[ 4 ]

Nang tumigil na ako sa pag-iyak ay nagbihis ako ng baon ko na puting T-shirt. Balewala lang ang pamumugto ng mata ko nang lumabas ako sa kotse. Medyo nahimasmasan na rin ako; naaayos ko na ang paglalakad ko at hindi na ako masyadong nahihilo.

Nang makapasok ulit ako sa loob ay naabutan ko na gano'n pa rin. Nagsasayawan pa rin sila at para bang hindi sila tinatablan ng pagod. Napangiti na lang ako. Ibang-iba talaga ang mundo rito sa loob.

Napatingin ako sa lalaking tumabi sa 'kin at nalaman kong si kuya pala. "Hoy! Saan ka galing? Kanina pa ako hanap nang hanap sa 'yo."

"Lumabas muna ako saglit. Sumuka," pagsisinungaling ko at hinaplos ang tiyan ko.

"'Yan...mabuti 'yan na naisuka mo na. Ibig sabihin, may space pa sa bago! Tara balik tayo sa itaas."

Anak ng! Nasusuka na talaga ako pero 'eto na naman. Iinom na naman kami. Sana hindi na lang ako nagsinungaling! Ilang bituka ba ang meron 'tong lalaking
'to?

Inakbayan niya ako at sabay naming inakyat ang hagdan pabalik sa pangalawang palapag. Buti na lang at walang umukupa sa maliit na mesa namin na dalawa lang ang nakalaang upuan. Umupo ako ulit at saka nag-order na si kuya ng inumin at makakain. Sa puntong ito ay nakaubos ulit kami ng ilang bote at ilang plato rin ng pulutan.

Hindi ko alam kung magkano ang ginastos ni kuya, basta lasing na lasing kami. Hugot nang hugot lang siya ng pera. Nadagdagan din kami nang sumali ang mga binatilyong nakilala ani kuya kanina no'ng nawala ako. Mas sumaya kami dahil sa kanila. Doble ang tawanan. Marami rin kaming naikuwento sa isa't isa. 

Sa sobrang lasing ay hindi ko alam kung ano na ang nasabi ko. Pero wala akong pakialam. Halos wala na nga kaming masabi dahil purong tawanan na lang. Mas sumaya rin kami no'ng nagsayawan na. Kami talaga ang nasa gitna at ang iba na nasa dance floor ay nagbigay talaga sa 'min ng espasyo. Parang nasa 'min ang spotlight no'n! Pero sa kalagitnaan ng aming pagsasayaw ay bigla akong nakaramdam ng masama.

Parang babaliktad na ang sikmura ko. Sa takot ko na baka masuka sa mga kasama ko ay dali-dali akong tumakbo at tinungo ang banyo. Buti na lang, umabot pa ako at may bakanteng kubeta rin. Dali-dali kaong pumasok at kinandado ang pintuan. Lumuhod ako sa sahig at doon na inilabas ang lahat.

Napakahirap. Isa sa mga pinakahindi kaaya-ayang pakiramdam sa mundo ay ang sumuka. Parang hinuhukay ang laman ko at hinihila palabas. Nanginginig na ang kamay ko at naiyak na rin ako.

Nang kumalma ang tiyan ko ay dahan-dahan akong tumayo. Umihi na rin ako. Kumuha ako ng iilang piraso ng tissue at saka pinahid ito sa 'king mukha at tinapon sa basurahan. Tinignan ko rin ang suot kong damit kung may kumapit ba. Nang makumpirmang wala ay ni-flush ko na ang lahat ng sinuka ko. Paglabas ko ay naabutan ko naman ang lalaking nakasando ng itim sa lababo at naghuhugas ng kamay.

Nagtagpo ang tingin namin sa salamin at unang sumagi sa isipan ko ay ang nangyari kanina. Naalala ko naman kung paano niya ako hawakan at tinitigan. Bigla itong ngumiti. Dahil natulala ako na nakatitig sa kaniya ay tinamaan kaagad ako ng hiya nang mapagtanto ito. Dala ng kalasingan ay ngumiti lang din ako at saka tinabihan siya. Hindi ko na siya binalingan pa ng tingin. Naghilamos kaagad ako para mahimasmasan nang kaunti.

"Masama ba pakiramdam mo?" tanong niya na ikinagulat ko.

"M...Medyo okay na. Naisuka ko na, e."

"Maganda 'yan na mailabas mo."

Nginitian ko lang siya at akmang aalis na sana ako nang muli na naman siyang nagsalita.

"Ikaw yung nakasayawan ko kanina, 'di ba? Anong pangalan mo?"

"Secret!" biro ko at dali-dali nang lumabas ng banyo.

Hinanap ko sina kuya at nandoon pa rin sila sa gitna. Muli ay humalo ako at nakipagsayawan na naman. Ang saya lang! Ito ang kauna-unahang pagakakataon na tumambay kami sa bar na inabot ng madaling araw. Nang mahimasmasan kami at natigil na rin ang sayawan ay do'n na kami nakaramdam ng pagod, pananakit ng ulo, at labis na uhaw. Gusto kong uminom ng ilang galong tubig na pinakamalamig.

Paglabas namin sa bar ay natawa na lang kami ni kuya nang makitang sumisilip na ang araw. Bumalik na kami sa 'ming sasakyan at do'n ko tinignan kung anong oras na. Alas singko na nga ng umaga! Nag-drive na si kuya pabalik sa resort. Habang bumabyahe ay hindi naman ako makatulog dahil daldal nang daldal si kuya sa mga nangyari. Halatang tuwang-tuwa rin siya.

Pagdating namin sa resort ay tahimik pa. Mukhang tulog pa rin sina mama. Bumaba kaagad ako at hinayaan si kuya na iparada nang maayos ang kotse. Pagpasok ko sa kuwarto ay naghubad lang ako ng damit at nag-boxer's shorts lang. Diretso na akong tumalon sa higaan ko at ipinikit ang aking mata. Namalayan ko rin na pumasok si kuya at dumiretso rin sa kama niya.

"Good night, bunso."

"Good morning, kuya."

Ngunit bago pa man kami makatulog ay nakarinig kami ng kalabog sa pinto. "Tristan! Dennis! Gumising na kayo. Maaga tayong aalis ngayon para sa island hopping!"

At yun na nga. Hindi na kami nakatulog ni kuya dahil sa bunganga ni mama. Naligo na lang kami at lantang-lanta na sumabay sa umagahan.

"Ano bang nangyari sa inyo at parang wala kayong tulog. Ang tatamlay n'yo," tanong ni mama.

"Si kuya kasi, ang lakas humilik. Tagal ko nakatulog," rason ko.

Pinandilatan ako ni kuya. "Ako pa talaga? Lumabas ka kagabi nga, e."

"Ano?"

"Saan ka pumunta, Tristan?"

"Ha?"

"Bakit ka lumabas?"

"Ah... 'Di po kasi ako makatulog sa lakas ng hilik ni kuya kaya lumabas na lang ako at tumambay muna sa cottage. No'ng inantok na ako ay bumalik na ako sa kuwarto." Sinipa ni kuya ang binti ko sa ilalim ng mesa.

"Kumain kayo nang marami. Mag-a-island hopping pa tayo. Ang matamlay, itutulak paalis ng bangka," sabi naman ni papa.

Wala kaming magawa ni kuya kung hindi ang sumabay sa trip nila. Kung hindi rin kami sasama ay paniguradong ito ang magiging laman ng reklamo ni mama sa loob ng ilang buwan.

Hays! Ang sarap matulog!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top