Chapter 19
Chapter 19
Galit
Lumipas ang ilang linggo. Hindi na masyadong naging sensitibo ang pagbubuntis ko. Isang buwan lang ang tiniis kong pagsusuka ng ilang beses. Dahil na siguro sa pagiging balingkinitan ng katawan ko ay hindi masyadong malaki ang aking tiyan. Nadedepina lang ang pagiging buntis ko kapag nagsusuot ako ng mga fit na damit.
"Sasama ka, Winona ha! Hindi na naman masyadong maselan 'yang pagbubuntis mo," nakangising pahayag ni Lyn.
Naging abala kami sa pag-uusap tungkol sa outing na gagawin sa Sabado. Napakaingay namin sa kusina.
"Siyempre, isasama natin si Winona! Para naman makapag-break siya sa trabaho. Celebration na rin sa pagiging Employee of the Month niya," sabad naman ni Ma'am Caitlyn. Hindi matanggal ang tamis ng ngiti niya.
"Oy! Si Ma'am Caitlyn, malaki ang smile. Sigurado akong hindi lang 'to dahil sa nalalapit na outing natin. Dahil din 'to kay Attorney!" panunukso ni Ate Jelay.
Nailing lang si Ma'am Caitlyn habang natatawa. Sinong mag-aakala na 'yong lalaking nagtanong pala sa akin noon tungkol kay Ma'am Caitlyn ay ex boyfriend niya pala at kasulukuyan siyang nililigawan ulit. Napangiti na lang ako.
"Alright. That's enough. Magligpit na tayo nang makapagsara na ng cafè. Gusto niyo namang umuwi hindi ba?" si Ma'am Caitlyn.
Nakangising umirap lang ang mga kasamahan ko. Natawa naman ako. Nahuli kami ng paglabas ng kusina ni Ma'am Caitlyn.
Nginitian niya ako. "Nakaisip ka na ba ng ipapangalan sa baby?"
"Hindi pa po. Maaga pa naman kaya may panahon pa para pag-isipan."
"You know that you're not alone right? Nandito lang kaming mga kasamahan mo sa trabaho. Don't hesitate to seek help from us."
Ngumiti ako. Naging emosyonal dahil sa ipinapakita nilang lahat sa akin na suporta. Lalong-lalo sa kabaitang laging ipinapamalas ni Ma'am Caitlyn sa akin.
"Alam ko po. At talagang nagpapasalamat po ako."
Bumuntonghininga siya at napatingin kina Ate Jelay na abala na sa pagwawalis.
"Tingin ko rin nagkukumparahan na ng listahan sina Ate Jelay at Lyn sa ipapangalan sa anak mo," natatawa niyang sinabi.
Natawa na rin ako. Ngunit sa kaloob-looban, parang may humawak sa puso ko. Minalas man ako sa pag-ibig, lubusan naman akong sinuwerte sa mga natagpuang kaibigan.
"Sure ka na ba talaga na okay lang na sumama ka? Medyo malayo kaya 'yon. Hindi ba mapapahamak si Baby niyan? Dapat siguro magpahinga ka na lang, day," aligagang pagtutol ni Raffa habang abala ako sa paglalagay ng mga gamit sa bag.
"Dalawang araw lang naman kami do'n sa beach. At hindi ako mapapahamak, okay? Kumalma ka lang."
Inirapan niya ako.
"Concern lang naman ako sa inaanak ko!"
Gusto kong matawa. Masyado kasing istrikto si Raffa. Daig niya pa ako sa pagiging nanay kung makaalaga sa ipinagbubuntis ko.
"Fine! O siya, may alert na. Nandiyan na sa labas 'yong Grab driver," aniya habang nakatingin sa cellphone. "Sa pier kayo magkikita ng iba pang kasama mo sa cafè 'di ba?"
"Opo, Nay," panunuya ko.
Inignora niya lang ito at naglahad siya ng palad.
"Akin na 'yang bag mo. Ako na ang magdadala, day."
"Alam mo, kung naging lalaki ka siguro, ang suwerte ng girlfriend mo," sabi ko habang papalabas na kami ng apartment.
"Ew, Win! Ew!"
Natatawa akong pumasok na ng sasakyan.
Tinamasa ko ang sariwang hangin habang ninanamnam ang nakakakiliting nararamdaman sa mga paa dahil sa napakapinong buhangin. Napakaganda ng Beach Verde. Medyo malayo nga siya sa bayan ngunit sulit naman dahil sa napakaputing buhangin. Kahit may mga kabahayan man ay nananatili pa rin ang kalinisan ng lugar.
Magda-dapithapon na at katatapos lang namin sa mga palaro na hinanda talaga ni Ate Jelay para raw enjoyable naman ang aming kauna-unahang outing. Ang iba kong kasamahan ay naglalapag na ng banig a buhangin. Samantalang si Ma'am Caitlyn naman at Attorney ay umalis. Sina Ate Jelay at Lyn naman ay abala sa pagluluto ng barbeque. Nag-alok ako na tumulong pero kaagad naman nila akong tinanggihan at sinabihan pang magpahinga na lang muna.
Iyon nga ang ginawa ko. Nagpahinga ako habang naglalakad-lakad sa dalampasigan. Nang mapagod na ay binalikan ko sina Ate Jelay.
"...Nandoon nga. Ang dami nila, Ate. Ang gagwapo pa!" naabutan kong sabi ni Lyn.
"Naku, Lyn. Iba na lang ang pagtuonan mo ng pansin. Kapag ganyan ang trabaho, maraming mga babae!" Napasulyap si Ate Jelay sa akin.
"Ako na po ang magpapaypay niyan, Ate," sabi ko habang tinitingnan ang mga nilulutong barbeque na kababaligtad lang yata.
"Huwag na. Ako na. Maupo ka na lang doon kasama nina Eli."
Kinalabit ako ni Lyn sa balikat kaya napatingin na ako sa kanya.
"May mga poging taga Armed Forces of the Philippines do'n, Win. Nakatambay sa may kalsada. Puntahan natin! Kunwari nawawala tayo at nangangailan ng tulong nila," suhestiyon ni Lyn na dinaig pa ang kriminal sa modus na naisip.
Kaagad siyang sinipat ni Ate Jelay.
"Tumigil ka nga, Lyn! Idadamay mo pa talaga itong si Winona."
Ngumuso si Lyn. "Malay mo naman po, Ate. Baka doon makilala ni Winona ang kanyang forever. Ayaw mo no'n? May instant daddy na si Baby!"
Kinurot siya ni Ate Jelay sa tagiliran.
"Ikaw talaga! Kung anu-ano na lang ang ideyang pumapasok diyan sa kokote mo..." Iniabot niya kay Lyn ang pamaypay. "Hawakan mo nga muna 'to. Bibili pa pala ako ng toyo. Nakalimutan nating magdala."
"Ako na ang bibili, Ate!" agap ko.
"O siya sige. Nasa may 'di kalayuan lang naman siguro ang tindahan dito."
"Sige po." Tumango ako at nagsimula nang maglakad.
Binaybay ko ang nag-iisang kalsada na sementado. May iilang na akong nakikitang mga kabahayan. May nadadaan din akong mga batang naglalaro sa daan. Napangiti ako at wala sa sariling napayos sa tiyan. Hindi magtatagal at makikita ko rin ang sarili kong anak na maglaro sa kalsada. Uminit ang puso ko sa naiisip.
Sa unahan ng mga batang abalang naglalaro ay nakita ko nga ang mga sundalo na tinutukoy ni Lyn. May nakaparada rin na dalawang truck nila. Sa nakikita ko ay mukhang hindi naman sila magtatagal dito.
Umiling na lang ako para mawala ang takot at huminto na nang makakita ng isang maliit na tindahan. Bumili ako ng toyo gaya na lang ng iniutos ni Ate Jelay. Nang maabot na ang bayad ay tumalikod na ako at humakbang papalayo. May sundalo naman akong nakasalubong.
"Bubble gum nga po. Dalawa." Dinig kong sabi niya sa baritonong boses.
Napahinto ako dahil sa pamilyar niyang boses. Napalingon ako kaagad dito at dahil nakatalikod siya ay tanging malapad na likod lang niya ang nakikita ko. Nakasuot ng unipormeng pang-army na kulay green. May suot din siyang green na sombrero.
"Ben?"
Mabilis ang ginawa niyang paglingon. Kita ko ang gulat sa mga mata niya nang makita ako.
"Anong ginagawa mo rito, Winona?"
Napakurap ako dahil unang beses siya na nakita na suot ang uniporme. Bagay na bagay sa kanya.
"Ah... May outing kami ng mga kasamahan ko sa cafè." Alam ko naman na miyembro siya ng AFP bago kinuha ni Caleb bilang isa sa mga personal bodyguards. Karamihan naman talaga sa mga bodyguards ng politiko ay galing sa AFP.
Agaran siyang napatingin sa dalampasigan.
"Kayo pala 'yon..."
"Bumalik ka pala sa military?"
"Ah. Oo. Ni-recruit kasi ulit ako."
Tumango lang ako. Sabay kaming napasulyap sa kalsada nang marinig ang iyak ng isang batang nadapa na kaagad namang dinaluhan ng siguro'y kanyang ina. May nahagip ang tingin ko na isang kotse sa may 'di kalayuan nito.
Muli kong ibinalik ang tingin kay Ben.
"Kumusta ka na?" tanong niya.
"Okay lang naman..."
Marahan siyang tumango. Kumunot ang kanyang noo habang nakatingin sa bandang tiyan ko. Hindi naman ito klaro dahil sa suot kong kulay pink na sleeveless casual tank top na sobrang luwag at tinernohan ko lang ng puting cotton shorts.
"Captain!"
Sabay kami ulit na napalingon dahil sa pagtatawag ng isa pang sundalo sa kanya.
Tinanguan niya ito at muli siyang bumaling sa akin.
"Kailangan na naming umalis." May kaonting ngiti na sa kanyang mga labi, "Masaya ako na nakita ka, Winona. Mauna na ako."
Ngumiti ako pabalik. "Sige. Ingat kayo!"
Tinakbo niya ang pagpunta sa truck nila. Ilang minuto pa ay umandar na rin ito papalayo sa salungat na daanan. Humakbang na rin ako pakabila. Hindi na matanggal ang ngiti ko dahil nakita kong maayos naman ang lagay ni Ben. Hindi ko pala tuluyang nasira ang buhay niya.
Habang naglalakad ay nakayuko naman ako. Humugot ako ng malalim na hininga at pinakinggan lang ang tawanan ng mga bata sa daan. Agad akong napahinto nang makita ang pares ng mga paa na nakaharang sa daanan ko. Unti-unti akong nag-angat ng tingin at biglang tumigil ang mundo ko dahil sa nakitang napakapamilyar na mukha.
"C-Caleb..." sambit ko.
Kaswal na nakapamulsa lang siya sa suot na brown khaki pants. Tenernohan niya ito ng white button down shirt.
Mariin niya akong tinititigan lang ng ilang segundo. Hindi siya nagsalita.
"A-anong ginagawa mo rito?"
Nag-iwas siya ng mukha. Dahil sa ginawa niya ay mas nadepina ang kanyang Adam's apple. Pansin ko ang paggalaw nito dahil sa mabigat na paglunok niya.
"I... I came here to actually beg..." Bakas sa boses niya ang panggigigil. Muli niya akong tiningnan. Lantarang tumalim ang tingin niya sa akin. "Pero hindi pala dapat. Kayo pa rin pala ng lalaking 'yon, huh?"
Naningkit ang mga mata ko dahil sa kalituhan.
"A-anong pinagsasabi mo? Sinong lalaki?"
"Hanggang ngayon ba talaga gagaguhin mo pa rin ako?" malamig niyang sinabi. "Si Ben 'yon kanina, 'di ba?"
Umawang ang labi ko. Nakita niya kami? Nanlamig ako bigla nang maunawaan ko ang siguro ay tumatakbo sa isipan niyang tungkol sa amin ni Ben.
"I was restless for a month! Kakaisip sa... sa marahas na pagtrato ko sa'yo no'ng...no'ng tumawag ka... It nearly killed me thinking how I fucking hurt you. So I came here thinking that I should beg! Sabi ko sa sarili ko na magmamakaawa ako hanggang sa... mapatawad mo ako! Hanggang sa tanggapin mo ulit ako...Tapos naabutan ko kayo ni Ben?" humina ang boses niya sa huling sinabi. Tila ba nauubusan na ng lakas.
Dumapo ang tingin niya sa tiyan ko. Umigting ang kanyang panga.
"Maybe Fatima's right, huh? Siguro nga hindi ko talaga anak 'yong batang ipinagbuntis mo..."
Sa isang iglap ay dumapo ang palad ko sa pisngi niya. Umalingawngaw sa buong paligid ang tunog na dulot ng pagsampal ko sa kanya.
"Ang kapal ng mukha mong sabihin 'yan sa'kin..." nanginginig kong sinabi.
Hindi siya natinag. Ni hindi siya ngumiwi sa sakit ng sampal ko. Puno ng galit ang mga mata niya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinantayan ko ang galit niya.
"Wala kang... Wala kang karapatang sabihin iyan tungkol sa anak ko!" sigaw ko.
Ibinaba niya ulit ang tingin sa aking tiyan. Punong-puno ng pagkasuklam at pandidiri ang tingin na ipinupukol niya.
"Why would you care? Pinalaglag mo naman hindi ba?"
Natigilan ako. Iniisip niyang ipinalaglag ko nga ang bata? Bakit bakas sa boses niya ang pagtutol gayong wala naman siyang pakealam noong sabihin ko iyon sa kanya? Bakit puno ng pang-aakusa ang tingin niya sa akin ngayon? Pwes kung ganoon din lang ang tingin niya ay hahayaan ko siya!
"Oo! Ano ngayon kung ipinalaglag ko nga?! Ano ngayon? Tingin mo naman hindi 'yon sa'yo 'di ba?! Sige, kay Ben 'yon! Oo na! Kay Ben 'yong bata!" sigaw ko. Patong-patong na ang mga kasinungalingan para lang masaktan siya. Para maibalik sa kanya ang sakit na pinararanas niya.
Bumuka-sara ang bibig niya. Sa huli ay matigas niya itong itinikom. Nalilito ako sa pinaghalong galit at sakit sa mga mata niya. Hindi ko maintindihan kung bakit ginagawaran niya ako ng mali-maling kombinasyon ng emosyon.
"Umalis ka na!" muli kong sigaw ngunit para naman siyang tuod na nakatayo lang sa harap ko. "Pwede ba, umalis ka na! Umalis ka na!" sunod-sunod na sigaw ko. Walang pakealam kong nakakaistorbo na sa mga kabahayan.
Walang imik niyang sinunod ang sinabi ko. Unti-unti akong yumuko hanggang sa makarinig na lamang ako ng pinaharurot na sasakyan. Hindi ako umiyak. Pinigilan ko ang sarili na umiyak. Hindi na ako iiyak para sa kanya.
Nanginginig sa galit ang buo kong katawan. Mas nangibabaw rito ang matinding sakit. Nangangatog ang tuhod ko hanggang sa hindi ko na nga ito maramdaman. Nagdilim ang paningin ko. Nawalan ako ng ulirat at tuluyan ng humandusay sa sementadong kalsada.
Nang magising ako ay una kong napansin ang isang dextrose na nakakabit na sa braso ko. Mula rito ay iginala ko ang tingin sa kabuuan ng silid kung nasaan ako. Napagtanto ko kaagad na isa itong ospital dahil sa puting kulay na nakikitang pinta sa kabuuan.
"Gising na si Win!" si Raffa na mabilis na nagpunta sa gilid ng hinihigaan ko.
Mabilis na lumapit din sina Ma'am Caitlyn at Ate Jelay.
"B-Bakit ako nasa ospital?"
"Nahimatay ka sa kalsada, Winona. Mabuti na lang at pinasundo kita kay Lyn dahil nag-aalala kami sa'yo kung bakit natagalan ka sa tindahan. Kaya hayun, nakita ka niyang pinapalibutan na ng mga tao. Dinala ka namin dito sa pinakamalapit na ospital."
Lumunok ako at pumikit nang mariin ang inaalala ang mga nangyari. Unti-unti akong napahawak sa tiyan. Dumilat ako at bumungad sa akin ang pinaghalong lungkot at pag-aalala na bumalatay sa kanilang mga mukha.
"H-Humandusay ako sa kalsada... Ang baby ko... Baka napano... ang baby ko..."
Mas lumapit pa si Raffa sa akin. Marahan niyang hinaplos ang buhok ko.
"Na-check na ba ng doktor ang baby ko? Baka naipit 'to sa loob... Baka nasaktan ang baby ko, Raffa. Wala namang masakit sa akin kaya dapat na unahin ang baby ko!" natataranta at nag-aalala kong sinabi.
Tumigil si Raffa sa paghaplos sa aking buhok. Marahan niyang kinuha ang kamay ko. Napapikit siya. Kasabay ng paghigpit ng pagkakahawak niya sa aking kamay, naramdaman ko naman ang kanyang luha na tumulo sa bandang noo ko.
"Wala na si baby, Win," namamaos niyang sambit.
"Ha?! Anong pinagsasabi mo?! Nandito pa sa tiyan ko ang baby ko!"
"N-Nakunan ka, Win... Wala na si baby..."
Unti-unti akong bumangon. Hindi ko inalintana ang sakit ng katawan na naramdaman. Gusto kong patunayan kay Raffa na nagkakamali siya. Kaagad nila akong inawat.
"Hindi totoo 'yan! Buhay ang baby ko! Ako ang ina kaya alam ko!"
"Nandito na si Doc. Just stay on the bed, Win," marahang sabi ni Ma'am Caitlyn.
Unti-unti akong kumalma. Sasabihin ni Doc sa kanila na okay ang anak ko. Makikita nila. Magiging okay ang lahat. Humiga ulit ako at kaagad na napatingin sa babaeng doktor.
"Doc, ang anak ko? Kumusta ang anak ko?"
Napatingin siya sa mga kaibigan ko. May kung anong namagitan sa tinginan nila. Nang muli niya akong tiningnan ay bumalatay sa kanyang mukha ang matinding kalungkutan. Ginapangan ako ng walang humpay na kaba.
"Ikinalulungkot kong sabihin sa'yo, Miss Santibañez...nagkaroon ka ng miscarriage... Masyadong mahina ang kapit ng baby..."
Hanggang doon lang ang narinig kong sinabi niya. Nabingi na ako. Miscarriage. Ito lang ang tanging namayani sa pandinig ko.
"Hindi! Hindi pwede! Ibalik mo sa'kin ang anak ko! Ang baby ko... Ang kawawang baby ko..." humagulgol na ako.
Naiiyak akong niyapos ni Raffa. Kasabay ng pagkawala ng anak ko, pinatay ko na rin ang sarili ko.
"Sabi ni Nanay, bibisitahin ka raw niya ulit dito sa apartment bukas. Ipagluluto ka raw niya ng pinakbet! 'Di ba paborito mo 'yon?" masiglang anunsiyo ni Raffa habang hinahawi ang kurtina sa bintana ko.
Alam ko naman na gusto niya akong hawaan ng sigla. Gustuhin ko man na pagbigyan siya ay hindi ko magawa. Pati yata emosyon ay pinatay ko na.
Lumipat ako ng upuan at nagpunta sa may sulok para maiwasan ang sinag ng araw. Ipinagpatuloy ko ang tahimik na pagbabasa ng libro tungkol sa babies.
Pansin ko sa kanyang mga hakbang ang paglapit niya sa akin.
"Hindi ka pa ba napapagod na magbasa niyan. Dalawang linggo na, ha. Ipahinga mo na 'yang mga mata mo, day."
Hindi ako nag-angat ng tingin at nagpatuloy lang sa pagbabasa.
"Ang sabi rito, dapat daw binabasahan ng mga kuwento ang babies kahit na nasa sinapupunan palang dahil nakikinig pa rin daw 'to. At tiyak na magiging matalino paglaki. Tingin mo, ano kayang story book ang magugustuhan ng baby ko?"
Dinig ko ang malalim na pagbuntonghininga niya.
"Akin na 'yang libro mo," utos niya.
Umiling ako. "Hindi pa ako tapos. Kailangan ko pang basahin ang mga susunod na pahina para kay baby. Kailangan kong malaman—"
Walang pasabi niyang hinablot ang libro na hawak ko. Kumuha ako ng bago mula sa ilalim ng center table. Binili ko ang mga ito noong unang buwan na pagbubuntis ko. Hindi ko pa man nabubuksan ang libro ay hinablot na naman niya ito. Kumuha ulit ako. Ganoon pa rin ang ginawa niya. Kumuha ako ng dalawa pa. Marahas niya itong kinuha mula sa mga kamay ko.
"Tama na! Tama na, Win!" singhal niya.
Muli akong nangapa sa ilalim ng center table ngunit wala na akong nahanap pa. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko. Iniyugyog niya ito.
"Hanggang kailan ka ba magiging ganito?! Nakaka-imbyerna ka na! Kailan ka ba magpapakabuhay ulit?"
Parang tuod ko siyang tiningnan. Hindi ko alam kung bakit puno ng pag-aalala ang hitsura niya. Hindi ko alam kung bakit lahat sila nag-aalala sa ikinikilos ko.
"Papasok na ako sa trabaho ngayong Lunes. Hindi mo na ako kailangang i-chaperone," walang ka buhay-buhay kong saad.
Napasabunot siya sa sariling buhok.
"Win, hindi ganyan ang ibig kong sabihin! Magpakita ka naman ng kahit kaonting emosyon. Magpakita ka naman ng interes sa buhay! Mabuhay ka naman ulit..."
Nag-iwas ako ng tingin.
"Magtatrabaho na nga ako ulit, 'di ba?"
"Wala na si baby mo... Dapat simulan mo nang tanggapin ang katotohanan na 'yan para makausad ka sa buhay. Tanggapin mo na... parang awa mo na, day!"
Suminghot ako. Unti-unti ng nanginginig ang mga labi ko pero ayaw pa ring magsilabasan ng mga luha. Tila ba naubos na ito. Nanginginig ang buo kong katawan sa emosyon na hindi ko na kayang ilabas pa. Umungol ako na parang sugatan na hayop na kailanaman ay hindi na magagamot. Niyapos ako ni Raffa at siya na ang gumawa sa bagay na hindi ko na kayang gawin. Ang umiyak.
"Hindi ko man lang siya nabigyan ng pangalan..." paulit-ulit na sambit ko habang niyayakap niya.
Ingay ng katok mula sa pintuan ang gumising sa akin isang umaga sa sumunod na araw. Suot ang daster na pantulog ay lumabas ako ng kuwarto upang pagbuksan ang kumakatok. Nang mabuksan na ang pinto ay bumungad sa akin si Tiyang na nagpupuyos sa galit ang mukha dahil sa pamumula nito at paulit-ulit na pagtaas-baba ng kanyang dibdib.
Ito ang unang beses na muli ko siyang makita simula noong huli niyang pagbisita sa akin sa cafè para humingi ng pera. Hindi niya alam na buntis ako. At siguro hindi niya rin alam ang pagkawala nito.
"Ano pong kailangan niyo?" walang ka-emosyon emosyon kong tanong. Wala na akong pakealam kung pagsasalitaan man niya ng mga masasakit na salita. Dahil wala ng mas dadaig pa sa sakit na kasalukuyang tinatamasa ko.
Walang pasubali ay pumasok siya sa loob. Hinayaan ko siya. Muli kong isinara ang pinto at sumunod sa kanya. Parehas kaming nakatayo sa may sala kahit na may mga upuan naman. Bumaba ang tingin ko sa kamay niyang may hawak na isang razor na pang haircut. Lumapit siya sa akin at hinarap niya ako.
"Ikaw ba ang bumili ng bahay ko?!" galit niyang tanong.
Kumunot ang noo ko.
"Hindi ko po alam ang sinasabi ninyo."
Isang malutong na sampal ang iginawad ng kamay niya sa akin. Napangiwi ako sa sakit.
"Sinong niloloko mo?! Ginamit mo siguro ang pera ng kinakalantari mong may asawa, ano?!"
Hindi ako sumagot. Nanigas lang sa kinatatayuan.
Marahas niyang hinila ang dulo ng nakalugay kong buhok. Pinabayaan ko siya.
"Punyeta kang bata ka! Matapos kitang palamuyin tutuklawin mo rin ako! Sasaksakin mo ako sa likod?! Ako na nagpalaki sa'yo!" Hinila niya ako hawak ang buhok ko. Kinaladkad niya ako sa loob ng sarili kong apartment. Hinayaan ko siya dahil wala naman akong maramdaman.
"Hindi mo ba ako lalabanan?! Aba't siguro nga ay guilty ka talagang malandutay ka!"
Sapilitan niya akong pinaupo sa silya na nasa tapat ng tukador. Nakita ko ang mukha ko sa harap ng salamin ngunit wala akong ni kaunting koneksiyon na naramdamam sa babaeng nasa harap.
Dinuro-duro niya ang ulo ko. Dahil sa panghihina ay paulit-ulit akong napayuko. Hindi ko siya pinigilan.
"Ano bang ipinagmamalaki mo? Itong maganda mong mukha?! Sige tingnan natin!"
Dinig ko ang tunog ng ni-on niyang haircut razor. Hindi nagsegundo ay pinalandas niya ito sa ulo ko.
"Maganda ka 'di ba?! Pwes tingnan natin ngayon ang ganda mo!"
Hindi ako kumurap. Nanatili lang ang deretsong titig sa salamin. Unti-unti na ngang nalalagas ang mahabang buhok. Wala pa rin akong maramdaman.
Hindi ko na marinig ang mga pinagsasabi ng tiyahin. Nilukob ng ingay ng kanyang razor ang pandinig ko. Unti-unti ko nang nakita ang babae sa harapan na ngayon ay kalbo na. Hindi ko pa rin siya makilala.
Ilang minuto pa akong nakatitig lang sa babaeng nasa salamin. Hindi ko namalayan ang paghinto ni Tiyang sa ginagawa. Gusto ko siyang sabihan na hindi pa siya tapos dahil may mumunting mga buhok pa na natira. Dahan-dahan akong napalingon at hindi nakita ang sariling tiyahin sa likuran kundi nasa gitna na ng sahig dahil sa pagkaladkad sa kanya ng isa pang babae. Isang babae na kamukhang-kamukha ko. Isang babae na siyang unang nang-abandona sa musmos na ako.
"Ako! Ako ang bumili ng bahay mo! Kaya lumayas ka na do'n ngayon din!" sigaw ng aking ina sa sarili niyang kapatid. Punong-puno ng galit.
Bumaba ang tingin ko kay Tiyang na ngayon ko palang nakitaan ng matinding takot. Nanginginig siyang tumayo at parang tuta na mabilisang lumabas na ng apartment.
Nilingon ako ni Nanay. Ang galit na nakita ko sa kanyang mga mata kanina ay kaagad na napalitan ng habag at matinding pag-aalala. Pinagmasdan niya ang hitsura ko. Marahil ang nakikita niya ay ang isang kalbo na nakasuot ng puting daster. Patay na sa loob.
Parang rumaragasang talon na bumuhos ang mga luha niya. Dahan-dahan niya akong nilapitan. Animo'y isang daga na takot sa leyon. Nawala na parang bula ang katapangan na ipinamalas niya kay Tiyang kanina. Nang maabot ako'y kaagad niya akong niyakap nang mahigpit.
"Winona... Winona... Anak ko... Patawarin mo si Nanay...Patawarin mo ako... Nahuli ako ng dating..." humagulgol siya.
Kung gaano ka init ang yakap niya ay ganoon din ka lamig ang isinukli ko.
"Mahal kita, anak. Mahal na mahal kita..."
Gumuho ako. Tanging mga salitang iyon lang pala ang matagal ko ng hinihintay. Napaungol ako sa matinding sakit ng pinagdaanan. Umalingawngaw ang sakit at galit ng bawat ungol ko sa buong apartment. Unti-unting nawala ang sakit. Napalitan ito ng poot at galit. Galit para sa lahat ng nanakit. Galit para sa sarili. Lahat ng iyon ay niyakap ng ina ko.
Siguro nga ay nanghina na rin siya. Dahil nang paluhod akong bumagsak sa sahig ay sumunod naman siya.
"Aalis tayo rito, Winona. Ilalayo kita rito. Babangon ka. Tutulungan kitang bumangon.."
Kasabay ng pangangako niya ay ang pangangako ko rin sa sarili. Mabubuhay ako. Yayakapin ko ang galit. Mabubuhay ako para maghiganti.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top