapan.

"Hindi pa rin talaga ako makapaniwala na hinayaan ka ng parents mo na rito sa Canada magtrabaho. Hindi ka ba talaga nila pinigilan na umalis para ikaw na ang mag-manage ng nursing home niyo?"

Kumagat muna siya sa piraso ng kanyang pizza.

"As much as I love the elderly, I don't want to manage an entire nursing home. Sakto na sa'kin ang maging doktor lang."

"Sabagay, nakaka-stress din siguro dahil tatrabahuhin mo pa pati paperworks."

"But since you'll be working there soon, maybe I can change my mind..."

Napasinghap ako dahil sa naging pahayag niya.

"Don't tell me..."

Sumandal siya sa backrest ng kanyang upuan. Nakangiti niya akong pinagmamasdan.

"I will be there by the end of next month. Susunod ako sa'yo."

"Seryoso?!"

"'Di joke."

"Theo!"

Mahina siyang natawa. "Oo nga. Seryoso. Of course I have to settle things here, first. But I will be there. Ayaw kong ma-miss... ako ni Dillon."

Uminit ang pisngi ko sa ligoy na pasaring niya. Kahit kailan ay hindi niya ako minadali sa pagdedesisyon. Alam niya kung gaano kahirap sa akin ang magtiwala at magmahal ulit. Alam niya dahil sinabi ko sa kanya ang lahat ng pinagdaan ko sa buhay. Hindi niya ako hinusgahan.Naalala ko pa na matapos kong maikuwento sa kanya noon ang nangyari sa amin ni Caleb, isa lang ang naging komento niya. Ang sabi niya, "Gago 'yon, ah. Gusto mo turukan natin ng tranquilizer?" Doon ko napagtanto na hindi naman pala mabigat. Na okay lang pa lang ibahagi ang madilim na parte ng buhay mo basta sa tamang tao lang.

Minsan naiisip ko na siguro dapat sagutin ko na si Theo. Pero sa kasulok-sulokan ng puso ko may kaunting puwang pa rin dito na hindi ko maintindihan kung ano at paano ko mapupunan. Gusto ko na kung mamahalin ko man si Theo, buong-buo na ang sarili ko. Dahil deserve niya ang buong-buong pagmamahal.

Pagkatapos naming kumain ay inihatid na niya ako sa bahay. Hindi ko na siya naimbita sa loob dahil alam kong natutulog na si Dillon. Matapos magpaalam ay tumulak na rin siya pauwi.

Pumasok na ako sa loob ng kuwarto at nag-shower. Nagbihis na ako ng kulay gray na nightshirt at nagtungo sa kusina para magtimpla ng gatas. Nadatnan ko si Nanay na gano'n din ang ginagawa.

"Ipagtitimpla na rin kita, Win," alok niya.

Naupo na ako sa silya. "Sige po, Nay. Salamat."

"Nanood kayo ng sine ni Doc Theo?" tanong niya habang  nagtitimpla na.

"Opo."

Ilang segundo niya pa akong pinagmasdan. Alam na alam ko ang katanungan sa likod nito.

"Hindi ko pa po siya sinasagot, Nay."

Iniabot na niya sa akin ang isang tasa ng mainit na gatas. Sumimsim na ako mula rito.

"Ano pa ba talaga ang hinihintay mo? Kung ako ang tatanungin, botong-boto ako sa kanya. At tingin ko naman may gusto ka rin sa kanya."

Nag-iwas ako ng tingin at itinuon ito sa hawakan ng tasa na inilapag ko na sa mesa.

"Pakiramdam ko po kasi masyadong perpekto para sa akin si Theo."

Dinig ko ang malalim na paghinga niya.

"Masamang bagay ba 'yon?"

Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Nakita ko ang maingat niyang pagmamasid sa akin.

"Tapatin mo nga ako, Winona. Ikaw ba, may nararamdaman pa sa lalaking 'yon?"

Mabilis ang ginawa kong pag-iling. Alam ko kung sino ang tinutukoy niya.

"Siguro kung may kaunting natitirang nararamdaman pa po ako sa kanya, baka... baka takot na lang po."

Kaagad na naging banayad ang tingin niya sa akin.

"Hindi niya makukuha ang apo ko. Hindi ako papayag kaya hindi ka dapat na matakot, anak."

Mapait akong ngumiti. Inaalala ang makapangyarihan na lalaking iyon. Alam kong kaya niyang gawin ang lahat. Lalo na ngayon. Natatakot ako.

"Kung makapagsalita naman po kayo parang kilala niyo po siya."

"Bakit? Handa ka na bang sabihin kung sino siya?"

Natikom ko ang bibig at muling kinuha ang tasa ng gatas. Uminom ulit ako. Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ni Nanay kung sino ang tatay ni Dillon. Hindi ko sinabi sa kanya. Ang alam lang niya ay isang pulitiko. Hindi niya rin naman ako inusisa pa. Ang pinagtuonan niya lang ng pansin ay ang pagbangon ko.

Pakiramdam ko kapag sinabi ko sa kanya ang katauhan ni Caleb sasabihin din niya sa akin ang katauhan ng sarili kong ama. At dahil dito mas lalong hindi ako naging handa. Parang naging tahimik na kasunduan na lang namin ang hindi pagpapalitan ng impormasyon na iyon hanggang sa hindi nagbabahagi ang isa.

"Siguro dala lang 'tong takot na 'to sa nalalapit na po nating pag-uwi sa Pilipinas."

"Gusto mo ba na huwag na lang tayong tumuloy? Dito na lang tayo sa Canada."

"Okay lang po. At saka nakahanda na ang lahat. Kawawa rin po si Tiyang sa bahay. At isa pa, miss ko na sina Raffa at Nanay Lolit."

"O siya sige. Pupwede naman tayong bumalik dito."

Nang maubos na ang gatas ay tumayo na ako. Inilagay ko na ang tasa sa lababo.

"Ako na ang maghuhugas niyan. Matulog ka na," si Nanay.

Tinanguan ko siya at tumalikod na. Nasa may pintuan na ako nang muli niya akong tinawag kaya napalingon ulit ako. Nakita ko ang malungkot niyang pagngiti.

"Darating din naman ang araw na sasabihin mo sa akin, hindi ba?"

Marahan akong tumango. Lumabas na ako ng kusina at pumasok na ng kuwarto. Bumungad sa akin ang anak ko na naka-pajamas ng nakaupo sa kama ko. Napansin ko kaagad ang basa niyang pisngi. Halatang galing sa pag-iyak. Mabilis akong lumapit sa kanya at sinuri ang kanyang katawan sa anumang sugat.

"What's the problem, baby? Why are you crying?"

Kaagad niya akong niyapos at isinubsob ang mukha sa aking tiyan. Nahalata ko na pilit niyang pinapakalma na ang sarili.

"Bad dream?" tanong ko sabay haplos sa kanyang buhok.

Ramdam ko ang paggalaw ng kanyang ulo.

"Wanna tell me about it?"

"I l-lost you, Nanay..." aniya sa maliit at paos na boses.

Marahan kong hinawakan ang kanyang baba upang matingnan siya sa mukha. Hindi pa rin niya ikinalas ang munting braso mula sa pagpulupot nito sa aking baywang.

"What do you mean, Dil?"

"Y-you were gone... I couldn't find you. I looked for you everywhere!"

Hinawakan ko ang kanyang magkabilang pisngi. Ramdam ko ang lamig nito na dulot ng kanyang munting luha. Ngumiti ako para makampante siyang hindi ako mawawala.

"I won't be gone, Dil. That will never happen."

Malikot man ang tingin niya ay nakikita ko pa rin dito ang takot at pangamba.

Naupo ako sa tabi niya at hinagod ang kanyang likod.

"It's just a bad dream, baby. Masamang panaginip lang. Did you do your evening prayers?"

Dahan-dahan siyang umiling. "I forgot."

Bumuntonghininga ako.

"Kaya pala. I told you to always pray before going to bed, right?"

Tumango siya at nagsimula na namang igalaw ang isang kamay sa harap. Hindi na nagpirmi.

"How come you've forgotten?" untag ko sa istriktong boses.

"Because I kept on thinking when will you be home, Nanay..."

Uminit ang puso ko dahil sa paglalambing niya. Awtomatikong nawala ang dapat na pangangaral ulit sa kanya tungkol sa pagdarasal.

"Dillon, I am always home, you know that. Because home is?"

"Where your heart is," agarang dugtong niya.

"And Nanay's heart is?"

"Always with Dillon Jesse Santibañez!" masigla niyang pagpapatuloy. Nakangiti na at wala ng nakakubling pangamba sa mga mata.

Hinagkan ko ang noo niya.

"Now, do you want to go back to your bedroom or do you want to sleep here?"

"Here!"

"Alright then. Now say your evening prayers..."

Bumagsak ang balikat niya. Akala siguro'y nakalusot na.

Sinulit ko na ang mga nalalabing araw sa trabaho. Hindi pa man nakakaalis ay binalot na ako ng lungkot dahil sa gagawing pag-iwan sa mga residente at katrabaho na naging malapit na sa puso ko. Pamilya na rin ang turingan namin at kahit na minsan ay makukulit ang matatanda, nakasisiguro akong ito ang katangian nila na pinakamamimiss ko.

"Tapos ka na sa shift mo, Winona?" si Shiela.

"Oo. Dadaanan ko na lang iyong mga gamit ko sa locker area."

"Pwede bang samahan mo muna ako sa TV area? Ililipat ko kasi 'yong mesa. Kailangan ko ng makakatulong."

"Oo naman. Sige!"

Naglakad na kami patungo sa TV area. Ang kuwarto kung saan nagtitipon ang mga matatanda para manood ng palabas tuwing relaxing time nila. Wala namang tao roon dahil may schedule lamang ang TV session.

Ngunit laking gulat ko nang pagdating namin ay nakita ko na ang matatanda na nagtitipon. Nakatayo silang lahat at ang iba ay may hawak na mga lobo. Sa tabi ay ang nakatayong si Theo na may hawak na bouquet ng bulaklak.

Halos mapatili pa ako sa gulat nang may nagpasabog ng confetti.

"Oh my God!" usal ko sabay hawak sa dibdib dahil sa pagkabigla. "Birthday ko ba?"

Lumapit sa akin si Theo na nakangisi. Ibinigay niya sa akin ang bouquet.

"Fairwell party mo 'to. They want to properly send you off with a bang."

Tinanggap ko ang bouquet at muling pinagmasdan ang mga hitsura ng matatanda na naging pamilya ko na rin. Dumapo rin ang tingin ko sa mga kasamahang nurses. Ang iba'y maluha-luha pa. Naramdaman ko tuloy ang pangingilid din ng mga luha ko.

Kinantahan nila ako. May mga matatanda na nagbigay ng mensahe na talaga namang nagpainit ng puso ko. Nagkuwento rin si Nurse Min sa unang araw ng trabaho ko na unang araw din na nagkakilala kami. Matapos ang mahaba-habang kwentuhan na sinabayan din ng tawanan ay mayroon kaming kaunting salu-salo.

"Hay! Baka balik na naman sa pagiging istrikto itong si Doc Theo. Wala na kasi ang darling Winona niya," pang-aasar ni Shiela.

Nagsitilian ang mga kasamahan ko at inasar na nga kami.

"Isama mo na lang kasi si Doc, Win!" sabad naman ng isa.

"Oo nga, Winona!"

"Susunod naman talaga ako. Next month," nakangising anunsiyo naman ni Theo.

Mas naghiyawan pa sila. Hindi na matigil-tigil ang panunukso. Pati matatanda ay sumali na. Sobrang init na ng pisngi ko dahil sa matinding kahihiyan.

Halos dalawang oras din ang itinagal ng pa-fairwell party nila sa akin. Nang makapagpasalamat at makapagpaalam na sa lahat ay umuwi na rin ako. Tinanggihan ko na ang alok ni Theo na paghatid sa akin dahil may sasakyan naman akong dala at isa pa, may gagawin pa siyang consultations.

Nagtaka ako dahil sa pagiging tahimik ng buong bahay. Hindi ko nakita si Dillon na naglalaro sa sala. Tinungo ko ang kusina at nadatnan sina Nanay at Ate Weng na mahinang nagtatawan. Natihil sila nang makita ako.

"Si Dillon po?" tanong ko.

Napakunot ng noo si Nanay. "Wala sa sala? Nasa sala lang iyon kanina ah."

"Baka po pumasok sa kuwarto niyo, ma'am," si Ate Weng.

"Magbihis ka na rin, anak at nang makapaghapunan ka."

"Busog po ako. May konting salu-salo kasi kanina sa trabaho. Pupuntahan ko na si Dillon." Tinalikuran ko na silang dalawa at narinig na ang pagpapatuloy nila sa usapan.

Pagpasok ko sa kuwarto ay nadatnan ko na naman si Dillon na nakaupo sa kama. Ngunit kung noong nakaraan ay umiiyak siya, ngayon naman ay natatawa habang may kausap sa laptop na nakalapag sa kama.

Hindi na ako nagtaka kung bakit nagawa niyang manipulahin ang laptop ko. Sa kabila ng kondisyon niya ay napakatalino naman niya. Umaliwas ang kanyang mukha nang makita ako.

"Nanay is here, Tita Raffa!" masigla niyang sambit. "Tita Raffa's been telling me some jokes, Nanay!"

Pinigilan ko ang sarili na umirap. Ano na naman kayang mga kalokohan ang itinuturo ni Raffa rito sa anak ko?

"Alright. Say good night to Tita Raffa. Time to sleep now, Dil."

Gusto man niyang umapila ay dinig ko naman ang pangungumbinsi ni Raffa sa kabilang linya. Bagsak ang balikat ay nagpaalam na rin si Dillon sa kanya. Bumaba na ang anak ko sa kama at marahan ko siyang hinagkan sa noo.

"Good night, baby. I love you," bulong ko.

"Night, Nanay. I love you more..."

"Sleep tight, anak. I love you most."

"I will. I love you to infinity and beyond!"

Napangiti ako. Hindi talaga siya nagpapatalo sa akin pagdating sa ganito. Nang makalabas na siya sa kuwarto ay ako naman ang naupo sa kama para makipag-usap kay Raffa sa video call.

"Alam mo, day sa tuwing maririnig ko kayo ni Dil na gano'n feeling ko araw-araw Mother's Day," bungad ng kaibigan ko.

Napatitig naman ako sa kanyang buhok.

"Bakit kulay red na naman 'yang buhok mo?"

Lumapad ang ngisi niya.

"Siyempre! Pinaghandaan ko talaga para sa pag-uwi niyo rito! Ako kaya ang sasalubong sa inyo sa airport. Kaya red para kaagad niyo akong makita roon! Dalawang araw na lang."

Nahawa na ako sa umaapaw na saya niya.

"Kung may hindi pa makakakita sa'yo, ewan ko na lang talaga. Anyways, si Dillon ba ang unang tumawag sa'yo?"

"Oo. Talino talaga ng anak mo! Nagulat nga ako eh. Akala ko nakita ko ang batang version ni Senator. Dimple na lang ang kulang. "

Bumuntonghininga ako at napahilot sa sentido.

"Gano'n ba talaga ka-obvious na magkamukha sila?"

Ngumuso siya. "Alam mo ang sagot diyan, day."

Natahimik ako bigla.

"Uuwi na kayo rito. Paano kung... kung malaman ni Senator ang tungkol kay Dil?"

Nagtiim bagang ako. "Hindi niya malalaman ang tungkol sa anak ko."

"Paano nga kung malaman niya?" pangungulit na naman niya.

"Hindi ko alam. Basta I will cross the bridge when I get there..."

Nagpakawala siya ng malalim na hininga.

"Hindi pa rin ba nagtatanong iyang anak mo tungkol sa tatay niya?"

Napakamot ako sa tungki ng ilong sabay iling.

"Hindi naman. Kaya safe pa ako ngayon. Ewan ko nga kung bakit. Siguro dahil bata pa siya o hindi kaya ay sapat na ang pagmamahal na nakukuha niya mula sa akin at kay Nanay. Pati na rin sayo."

"Pero darating ang panahon na magtatanong na 'yang anak mo. Huwag kang in denial, day," deretsahan niyang pahayag.

Hindi na ako kumibo. Nagpatuloy naman siya.

"Ilang taon ng patay ang asawa ni Caleb. Siguro—"

"Siya lang ba ang pag-uusapan natin ngayon?" agap ko, "Kung siya lang, matutulog na ako."

Inirapan niya lang ako. "Ang bitter mo, day! Akala ko ba napatawad mo na?"

"Hindi porque't napatawad ko na siya, nakalimutan ko na ang lahat ng nangyari. Siyempre may sugat pa rin. Okay na ang buhay niya ngayon. Okay na rin ako. Masayang-masaya na ako."

Tuso siyang ngumisi.

"Ay oo nga 'no! Sige, si Doc na lang ang pag-usapan natin..."

Huminga na ako nang maluwag at nagkuwento na sa kanya.

Lumipas ang dalawang araw at dumating na nga ang flight namin pauwi ng Pilipinas. Mula Vancouver ay nag-direct flight kami pa-Manila. Mahigit 18 hours ang ibiyenahe namin. Tanghali na nang makarating kami sa airport. Dahil sa init ng panahon ay hinubaran ko na ng jacket si Dillon.

Hindi nga nagkamali si Raffa. Mabilis namin siyang nakita sa loob ng airport dahil sa kanyang buhok at malaking ngisi. Halos tumalon na siya habang kumakaway sa amin. Nahawaan na rin ako ng ngisi niya.

"Hi Santibañez fam!" bungad niya nang makalapit na kami sa kanya.

Niyakap ko siya nang mahigpit. Sa limang taon namin na nagkalayo, ngayon lang kami ulit na nagkita ng personal. Mabilis na dumapo ang kanyang tingin sa anak ko. Hinarap niya si Dillon at yumuko siya upang maglebel ang kanilang mga mata.

Madramang napahawak si Raffa sa kanyang dibdib habang mariin na pinagmamasdan ang anak ko na abala naman habang iginagala ang tingin sa buong paligid.

"Heto na ba ang inaanak ko? Oh my gulay! Ang pogi, day!" Hinaplos niya ang buhok ng anak ko. "Hi, Dil! Is Tita Raffa much prettier in person?"

Umirap ako. Mahina namang natawa sina Nanay at Ate Weng sa tabi ko.

Inosenteng tumango naman ang anak ko. Humiyaw sa saya si Raffa.

"Kaya kita love na love, eh! Napaka-honest mong bata."

Lumabas na kami ng airport. May sasakyan naman na naghihintay sa amin sa labas. Matapos mailagay ang mga bagahe sa likod ay pumasok na kami sa loob ng sasakyan.

"Okay, fam! Driver niyo ako today!" masiglang anunsiyo ni Raffa.

Dumeretso na kami sa nabili kong bahay sa Makati. Sinalubong kami ni Nanay Lolit sa pintuan. Talaga namang ipinagluto niya pa kami. Sabay-sabay kaming kumain at nagkukuwentuhan. Napuno ng tawanan ang buong bahay. Hindi na binanggit muli ang mapait na nakaraan. Nasabi ko sa sarili na nakauwi na talaga ako.

Sa mga sumunod na araw ay naging abala na rin ako. Inasikaso ko ang nabiling sasakyan. Kinuha na rin namin si Tiyang mula sa lumang bahay at dinala sa Makati. Si Nanay na ang mag-aalaga sa kanya. Noong sabihan ako ni Nanay sa kanyang desisyon ay nagulat ako. Tinanong ko siya kung sigurado ba siya na gampanan ang responsibilid. Ang sabi niya sa akin, "Gagawin ko 'to para mabayaran ang ilang taon na kinupkop ka niya, Winona."

Kasabay ng paghahanda sa bagong special school na pag-eenrolan ni Dillon, hinanda ko rin ang sarili para sa bagong trabaho. Natanggap ako sa Pillars, ang nursing home na pagmamay-ari ng mga magulang ni Theo.

Hanggang sa dumating na nga ang unang araw ng trabaho ko. Malaki rin ang bagong nursing home na papasukan ko. Kumpara sa nursing home na pinagtatrabahuhan ko sa Canada, mas homey ang Pillars. Hindi ko alam kung dahil ba sa istruktura ng building o hindi kaya ay dahil sa nasa Pilipinas na ako.

Ipinakilala ako ng isa sa mga admin sa iba pang staff. Hindi ko maiwasan na maalala ang mga dating katrabaho sa Canada.

Matapos ang short orientation ay nagsimula na ako. Na-assign ako sa tatlong matatandang residente. Isa-isa ko silang binisita sa mga silid. Hindi ako nahirapan sa naunang dalawa. Ngunit nang magpunta na ako sa pangatlo, doon ko napagtanto na tiyak na masusukat na naman nito ang kakayahan ko.

"Masungit talaga 'yan. Marami ngang nurses at caregivers dito ang sumusuko dahil diyan dahil hindi masyadong nagsasalita," si Jane. Ang nurse na nag-guide sa akin para sa unang araw ng trabaho.

Napatingin ako sa matandang babae na nakasakay sa wheelchair. Malinis na naka-bun ang kanyang buhok na may mangilan-ngilan ng kulay puti. Tahimik siyang nakadungaw sa may bintana.

"Anong pangalan niya?" tanong ko kay Jane.

"Nanay Luz ang tawag namin sa kanya rito. Four years na 'yan na residente. May Alzheimer's. Sixty three years old."

Tinanguan ko ang sinabi ni Jane at nilapitan na ang matanda. Huminto ako sa gilid niya.

"Good afternoon po, Nanay Luz! Ako nga po pala ang bagong nurse's assistant dito. Winona po." Naglahad ako ng kamay.

Inignora niya lang ako at nanatili ang kanyang pagmamasid sa labas ng bintana. Nagkatinginan kami ni Jane.

"Masungit 'di ba?" bulong niya. "O siya, iiwan na muna kita. Good luck, Winona." Matapos itong sabihin ay lumabas na ng silid si Jane.

Bahagyang napatingin sa akin si Nanay Luz. Nagtaas siya ng kilay.

"Gusto niyo po bang lumabas para makalanghap ng sariwang hangin?" Inignora niya pa rin ako.

Hindi ako sumuko. Sinubukan ko ulit.

"Ano po bang pinakagusto niyong gawin?" Mistulan akong kumakausap sa hangin.

"Ako po kasi kung hindi niyo naitatanong, mahilig akong magluto. Pinakapaborito kong lutuin ang kare-kare, menudo, adobo, paksiw. Nagbe-bake din po ako ng cookies at cupcakes. Nananahi minsan kapag walang ginagawa."

Ngumiti ako kahit na hindi naman siya nakatingin.

"Pero ang pinakapaborito ko talagang gawin ay ang makipaglaro at makipagkulitan sa anak ko."

Napabaling siya sa akin. Nakita ko ang interes sa kanyang mga mata. Kinuha ko itong oportunidad upang magpatuloy.

"May anak po ako na isang lalaki. Dillon ang pangalan.  May mild autism po."

Ngayon ay nakuha ko na ang buong atensiyon niya. Tuluyan na niyang ginalaw ang wheelchair para maharap ako.

"I-Ilang taon na siya?"

Ngumiti ulit ako. "Five years old po."

Tumango-tango siya. May munting ngiti na sa kanyang mga labi.

"May anak din ako. Si Bunsoy. Eight years old naman siya."

Anak? Eight years old? Baka ang tinutukoy niya ay apo. Dahil sa nalaman ko na may Alzheimer's ang matanda ay hindi ko na siya pinuna at hinayaan na lang.

"Ano po ang hilig ni Bunsoy?"

Mas lumapad pa ang ngisi ng matanda. Umabot ng isang oras ang ginawa naming kuwentuhan. Sa unang araw ko pa lang ay nakatagpo na ako ng bagong kaibigan. Hindi naman pala siya masungit.

Sa sumunod na mga araw ay naging magaang ang trabaho ko. Siguro isa na rin sa mga dahilan ay ang kasanayan ko na nito. Nagpatuloy ang mga araw-araw na kuwentuhan namin ni Nanay Luz. Nalilibang ako sa pakikipag-usap sa kanya dahil sa pagbabahagi niya ng mga karanasan sa buhay.

Minsan nakakalimutan na niya ang mga pangalan at detalye dahil na rin sa pagiging ulyanin. Lagi niyang ikinukuwento sa akin ang tungkol sa apo niyang si Bunsoy. Sinabihan niya pa ako na dalhin ko raw minsan sa trabaho si Dillon para mapakilala niya sa kanyang apo. Natuwa naman ako dahil baka may bago ng magiging kaibigan ang anak ko.

"Dala mo na si Dillon? Pupunta rito si Bunsoy?!" may pananabik na sabi niya kinahapunan.

Nasa tapat niya ako at nakaupo sa maliit na silya habang hinihilot ang kanyang mga paa dahil sumasakit daw.

"Sino pong kasama ni Bunsoy? Tatay at nanay niya?"

"Tatay at Nanay?" Naniningkit ang mga mata niya na para bang hindi iyon sumagi sa kanyang isipan. Sinusumpong na naman ng pagiging ulyanin. Napasinghap siya at bahagyang natawa. "Ay oo! Tatay niya. Palagi silang magkasama no'n. Hindi naghihiwalay."

Narinig ko ang pagbukas ng pinto. Hindi ako nakalingon dito dahil naagaw ang atensiyon ko ng isang binti ni Nanay Luz. May napansin akong isang ugat na parang naipit. Kaya naman pala sumasakit.

"Nandito na si Bunsoy, hija!" magiliw niyang sambit.

Napangiti ako dahil sa pananabik na ipinapakita niya. Nakakahawa naman talaga. Mukha siyang naging bata ulit. Unti-unti akong lumingon. Pakiramdam ko ay huminto ang pagtakbo ng oras nang bumulaga sa paningin ko si Caleb Del Fuego.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top