Chapter 20
Chapter 20
Dillon
"Oras na po para uminom ka ng gamot," magiliw na bati ko sa matandang ginang na isa sa mga residente ng nursing home dito sa Canada.
Ngumiti siya nang matamis.
"Kapag nainom ko na ba 'yan, bibigyan mo na ako ng cupcake?"
Ngumiti ako pabalik at kinuha na ang maliit na tableta mula sa lalagyan nito.
"Oo naman po! Dahil mabait kayo, dalawang cupcakes ang ibibigay ko!"
Kaagad niyang ibinuka ang kanyang bibig. Mahina akong natawa habang naiiling sa ipinapakitang kasabikan niya. Iniabot ko na rin sa kanya ang tubig.
"Sige, Nay ha. Babalik ako rito mamaya at dadalhin ko na ang cupcakes niyo!"
"Sige!" Lumapad pa ang kanyang ngiti.
Niligpit ko na ang mga gamot niya at lumabas na ako ng silid para pumasok naman sa isa pa. Hindi na ako nagulat nang makita ang mga kalat sa sahig. Mga sinadyang tinapon na unan at kumot.
"Martha, you made a mess again..."
Mula sa bintana ay napatingin sa akin ang matanda. Minanipula niya ang inuupuang wheelchair upang makalapit sa akin.
"Can I go out now?"
Yumuko ako upang maglebel ang mga mata namin.
"What did Nurse Min tell you?"
Umasim ang kanyang mukha.
"That I should clean after my mess."
Nagkibit ako ng balikat. "Then you know my answer to that. For now, I'm going to help you clean up this mess. But if you do it again, I won't be there to help."
Marahan siyang tumango at pinulot ko ang mga unan sa sahig. Iniabot ko ang mga ito sa kanya at siya na ang nag-ayos nito sa kama.
Matapos magawa ang routine ko na pagsusuri sa bawat silid ay bumalik na ako sa nurse's station. Dahil sa matinding pagod ay pabagsak akong naupo sa silya.
"I can still smell her shit," sambit ng kararating lang na kasamahan kong nurse's aid na si Shiela. Tulad ko ay pabagsak din siyang naupo sa bakanteng silya na nasa tabi ko.
"Si Leonila?" panghuhula ko. Tinutukoy ang syetenta anyos na matanda.
Ngumiwi siya. "Oo. Natae na naman sa higaan niya. Ugh! Ang dami..."
Ngumisi ako. Mas nauna ako ng pasok sa kanya sa nursing home dahil mag-iisang taon palang siya.
"Hindi ka pa talaga nasasanay?"
"Ayaw kong masanay. Ayaw ko ng maging nurse assistant. Ano ba ang pinagkaiba natin sa caregiver?"
"Medyo pareho lang naman. Mas malaki nga lang sahod natin kumpara sa caregivers dahil nagbibigay tayo ng medical assistance," paliwanag ko. Alam na alam ko dahil pareho kong kinuha ang dalawang kurso.
Nang nakabangon na ako mula sa pagkakadapa ay una kong kinuha ang kursong caregiver. Kahit hirap ang naging sitwasyon ko ay nagpursigi pa rin ako. Si Nanay ang nagkumbinsi sa akin dahil iyon din naman ang kanyang trabaho rito sa Canada. Habang nag-aaral dito ay naengganyo naman ako na kunin din ang kursong CNA o Certified Nursing Assistant. Matapos nga ang dalawang taon, naka-graduate din ako. At sa wakas ay mahigit dalawang taon na rin na nagtatrabaho sa isang nursing home para sa Filipino community dito.
Ilang sandali pa ay nilapitan na rin kami ng aming head nurse na si Nurse Min na may binabasang chart. Nasa edad kuwarenta anyos na siya. Sa kabaitan ay lagi kong naaalala si Ma'am Caitlyn sa kanya.
"Ngayong araw po ba ang last day ng conference ni Doc Theo sa Toronto, Nurse Min?" pangungulit na naman ni Shiela na tinutukoy ang nag-iisang batang doktor ng nursing home.
Mula sa kanyang binabasa ay agarang napasulyap si Nurse Min sa akin. May lihim na ngiti sa kanyang mga labi.
"Tanungin mo si, Winona. I'm sure alam na alam niya."
Malisyosong napatili si Shiela. Aalaskahin na naman ako ng dalawa. Sinasabi ko na nga ba na alam na talaga ni Shiela kung kailan matatapos ang conference. Gusto niya lang talaga akong asarin.
"Kahit hanggang balikat lang ang haba ng hair ni Winona, parang umaabot pa rin 'to sa sahig. Sana all talaga may doktor!"
"May doktor ka rin naman, ah!" nakangising pang-aasar ko pabalik.
"Sino? Si Doc Edward? Sixty years old na 'yon at saka ang pagalitan lang ako ang alam no'n," aniya na tinutukoy ang espesyalistang doktor ng building.
Napangiti ako. Ganoon din naman ang naging unang trato ni Doc Theo sa akin. Naalala ko pa, ikalawang linggo ko na sa nursing home, naipagpalit ko ang vitamins ng dalawang matatanda.
"Is this your first day?" tanong ni Theo sa akin sa matigas na boses. Nasa isang pasilyo kami.
Kinabahan agad ako dahil sa naririnig na mga komento ng nurses sa kanya. Sabi nga nila, masungit at napaka-perfectionist daw ni Doc Theo. Bawal ang magkamali.
Yumuko ako. "H-Hindi po, Doc. T-This is my second week."
Marahas siyang bumuntonghininga.
"Second week?! Jesus! Second week mo na pala pero 'di mo pa rin kabisado ang vitamins ng mga residenteng naka-assign sa'yo?"
"I'm sorry po..."
"I don't need your apology. I need your focus!"
Dahil sa linyang binitiwan niya na iyon ay mas pinag-igihan ko pa ang pagtatrabaho. Sa lahat ng mga puna niya, hindi lang vitamins ang kinabisado ko kundi pati na rin hilig, gusto at pinakaayaw ng mga elderly residents. At sa tuwing maaalala ko kung paano ako napapagalitan ni Doc Theo noon, naaalala ko kung gaano kalaki ang ipinagbago ko kung paano ituring ang trabaho.
Kakatapos lang ng shift ko nang kinalabit ako ni Shiela.
"Sama ka sa amin! Iinom kami mamaya sa bar pampatanggal ng stress. Day off naman bukas."
"Hindi ako pwede. Alam mo namang hinihintay ako ng inspirasyon ko sa bahay."
"Hay, nakakainggit ka talaga. Dito sa nursing home, inspired ka. Pati sa bahay, inspired ka pa rin."
Tumayo na ako. Dadaan pa ako sa locker para kunin ang bag.
"Sige mauna na ako. Naghihintay na ang pinakamamahal ko sa bahay," nakangiti kong paalam.
Napairap si Shiela ngunit nakangisi naman.
"Oo na! Nagseselos na ako! Nagpapainggit pa talaga 'to..."
Mahina akong natawa at iniwan na siya.
Hindi umabot ng sampong minuto ang ibyenahe ko. Hindi rin naman masyadong traffic. Nang marating na ang bahay ay ipinarada ko na ang kotse sa garahe at bumaba. Nakabukas pa ang ilaw sa sala. Napasulyap ako sa suot na relo. Alas siyete na ng gabi. Binuksan ko ang pinto ng bahay at pumasok na sa loob. Isinara ko ulit ito at nakita ang taong pinakaimportante sa buhay ko. Ang taong mamahalin ko hanggang sa mamatay ako.
"Baby, Nanay is here!" tawag ko sa aking anak na nakasuot na ng ternong pajama pantulog.
Isang milagro. Ganoon ko ituring ang nangyari. Siguro para sa mga doktor at ibang tao ay kapalpakan ng ospital na pinagdalhan sa akin ang pag-anunsiyo na wala na ang anak ko dahil wala na itong heartbeat at nakunan ako.
Noong sinabi ko na nakunan ako kay Nanay sa una naming pagkikita, kinabukasan agaran niya akong pinatingnan ulit sa isa pang doktor sa malaking ospital. Humingi siya ng pangalawang scan. At doon nga nakitang buhay pa ang anak sa sinapupunan ko. Kumakapit pa rin ito.
Sinabihan ako ng babaeng doktor na ang naranasan ko raw noon ay ang tinatawag na 'ruptured placenta'. Na misdiagnosed lang ng una kong doktor ang pagdurugo na miscarriage. Sabay nga na napahinto ang pagtibok ng puso namin ng sonographer na nag-eksamin sa akin nang nahanap niya ang pagtibok ng puso ng anak ko.
Halos buong araw akong umiyak noon, ngunit hindi na dahil sa kalungkutan kundi dahil sa walang paglagyan ng kasiyahan. Inawat ako ni Nanay dahil baka raw maging iyakin din ang anak ko paglaki. Sa puntong iyon ng buhay, unti-unti ko nang napatawad ang sarili kong ina.
"Dil, Nanay is here!" muli kong pagtawag sa anak na masyadong abala sa paglalaro ng kanyang lego.
Mukhang hindi niya pa rin ako naririnig. Inasahan ko na naman ito. Nilapitan ko siya at hinagkan ang kanyang ulo. Nagpatuloy pa rin siya sa kritikal na pagbuo ng lego. Sa wakas ay naramdaman niya rin ang paghaplos ko sa kanyang buhok kaya nilingon niya ako. Ngunit katulad na lang ng mga nauna, hindi niya ako magawang tingnan sa mga mata.
Ngumiti siya. Kaagad na napawi nito ang pagod sa aking katawan dahil sa buong araw na pagtatrabaho. Noong isilang ko siya ay pinaghalong lamig at init ang bumuhos sa puso ko nang unang makita ang kanyang mukha. Hindi maipagkakaila ang pagiging magkamukha nila ng kanyang ama. Nakuha niya mula kay Caleb ang hugis at tangos ng ilong. Tingin ko rin sa ama niya namana ang makapal at napakaitim na buhok. Lalong-lalo na ang kanyang mata. Nanindig ang balahibo ko.
Ngumiti ako sa kanya pabalik at marahan na inilahad ang kamay.
Tinanggap niya ito at inilapat sa kanyang noo.
"Mano po, Nanay..."
Matapos gawin ang pagmamano ay muling ibinalik ng anak ko ang atensiyon sa lego.
Napalinga ako at nakita ang paglabas ng kasambahay mula sa kusina. Isa ring purong pinoy dito sa Canada. Kinuha ko siya noong dalawang taon na ang anak ko para may magbantay rito. Nagdesisyon akong magtrabaho para sa kinabukasan ni Dillon.
"Si Nanay, Ate Weng? Nakauwi na ba galing trabaho?"
"Opo. Nagluluto po sa kusina."
"Sige. Shower na muna ako. Pakitingnan na lang po si Dillon, Ate," bilin ko at naglakad na papasok ng kuwarto.
Matapos maligo at makapagbihis ay lumabas na ako ng kuwarto. Nadatnan ko ang pag-iyak ng anak kong nakaupo sa sahig na kasalukuyang inaalu naman ni Ate Weng. Kaagad ko silang dinaluhan.
"Ano raw ang problema, Ate?" tanong ko sa kasambahay.
"Kulang daw po kasi ng isang piraso ang lego. Hindi niya makompleto."
Naupo na rin ako sa sahig at hinarap ang anak. Inabala naman ng kasambahay ang sarili sa paghahanap ng pirasong nawawala.
"Dil, calm down now," utos ko sa istriktong boses.
Sinimulan na niyang ibitin ang isang braso sa ere at taas-baba itong iginagalaw. Hinayaan ko siya dahil normal na ito para sa kanya. Hindi niya pa rin ako matingnan nang deretso. Patuloy ang pag-iyak niya. Namumula na ang dulo ng kanyang maliit na ilong.
"If you keep on crying, we will not find the missing piece. You will not be able to finish your lego," babala ko habang pinapalis ang mga luha niya gamit ang daliri.
"I need it! I want my piece!" iyak na hiyaw niya.
Hinuli ko ang kanyang tingin kahit na alam kong imposible.
"And you will have it once you calm down."
Nanginginig ang mga labi niya dulot ng pag-iyak. Ang kanyang dibdib naman ay walang tigil sa taas-baba na paggalaw. Hindi pa rin siya kumakalma. Minsan sa tuwing ganito ang nangyayari na sinusumpong siya, gusto ko na lang sumuko. Ngunit sa tuwing maiisip ko na tanging siya ang dahilan ng pagbangon ko mula sa pagkalugmok, nabubuhayan ulit ako. Kaya kong gawin lahat para sa anak ko.
"Heto na po, ma'am. Nakita ko na po!" si Ate Weng na hawak na nga ang nawawalang piraso. Inabot niya ito sa anak ko na agaran namang kumalma nang mahawakan na ang lego.
Kinuha ko ang atensiyon niya.
"What will you tell Ate Weng?"
"T-Thank you, Ate Weng..." aniya sa maliit na boses. Itinuon na niya ang pansin sa pagdikit nito sa nabuo na niyang palasyo.
"You're such a good boy, Dil," bulong ko.
Sabay naming pinagmasdan ni Ate Weng ang kalmadong disposisyon na ng anak ko. One year old pa lang si Dillon noon nang ma-diagnosed siya na mayroong tinatawag na ASD o Autism Spectrum Disorder. Ang lebel nito ay Mild Autism. Sinabihan ako ng doktor na sa paglaki raw si Dillon, unti-unti rin itong mako-correct at mawawala dahil mild naman. Ang sanhi raw ng ASD ay ang abnormalities sa brain structure o function. Kumpara sa utak ng isang normal na bata, may kaibahan daw ang hugis at istruktura ng utak ng batang mayroong ASD.
Sa unang taon ni Dillon ay sobra akong nahirapan. Pinagsabay ko rin kasi ang pag-aaral sa pag-aalaga sa kanya. Tinutulungan naman ako ni Nanay. Masyadong malikot si Dillon. Bigla-bigla na lang nagagalit ng walang dahilan. Kapag may mali o kulang sa mga ginagawa niya mabilis siyang naiinis.
Nahihirapan siyang intindihin ang nararamdaman o emosyon ng ibang tao. Minsan naiisip ko na siguro ay dahil ito sa kawalan niya ng kakayahan na makipag-eye contact. Ngunit noong ipinaliwanag ang lahat ng ito ng doktor sa akin, mas naintindihan ko si Dillon. Mas hinabaan ko ang pasensiya dahil alam kong hindi niya naman kagustuhan ito. Bahagi pa rin ito ng milagrong ibinigay sa akin ng Diyos.
"Kumain na ba siya, Ate?"
"Opo. Pinakain ko na po siya kaninang alas sais."
Sabay kaming napalingon ni Ate Weng nang marinig ang pagtatawag ni Nanay mula sa kusina.
Tumayo na ako at muling tiningnan si Ate Weng.
"Ikaw, kumain ka na?"
"Mamaya na lang po pagkatapos ninyo. Babantayan ko pa po si Dillon."
Tumango ako at ngumiti. "Sige."
Nagtungo na ako sa kusina. Nadatnan ko si Nanay na abala sa paghahanda ng mesa. Kaagad akong tumulong sa kanya at naglagay na ng mga plato. Nang nakahanda na ang lahat ay naupo na kami.
Nilagyan ni Nanay ng broccoli ang ibabaw ng kanin ko. Alam niya kasi na gustong-gusto ko ito.
"Kumusta ang trabaho?"
"Okay naman po. Medyo abala," tugon ko. "Kayo, Nay? Kumusta ang trabaho kina Mrs. Owens?"
"Mabuti naman. Hindi naman masyadong demanding si Mrs. Owens. Mas nasisiyahan nga ako sa pagiging private caregiver niya kumpara noong nasa home for the aged talaga ako nagtatrabaho."
Natahimik pa kami habang ipinagpapatuloy ang pagkain. Patapos na ako at umiinom na lang ng tubig. Muli kong inilapag ang baso sa mesa at tiningnan si Nanay na halatang may edad na rin.
"Kung magretiro na lang kaya kayo, Nay para naman makapagpahinga na kayo? Ako na lang ang magtatrabaho para sa atin. Medyo malaki naman ang kinikita ko."
"Saka na kapag natapos na ang therapy ng apo ko. Alam mo namang medyo may kamahalan din iyon."
Tinanguan ko na lang siya at hindi na umapila pa.
Paglaon ng ilang segundong katahimikan ay muli siyang nagsalita.
"Hindi mo ba talaga ako tatanungin tungkol sa kanya?"
Alam ko kung sino ang tinutukoy ni Nanay. Ang ama ko. Sa loob ng limang taon namin na naninirahan dito sa Canada ay ilang beses na niya akong tinanong nito. Ganoon pa rin ang sagot ko.
"Hindi na po. Inayawan niya naman ako, hindi ba?"
Malungkot akong pinagmasdan ni Nanay. Simula noong makabangon, isa sa mga pinakaimportanteng natutunan ko sa buhay ay ang hindi pagpilit sa isang bagay. Na hindi ko dapat ipilit ang sarili sa taong inayawan at sinukuan naman ako. Dapat bago magmahal ng iba, sarili muna ang mahalin. Bago pahalagahan ang iba, matuto dapat na pahalagahan ang sarili. Upang kung sa huli ay mawala ang isang taong pinag-ukulan ng panahon at pagmamahal, hindi niya madala ang lahat lahat sa'yo. Hindi sagad sa buto ang sakit.
Noong una ay gustong-gusto kong manakit at maghiganti dahil sa matinding poot na bumalot sa buong pagkatao ko. Habang patuloy na pinagbubuntis si Dillon ay iyon lamang ang laman ng isipan ko. Iniisip ko na sa pagpapalaki ko kay Dillon ay tuturuan ko siyang kamuhian ang sariling ama. Sasabihin ko sa kanya ang pagtakwil na ginawa nito. Na kung dumating man ang araw na magkita sila ay galit ang ipararanas ng anak ko kay Caleb kasabay ng galit na mayroon ako.
Nagbago ang lahat ng iyon noong isilang ko si Dillon. Nang kauna-unahan kong nasulyapan ang maaliwalas na mukha ng anak ko. Sa unang pagkarga ko sa maliit niyang katawan ay lumambot ang puso ko. Sa unang ngiti niya ay namatay ang galit na sinindihan ko. Natuto akong magpatawad sa lahat. At higit sa lahat, pinatawad ko ang aking sarili dahil sa bawal na pagmamahal.
Kinaumagahan ay hinatid ko si Dillon sa ospital para sa weekly therapy niya. Binubuo ito ng behavior therapy, play-based therapy, physical therapy, and nutritional therapy kaya naman ay may kamahalan talaga. Hindi na isinama ang speech-language therapy dahil wala naman ng problema si Dillon dito.
Matapos mai-park ang sasakyan ay bumaba na kami. Hinawakan ko ang isa niyang kamay at naglakad na kami papasok ng ospital. Tiningala niya ako.
"Can I play there, Nanay?"
Nginitian ko siya. "Of course, Dil. But, you have to listen to Doc Nancy, alright?"
"Yippe! Will do!"
Mahina akong natawa sa siglang ipinapakita niya. Gustong-gusto niya kapag nagte-therapy dahil sa play based-therapy kung saan naglalaro lang talaga siya sa isang silid habang inoobserbahan lang ng doktor.
Hindi na ako nagulat ng sinalubong kami ni Theo sa lobby ng ospital. Alam din niya ang schedule ng therapy ni Dillon. Nakasuot na siya ng lab coat niya. Lumapad ang ngisi niya nang binalingan ang anak kong malikot dahil sa sigla.
Yumuko siya at ginulo ang buhok ng anak ko.
"Hey there, big boy!"
"Where's my lollipop?" paniningil ng anak ko.
Sa tuwing magkikita ang dalawa ay palagi niyang binibigyan ng lollipop ang anak ko. Minsan naman tsokolate.
Umastang pekeng nag-iisip si Theo. Pinigilan kong tumawa.
"Well, did you cry today?" paghahamon niya.
Mabilis ang pag-iling na ginawa ni Dillon.
"No, I didn't. I was brave!"
Humugot si Theo sa bulsa ng kanyang lab coat.
"And because of your bravery, lollipop has come out!"
Kaagad itong sabik na tinanggap ng aking anak. Nagkatinginan kami ni Theo at sabay na napangiti.
"Remember your manners, Dil..." paalala ko.
"Thank you, Uncle Theo!"
"You're welcome, Dil!"
Nagsimula na kaming maglakad papunta sa silid ng doktor ni Dillon. Sinamahan nga kami ni Theo. Matagal na siyang nanliligaw sa akin. Malapit rin ang loob ng anak ko sa kanya. Napakabuti rin naman kasi ng turing niya sa anak ko.
"Kailan ka pa dumating?" tanong ko.
"Earlier this morning. May gagawin pa akong rounds pagkatapos dito bago ako pumunta ng nursing home mamaya."
Pumasok na kami sa loob ng elevator at pinindot na niya ang button ng palapag kung saan ang silid ng doktor ni Dillon.
"Hindi ka ba mahuhuli niyan sa rounds mo? Hindi mo naman kami kailangang ihatid pa."
"It's cool. You know how much I love hanging out with Dil," sagot niya sabay sulyap sa anak kong abala na sa kanyang lollipop.
Ngumiti lang ako at tinanguan na siya.
Matapos kaming ihatid ni Theo sa clinic ni Doc Nancy ay umalis din siya para sa gagawing rounds. Isang oras ang therapy. Maraming tests at activities na ginawa para kay Dillon. Sinuri ang reflexes niya at behavior. Nakaantabay lang ako sa tabi niya buong oras. Sinabihan ako ni Doc Nancy na improving daw ang ipinamamalas ni Dillon. At kung magtutuloy-tuloy ito, pwede na siyang isali sa isang normal class balang araw. Five years old palang naman siya kaya sa special preparatory school ko siya pinag-aaral.
Tanghali na kami nakauwi ng bahay. Matapos pakainin si Dillon ay naglaro na ulit siya. Hinayaan ko lang at nagtungo na ako sa kuwarto. Kinuha ko ang laptop at naupo na sa kama. Hindi pa nagsisimulang mag-scroll sa newsfeed ng facebook ay nakita ko na ang pagtawag ni Raffa. Tinanggap ko ito at nagsimula na kaming mag-video call na kadalasan naming ginagawa tuwing weekends.
"Anong ginawa mo sa buhok mo?" bungad ko kaagad. Naging kulay green na naman kasi ito.
"Isa akong lumot," aniya na ikinatawa ko naman, "Anyways, namiss ko na ang long hair mo, day! Wala ka na bang balak na pahabain pa 'yan? Hanggang balikat lang talaga? Hindi ka naman broken hearted, ah!"
Wala sa sarili akong napahaplos sa dulo ng buhok ko.
"Bakit? Bagay naman sa akin, ah. At saka masanay ka na. Forever ng ganito kaiksi lang ang buhok ko."
"Hay, minsan naiimbiyerna talaga ako sa ganda mo! Anyways, may ibabalita pala ako tungkol sa tiyahin mo."
Ibinaba ko ang mga kamay at umayos na.
"Anong nangyari?"
"Inatake siya noong Huwebes ng gabi. Na-stroke ang Tiyang mo. Naka-wheelchair na nga."
Natigilan ako. Matagal ko na namang napatawad si Tiyang. Nakaramdam ako ng awa sa kanya dahil matanda na rin siya at nag-iisa pa sa buhay. Kasabay ng pagpapatawad ko noon ay ang pagkumbinsi ko kay Nanay na pabalikin na lang si Tiyang sa bahay kahit na nabili na niya ito. Pumayag naman siya.
Bago pa ako makasagot kay Raffa ay dinig ko ang katok mula sa pintuan. Ilang segundo pa ay bumukas din ito at pumasok si Nanay. Marahil ay nakita niya ang pag-aalala sa mukha ko.
"May problema ba, anak?" aniya at mabilis na lumapit sa kinauupuan ko. Napatingin na rin siya sa katawagan kong si Raffa. Binati siya nito.
"Nay, na-stroke daw po si Tiyang..."
Umawang ang kanyang labi at ilang beses na napakurap.
"Diyos ko..." Naninimbang ang tingin na ipinupukol niya sa akin, ''Anong plano mo, Win?"
Napakagat ako sa pang-ibabang labi. Mariin kong tinitigan si Nanay.
"B-Baka... Baka panahon na po para umuwi tayo ng Pilipinas."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top