[ 7 ]

LUNES NA LUNES pero tinatamad na agad ako. Ang layo pa ng biyernes! Muntik na rin akong ma-late. Ang tagal ko kasing nakatulog kagabi at ang tagal din akong ginising ni mama. Hindi na tuloy ako nakapag-almusal. Pagpasok ko sa opisina ay sinalubong kaagad ako ng yakap ng matalik kong kaibigang babae—si Jana.

"Besh, condolence."

"Huy! Gaga. Anong condolence?"

"Condolence sa namatay n'yong pag-ibig."

Natawa naman ako at bumuwag na sa pagkakayakap sa kaniya. "Dapat congratulations, besh."

"Ay. Oo nga pala. Congratulations at nakalaya kana! Toxic talaga yung buwisit na yun. Buti na lang naghiwalay kayo."

Natawa ulit kami.

"Mamaya na tayo mag-chikahan sa lunch time. Baka maabutan tayo ni boss. Lunes pa naman ngayon. Mainit ang ulo ng lahat."

"Tama...tama!"

Dumiretso na ako sa 'king mesa at inilapag ang backpack ko sa ilalim. Binuhay ko na ang computer at saka tinignan ang To-Do List ko sa araw na 'to. Medyo marami-rami rin, pero hindi naman gano'n kabigat ang bawat gagawin. Pero bago magsimula ay dumiretso muna ako sa kusina ng office namin at nagtimpla ng kape.

"Good morning, sir."

"Good morning, Jana. Nasaan si Tristan?"

Dali-dali akong lumabas.

"Nasa kusina po."

"Nandito po ako. Hello, boss. Good morning po." bati ko nang makalabas ako.

Naabutan ko ang aking matandang lalaking boss na may kasamang isang binata na parang pamilyar. Guwapo ito para sa 'kin. Nasa kaniya yung mga tipo kong lalaki. Parang nagkita na kami nito pero hindi ko lang mapunto kung saan kami nagkita.

"Good. Hindi ka na late."

Napamasahe ako sa 'king batok sa hiya. Seryoso, boss? May ibang tao po na nakakarinig. Nakakahiya. "Pagsisikapan ko po, boss."

"Dahil understaffed masyado ang ating office at napakarami ng ating gagawin, sa kabutihang-palad ay pumayag din si mayor na magdagdag tayo ng tao..."

Nagtagpo ang tingin namin no'ng binatilyo at nanlaki ang mata ko at nanlamig nang mapagtanto ko kung sino siya. Hindi ko siya halos makilala dahil ang pormal niyang tignan sa suot niyang polo-shirt, pantalon, at sa eyeglass niya, at sa maayos na pagkaka-estilo ng buhok niya. Jusko! Bakit dito pa na office? Ba't siya pa?

"...si Rayven nga pala with a 'y'. Siya na ang tatrabaho sa 'ting promotions at marketing."

"Hello, Rayven!" bati ni Jana.

"'Yan si Jana."

"Hi po, Jana." Kumaway rin si Rayven.

"Si Tristan naman 'to," pagpapakilala sa 'kin ni boss.

"Nice to meet you, Tristan." At ngumiti ito na para bang may pinapahiwatig.

Siya nga talaga yung nakasayawan ko sa bar!

"Hi," tipid kong sabi.

"O, sige na. Kayo na ang bahala sa kaniya. I-orient n'yo siya sa trabaho ng ating office at aalis pa ako kasi may meeting pa ako."

"Bye, boss! Ingat ka!" sabi ni Jana.

"Bye, boss! Ingats!" saad ko naman.

"Oo nga pala." Bumalik si boss sa loob. "Tristan, sabihan mo ang GSO na kailangan natin ng isang office table at upuan. Diyan siya sa tabi mo pupuwesto."

At mas lalo akong nang-init nang malamang magkatabi pala talaga kami. Jusko naman! Nang kaming tatlo na lang ang naiwan ay hindi naman ako mapakali. Hiyang-hiya ako sa pinaggagawa ko no'ng nalasing ako sa bar. Hindi ko halos matignan nang diretso si Rayven. Buti na lang nandiyan si Jana at siya na ang nakipag-usap sa lalaki. Ba't parang bet ni Jana 'to? Feel ko lang!

Pero bakit parang bini-big deal ko ang nangyari sa bar? Nalasing lang naman ako no'n at nandoon lang kami para magsaya. May nakahalubilo naman akong mga estranghero no'ng gabing yun. Pero iba kasi si Rayven. Siguro ay dahil sa tensyong namamagitan sa 'min no'n; sa titig niya at hawak niyang nakakapaso; at sa ngiti niyang nakakaakit.

Aaminin ko na ang taas talaga ng sex appeal niya no'ng gabing yun. Siguro kung wala akong boyfriend no'n, susunggaban ko talaga siya. Pero broken-hearted ako, e. Ayoko rin.

Teka! 'Eto na ba yung sinasabi ni kuya na wala nang move on move on? Lalandi na ba kaagad ako? Life is short nga para mag-drama. Ang lakas ko naman sa 'yo Lord! Inalis mo yung toxic sa buhay ko at binigyan mo 'ko ng guwapong may biceps. Wow, nag-assume kaagad. Paano kung straight pala 'to at nalasing lang no'ng gabing yun kaya gano'n siya?

Teka lang!

Bakit ko ba ino-overthink 'to?

Pero oo, aaminin kong medyo crush ko na siya. Saglit ko siyang tinitigan at ang masasabi ko ay guwapo nga siya. Hindi lang dala ng kalasingan ko no'n. Hindi na ako magluluksa kasi may happy crush na ako.

Goodbye heartbreak, hello Rayven!

Charot lang!

Dumiretso na ako sa 'king mesa, umupo, at hinugot mula sa backpack ko ang aking phone, saka tumawag sa opisina ng General Services.

"Hello, maam!"

"Hello, Tristan."

"Magre-request po sana ng office chair at table po ang boss ko. May bagong hire po kasi kami at wala na kaming extra na mesa."

"Sige...wait lang ha."

Nabaling ang tingin ko kay Jana na may sinisenyas at napatango-tango lang ako nang makuha ito.

"T'saka hihiram din po sana kami ng isang projector at screen."

"Sige. Iwan mo lang ID mo rito. May extra na office table raw sa bodega. Punta lang kayo rito at magdala ng sasakyan para makuha."

"Sige po. Salamat!"

Tinignan ko ang backpack ko at hinalughog ang laman nito. Pero nanlamig ako nang hindi ko mahagilap ang wallet ko. Saglit akong natulala, iniisip kung saan ko yun nailapag o naiwan. Ang huling naalala ko ay nasa kuwarto ko lang yun. Tinawagan ko kaagad si mama at siniguro kung nandoon ba. Pero nang tignan niya ito ay wala raw roon. Ilang minuto ring hinalughog ni mama ang silid ko pero wala talaga.

"Parang nawala ko ata ang wallet ko," sabi ko kay mama.

"Naku, Tristan. 'Yan kasi! Sabi ko sa inyo, iligpit n'yo 'yan nang maayos. Nandoon ang lahat ng valid ID mo. Ang hirap at ang tagal pa mag-request ng bagong ID—"

"Sige na, ma. Titignan ko lang ulit dito sa mga drawer ko. Ba-bye!" Pinutol ko kaagad ang tawag kasi ilang minuto na naman siyang magsesermon.

Pero kinakabahan talaga ako kasi tama nga si mama, nandoon ang mga valid ID ko at may pera rin ako ro'n. Sana na-misplace ko lang. O kung nawala ko man at may nakapulot, sana ipo-post sa Facebook o tatawagan ako dahil sayang yung mga ID ko. Pero huwag naman sana i-post sa Facebook yung mga ID ko kasi ang papangit ng mukha ko ro'n!

"Jana..."

"Yes?"

"Puwede ba ID mo lang muna gagamitin natin para manghiram ng projector? Na-misplace ko kasi ang wallet ko."

"Sure!" Kinuha naman niya ang ID niya at inabot sa 'kin. Tumayo kaagad ako at tinungo siya. "Teka, nasaan ba office ID mo?"

"Naiwan ko rin." Ngumiwi lang ako nang tanggapin ko ang ID niya..

"Lagot ka talaga 'pag makikita ka ng HR. Absent ka talaga."

"Iiwas muna ako sa HR!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top