Chapter 2
THEO ALVAREZ
"THEO! 'LANGYA, SAANG lupalop ka na naman ba nanggaling?" Banat sa 'kin ng utol kong si Arkhe na kausap ko sa telepono ngayon. Naka-loudspeaker, kasi nagmamaneho ako.
"Pauwi na ako kila Mama sa Batangas," sagot ko sa kanya. "Bakit?"
"No'ng isang araw pa ako tumatawag. Galing ka na naman sa galaan?"
"Ano pa nga ba. Nag-Sagada ako kasama sila Charlie. Bakit ka tumawag?"
"Ah, itatanong ko lang kung pwedeng ikaw muna ang magbantay sa mga club. Magba-bakasyon ako."
"Isa ka rin palang gagala. Sinong kasama mo?"
"Misis ko, sino pa ba? Ano, pwede kang magbantay sa Third Base?"
Humithit muna ako sa yosi sabay buga ng usok palabas sa nakabukas kong bintana. "Titingnan ko. Balikan kita, medyo wala pa ako sa sarili ngayon."
"Bakit, anong nangyari?"
Napangisi ako kasi naalala ko na naman. "May naka-one-night stand ako sa Sagada."
Bigla siyang natawa nang malakas. "Ibang klase ka talaga. Ano ba, balak mo bang markahan lahat ng mga lugar na pinupuntahan mo?"
Napangisi na lang ulit ako sabay hithit sa yosi. "Ang ganda nung nakilala ko. Medyo singkit tapos ang tapang ng mukha. Kaso eat and run."
"Iniwanan ka?"
"Oo. Pagkagising ko, wala na siya pati mga gamit niya. Hindi ko man lang nakuha 'yong number."
Ang sarap na naman ng tawa niya. "Alam mo naman kung anong pangalan?"
"Alice. Paano ko hahanapin sa Instagram 'yon? Ang daming Alice sa mundo."
Tawa pa rin siya nang tawa. Tangina nitong kapatid ko. Kitang namomroblema na ako rito, ang saya niya pa rin.
"Tsk, sige na, mamaya na lang ulit tayo mag-usap," sabi ko sa kanya. "Wala ka namang kwenta."
"Sige, sige. Balitaan mo na lang ako kung pwede kang magbantay sa club."
Binabaan ko na siya at tumutok na ulit ako sa pagmamaneho.
Halos buong araw akong puro byahe, pero hindi ko man lang talaga nakalimutan si Alice.
Ngayon lang ako nagkaganito sa dami ng mga babaeng naka-one-night stand ko. Totoo 'yong sinabi ni Arkhe, minamarkahan ko talaga halos lahat ng mga napupuntahan kong lugar. Pero iba 'yong nangyari sa Sagada.
Ang misteryoso kasi ng Alice na 'yon kaya hindi ako matahimik. Gusto ko siyang makita ulit.
Nagtataka lang talaga ako kung bakit bigla siyang nang-iwan. Alam kong nag-enjoy naman kami nung gabing 'yon. Pinlano ko pa na igagala ko siya sa Sagada nang kaming dalawa lang kasi nagandahan talaga ako sa kanya, kaso paggising ko tangina, ako na lang mag-isa sa kwarto.
Tinanong ko sila Charlie kung alam ba nila ang number ni Alice para tatawagan ko na lang, pero hindi rin pala binigay sa kanila.
Tsk, hindi talaga ako matatamihik nito hangga't hindi ko siya nakikita ulit.
• • •
TANGHALI NA NANG makarating ako rito sa Batangas.
Taga-Nasugbu talaga ako, pero may bahay din kami sa Maynila. Mas madalas akong nandoon kasi may mga nightclubs kami ni Arkhe. 'Yong Third Base. Kapag wala ako sa galaan, ako ang namamahala ro'n sa mga clubs.
Dalawa lang kasi kaming magkapatid ni Arkhe. Siya ang bunso, pero mas nauna pa siyang nag-asawa kesa sa 'kin. Wala e, maaga-aga siyang nag-seryoso sa buhay. Ako kasi puro galaan pa ang nasa utak ko.
Pagpasok dito sa bahay, imbis na mga magulang ko ang una kong makikita, ang sumalubong sa 'kin e itong makulit kong pinsan na babae, si Unice.
"KUYA THEO! YOU'RE BACK FROM THE DEAD!"
Ang ligalig niya pa. Tinalasan ko na lang ng tingin. "Ikaw bubwit ka, ba't nandito ka na naman? Wala ba kayong sariling bahay?"
"E hinihintay kita e. Sabi ni Tita, ngayon ka raw uuwi kaya nag-abang na ako rito. Nasaan na 'yung pasalubong kong Sagada T-shirt?"
"Nandito pa sa bag, mamaya ko na ibibigay."
Pumasok na ako at dumiretso paakyat sa kwarto ko sa itaas.
Itong si Unice naman, nakasunod pa rin sa 'kin. "Kuya, 'yung T-shirt ko."
"Mamaya na. O bukas na lang. Tinatamad pa akong mag-ayos ng gamit."
"Ngayon na! Ano ba 'yan si Kuya Theo, 'yan nga ang hinihintay ko e. Mas excited pa ako diyan kesa sa pagdating mo."
"Tangina, salamat ah."
Natawa siya. Tapos hindi pa rin ako tinantanan. Hangga't makapasok ako sa kwarto ko, nakasunod pa rin siya sa 'kin. Kaya nagbukas na lang ako ng bag para ibigay na sa kanya 'yong pasalubong kong T-shirt.
"O ayan na." Initsa ko sa kanya. "Sige na, umuwi ka na ro'n. Inaantok ako."
Pero imbis na lumabas, umupo pa talaga siya sa kama ko. "Anong ginawa mo sa Sagada? Umakyat ka ng bundok?"
"Malamang."
"Ano pang ginawa mo? May nahanap kang chicks?"
Bigla akong natigilan kasi naalala ko na naman si Alice.
"Wala," sagot ko na lang. "Ba't nagtatanong ka ng mga ganyan-ganyan?"
"Syempre! Gusto kong malaman kung nakahanap ka na ba ng girlfriend. Alam mo naman na ang only mission ko sa life ay tulungan kang makapag-asawa para mawala ka na rito sa Nasugbu."
"E kung ikaw kaya ang mawala na sa paningin ko? Umuwi ka na, nangungulit ka na naman."
"Ibig sabihin, wala ka talagang nabingwit na chicks sa Sagada? Oh my god kuya Theo, ang weak mo! Mas nauna pang nakapag-asawa sa 'yo si kuya Arkhe e mas matanda ka sa kanya!"
Hindi ko na siya pinansin. Ganyan talaga ka-sutil 'yang batang 'yan.
College na siya pero isip bata pa rin. Aso't pusa kami kapag nandito ako sa Nasugbu. Ako lang kasi ang pinsan niya na kayang-kaya siyang asarin. At siya lang din ang pinsan ko na ikamamatay ko talaga nang maaga kasi saksakan ng kulit at parang hindi napapagod.
Kapag pinatulan ko naman, iiyak-iyak tapos magsusumbong agad sa Mama niya. Pasalamat nga siya wala ako sa mood na bully-hin siya ngayon.
"Aha! Alam ko na kung paano ka makakahanap ng jowa, kuya Theo," pangungulit niya pa rin. "E kung mag dating app ka kaya?"
"Ako, Unice, tantanan mo ako sa mga ganyan-ganyan mo ah. Pagod ako."
"Masaya 'yon! Marami kang mahahanap na mga girls. Tapos swipe-swipe lang."
Tiningnan ko siya nang masama. "Ba't alam mo 'yan? Ang bata-bata mo pa."
"E pinaguusapan 'yon sa school namin. May mga kakilala nga ako na nakahanap ng jowa dahil do'n. Tara, downloadan kita nung app!"
"Ayoko."
"Dali na! Sige ka, hindi ka na talaga magkaka-girlfriend niyan. Tatanda ka na lang na binata."
"Kung makapagsalita ka, para namang tigang na tigang na ako. Ano ba 'yang app na 'yan?"
Bigla siyang tumayo at hinablot 'yong cellphone ko na pinatong ko lang sa mesa. Alam niya ang password nun dahil sa kaka-kulit niya sa 'kin dati, kaya nabuksan niya agad.
Akala ko nagbibiro lang 'tong bubwit na 'to, pero nag-download nga talaga siya.
"Ayan, Kuya Theo, may dating app ka na! Ako na rin gagawa ng account para sa 'yo."
"Gusto mo ikaw na rin makipag-usap tsaka makipag-date?"
Natawa siya pero tutok pa rin siya ro'n sa paggawa ng account. "Ito na, kuya! OMG, ang daming pretty girls!"
Bigla naman akong nabuhayan ng dugo. "Patingin nga." Inagaw ko sa kanya ang cellphone.
Tangina, ang dami ngang magaganda, ah.
Nakisilip din naman ulit 'tong si Unice sa telepono ko. "Ayan, kuya. Swipe ka lang kapag type mo 'yung babae."
"Oo na, oo na. Alam ko na."
Medyo naaliw ako rito sa dating app kaya humiga na muna ako sa kama. Ginawa kong unan 'tong isa kong braso at tuwang-tuwa na naghanap ng mga babae.
Ganito pala gamitin 'tong app na 'to. Tangina, ang tanda ko na ngayon lang ako natuto. Iba na talaga mga kabataan ngayon.
Aliw na aliw ako. Ang dami ko na ngang naii-swipe nang bigla na lang may lumitaw na pamilyar na profile picture.
Ales Lim, 28
Writer/Author
Bigla akong napabangon.
Nagulat tuloy 'tong pinsan ko. "Bakit? May naka-match ka na agad? Patingin!" Sumilip pa ulit siya sa cellphone ko, pero tinago ko agad.
"Lumabas ka na ro'n."
"Patingin lang!"
"Wag na, labas na." Tumayo ako mula sa kama at hinila siya palabas ng kwarto ko sabay ni-lock ang pinto.
Pinagkakatok niya naman agad ako. "Kuya Theo! Ang daya mo talaga! Ako nagturo sa 'yo niyan, tapos hindi mo ipapakita sa 'kin!"
Hindi ko na siya pinansin.
Tiningnan ko ulit 'tong profile sa dating app.
Ales Lim.
Siya 'to. Medyo malayo lang ang kuha niya sa picture, pero alam kong siya 'to.
Umupo muna ulit ako sa gilid ng kama.
Tangina, kalalaki kong tao pero ang lakas ng kabog ng dibdib ko ngayon.
Hinanap ko ang pangalan niya sa Instagram. Lumabas agad. Siya nga talaga 'to, buti naka-public account. Ang dami niyang followers.
Hindi na ako nagdalawang-isip. Nag-DM na agad ako sa kanya.
| Ales pala ang pangalan mo. Alice ako nang Alice. |
TO BE CONTINUED
Author's Note: Want to read advanced chapters of this story? Chapters 3 and 4 are already posted on my Patreon! Support me at www.patreon.com/barbsgaliciawrites.
For inquiries or payment via GCash, please message me on my FB page (www.facebook.com/thebarbsgalicia). Thank you so much!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top