Chapter 11
Chapter 11
Asawa
"Kaya hindi na ako nagtataka kung isa ka ring kabit!"
Hindi ko na marinig si Tiyang. Sinakop na ako ng nakawiwindang na rebelasyon niya. Gusto kong isipin na nagsisinungaling lang siya dahil sa matinding galit sa akin. Pero sa isang banda ay kilalang-kilala ko siya. Alam ko na hindi isang kasinungalingan ang naging rebelasyon niya. Mas natakot ako dahil ramdam ko ang katotohanan dito.
"What is going on here?"
Kinabahan ako nang marinig ang maawtoridad na boses ng manager ko na si Ma'am Caitlyn. Mabilis ko siyang nilingon. Nakita ko na may hawak pa siyang susi sa isang kamay. Mukhang kapaparada lang niya sa kanyang sasakyan.
Sa kahihiyan ay hindi ko alam ang sasabihin. Lumapit si Ma'am Caitlyn sa amin. Maingat niyang tiningnan si Tiyang.
"May problema po ba, ma'am?" magalang ngunit may diin niyang tanong sa aking tiyahin.
Umismid si Tiyang at mayabang na sinulyapan lamang siya. Muli niyang itinuon ang atensyon sa akin.
"Hindi pa tayo tapos," matalim niyang sinabi at umalis na.
"I do not tolerate scandals in front of the café. Kung may hindi man kayo pagkakaintindihan ng taong iyon sana ay nag-usap kayo sa isang pribadong lugar," si Ma'am Caitlyn.
Nasa opisina niya kami sa back room ng café. Nakaupo siya sa likod ng mesa samantalang nakaupo naman ako sa tapat niya. Yumuko ako dahil sa kahihiyan at ni hindi siya matingnan nang deretso sa mga mata.
"P-pasensya na po t-talaga. Kasalanan ko po ang lahat."
Dinig ko ang malalim niyang pagbuntonghininga.
"As far as I can see, parang ikaw lang itong napuruhan. Bakit mo inaaku ang lahat ng kasalanan?"
Napaangat ako ng tingin. Namutawi sa kanyang mga mata ang pagiging maalalahanin habang pinagmamasdan ang braso kong maraming galos. May kaunting pagdurugo na nga.
"I hope you settle your differences next time. In a private manner, Winona," dagdag niya.
"P-pasensiya na po talaga. Gumawa po kami ng komosyon sa café. Okay lang po sa akin kung tatanggalin niyo ako sa...trabaho."
"I know that what happened back there is not entirely your fault. Trust me, I know violence when I see one," marahan niyang sabi. Hindi ko maiwasang punain ang pag-iiba ng mga mata niya. Na parang may karanasan siya.
Mabait si Ma'am Caitlyn. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nagustuhan ko ang pagtatrabaho sa café. Strikto siya minsan pero alam ko na malaki ang kanyang puso. Bente-singko anyos pa lang siya pero matatas na siya kung mag-manage ng café. Maganda rin siya, maputi at matangkad. Minsan nga maihahalintulad ko siya sa isang anghel.
"At wala akong balak na tanggalin ka sa trabaho, Winona. So far, ikaw ang pinakamasipag na employee ko," pagpapatuloy niya na nakangiti na.
"Salamat po talaga, Ma'am..."
"Just a piece of advice. Don't ever let anyone step on you."
Bumalik ako sa pagiging tuliro habang naglalakad papauwi ng apartment. Nang makapasok na sa loob ay kinuha ko ang first aid kit mula sa cabinet at ginamot ang mga galos na natamo.
Hindi pa rin mawala sa isipan ko ang sinabi ni Tiyang. Isang kabit si Nanay. Kung ganoon, isang pulitiko pala ang ama ko. Hindi ba siya nito pinanagutan? Iniwan ba ako ni Nanay kay Tiyang dahil hindi niya ako maatim na tingnan?
Napukaw ang isipan ko nang marinig ang pagtunog na nagmumula sa cellphone na nakalapag sa sofa. Kinuha ko ito at nakitang si Caleb ang tumatawag. Marahan ko itong sinagot.
"Bakit ngayon mo lang sinagot? Kaninang alas singko pa ako tumatawag," bungad niya sa kabilang linya.
"Sorry...kakauwi ko lang kasi."
"But it's past six..."
"Uh...may nangyari lang sa café na...emergency," pagsisinungaling ko. Ayaw kong malaman niya pa ang nangyari.
Ilang segundo pa siyang natahimik.
"Is everything okay? Are you okay?"
Napatitig ako sa braso kong tadtad na ng bulak at betadine.
"Oo. Wala namang problema. Ayos lang ako."
Dinig na dinig ko ang marahas niyang pagbuntonghininga.
"Alam kong hindi ka okay. I know how you sound when something is troubling you. Kung hindi lang ako nasa gitna ng pangangampanya, umuwi na ako diyan."
Hindi ko maiwasan ang mapangiti.
"Nasa Davao ka pa?"
"Yeah. I'll be home to you in three days. You will tell me everything by then."
Hindi na ako kumibo at pumikit na lang dahil sa hapdi na nararamdaman. Hapdi para sa sugat na natamo at hapdi para sa walang kasiguraduhang kinabukasan namin ni Caleb.
Dinig ko sa background niya sa kabilang linya ang isa pang boses. Siguro ay ang kanyang sekretarya. Halatang abala nga siya. Nag-uusap pa sila. Hindi pa rin niya pinuputol ang tawag. Naghintay ako na matapos siya. Naghintay ako na siya ang magbaba ng tawag.
"Listen...I'll be home soon. I miss you, baby."
Bunga ka ng pagiging kabit ng nanay mo sa isang pulitiko! Dinig ko na naman ang boses ni Tiyang.
"Winona?"
Napakurap ako. "Y-yeah... I miss you too, Caleb."
Nang maibaba na niya ang tawag ay nagpatuloy ako sa pagiging tuliro.
"Sino kaya sa tingin mo ang nagsabi sa Tiyang mo na sa café ka nagtatrabaho?" si Raffa. Nasa sala kami at nanonood ng palabas sa TV isang Sabado ng hapon.
"Hindi ko alam. Maaaring kung sino na nakakakilala sa akin." Medyo naging kalmado na rin ako makalipas ang ilang araw mula noong nangyari iyon.
"Ang kapal din talaga ng apog niyang tiyahin mo ano?! Sus, kung nando'n lang ako binalibag ko niya iyon ng fire extinguisher, day! May raket kasi ako noong mga nakaraang araw kaya ngayon lang ako nakabisita sa'yo."
Nailing na lang ako at kumuha ng popcorn.
"Anong sabi ni Gov?"
Napasulyap ako sa kanya bago ibinaling ang tingin sa palabas.
"Hindi ko na sinabi..."
"Bakit? Kailan ba ang uwi niya?"
"Bukas pa."
"So bukas mo rin sasabihin sa kanya ang ginawa ng tiyahin mo?"
Naupo ako nang maayos at hinarap si Raffa.
"Naisip ko na hindi ko na sasabihin kay Caleb ang nangyari. Wala naman ding magbabago kapag sinabi ko."
Nanliit ang mga mata ni Raffa habang tinitingnan ako.
"Win, maraming pwedeng magbago kapag sinabi mo kay Gov ang pananakit sa'yo ng walang hiya mong Tiyang. Pwedeng-pwede niyang ipadala iyang tiyahin mo sa Sahara Desert para naman makapagmuni-muni siya sa kasamaan niya!"
Bahagya akong natawa sa naging pahayag ni Raffa ngunit nanatiling seryoso ang tingin niya.
"Alam kong alam mo ang ibig kong sabihin, Win. Kayang-kayang gawin ni Gov ang lahat."
Humugot ako ng malalim na hininga.
"Alam ko. Pero ayaw ko ng abalahin pa siya. Problema ko 'to kaya ako ang haharap sa problema ko."
Mukhang hindi sang-ayon si Raffa sa desisyon ko hindi man niya ito isatinig. Kinuha ko ang remote control ng TV na nakalapag sa center table. Ni-mute ko ang palabas bago bumaling ulit sa kaibigan.
"May...may nalaman ako tungkol kay Nanay," panimula ko.
Kaagad na naging tensiyonado ang katawan ni Raffa.
"Ano? Nasaan ang Nanay mo? Buhay?"
Alam ko na kailangan ko ng mapagsasabihan nito at tanging si Raffa lang ang mapagkakatiwalaan ko.
"H-hindi ko alam kung buhay ba siya...Ang sabi sa akin ni Tiyang na...na kumabit daw ang nanay ko sa...isang pulitiko..."
Napaisip si Raffa. "Kung gano'n isang pulitiko ang tatay mo? Sino raw?"
Mapait akong ngumiti. "Tatay? Pwede ko ba iyong tawaging tatay? Baka nga sperm lang ang inambag no'n sa nanay ko...At isa pa, hindi naman nagsabi si Tiyang kung sino. Ayaw ko ng malaman pa. Ayaw din naman nila sa akin pareho kaya siguro pinabayaan na nila ako."
Malungkot niya akong tiningnan.
"Sigurado ka na ayaw mo na silang mahanap? Kung sasabihin mo kay Gov sigurado ako na magagawa niya lahat para mahanap ang mga magulang mo."
Mahina akong umiling. Yumuko ako at pinagmasdan ang mga kamay. Nang dumapo ang tingin ko sa braso ay hindi na klaro ang mga galos dito.
"Para saan pa? Ayaw kong umasa. Siguro noong apat na taong gulang umasa pa ako...pero ngayon hindi na. Okay na ako sa buhay ko."
Pati sa pagtulog ay napaginipan ko ulit ang araw na iniwan ako ni Nanay. Kahit na apat na taong gulang palang ako noon ay hindi ko iyon nakalimutan. Siguro dahil isa iyon sa pinakamasakit na nangyari sa buhay ko kaya tumatak pa rin sa akin. Sa suot na pantulog ay wala akong tigil kakaiyak habang nakatalikod naman si Nanay sa akin. Sa maliliit na hakbang ay hinabol ko siya palabas ng bahay. Hindi niya ako kailanman nilingon. Mistulang hangin ang bawat hagulgol ko dahil sa pagkukunwari niyang hindi ako naririnig. Sa alas kuwatro ng madaling araw. Sa mismong kaarawan ko. Inabandona ako ng sarili kong ina.
Napasinghot ako. Sa walang tigil na paghikbi ay tuluyan na akong nagising mula sa panaginip na siyang natatanging alaala ko sa sariling ina. Siguro ay madaling araw pa. Parang may humawak sa puso ko nang maramdaman ang init na yakap mula sa likod na nagmumula sa katawan ni Caleb. Tanging lampshade lang ang liwanag sa silid.
"K-kailan ka pa dumating?" tanong ko sa paos na boses resulta ng pag-iyak.
Dahil nasa likod ko siya ay hindi ko kita ang kanyang mukha. Hindi ko rin naman siya nilingon.
Naramdaman ko ang marahang paghalik niya sa ulo ko.
"You've been crying even in your sleep..."
Kaagad kong pinalis ang mga luha. Dinampi ko ang palad sa pisngi.
"Bad dream?"
"Uh...Oo. B-binangungot lang.."
"I wish I could be in that dream," aniya sa malamig na boses.
Sa pagtataka sa sinabi niya ay umiba na ako ng posisyon sa pagkakahiga. Tuluyan ko na siyang hinarap.
"Anong ibig mong sabihin?"
Pansin ko ang galit sa mga mata niya ngunit alam kong hindi ito para sa akin.
"Para maprotektahan ka. Para hindi ka na masaktan pa."
Marahan kong inangat ang aking palad at dinampi ito sa kanyang dibdib. Kahit hindi niya man ako sinagot sa tanong kanina kung kailan pa siya dumating ay napagtanto ko ng bago pa lang dahil nakasuot pa siya ng button down shirt at gray pants. Halatang hindi pa nakapagpapalit ng damit.
"May mga bagay na sadya talagang huli na, Caleb. Mga panahong hindi na mababalikan...dahil tapos na."
Unti-unti niya akong niyapos. Ipinatong niya ang kanyang baba sa aking ulo. Humigpit pa ang pagyakap niya sa akin.
"It still hunts you though. Is it about your uncle?"
"H-hindi...Napaginipan ko lang ulit iyong pag-iwan ng...Nanay ko sa'kin."
"I'm sorry."
Malungkot akong ngumiti at tiningala siya. Gusto kong manlumo sa awang nakikita ko sa kanyang madilim na mga mata.
"Hindi mo naman kasalanan. Magiging okay din ako. Ang daya nga eh. Kahit inabandona at pinabayaan niya ako hindi ko pa rin siya magawang kamuhian."
"That's because you're not capable of hate, Winona," bulong niya. Punong-puno ito ng lantad na paghanga.
"Kaya ba nasasaktan pa rin ako tuwing maaalala siya? Na parang kahapon lang niya ako iniwan?"
Bumuntonghininga siya. Nabasa ko ang pagsusumamo at pagpipigil sa mga mata niya.
"Tell me what to do. I fucking feel useless right now."
Isinubsob ko ang mukha sa kanyang leeg at huminga. Pakiramdam ko nakauwi na ako. Pakiramdam ko hindi na ako nag-iisa.
"You're not useless. Dahil ngayon, ikaw lang ang kailangan ko," malambing kong sinabi. Punong-puno ng senseridad.
Dumilat ako kinaumagahan na wala na sa aking tabi si Caleb. Bumangon ako at nagpunta ng banyo para maghilamos. Nang makalabas ako ng kuwarto at nagtungo na ng kusina ay doon na bumungad sa akin si Caleb na abalang naggigisa sa may stove. Napansin ko na nagpalit na siya ng suot na body fit tshirt na kulay blue at naka-ripped faded jeans na rin. Kapansin-pansin ang pagpi-flex ng muscle niya sa braso habang naghahalo ng niluluto sa kawali gamit ang sandok. Nakahanda na rin ang mesa.
Tumikhim ako upang makuha ang atensiyon niya. Nakangisi siyang nilingon ako.
"Morning..." bati niya.
Naupo ako sa hapag. "Morning. Nagpalit ka ng suot? Saan ka kumuha ng bagong damit?"
"Inutusan ko si Ben. You know, it would really be convenient if you just give me one drawer. Para sa mga damit ko rito. Bawas hassle kay Ben."
Umirap ako sa pasaring niya at mas lalo lang lumapad ang kanyang pilyong ngisi. Ibinaba ko ang tingin sa pagkaing nakalapag na sa mesa. Pansin ko na pang mayamang breakfast ang inihanda niya tulad na lamang ng bacon, hotdog, sunny side up eggs, toasted bread. At hindi pa kasama rito ang mabangong ginigisa niya. Natakam tuloy ako.
"Gusto mong mag-out of town tayo?" aniya na binitbit ang kawali na fried rice pala ang laman. Nilagyan niya ang plato ko nito at isinunod naman ang kanya.
" 'Wag na. Gastos lang 'yon. Dito na lang tayo sa bahay." Kinuha ko na ang kutsara at tinikman ang fried rice na luto niya.
Naupo na siya sa tapat ko. Noong una ay tahimik lang kami habang kumakain. Hindi naman ito ang unang beses na ipinagluto niya ako. Nagulat pa nga ako noong unang beses niya akong ipinagluto. Ang sabi pa niya, gusto raw niyang ipagmayabang na may alam siya sa kusina dahil hindi naman siya lumaking mayaman.
"So...what happened the last time I called you? Iyong sinabi mong emergency sa café."
Halos masamid ako sa fried rice na nginunguya. Ang buong akala ko ay nakalimutan na niya!
Umayos ako ng upo at sumimsim muna sa baso ng tubig bago nagsalita.
"Uh...may kapalpakan lang akong nagawa sa...trabaho," sagot ko na hindi siya matingnan ng deretso.
"Paano naging emergency?" pang-uusisa niya at mariin pa rin akong tinititigan.
"Sa...order lang. Natapunan ko ng kape ang isang costumer kaya...napaso." Gusto kong tampalin ang sarili sa nakakapagdudang idinahilan. Nang masulyapan ko siya ay nakaabang pa rin ang tingin niya.
"Pinagalitan ka?"
Peke akong tumawa. "Siyempre naman! Kapalpakan ko 'yon kaya..."
Natigilan ako nang makita na nakakunot na ang kanyang noo. Parang may malalim na iniisip.
"What's your manager's name again?" kritikal niyang tanong.
Ngayon ako naman ang napakunot-noo. "Bakit mo tinatanong?"
"Just wanna check something..."
Umusbong ang pagdududa ko. "Ano namang iche-check mo?"
Napahilot siya sa kanyang sentido.
"She should consider that you are still new to the job. Dapat hindi ka na niya pinagalitan."
Umawang ang labi ko sa pahayag niya. "Anong klaseng pag-iisip naman 'yan, Caleb? Siyempre hindi tama iyong ginawa ko at dapat lang naman na pagalitan niya talaga ako."
Mas domoble pa ang pagiging guilty ko sa kasinungalingang pinagsasabi. Hindi naman ako pinagalitan ni Ma'am Caitlyn kundi pinagsabihan lang. At wala naman talaga akong natapunan ng kape!
"Wala kang gagawin, Caleb. Hayaan mo na ako!" agap ko. Natataranta na at baka may pinaplano na siyang hakbang para rito.
Tinitigan niya pa ako ng ilang segundo. Sa huli ay bumagsak ang balikat niya.
"Fine. But if it happens again, I'll take care of it."
Pinandilatan ko siya. "Sa tingin mo magkakamali ulit ako? Tingin mo may matatapunan ulit ako ng kape?"
Naningkit ang mga mata niya habang tinitingnan ako sa isang nakakatawang paraan.
"Of course not. Hindi naman 'yan ang sinabi ko."
"Eh parang gano'n na rin iyong sinabi mo!" Halos umahon na ako sa kinauupuan dahil sa inis. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko.
Nabasa ko ang kalituhan sa hitsura niya. Pagod siyang bumuntonghininga.
"Let's just not fight over this petty thing. Nasa harap tayo ng pagkain."
Unti-unti kong pinakalma ang sarili. Tama nga naman siya, nasa harap kami ng pagkain. Tahimik kaming nagpatuloy na sa pag-kain at hindi na nag-usap pa.
Gaya ng napag-usapan at naging desisyon ko ay buong araw lang kaming nanatili sa loob ng apartment. Nag-movie marathon lang kami habang kumakain ng popcorn. Kakatapos lang ng pangatlong movie namin nang makita ko ang pag-vibrate ng cellphone niyang nakalapag sa center table. Naka-display sa screen ang caller ID na 'Fatima'. Isa lang ang kilala kong Fatima sa buhay niya.
"Tumatawag ang asawa mo," sabi ko sabay upo nang maayos. Hindi na humilig sa braso niya.
"Hayaan mo na," walang pakealam niyang tugon at muling hinawakan ang balikat ko para muling mapalapit sa kanya.
"Sagutin mo na. Baka importante."
Mahina siyang napamura at wala ring nagawa kundi ang sundin ang sinabi ko. Kinuha na niya ang cellphone at sinagot ang tawag.
Akma na sana akong tatayo para umalis kaya lang hinawakan niya ang kamay ko dahilan para mapapirmi ako sa tabi niya. Hindi ito ang unang beses na naabutan kong tumatawag sa kanya ang asawa niya at gaya na lamang ng mga nauna, hindi pa rin ako hinahayaan ni Caleb na umalis. Palagi ko mang sinusubukang bigyan sila ng pribadong pagkakataon para makapag-usap, ayaw namang pumayag ni Caleb. Gusto niyang marinig ko ang pinag-uusapan nila. Dahil para sa kanya, wala siyang inililihim sa akin.
"No. I won't be home tonight..." si Caleb. Ilang segundo pa siyang nakinig sa sinasabi ng asawa niya sa kabilang linya. "Reschedule it...no....we'll talk about it when I get home..."
Dumiin ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Nagtagpo ang kanyang kilay.
"What? I told you I don't want it...I'll talk to him...No..." marahas siyang nagpakawala ng hininga sabay sulyap sa akin.."We will talk. Look...I have to go." Tuluyan na nga niyang ibinaba ang tawag.
"May problema ba?" usyoso ko.
Muli siyang napahilot sa sentido at napasandal sa sofa. Pansin ko rin ang paghigpit ng pagkakahawak niya sa cellphone. Mistulang nagpipigil ng emosyon.
"Caleb..."
Huminga siya ng malalim at problemado akong tiningnan.
"Nagpa-schedule ng intimate dinner si Fatima kasama si Papa ngayong gabi."
"Dinner lang naman pala. Anong problema do'n?"
"I'm just tired of pretending that everything's okay between us in front of her father. Sawang-sawa na ako, Win."
"Magse-senador ka pa 'di ba? Kaya kailangan mo munang magtiis ng konting panahon—"
"Bullshit! That's bullshit." bulalas niya.
"Tiisin mo para sa pangarap mo. Paano ka tatakbo kung sira ang marriage mo? Paano mo makukuha ang tiwala ng mga tao kung pati marriage mo 'di mo kayang gampanan?"
Marahas siyang tumayo. Inis niya akong nilinga.
"You know what? Why don't you run instead of me? Mas utak politiko ka pa yata kaysa sa akin."
Nagtimpi ako. Kung pareho kaming magpapadala sa emosyon, sigurado akong matinding away lang ang aabutin naming dalawa. Dahan-dahan na akong tumayo at naglakad patungong kuwarto para makaiwas.
"Where the fuck are you going?" malamig niyang sabi.
Hindi ko siya nilingon. "Sa kuwarto. Matutulog na ako."
Hindi siya sumunod sa akin hanggang sa makapasok na ako. Nahiga na ako sa kama habang nakatitig lang sa kisame. Naisip ko na puro pagtatalo lang ang ginawa namin sa buong araw. Pakiramdam ko naging paalala na naman ito sa akin na masyadong komplikado ang bagay na mayroon kami ni Caleb. Nakakahiya man at alam kong wala akong karapatan pero hindi ko pa rin maiwasan na hindi makaramdam ng selos habang iniisip na may pa-intimate dinner sila ng asawa niya.
Sa kabila ng miserableng pag-iisip ay dinig na dinig ko ang padabog na pagkakasara ng pinto. Ilang minuto pa ay pinapaandar na sasakyan naman ang narinig ko. Marahan akong tumayo at sumilip sa bintana. Sa labas ay nakita ko ang sasakyan niya na umaandar na papalayo. Uuwi na siya. Uuwi na sa kanyang asawa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top