Chapter 12
Chapter 12
Meet
Napabalikwas ako ng bangon dahil sa kumakalam na sikmura. Para na rin akong nagkulong sa kuwarto matapos makaalis ni Caleb ng walang paalam. Dumapo ang tingin ko sa maliit na digital alarm clock na nasa ibabaw ng maliit na cabinet. Nakita ko na alas nuwebe na pala ng gabi. Lumabas ako ng kuwarto para maghanap ng makakain sa maliit na kusina.
Nasa bukana palang ako ng pintuan nito nang napatalon sa gulat dahil nakita ko si Caleb na kasalukuyang naghahanda sa mesa ng mga pagkain.
"I know you are angry at me so I've decided to buy your favorite foods. Para kahit na naiinis ka sa'kin busog ka pa rin," aniya sa kalmadong boses.
Ibinaba ko ang tingin sa mga pagkaing nakalapag. Isang bilao ng pancit panabok, isang bilao ng barbecue na isaw, at isang bilao ng barbeque na adidas. May maraming fries din. May dalawang 1.5 liters rin ng paborito kong softdrinks.
"Baka nga maipatso na ako dahil sa sobrang pagkabusog nito..." bulong ko bago nag-angat ng tingin. "A-akala ko...umalis ka na para sa intimate dinner?"
Kumunot ang kanyang noo. Mukhang hindi iyon sumagi sa isip niya.
"Lumabas lang ako para bilhin ang mga pagkain na paborito mo." Naningkit ang kanyang mga mata, "Did you think I would leave you?"
Inignora ko ang narinig na tila ba hindi makapaniwalang tono ng boses niya.
"Paano 'yong dinner mo?"
"I'm having dinner with you right now."
"Caleb..."
"I cancelled." Napakamot siya sa tungki ng kanyang matangos na ilong.
"Cancelled? Bakit?"
"Dahil mas pinili ko rito. Mas pinili kita," aniya sa may pinalidad na tono at naglahad siya ng upuan. "Umupo ka na. I'm sure you're hungry.
Bumuntonghininga ako at nailing na lang.
Naging normal naman ang mga sumunod na araw. Balik na sa pagiging abala si Caleb sa pangangampanya habang ako naman ay abala rin sa pagtatrabaho.
"Here is your order, ma'am and sir! One capuccino, and one lattè," pambungad ko sa dalawang costumer na magnobyo yata habang inilalapag ang kanilang order sa mesa. Nginitian ko sila at iniwan na para sa iba pang orders.
Habang pinapalagyan ang tray sa counters ng order ay lumingon ulit ako sa pintuan ng cafè at nakita ang natatarantang pagpasok ni Ma'am Caitlyn. Kaagad kong napuna ang pamumutla niya.
"Morning po, ma'am!" pagbati ko ngunit parang hindi naman niya narinig dahil deretso lang ang mabilis na paglalakad niya patungo sa kanyang opisina.
Ngumuso lang ako at nagpatuloy na sa pagse-serve ng orders.
Alas dose ang break ko sa trabaho. Nagpunta na ako sa kusina para kumain ng tanghalian.
"Hi, Win!" nakangiting bati ng aming pastry chef na si Ate Jelay. Siya ang palagi kong kasabay sa pananghalian dahil pareho kami ng break time.
Bumati ako pabalik at kumuha na ng pagkain. Mayroon kaming libreng lunch kaya mas nakakatipid. Naupo na ako sa tapat niya.
"Kumakain ka ba ng tuyo? May baon akong tuyo rito!" alok niya.
"Siyempre naman po! Paborito ko kaya 'yan."
Inilapag niya sa gitna ng mesa ang pritong tuyo. Ngumisi siya.
"Akala ko talaga hindi. Mukha ka kasing mayaman..."
"Hindi po. Mahirap lang po ako at simple lang ang buhay." Kinuha ko na ang kutsara at nagsimulang sumubo ng pagkain.
"Hindi na ba bumalik iyong babaeng nanakit sa'yo rito? Naging abala kasi ako no'n sa kusina noong nangyari iyon."
Bahagya akong natigilan sa pagsubo. Hindi pa rin talaga nila nakakalimutan ang pangyayaring iyon. Matapos ang naging insedente na iyon hindi naman sila lantarang nagtanong sa akin. Ngayon lang. Nagtataka nga ako. Inisip ko na lang na baka pinagsabihan sila ni Ma'am Caitlyn.
"H-hindi na po."
Nanliit ang mga mata niya. "Dapat doon ipa-pulis! Sino ba 'yon?"
"Uh...tiyahin ko po," sagot ko sa maliit na boses.
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at umawang ang kanyang labi. Hindi na siya muling nakapagsalita pa kaya ipinagpatuloy namin ang pag-kain nang tahimik.
Habang nagliligpit ng pinagkainan ay tumunog ang ringtone ng cellphone ko. Kinuha ko ito mula sa bulsa ng suot na pantalon. Nagtagpo ang kilay ko nang makita ang nakadisplay sa screen na tumatawag. Isang unknown number. Dahil may natitira pa naman akong kinse minutos na break time ay sinagot ko na ito.
"Hello?"
"Hi. Is this Winona Arabella Santibanèz?" anang isang boses ng babae sa matatas na Ingles.
"A-ako nga. Sino po sila?"
Dinig ko ang paghinga niya sa kabilang linya.
"This is Fatima Del Fuego. I'm sure you've heard of me."
Nanigas ako sa kinatatayuan. Halos mabitiwan ko ang hawak na cellphone. Ito ang unang pagkakataon na narinig ko mismo ang boses niya.
"Hello? Nariyan ka pa ba?" untag niya sa mahinang boses. Napakapino at malumanay. Halatang edukado. Hindi ko inasahan. Wala itong bahid ng galit o pagkasuklam pero bakit pakiramdam ko nalampaso ako sa kahihiyan?
"O-oo."
"Are you free later? Can we meet?"
Siguro kung hindi lang ako nakasandal sa mesa ay nabuwal na ako sa kinatatayuan dahil sa matinding pagkabigla.
"Uh...b-bakit?" parang timang na tanong ko.
"I think you know why..."
Pumikit ako nang mariin. Alam ko naman na dadating ang pagkakataong ito pero hindi pa rin talaga ako handa para harapin siya.
"I'll text you the time and address. I hope I'll see you there," aniya sa praktikong boses at ibinaba na ang tawag.
Ilang minuto pa akong nakatunganga lang at hindi nakabawi sa nangyaring tawag. Hindi ako makapaniwala na nakausap ko talaga ang taong may malaki akong pagkakasala. Hindi ko rin inasahan ang naging takbo ng usapan. Ang akala ko ay tatadtarin niya ako ng mura dahil sa pagiging kabit ko sa kanyang asawa. Pero napakakalmado ng tono ng kanyang pananalita.
Tulala ako hanggang sa pagtatrabaho. Ilang order na nga ng costumers ang napagpalit ko dahil sa pagiging wala sa sarili. Napagsabihan na ako ni Ma'am Caitlyn at tinanong pa kung okay lang ba ako at kung masama ba ang pakiramdam ko. Pagsapit ng alas tres ay dumating nga ang mensahe ni Fatima sa akin. Nagulat pa ako sa address na ibinigay niya kung saan kami magkikita.
Alas kuwatro y medya na ako umalis ng cafè. Maaga akong nagpaalam kay Ma'am Caitlyn at sinabihan siyang may emergency lang. Hindi na siya nagtanong kung ano bagkus napakamaintindihin niya. Dahil sa pagiging abala sa sariling problema ay ni hindi ko man lang siya natanong kung okay lang ba siya dahil sa nakita kong inasta niya kaninang umaga.
Malapit ng mag-alas singko ako nakarating ng parke sakay ng inarkila na taxi. Hindi naman ako late dahil alas singko naman ang sinabi ni Fatima na oras ng pagkikita. Matapos mabayaran ang taxi driver ay bumaba na ako ng sasakyan. Kaagad kong nakita ang isang babae na nakaupo na sa may bench sa lilim ng isang punong talisay. Ang lugar na sinabi niya kung saan kami magtatagpo. Nakasuot siya ng eleganteng white chiffon casual top pullover shirt at kulay gray na pencil skirt. Napakasimple ngunit classy tingnan.
Bumagal ang paglakad ko. Sa isang iglap ay gusto kong tumalikod at ibahin ang tinatahak na daan. Gusto kong piliin ang maging duwag. Ngunit hindi ko ito nagawa nang lingonin niya ako. Halos pagpawisan na ang palad ko sa kaba. Tinatagan ko ang loob at humakbang patungo sa kanya.
"Hi. Winona?" bungad niya nang makalapit na ako sa kanya. Nakatayo na siya.
Marahan akong tumango. Nakatitig ako sa kanya na parang rebolto. Unang beses ko siyang makita sa personal. Maganda siya. Mas tumangkad dahil sa suot na itim na heels. Maputi at makinis ang balat. Napakaitim ng kanyang straight na buhok, balanse ang pagkakahati sa gitna at hanggang balikat ang iksi nito.
Napakurap ako nang mapagtanto na kanina ko pa pala siya tinititigan.
"O-oo."
Naglahad siya ng kamay.
"I am Fatima Del Fuego."
Sa nanginginig na kamay ay tinanggap ko ito. Hindi nakalagpas sa akin ang kanyang suot na wedding ring. Naupo na siya at sumunod naman ako. Tanaw namin ang mga batang nagsisitakbuhan habang nagpapalipad ng saranggola.
"Sorry I had to choose this place for us to meet. It just gives me comfort," aniya na parang normal lang na nakikipag-usap. "The kids. They just give us genuine happiness. Don't you think?"
Hindi ko alam ang sasabihin. Hindi ko rin naman maintindihan ang takbo ng usapan o kung ano ba ang ipinupunto niya. Mukhang hindi naman yata siya naghihintay ng sagot ko. Pareho lang kaming nakatingin sa tanawin.
"I don't have a kid though. I'm sure he's told you that," dagdag niya. Kapansin-pansin ang bahagyang pagbabago ng tono ng pananalita niya.
"I'm...I'm s-sorry po," anas ko sa nanginginig na boses. Sa lahat ng mga salitang nabuo ko na sa isipan bilang paghahanda sa pagkikita namin, tanging 'sorry' lang ang nabigkas ko.
Pansin ko ang pagbaling niya ng tingin sa akin kaya napatingin na rin ako sa kanya. Malungkot niya akong nginitian.
"Kung sana lahat nadadaan sa sorry siguro napakapayapa ng mundo, ano? How I wish we can be all innocent like the kids." Kumurap siya. "Sorry, I keep on mentioning the word kids. Mahilig kasi ako sa mga bata. That is why I am a kindergarten teacher. Taliwas sa gusto ng ama ko na maging lawyer ako."
Hindi ko alam 'yon. Pero sa bandang sulok ng isipan ko nai-imagine ko ang pagiging isang mabuting guro niya sa mga maliliit na bata. Siguro napakamalumanay niya sa kanila. Napansin ko ang mapanuring pagtitig niya sa bawat sulok ng mukha ko.
"You look young. Probably years younger than him. You're beautiful. I can see why he's attracted. But he is my husband. And I intend to keep him. Please stay away from him," marahan ngunit may diin niyang pahayag.
Parang may biglang bumara sa lalamunan ko. Siguro isang lason na ako mismo ang siyang gumawa. Lumunok ako at naglakas loob na tingnan siya nang deretso sa mga mata.
"M-mahal ko p-po si Caleb," sambit ko. Tanging iyon na lang ang pinanghahawakan at kinakapitan.
Hindi nito natinag ang disposisyon niya. Napalitan ng dismaya ang tingin niya.
"Sinabihan ka rin ba niya na mahal ka niya? What did he promise you? He's told you he would leave me, right?"
Parang punyal na humiwa sa damdamin ko ang sunud-sunod na tanong niya. Ni hindi ko magawang ipaglaban ang mga pangako ni Caleb dahil maski ako, hindi na rin sigurado. Ni minsan hindi niya naman ako napagsabihang mahal niya.
Bahagyang tumalim ang tingin ni Fatima ngunit sa likod nito ay may kaunting awa at panghihinayang pa rin.
"Nakikiusap ako sa'yo, Miss Santibañez. Huwag kang mabuhay sa isang ilusyon. Maybe he wants you now, but he needs me. He was from nothing and because of me he will have everything. That is the only thing that a girl like you will never understand."
Unti-unti na siyang tumayo at hindi na nakatingin sa akin kundi sa tanawan sa harap.
"Sana ay klaro na sa'yo ang lahat. Ayaw kong gumaya tayo sa isang drama sa palabas sa TV. I don't wanna arrive to a point wherein I slap and throw money at my husband's mistress just so she'll leave," muli niya akong tiningnan at ginawaran ng ngiti na hindi nakaabot sa mata, "Please, let us not stoop down that level."
Iyon ang naging pangwakas na linya niya bago ako tipid na tinanguan at iniwan sa parke. Wala akong naibato na tugon sa mga sinabi niya. Ni hindi ko nagawang depensahan ang sarili sa kanyang mga naging pahayag. Pakiramdam ko, parang nandoon lang ako para makinig at tumanggap ng mga salita niya dahil wala naman akong karapatan para umapila. Wala akong karapatang ipagtanggol ang sarili dahil sa aming dalawa, ako ang may matinding kasalanan. Wala akong panama sa kanya.
Hindi ako sigurado kung ilang oras pa akong namanhid habang nakaupo sa parke. Inabutan na ako ng dilim. Saka ko lang napagpasyahan na umalis nang may mga lamok nang umaaligid sa akin. Wala ako sa sariling sumakay ng taxi pauwi. Nang huminto na ang taxi sa tapat ng bahay nina Raffa ay doon pa lang ako tuluyang nagising.
Bumaba na ako ng sasakyan matapos makapagbayad ng pagkamahal-mahal. Hindi pa man ako nakakapagsimulang kumatok ay bumukas na ang pinto. Tumambad sa akin si Nanay Lolit. Hindi ko na napigilan ang sarili at niyakap ko na nang pagkahigpit.
"Diyos kong bata ka! Gabing-gabi na..." gulat ngunit natutuwa naman niyang sambit.
Pinaghanda ulit ako ni Nanay Lolit ng hapunan dahil tapos na silang kumain ni Raffa. Matapos gawin iyon ay iniwan niya rin kami ng kaibigan ko para makapag-usap. Sinabi ko kay Raffa ang naging pagkikita namin ng asawa ni Caleb.
"Anong balak mo? Hihiwalayan mo si Gov?" si Raffa sa mahinang boses.
"Siguro...Hindi ko alam."
"Ang tanong eh papayag ba 'yon?"
Mapait akong ngumiti. "Ewan ko. Hindi niya na rin naman siguro ako pipilitin."
Binalot kami ng katahimikan. Pareho lang kaming nakatitig sa basong nakalapag sa gitna ng mesa.
"Sigurado ka na ba talaga, Win?" pagbasag ni Raffa.
Napabaling ulit ako sa kanya.
"Kailan pa ba ako magigising? Ilang beses ko pa bang kailangang iuntog ang sarili ko para lang maliwanagan na hindi naman talaga tama itong pakikipagrelasyon ko?"
"Alam ko, Win. Pero mahal mo siya at sa tingin ko ay mahal ka rin niya—"
"Sapat ba ang pagmamahal kung may naaagrabyado naman akong tao? Sapat ba ang pagmamahal ko kung para sa maling tao naman 'to?"
Natahimik ulit kami.
"Basta kung ano man ang desisyon mo susuportahin pa rin kita, beshy."
Madaling araw na akong umuwi ng apartment para hindi makaliban sa trabaho. Mistulan akong robot na kumuha ng susi mula sa maliit na sling bag para mabuksan ang pinto. Pumasok ako sa loob at tumambad sa akin ang iritadong hitchura ni Caleb na nagtanggal na ng suot na neck tie.Nakatupi na rin hanggang siko ang suot niyang kulay asul na loongsleeve. Sa hitsura niya ay hindi na ako magtataka kung sa apartment siya nagpalipas ng gabi at kung kanina pa siya iritadong naghihintay.
"Where the fuck have you been? Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko?" inis niyang tanong.
Muli kong ni-lock ang pinto at ibinalik ang susi sa bag. Hindi ako kumibo at pagod na humakbang patungo sa kuwarto.
"I was worried sick about you!" pagpapatuloy niya habang pinalalandas ang mga daliri sa buhok.
Tiningnan ko lang siya at nilampasan. Hinigit niya ang palapulsuhan ko.
"Winona..."
Nanigas ako kaya natigilan siya. Kaagad kong nabawi ang palapulsuhan ko. Nabitin sa ere ang kamay niya habang pinagmamasdan ako. Nag-angat ako ng tingin sa mga mata niya.
"Nagkita kami ng asawa mo."
Kumunot ang kanyang noo. "What?"
"Tinawagan niya ako kahapon. Nakipagkita ako sa kanya," matapang kong pagbunyag.
Ngayon ay naging tensiyonado na ang kanyang katawan. Umigting ang kanyang panga.
"Why did you do that? Sinabihan na kita na ako ang bahala sa lahat. What did she fucking tell you?!
Inignora ko ang mga sinabi niya at nagpatuloy. Parang patay ang mga kamay ko sa gilid. Dahil na rin siguro sa nararamdamang pagod.
"Alam mo ba kung...kung anong gusto kong ipinta sa pagkatao niya dahil sa pagiging makasarili ko? Gusto kong isipin na masama siya...na matapobre...na aapihin niya ako pag nagkita kami. P-pero mali ako! Dahil mabait siya, Caleb...Ni hindi niya ako nagawang sigawan..."
Sinubukan niyang hawakan ulit ang palapulsuhan ko upang maalu ako ngunit mabilis ko itong iniwas. Naninimbang ang tingin niya na ipinupukol sa akin. Ngayon naman ay siko ko ang pilit niyang hinahagilap. Nang magtagumpay siyang hawakan ito ay ikinuyom ko ang mga palad ko at hinampas siya sa dibdib.
"Hindi siya dapat nagdudusa dahil sa pagkakamaling 'to! Hindi niya deserve ang maloko... Kaya umuwi ka na sa kanya! Umuwi ka na sa asawa mo!"
"You don't mean that...You don't mean what you're saying..." bulong niya at dinig ko ang takot sa likod nito. Pilit akong kinukumbinsi ngunit sa tingin ko naman ay sarili lang niya ang kinukumbinsi niya.
Hindi ako nagpadala at lumambot. Mas pinag-igihan ko pa ang paghampas sa matigas na dibdib niya. Pero para namang wala itong epekto dahil hindi man lang siya napaatras kahit kaonti. Hinayaan lang niya ako. Mistulan niyang isinasakripisyo ang sarili para maubos ang hinanakit ko.
"B-bumalik ka na sa kanya..." nanghihina kong sabi. Unti-unti ng nauubusan lang lakas.
Bigo siyang napayuko.
"Ayaw ko. Dito lang ako...Sa'yo lang ako, Win."
"Hindi kita kailangan! Kaya umuwi ka na!" malamig kong pagbitiw.
"What...what about me then? Kailangan kita..." paos niyang sabi. Hindi pa rin niya magawang mag-angat ng tingin. Para bang ikinaakahiya niya ang pag-amin.
"Ganyan ba ang gusto mo? Ang pilitin ako?"
Unti-unti na siyang nag-angat ng tingin pero hindi niya ako magawang tingnan nang deretso. Sinubukan kong hagilapin ang mga mata niya.
"Pipilitin mo ba ako, Caleb? Kagaya ng...kagaya ng tiyuhin ko?" matalim kong tanong. Ginamit na ang huling alas. Nagiging mapanakit na dahil wala na akong ibang paraan na nakikita.
Kaagad niya akong tiningnan sa mga mata. Tila nakuha ng sinabi ko ang atensiyon niya. Pakiramdam ko sa wakas, nagtagumpay na ako.
Umigting ang kanyang panga at tumalim ang tingin.
"Hindi ako tulad ng tiyuhin mo. Huwag mo akong ikukumpara sa kanya..." parang naging yelo ang boses niya sa lamig.
"Kung gano'n naman pala eh 'di hayaan mo na ako."
Pumikit siya nang mariin. Kitang-kita ko ang iba-ibang emosyon na bumalatay sa mukha niya. Galit, pagtitimpi, sakit, paghihinagpis. Nang dumilat siya ay nawala na lahat ng emosyon sa kanyang mga mata.
"Alright. I'll leave you then. Pero hindi ako uuwi sa kanya," aniya na tunog nangangako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top