Chapter 1

Ako si Toya. Toya Engkantada sa online writing world. Kahit paano ay nakapag-establish na rin ako ng pangalan sa Escribo, isang online storytelling community kung saan ako nagsusulat ng romantikong mga nobela.

Actually, marami na rin akong followers. And they make me feel loved and beautiful. Bakit? Eh, beautiful naman talaga ako! Diyosa lang ang peg.

Totoo 'yun! Ako ang nag-iisang Diyosa sa Escribo. Ako ang reyna. Kung meron mang aagaw sa titulo kong 'yun, malaking gulo!

Katatapos ko lang maligo. As usual, after a very tiring office work, time for the diyosa to have beauty rest. At dapat lang, kasi mag-aalas dose na ng gabi.

Pero bago 'yun, kailangan ko munang mag-update ng mga story ko. Magagalit ang fans kapag hindi ako nag-update tonight. Nag-promise pa naman ako na ipo-post ko ngayong gabi ang karugtong na kabanata ng kuwentong sinusubaybayan nila. Sa totoo lang, I owe them a lot kung bakit successful ang stories ko. Wala silang sawang magbasa, mag-comment at bumoto. As in bumabaha talaga ng mga boto at komento sa bawat chapter ng kuwento. Kaya naman mahal na mahal ko ang The Nymphs, tawag ko sa mga followers ko. In fact, to show my appreciation to them regular kaming nagkakaroon ng group chat. Yes! FC kami. As in feeling close!

Char!

Close naman talaga ako sa kanila. May mga admin ako na namamahala sa activities ng group. Basta lahat ng may kaugnayan sa pagsusulat ko, ang mga admin ko ang nakatoka. Para silang mga business manager ko na laging nag-iisip at nagpaplano kung paano pa mas bobongga ang aking kadiyosahan at ang aking writing career.

Pinagmasdan ko ang aking kagandahan sa malaking salamin na katabi ng aparador.

Ang ganda ko talaga!

Wala akong kaparis!

Diyosa!

Ako na nga talaga ang diyosa ng mga engkantada.

Sa suot kong negligee na tila may sariling buhay na gumagalaw sa tuwing matatapatan ng hanging nagmumula sa electric fan, tila ako isang nakalutang na nilalang na handa nang lumipad at maghasik ng kagandahan sa sanlibutan.

Sino ang mag-aakalang ang simple at napakahinhin na si Golden Glimmer Araspe ay nagtra-transform into a queen fairy pagsapit ng gabi?

Oo, 'yun ang totoong pangalan ko. Golden Glimmer Araspe. Hindi ko na inalam sa nanay ko kung saan nanggaling ang pangalang 'yan. Nagpapasalamat na lang ako na hindi snail ang second name ko. Kung nagkataon, hindi na ako isang fairy kundi isang golden kuhol.

At mas lalong mabuti na hindi buddha ang pangalawang pangalan na ibinigay nila sa akin dahil baka hinahanap na ako ngayon ng mga gold hunters sa pag-aakalang kasama ako sa hidden treasures ng Pilipinas--- ang Golden Buddha.

Golden Buddha Araspe?

Toink!

Hindi bagay. Ang slim ko kaya. Nakakita ka na ba ng slim na buddha? Eh, 'di ba ang buddha ay 'yung matabang maraming anak na naglalambitin sa kanyang mga bilbil?

But on the other hand, ang kagandahan ko pa lang ay sadyang kayamanan nang maituturing. Kahit saang anggulo man tingnan. Pak!

Sa kaliwa, pak!

Sa kanan, pak!

Tingala, pak!

Nakayuko, pak na pak!

Ganoon ako kaganda.

Anino ko pa lang, makikita mo nang maganda talaga ako.

Kaya nga diyosa, 'di ba?

Muli kong pinagmasdan ang kagandahang nakarehistro sa salamin. Aba, bakit nakasimangot yata ang imaheng nakikita ko sa salamin? Hindi ba sang-ayon ang imahe ko sa sinabi kong diyosa ako?

"Magtigil ka!" tinilian ko ang imahe ko sa salamin pero wala naman itong reaksyon. Para tuloy akong timang sa ginawa ko. Nagsasalita at kinakausap ang sariling repleksyon sa salamin.

Tinalikuran ko ang salamin at lumakad ako papunta sa munting mesita na nasa bandang kanang bahagi ng aking kama. Dinampot ko ang maliit na botelya na nasa tabi ng isang basong tubig, na naglalaman ng iba't-ibang chocolate bits. Binuksan ko ang botelya at kumuha ako ng isang maliit na piraso ng tsokolate.

Isasara ko na ang botelya nang biglang may kumatok na aking ikinagulat kaya nabitiwan ko ang botelya. "Ay, puwet mo malaki!"

Kumalat sa sahig ang ilang piraso ng tsokolateng nanggaling sa loob ng botelya.

Tinungo ko ang pinto at binuksan. Si nanay lang pala.

"Anak, anong nangyayari sa'yo diyan?" nag-aalalang tanong nito sa akin.

"Ha?" Wala naman po. Nag-aayos lang po ako para makatulog na. Katatapos ko lang pong maligo. Pinatutuyo ko lang po ang buhok ko." Si madir talaga. Akala ko tulog na, gising pa pala.

"May narinig kasi ako na parang nagsasalita dito sa kuwarto mo. Akala ko kung sino na ang kaaway mo."

"Hala, 'nay! Sino naman ang makakaaway ko dito sa loob ng kuwarto eh, mag-isa lang ako rito?"

"Ah, baka nananaginip lang ako."

'Baka nga, 'nay. Nakalimutan mo sigurong magdasal bago matulog kaya nananaginip ka." kunwari'y sinisisi ko pa ang nanay ko.

"O sige, babalik na ako sa kuwarto," pagpapaalam ni nanay. "Matulog ka na rin. Hatinggabi na," pahabol na sabi pa nito.

Isinara ko ang pinto nang tumalikod na si nanay para bumalik sa silid nila ni tatay. Pagkatapos ay hinarap ko ang nagkalat na mga piraso ng tsokolate sa sahig at itinapon sa basurahan.

Nang masiguro kong wala ng kalat sa sahig ay ibinalik ko ang botelya sa munting mesita.

Dinampot ko ang basong may tubig. Hawak ang isang pirasong tsokolate na kinuha ko kanina sa botelya, muli akong humarap sa salamin at pinagmasdan ang aking kagandahan.

Feeling ko ako si darna, isinubo ko ang tsokolate at sinubukang lunukin pero di ko magawa kaya buong giting kong tinungga ang isang basong tubig. Pagakatapos ay buong ningning akong sumigaw habang nakataas ang kamay kong may hawak na baso. "Diyosa!"

Kinuha ko ang celfone na nasa ibabaw ng aking kama at pinatugtog ang kantang paboritong-paborito ko.

"Amoy na amoy, is it real? Is it real? Kitang-kita!" Nagsimula akong sabayan ang kanta sa celfone at kumendeng-kendeng na tulad ng ginagawa ng batang si Kendra sa tv commercial ng Nesfruta.

"Dan dan dan! Dalandan! Dan dan dan, sarap ng real!" Feel na feel ko ang pagkembot nang walang pakialam. Basta, ako'y masaya sa ginagawa ko. Pakiramdam ko ay diyosang-diyosa ako habang umiindayog ang aking balakang.

"Lasap na lasap! Real na real! Real na real!" Iwinasiwas ko ang aking mahabang buhok na papasang model ng kahit anong brand ng shampoo kasunod ang walang humpay na pagyugyog ng aking katawan.

"Dan dan dan, dalandan!" Tinapos ko ang kanta sa isang malupit na split.

Dyaraaannn!

Inspired na ako. Inspired na inspired na ako! Pwede na akong magsulat! Tumitili ang aking isipan. Nakaugalian ko nang gawin ang ganoong ritwal bago ko umpisahan ang pagsusulat.

Binuksan ko ang laptop pero bago ako nakapag-log in sa Escribo ay nag-check muna ako ng facebook. At napukaw ang atensyon ko sa isang litratong nasa wall ng aking facebook account. Nakangiti ang dalagita sa larawan. Maganda siya at bakas sa mukha ang kasiyahan.

Napangiti ako. Lagi akong napapangiti ng batang ito.

Si Niknik.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top