Chapter 17
Chapter 17
Pagtataksil
Hindi ako umuwi ng apartment. Alam kong iyon ang unang lugar na pupuntahan ni Caleb. Tinadtad niya ng mensahe at tawag ang cellphone ko. Inignora ko lamang ito. Tumuloy ako kina Raffa. Nakiusap ako na huwag niyang ipaalam kay Caleb kung nasaan ako.
"Sinagot ko na ang ikalimang tawag ni Gov para 'di na siya magduda pa. Sinabi kong hindi ko alam kung nasaan ka," anunsiyo ni Raffa. Nasa loob kami ng bakanteng kuwarto ng kanilang bahay.
"Salamat..."
"Hindi ako sure kung naniwala siya, day. Maya nito sumugod 'yon dito at halughugin 'tong buong bahay makita ka lang."
Pinisil ko ang mga daliri at nagbaba ng tingin.
"Hindi naman siguro hahantong sa gano'n."
Malungkot siyang napabuntonghininga.
"Diyos ko.... Hindi pa rin ako makapaniwala na may sakit ang asawa niya! Sure na sure na ba talaga? Final answer?"
Marahan akong tumango. "Si Ben na ang nagkumpirma."
"At isa pa 'yang hot bodyguard na 'yan ha! Nakakaloka! Ang gugulo ng lovelife niyo! Buti na lang wala ako no'n."
Bahagya akong napangiti sa kanyang sinabi. Kahit papaano ay medyo gumaang ang bigat na pasan ko.
Muling sumeryoso ang hitsura niya at naupo siya sa tabi ko.
"Ano na bang plano mo? Alangan naman magtago ka rito habang buhay! At saka for sure, nawindang iyong si Gov. Iniwan mo ba naman sa kama, day."
Mapait ko siyang tiningnan. "Malalaman mo rin."
Sabay kaming napaigtad ni Raffa nang biglang narinig ang katok mula sa pinto. Pareho rin na nawala ang aming kaba dahil sa narinig na boses ng Nanay niya. Kaagad na tumayo si Raffa at pinagbuksan ng pinto ang ina.
"Nay, naman. Aatakehin kami sa puso dahil sa'yo eh," bungad ni Raffa.
"Ikaw na kaya uminom ng pang-maintenance ko?" ratsada naman ni Nanay Lolit. Nilinga niya ako at pumasok na siya sa loob.
"Nasa labas si Gov," si Nanay Lolit.
Marahas na napasinghap si Raffa at kaagad akong nilingon.
"Sige na, day! Pumasok ka na sa loob ng cabinet, o kaya'y doon ka na lang pumasok sa ref naming sira! Siguro naman hindi ka na matutunton ni Gov doon," natataranta niyang utos. Nanigas naman ako sa kinauupuan at hindi alam ang gagawin.
Nilingon siya ng kanyang ina.
"Kanina. Wala na ngayon sa labas. Sinabihan kong wala rito si Winona kaya umalis din."
Madramang napahawak si Raffa sa kanyang dibdib.
"Nay, naman! Aatakehin talaga ako sa inyo. Grabe! Dapat sa susunod na magbigay kayo ng impormasyon, iyong kompleto naman..."
Inirapan siya ni Nanay Lolit. "Eh hindi mo kasi ako pinatapos kaya gano'n." Binalingan ako ulit ni Nanay Lolit. "Tingin ko naman ay nakumbinsi ko siya na wala ka rito. Sinabihan ko siyang hindi ako nagsisinungaling itaga niya pa sa puntod ni Emil."
Napairap sa kawalan si Raffa.
"Nay, ginamit niyo na naman ang pangalan ni Tatay. Pinatay niyo na naman siya eh sumakabilang bahay lang naman!"
Inismiran siya nito. "Hindi niya naman alam 'yon. O siya at ako'y magluluto na ng hapunan natin. Ipagluluto kita ng paborito mong pinakbet, Winona."
Nginitian ko siya. "Salamat po, Nay."
Hindi lingid sa kaalaman ni Nanay Lolit ang pakipagrelasyon ko kay Caleb. Ngunit tulad din ni Raffa, hindi niya ako hinusgahan. Kahit na pareho naman sila ng napagdaan ni Fatima na kinaliwa ng asawa. Ngunit sa kabila nito hindi nag-iba ang turing niya sa akin.
Sa pangalawang araw na pamamalagi ko sa bahay nina Raffa ay tinawagan ko si Ma'am Caitlyn. Humingi ako ng paumanhin dahil sa walang pasabing pagliban na naman. Sinabi ko sa kanyang kung tatanggalin niya ako ay maiintindihan ko. Hindi pa ako handang pumasok. Imbes na gano'n nga ang gawin niya, sinabihan niya lang ako na bukas lamang ang cafè kapag handa na akong pumasok. Sobra ang ginawang pasasalamat ko sa kanya.
Sa ikatlong araw ay napagpasyahan ko nang kausapin si Caleb. Tama si Raffa, hindi naman pupwedeng habang buhay na lang akong magtago mula kay Caleb. Kauna-unahang pag-ring palang ng telepono ay sinagot niya kaagad.
"Jesus Christ... Where the hell are you?" bungad niya kaagad. Sa tono ng boses niya ay parang inaabangan niya talaga ang pagtawag ko.
Habang inilalapat ang cellphone sa tenga ay napatingin naman ako sa mga halaman ni Nanay Lolit na katatapos lang madiligan.
"Nakauwi na ako."
" 'Wag mo naman akong ginagago, Win. I know that you're not in the apartment. Halos mabaliw na ako kakahanap sa'yo."
Humigpit ang pagkakahawak ko sa cellphone dahil sa susunod na sasabihin.
"Hindi mo ba naisip na ayaw kong magpahanap kaya gano'n?"
"Where are you? Mag-usap tayo," magaspang na tanong niya. Inignora lang ang sinabi ko.
"Nag-uusap na tayo 'di ba?"
"Winona, naman. Binabaliw mo ako. What have I done wrong? Okay naman tayo, ah?"
Pumikit ako dahil hindi na makayanan ang pagsusumamo sa boses niya.
"Ayaw ko na, Caleb. Maghiwalay na tayo...please..."
"Wha-? Why?" Dinig ko ang busina ng mga sasakyan sa linya niya. Nai-imagine ko siya na mabilis na naglalakad sa gilid ng kalsada. "Nasa'n ka? Let's talk about it in person. 'Wag naman ganito, Win."
"I'm sorry...pero buo na ang pasya ko at hindi na 'to magbabago pa. Hayaan mo na ako." Ibinaba ko na ang tawag at nanatiling tulala habang tinatanaw ang mga halaman.
Sa sumunod na araw ay bumalik na ako sa trabaho. Kampante naman ako na hindi guguluhin ni Caleb sa cafè dahil siyempre maraming mga tao. Habang dinadaluhan ang order ng isang costumer ay muntik ko nang mabitiwan ang bitbit na tray dahil sa biglaang pagkahilo. Mabuti na lang at nakahawak ako kaagad sa mesa.
"E-enjoy your order, sir," sambit ko nang makabawi na.
Nagpunta ako ng kusina at uminom ng tubig. Hinilot ko ang aking sentido habang hawak-hawak naman ang baso ng tubig sa isang kamay.
"Okay ka lang, Winona?" si Ate Jelay. Napansin ko ang bahid ng pag-aalala sa kanyang hitsura.
"Opo. Medyo nahilo lang kanina."
"Sigurado ka ba na okay na ang pakiramdam mo? Hindi ba kaya ka lumiban dahil masama ang pakiramdam mo? Baka naman hindi ka pa magaling."
Kampante ko siyang nginitian.
"Okay na po ako. Siguro dahil 'to sa init ng panahon." Tinalikuran ko na siya at inilagay ang pinag gamitang baso sa lababo.
"Sabagay, grabe naman din kasi ang init ngayong araw." Dinig kong pahayag niya.
Bumalik ulit ako sa labas at ipinagpatuloy ang pagtatrabaho. Kumuha ako ng order ng costumer sa counter. Napalingon ako dahil sa pagtapik ng kasama kong waitress sa aking balikat.
"Hindi ba 'yan 'yong Aleng nanakit sa'yo no'n?" aniya sabay pagkibot ng kanyang nguso na anyo ng pagturo.
Sinundan ko ng tingin ang itinuro niya at nakita nga si Tiyang na kalmadong nakaupo sa may malapit na bintana. Nakita ko ang paghaba ng leeg niya na parang may hinahanap. Malamang ako 'yon. Humugot ako ng malalim na hininga at binitbit na ang tray na may nakalapag na isang tasa ng kape at isang platito ng aming best seller na cupcakes. Ni-serve ko ito sa costumer sa kanyang mesa at pagkatapos ay nilapitan na si Tiyang. Hindi na siya nagulat nang makita ako.
Tumikhim siya at taas noo akong tiningala dahil nakatayo ako sa harap niya.
"Kailangan ko ng pera," pambungad niya kaagad. "Huwag mo akong matanggihan at sasabihan talaga kitang walang utang na loob. Tandaan mo na ako ang bumuhay sa'yo sa loob ng mahabang taon."
"W-wala na po ba kayong kinakain?" Hindi ko maiwasan ang hindi mag-alala sa kalagayan niya.
Mapagmalaki siyang nag-iwas ng tingin.
"Meron pa naman kahit konti. Umalis na kasi ako sa simbahan kaya wala ng natatanggap na donasyon. Hindi ko kasi nagustuhan ang pamamalakad nila."
Umalis o pinaalis? Hindi ko na isinatinig ang tanong sa isipan. Hinayaan ko na siya kung ganoon man ang turing niya sa nangyari.
"Magkano po ba ang kailangan niyo?"
Muli niya akong tiningnan. Tuso siyang ngumisi.
"Pinapaulanan ka siguro ng pera ng lalaki mo, ano?"
Hindi ako sumagot at nanatili lang na seryosong nakatitig sa kanya. Kapansin-pansin ang pagputi ng kanyang buhok. Klaro na rin ang mga linya sa kanyang noo na dulot siguro ng stress. Gusto kong malungkot sa laki ng ipinagbago ng hitsura niya para lang sa maikling panahon.
"Limang libo," pagpapatuloy niya.
"Wala po akong gaanong pera ngayon, Tiyang. Iipunin ko pa po at baka sa susunod na buwan meron na-"
"Huwag mo nga akong gawing tanga! Ang daming pera ng kinakalantari mong may asawa na tapos sasabihin mong wala ka kahit na limang libo lang naman?" Medyo lumakas ang boses niya kaya may iilang costumers na bahagyang napatingin na sa amin.
"W-wala na po kami...." bulong ko sa paos na boses.
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya ngunit kaagad namang nakabawi at inismiran ako.
"Ang kabit, forever kabit 'yan! Ano? Bibigyan mo ba ako?"
Nilunok ko ang bukol na bumara sa lalamunan.
"Bumalik po kayo rito bukas. Susubukan ko pong bumale o mag advance sa manager namin."
Inirapan niya ako. " 'Yon naman pala, eh. Napatingin siya sa mesa ng costumer na siyang huli kong hinatiran ng order. "Bigyan mo nga ako ng gano'n at mukhang masarap. Kape na rin. Iyong mainit."
Iniwan ko na siya at bumalik na ng counter. Kinuhanan ko siya ng order.
Umismid ang aming cashier.
"Magbabayad ba naman 'yan?"
Marahan akong umiling. "Bawas mo na lang sa sweldo ko, Lyn."
"Minsan talaga, Win, ipinagpapasalamat ko na hindi ako mabait kagaya mo," naiiling niyang sinabi.
Umalis din si Tiyang matapos kumain at uminom ng kape. Hindi na siya nagpaalam. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o madidismaya. Kinahapunan nga ay bumale na ako kay Ma'am Caitlyn. Kinapalan ko na talaga ang mukha ko kahit na alam kong ilang araw naman akong lumiban. Wala namang masamang sinabi si Ma'am Caitlyn at pinabale lang ako.
Matapos ang trabaho ay lumabas na ako ng cafè. Doon na bumulaga sa akin ang BMW ni Caleb na nakaparada sa gilid ng kalsada. Binilisan ko ang paglalakad at baka makita niya pa. Kaagad kong narinig ang pagbukas ng pinto ng sasakyan kaya mas pinag-igihan ko pa ang paglalakad nang mabilis.
"Winona!" boses ni Caleb.
Hindi pa man nakakasampong hakbang ay may humawak na sa braso ko. Napalingon ako sa kanya. Nakita ko na naka-suot siya ng black cap, white shirt at ripped denim jeans. Kaswal na kaswal lang tingnan.
Marahas kong kinuha ang braso ko.
"Ano ba?!"
Kumunot ang kanyang noo at naniningkit ang mga mata habang mariin akong tinititigan.
"What's going on? Mag-usap tayo."
Pinukol ko siya ng masamang tingin.
"Tapos na tayong mag-usap 'di ba? Sinabi ko na sa'yo na ayaw ko na! Hindi ka ba nakakaintindi?"
Nag-iwas siya ng tingin. Wala sa sarili niyang kinagat ang kanyang pang-ibabang labi. Nang muli niya akong tingnan ay napansin ko ang bigat ng paglunok niya.
"Ano bang nagawa ko? Sabihin mo sa'kin at aayusin ko. Hindi ko... hindi ko maintindihan, Win. Bigla mo na lang akong iniwan do'n..."
Ngayon ako naman ang nag-iwas ng tingin. Hindi ko na nakayanan ang isinisigaw na pagmamakaawa ng kanyang mga mata. Binalingan ko ang paligid at napansin na may iilang tao na nakakapansin sa amin.
"Ayaw ko na sa'yo. May... may iba na akong... nagugustuhan."
"That's fucking bullshit! Bullshit! Hindi ako naniniwala...We were great in Baguio. Masaya tayo. Bakit biglang...."
Muli kong ibinalik ang tingin sa kanya.
"Nagpanggap ako. Nagpanggap ako na masaya dahil 'yon ang gusto mo..."
Mapaghanap ang tingin niya. Tila ba nangangapa ng butas sa sinabi ko.
"Pagod na ako sa relasyong 'to, Caleb. Kaya please, igalang mo ang pakikipaghiwalay ko sa'yo..." Tinalikuran ko na siya at muling humakbang papalayo. Ngunit himinto rin ako nang muli siyang magsalita.
"Who is it? Kanino mo ako ipinagpalit, Win? I deserve to know that much..." parang yelo sa lamig niyang tanong.
Hindi ko siya nilingon. Kahit iyon hindi ko ibinigay sa kanya. Marahan lang akong umiling at nagpatuloy na sa paglalakad. Hindi na niya ako sinundan pa.
Kinagabihan sa apartment ay naghanda na ako para sa mabigat na gagawin bukas. Para sa isa na namang mabigat na kasalanang gagawin ko. Nag-text na ako sa taong hiningan ko ng pabor. Sa taong alam kong maaaring masira ang kinabukasan dahil sa gagawin ko. Siguro nga ay desperada na ako. Wala na akong ibang paraan na nakikitang pinaka-epektibo.
Kilalang-kilala ko si Caleb. Nabasa ko na ang maaaring susunod niyang hakbang. O baka naman masyadong malaki lang ang tiwala ko sa sarili. Pero susubukan ko pa rin. Gagawin ko na ang napag-isipang plano bukas ng umaga. Alam kong wala ng atrasan pa.
Nakaharap ako sa salamin habang sinusuklay ang mahaba at basang buhok kinaumagahan. Nakatapis lamang ako ng isang kakarampot na puting tuwalya. Sinadya kong hindi magbihis. Masyado pang maaga dahil alas singko pa lang. Ni hindi ko naramdaman ang malamig na tubig noong naligo ako. Sinadya kong mamanhid para sa gagawin. Hindi ako maaaring magkaroon ng emosyon.
Ilang sandali pa ay narinig ko na ang katok mula sa pinto. Lumabas na ako ng kuwarto para daluhan ito. Huminga ako ng malalim bago pinihit ang door knob. Nang tuluyan nang mabuksan ang pinto ay bumungad sa akin si Ben. Deretso lang ang kanyang seryosong tingin sa aking mga mata.
"Saan mo gustong gawin natin 'to?"
"Sa kuwarto," sagot ko sa paos na boses.
Marahan siyang tumango at pumasok na. Sumunod ako sa kanya. Walang abiso niyang binuksan ang pinto ng kuwarto ko. Iginala niya ang kanyang mapanuring tingin sa kabuuan nito. Nilingon niya ako. Mula sa aking mukha ay dumapo ang kanyang tingin sa aking katawan. Sa nakatapis na kakarampot na tuwalya.
"Pwede ka pang umatras. Baka may iba pang paraan."
"Pwede ka pang umatras. Baka may iba pang paraan," bato ko pabalik. Gayang-gaya lang siya.
Ilang segundo o minuto pa kaming nagtitigan lang. Parang tinitimbang ang determinasyon ng isa't-isa. Marahil sa huli ay alam naming pareho na ito lang ang pinaka-epektibong solusyon sa lahat. Pumasok na kami sa loob ng kuwarto.
Hindi nag-isang oras ang lumipas, napatunayan ko na nga sa sarili ko na tama ako. Dinig na dinig ko na ang sunod-sunod na katok mula sa pinto. Nagkatinginan kami ni Ben. Tanging cotton shorts lang ang natitira na suot niya. Wala ng pang-itaas na saplot. Unti-unti akong tumayo at lumabas ng kuwarto. Buo ang loob at habang pilit na pinatatatag ang sarili ay huminto ako sa tapat ng pinto. Walang pagdadalawang isip ko itong binuksan na.
"Hi-" nabitin sa ere ang sasabihin sana ni Caleb nang makita ang hitsura ko. Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. "I'm sorry... Didn't know you just got out from the shower."
Dumapo ang tingin ko sa dalawang tupperware na hawak niya.
"Nagdala ako ng pagkain.... Breakfast?" aniya na puno ng pag-asa ang boses.
Parang tuod ko siyang tiningnan. Ginawa ko talaga lahat mawala lang ang emosyon sa mukha ko.
"May kasama ako."
"Si Raffa?" awtomatiko niyang hula. "That's fine... I brought enough food for three..." Sinubukan niyang ngumiti ngunit tumigil din siya nang makita ang seryoso kong mukha.
"Pwede ko rin 'tong... iwan. Para...kayo na lang ang kumain... Just...just tell me whatever you want, Win," marahan niyang sinabi. Alam naming pareho ang dalawang kahulugan sa huling mga salitang sinabi niya.
"Hindi si Raffa ang kasama ko." Walang anu-ano'y mas nilakihan ko pa ang pagbukas sa pinto bilang imbitasyon sa kanya upang pumasok sa loob. Nakuha naman niya ang gusto ko. Nauna siyang pumasok at sumunod ako sa kanyang likod.
Bumagsak ang tupperware na hawak niya nang makita ang paglabas ni Ben mula sa kuwarto ko. Si Ben na nakasuot lamang ng cotton shorts.
Sa isang kurap ay nakita ko na ang pagtama ng mabigat na kamao ni Caleb sa mukha ni Ben. Hindi umilag si Ben. Tuloy tuloy na mabibigat na suntok ang pinakawalan ni Caleb. Hindi nanlaban si Ben. Napatakip ako sa bibig gamit ang dalawang palad habang pinagmamasdan ang lalaking pinakamamahal ko na magwala dahil sa kataksilang ginawa ko. Halos hindi ko na siya makilala.
Ang lahat ng emosyong ikinubli ko ay sabay-sabay na nagsilabasan.
"Tama na! Tama na, please..." pagsusumamo ko sa mangiyak-ngiyak na boses. Umalingawngaw iyon sa buong silid.
Ngayon naman ay nakita ko ang pagbalik ng suntok ni Ben kay Caleb. Tuluyan na siyang nanlaban. Halos magkasingtangkad lang sila pareho. Wala ni isa sa kanila ang humandusay sa sahig. Wala ni isa sa kanila ang nagpatalo.
"Tumigil na kayo! Tama na!"
Nahulog ang mga picture frames na nakapatong sa ibabaw ng cabinet nang tumama ang likod ni Caleb dito.
"Caleb!" sigaw ko.
Mistulang nagising sa panaginip si Caleb nang marinig ang pagsigaw ko sa pangalan niya. Bigla siyang tumigil at nanigas ang katawan. May dugo na sa gilid ng kanyang labi.
"Iwan mo muna kami, Ben. Pakiusap..." matigas na utos ko sa paos na boses. Sa nakayukong si Caleb lang ang tingin.
Ilang segundo pa ay narinig ko na ang pagsara ng pinto.
Hindi pa rin nag-angat ng tingin si Caleb. Humahangos niyang pinagmamasdan lang ang namumula na niyang mga kamao. Nakaigting ang kanyang panga.
"Si Ben ang tinutukoy ko na-"
"Stop it!" malamig na pagputol niya sa akin.
Sinubukan ko ulit, "bago kong nagugustuhan...Siya ang-"
"I don't wanna hear it!" pagputol na naman niya. Pumikit siya nang mariin. Bumalatay sa mukha niya ang sakit.
"Kulang pa ba... ang paraan ng pagmamahal ko sa'yo, Win?"
Unti-unti nang nangatog ang tuhod ko. Kung pwede lang gusto ko nang manlumo.
"Sinubukan ko lang na mamuhay nang marangya. Nagawa ko 'yon dahil sa'yo," pagsagad ko sa pananakit, "pero nakakaumay din pala. Hindi naman pala gaano ka saya ang pakiramdam kapag nabibili mo lahat at nakakapunta ka sa magagandang lugar. Nagkamali ako."
Matalim niya akong tiningnan. "Lies..."
Umiling ako. "Hindi 'yon kasinungalingan, Caleb. Kilala mo ako. Alam mo na sanay ako sa hirap..."
Pansin ko ang sunod-sunod na mabibigat na paglunok niya.
"Ginamit mo lang ba ako, Win?" Wala ng lakas ang boses niya.
"Tama ka. Ikaw yata ang naging ticket ko para naman guminhawa ang buhay ko. Pero nakakapagod din pala. Kay Ben... kay Ben ko naranasan ang maging ako ulit. Pareho kami ni Ben ng buhay kaya mas naiintindihan namin ang isa't-isa." Pinukpok ko na nang tuluyan ang pako para matapos na talaga. "At ang pinakaimportante sa lahat... Wala siyang sabit."
Kitang-kita ko ang pagpikit niya nang mariin. Tagos hanggang buto ang sakit na ipinamamalas ng kanyang mukha. Kapansin-pansin ang pagtaas-baba ng kanyang dibdib na para bang pilit na pinapakalma ang sariling emosyon.
Ilang sandali pa kaming natahimik na lang. Sa wakas ay tumayo siya nang matuwid at nagsimula ng humakbang patungo sa pintuan. Nang nasa bukana na siya ng pinto ay muli akong nagsalita. Huminto naman siya.
"I'm sorry, Caleb," bulong ko sa namamaos na boses. Kapatawaran para sa pananakit sa kanya. Kapatawaran para sa kasinungalingang itinanim para lang maging malaya.
Hindi siya kumibo. Hindi niya ako nilingon. Nagpatuloy na siya sa paglabas sa apartment. At sa buhay ko.
Doon ko pa lang hinayaan ang sarili na gumuho. Doon pa lang ako napaupo sa sahig at tuluyang humagulgol sa iyak.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top