Chapter 23
THEO
"Theo...I love you."
Natigilan agad ako sa ibabaw ni Ales nung bigla siyang nagsalita.
Ang tagal ko pa siyang tiningnan kasi hindi ko alam kung tama ang narinig ko.
Nag-I love you siya sa 'kin.
Ilang beses kong pina-ulit ulit sa isip ko hanggang sa napangiti na ako sa sobrang saya.
Tangina, sa wakas! Akala ko hindi kami aabot sa ganito.
Hinawi ko ang buhok niya at hinalikan siya nang matagal sa noo. "Mahal na mahal din kita."
Hindi ko alam kung narinig niya pa 'yon kasi ang lalim na agad ng tulog niya. Napangiti na lang ulit ako at tinitigan siya bago ako tuluyang umalis sa ibabaw.
Nagbihis lang ako saglit, tapos umupo rito sa gilid ng kama para i-proseso 'tong saya ko.
Parang gusto ko siyang gisingin para lang ipaulit sa kanya ang sinabi niya. Baka kasi guni-guni ko lang 'yon dahil may tama pa ako ng alak at nanghihina pa sa nangyari sa 'min, pero alam kong totoo ang narinig ko. Hindi lang talaga ako makapaniwala na parehas pala kami ng nararamdaman.
Ang tagal ko na 'tong tinatago. Sa totoo lang, nung unang beses ko pa lang siyang nakita sa Sagada, tinamaan na ako. Hindi ko naman siya hahanapin kung hindi ko talaga siya trip.
Habang tumatagal na mas nakikilala ko siya at dumadalas ang pagsasama namin, lalo ko siyang nagugustuhan. Hanggang sa hindi na ako nakapagpigil at nahulog na talaga ako. Alam kong hindi dapat. Nagkasundo lang naman kami para sa libro niya, pero hindi ko inasahan na mababaliw talaga ako sa kanya.
Hindi lang muna ako umaamin kasi baka hindi kami parehas ng nararamdaman. Minsan kasi ang hirap pa ring basahin nitong si Ales. Hindi ko alam kung mahal niya rin ba ako o gano'n lang talaga siya dahil sa setup namin.
Ayokong masira kung anong meron kami ngayon kapag umamin ako. Ayoko siyang mawala kasi sa totoo lang, hindi niya alam kung gaano niya ako napapasaya.
Kaya iba ang tuwa ko ngayon nung nag-I love you siya sa 'kin. Tangina parang pwede na akong mamatay, eh. Hindi ko alam na posible pa pala 'yung ganitong pakiramdam.
Inayos ko lang ulit ang buhok niya, tapos hinaplos siya sa pisngi. "Tulog ka lang dito. Pupunasan kita."
Tumayo na ako at bumaba para kumuha ng bimpo at tubig.
Para nga akong gago na ngumingiti rito mag-isa. Hindi ko lang talaga maitago kung gaano ako kasaya ngayon.
Naligo lang ako saglit, tapos pagbalik ko sa kwarto, umupo ulit ako sa gilid ng kama at inumpisahan na siyang punasan.
Gustong-gusto ko na nililinisan siya pagkatapos naming magkalat. Responsibilidad ko na 'to.
Iba nga lang 'yung kalasingan niya ngayon. Hindi talaga siya nagigising kahit anong galaw ko sa kanya. Sinabihan ko na kasing 'wag damihan ang pag-inom, kaso minsan, ang tigas talaga ng ulo. Hindi nakikinig.
Habang pinupunasan ko siya, hindi ko naman maiwasan na hindi ulit siya titigan.
Kahit na lasing at pawisan siya, ang ganda-ganda niya pa rin. Sino ba namang hindi mai-in love sa babaeng 'to?
Sana nga gising na lang siya ngayon kasi gusto ko siyang yakapin nang mahigpit at sabihin kung gaano ako nababaliw sa kanya. Gusto ko ring mag-I love you nang paulit-ulit hanggang sa mainis siya, tapos hahampasin niya ulit ako sa braso. O kaya tatawa siya at tatakpan ang mukha niya. Nanghihina ako kapag gano'n kasi ang cute niya kapag nagtatakip ng mukha.
Tangina, napapangiti na naman tuloy ako mag-isa rito.
May konting kasalanan lang ako sa kanya. Hindi ko pa kasi naki-kwento ang tungkol sa ex ko na nando'n din sa Baler nung pumunta kami. Si Gia.
Balak ko naman talagang ikwento. Hindi ko lang muna ginawa kasi mas inuna kong asikasuhin ang birthday niya. Tsaka ayoko rin munang pag-usapan 'yung Gia na 'yon. Uminit nga ang ulo ko nung nakita ko 'yon sa Baler. Hindi ko lang pinahalata. Matagal ko na siyang kinalimutan at kung pwede lang sana, ayoko na siyang maalala kasi ginago niya ako.
Tangina, na-trauma ako sa ginawa niya sa 'kin. Sineryoso ko pa naman 'yon. Ang tagal ko tuloy na natakot magka-girlfriend ulit dahil sa pangga-gago niya.
Akala ko nga mawawalan na ako ng interes sa babae, kung hindi ko lang nakilala si Ales. Kaya hindi ko pinapansin 'yong si Gia nung nasa Baler kami. Masamang hangin na lang talaga siya sa paningin ko.
Sasabihin ko na lang kay Ales lahat kapag kaya ko nang mag-kwento nang hindi nagagalit.
Pagkatapos ko siyang punasan, kinumutan ko na siya, tapos hinalikan sa noo. "Good night. I love you."
Hindi pa rin naman siya gumagalaw. Sana lang naririnig niya ako.
Gusto ko sana siyang tabihan para makatulog na rin, pero sa sobrang saya ko ngayon, parang hindi ako tinatamaan ng antok. Hindi nga ako mapakali.
Naisip ko na lang na tawagan si Arkhe. Manggugulo lang para mailabas ko 'tong saya ko.
Dahan-dahan akong lumabas ng kwarto para hindi magising si Ales. Umupo ako rito sa hagdan, tapos tinawagan ko na si Ark.
Buti sumagot siya agad kahit alam kong nasa trabaho siya.
"Oy! Anong meron?"
"Nasaan ka?" tanong ko. "Third Base?"
"Oo. Katatapos lang ng huli kong set. Bakit?"
"Wala. Nandito si Ales sa bahay."
"O, anong gagawin ko? Papalakpak ako?"
Natawa ako sa kanya. "Tangina ka, sinasabi ko lang."
"Mag-aalas-kwatro na ng madaling araw. Tumawag ka lang para sabihin 'yan?"
Natawa ulit ako. "Oo."
"Tanginang 'yan. Bakit parang masaya ka?"
"Masaya talaga. Umamin na siya sa 'kin."
"Anong umamin?"
"Nag-I love you siya."
Siya naman 'tong natawa. "Tangina mo, Theo, para kang babae. Ano ba, kinikilig ka ba diyan?"
"Oo, eh. Wala akong mapaglagyan ng saya ko."
Tawa pa rin siya nang tawa sa kabilang linya. Hindi ko alam kung masaya ba siya para sa 'kin o nang-aasar na lang.
"Akala ko nga kayo na niyan," sabi niya pa.
"Siguro pagkatapos nito, magiging kami na talaga," sagot ko.
"Ayos. Ngayon nga pala 'yung birthday niya, 'di ba? Kumusta 'yung pa-surprise mo?"
"Success."
"Buti naman. Unang beses mo pa namang nag-effort ng ganyan sa babae."
"Oo nga. Buti naasikaso ko lahat. Masayang-masaya siya."
"Kaya naman pala napa-I love you sa 'yo. Baka hindi ka makatulog niyan sa sobrang tuwa mo, ah."
"Hindi nga talaga. Kaya kita tinawagan."
"Tangina mo. Inistorbo mo pa ako para lang diyan. Sige na, may gagawin pa ako dito sa club. Kiligin ka lang diyan hanggang sa mamatay ka."
Natawa na lang ako. "Sige na. Salamat sa pakikinig kahit na wala kang kwentang kausap. Bye."
Binaba ko na ang tawag, tapos napangiti na naman ako mag-isa.
Gago talaga 'yong si Arkhe. Hindi na lang maging masaya para sa 'kin. Samantalang siya dati kay Sab, mas korni pa mga kinikwento niya. Hindi lang siguro siya sanay na marinig ako nang ganito kasi hindi naman ako pala-kwento sa kanya pagdating sa mga babae. Ngayon lang talaga kasi hindi ko maitago 'tong saya ko. Tangina, mukhang sa kilig nga yata talaga ako mamamatay.
Binalikan ko na ulit si Ales sa kwarto pagkatapos.
Hindi pa rin siya gumagalaw. Kung paano ko siya iniwan kanina, gano'n pa rin ang pwesto niya.
Tinabihan ko na siya at niyakap.
Bukas na bukas, aamin na rin ako sa kanya. Hindi ko na 'to kayang itago. Mababaliw ako kapag hindi ko nailabas.
• • •
MAAGA AKONG BUMANGON kinaumagahan.
Hindi naman kasi talaga ako nakatulog. Paulit-ulit lang na nagre-replay sa utak ko 'yung pag-I love you ni Ales sa 'kin.
Magdamag ko na lang siyang binantayan, tapos mga bandang alas siyete, bumangon na ako para paghandaan siya ng almusal.
Hindi ko muna siya ginising. Ayaw no'n kapag ginigising siya nang maaga. Kapag nasira ang tulog niya, buong araw na siyang wala sa mood. Kilalang-kilala ko na 'yon.
Tanghali pa siya magigising at siguradong masakit ang ulo niya dahil sa kalasingan. Lulutuan ko na lang siya ng masarap.
Palagi ko naman 'tong ginagawa sa kanya. Sa sobrang busy niya kasi sa pagsusulat, wala ng ibang laman ang tiyan niya kung 'di kape at mga pagkain do'n sa convenience store na palagi naming tinatambayan. Kaya kapag magkasama kami, sinisigurado kong nakakakain siya nang masustansya. Paano, hindi rin kasi siya mahilig sa gulay. Kung hindi ko pa siya lulutuan, hindi pa siya kakain.
Ang sarap lang talagang alagaan nung babaeng 'yon. Hindi na nga ako mapakali kasi kauusapin ko na siya mamaya. Aamin na rin ako.
Nasa kalagitnaan pa lang ako ng pagluluto nang bigla kong narinig si Ales na pababa ng hagdan.
"Theo?"
Napangiti agad ako sa simpleng pagtawag niya lang.
Hininto ko na muna 'tong ginagawa ko, tapos nilapitan siya kasi gusto ko sana siyang yakapin. Kaso parang wala siya sa mood.
Ni hindi niya ako tiningnan. Taranta lang siyang umupo sa mesa sabay tinakpan ang mukha niya. "What happened last night? Did I say anything hideous?"
'Yung boses niya, naiiyak. Hindi ko tuloy alam kung anong ibig niyang sabihin. Napakunot na lang ako ng noo. "Ha?"
Tumingala siya sa 'kin. "May narinig ka ba na sinabi ko kagabi?"
Gusto ko nang sumagot agad kaso hindi ako makabwelo kasi parang masama ang loob niya.
"I was so drunk," dagdag niya pa. "Kilala mo ako kapag lasing ako, may mga nagagawa at nasasabi ako na hindi dapat. Kung meron man akong nasabi kagabi sa 'yo, don't believe it. It's not true, okay? It's not true."
Pakiramdam ko gumuho ang mundo ko.
Ang tagal ko pang pinroseso sa utak ko ang sinabi niya, hanggang sa tuluyan na akong nanghina at wala nang nasabi. Gulong-gulo ako. Hindi pala totoo 'yon? Hindi niya ako mahal?
Mas nakakalungkot pa ang itsura niya. Nakasubsob ang mukha niya sa mga kamay niya at naiiyak siya na para bang sising-sisi talaga siya sa nangyari kagabi.
Nasaktan ako. Huminga na lang ako nang malalim kasi na-blangko na ang utak ko at wala na akong laban. "Wag kang mag-alala, wala kang sinabi."
"Really? Y-you didn't hear anything?"
Umiwas na ako ng tingin. "Wala."
Tinalikuran ko na agad siya pagkatapos. Hindi ko na kasi siya kayang makita na nagsisisi, at ayoko rin na makita niya akong nasasaktan nang ganito. Ang bigat sa pakiramdam.
Tumungkod na lang ako rito sa lababo sabay kuyom sa mga kamao ko. Hindi ko maintindihan kung anong nangyari. Bakit biglang nagkaganito? Para akong binangungot. Sobrang saya ko pa kagabi, pero binawi rin agad.
Sinilip ko pa siya ulit. 'Yung itsura niya, problemadong-problemado talaga siya. Parang ang laking kasalanan na nag-I love you siya sa 'kin.
Bumuntong hininga ulit ako at pumikit. Tangina, pakiramdam ko naulit 'yung sakit na pinaramdam sa 'kin ni Gia, pero mas matindi 'to.
Hindi ko na alam kung kaya ko pang umamin kay Ales. Hindi ko na mapanindigan kasi sa totoo lang, bigla akong naduwag. Umasa ako na parehas kami ng nararamdaman, pero hindi pala.
TO BE CONTINUED
Bitin ba? Read six (6) advanced chapters of this story on my Patreon! Go to www.patreon.com/barbsgaliciawrites.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top