8: GEOENKANTHIZ
Batid sa mukha ni Vladimir ang lungkot, tuwa, panghihinayang at pag-aalala habang tinatanaw papalayo ang anak sakay ng puting dragon ni Cazmir.
Bago tuluyang mawala sa paningin ay lumingon pa si Ram sa ama at sa mga tiyo saka kumaway. Tumugon naman ang magkakapatid.
"'Wag kang mabahala kuya, ligtas siya sa kamay ng Baronprotektor," sambit ni Voldibur matapos tapikin ang balikat ng panganay na kapatid.
"Wala naman duda roon, ang inaalala ko ay baka bigla na lamang mangyari kay Ram ang nangyari noong isang gabi—"
"Pansamantala kong nagawan ng paraan ang tungkol doon," balik-tugon ng protektor.
"Umasa na lamang tayo na hindi madiskubre ang bagay na iyon," ani pa ni haring Valthazar.
Nang tuluyan ng maglaho sa kawalan ang prisensya nina Ram at Cazmir ay pumasok na sa kastilyo ang magkakapatid.
Medyo masakit ang ulo at mahilo-hilo si Ram ng umagang iyon. Mayroon kasing bagay na parang nagsusumiksik sa kaniyang isip na hindi niya matandaan.
"Ayos ka lang ba?" napansin siya ni Cazmir na nakaupo sa unahan niya.
Tumango muna ang binata. "Medyo masakit lang ang ulo pero wala po ito, siguro dala lang ng pagsakay sa dragon," dahilan niya.
Humarap si Cazmir sa binata. "Simula ngayon dapat ay masanay ka na, mahabang panahon ang pagsasamahan n'yo ng dragon," saka nito hinimas ang dambuhalang inuupuan na tumugon naman sa pamamagitan ng malakas na ingay. "Ang pangalan niya ay Bvirdrago."
"Ganoon po ba?" Humimas rin ng binata sa puting dragon. "Ikinagagalak kitang makilala Bvirdrago," pagkatapos ay muli itong bumaling sa kausap. "Baronprotektor, sa palagay mo ano ang ginagawa ng grupo ng blackamoorluna doon sa Hruwenn? Nagtataka kasi ako e."
Bumalik muna ng pwesto ang Serihchian bago tumugon. "Malaki ang posibilidad na hinahanap nila ang naiwang Supramisia ng dating protektor ng Hruwenn."
"Wala bang nakakaalam sa inyo na naroon lang 'yon?"
"Buong kasapi ng Realyansa lamang ang nakakaalam na naiwan sa guhong iyon ang Hruween-Supramisia. Kung tatanungin mo naman kung anong balak ng kalaban o kung paano nila nalaman ang tungkol sa supramisia, hindi ko masasagot iyan sapagkat wala bang malinaw na eksplenasyon."
Napaisip si Ram. "Hindi ba ang Supramisia ang kusang pumipili ng karapatdapat? Kahit matagpuan iyon ng blackamoorluna ay hindi rin naman nila iyon makukuha."
"Tama ka r'yan. Kaya lamang ay noong nalaman at nakita ko na kaya rin nilang gumamit at magpakawala ng mahika— Hindi ko alam kung paano pero naisip ko na marahil ay kayang agawin ng kalaban ang liwanag na'yon— O kung hindi man ay kaya nilang labanan ito."
Nanahimik si Ram.
"Ang Supramisia ay may tatlong lebel o klase."
"Po?"
"Una ay ang puti, ikalawa ang asul at ikatlo ay ang ginto na siyang pinakamataas," paliwanag ng baronprotektor.
Napa-isip mula ang batang protektor. "Kaya pala ng makita ko ito ay nahahati sa tatlong kulay," mangha niyang saad.
"Sa mga susunod na pagsasanay ay ituturo ko sa'yo ang tamang paggamit ng Supramisia. Sa ngayon nais ko lang sabihin na mapalad ka o tayo dahil alam nating nasa panig natin ang kalangitan. Sinadya ng panahon na mangyari 'to. Dahil siguro kung sakaling naagaw ng kalaban ang liwanag, kung sakali man na kaya nilang gawin iyon, alam ng langit na malaking gulo ang maaring mangyari."
Nabuhayan si Ram sa sinabi ni Cazmir. "Panig sa'tin ang kalangitan."
"Tama, salamat kay Eliah sapagkat hindi niya tayo pinababayaan."
Mahigit isang oras din ang lumipas bago nila matunton ang lugar na pakay.
Paglagpas ng puting dragon sa malaking ulap na tumatakip sa kanilang daraanan ay laking mangha ni Ram sa nakita.
"Narito na tayo sa ginintuang syudad, ang Geoenkanthiz, kaharian ng Levinthecus," maganang sambit ni Cazmir.
Napatakip mata si Ram dahil sa nakasisilaw na tanawin sa ibaba. Gaya ng sabi ng Baronprotektor ay nagniningning dahil ginto ang buong kaharian. Simula sa matatayog na bakod ng kastilyo, bubong ng mga kabayahan ng kapital at iba pa. Kahit saan ka lumingon ay makakakita ka ng ginto, liban na lamang sa mga natural na bagay gaya ng mga bulaklak, puno at mga hayop.
Dumiretso ang puting dragon patungo sa isang matayog na kastilyong gawa sa purong ginto. Nang makita ang malawak na bulwagan sa silangan bahagi ng palasyo ay mabilis na bumulusok paibaba si Bvirdrago. Napakapit si Ram sa bewang ng kasama dahil sa lakas ng hangin na siyang epekto ng pagbulusok. Nang malapit na sa lupa ay biglang kumambyo ang puting dragon. Malakas nitong ikinampay ang mga pakpak at dahan-dahang lumapag sa lupa. Saglit na nagkalat ang usok sa paligid dahil sa ginawa ng dragon subalit nawala rin naman ito agad.
"Ito ang kaharian ng Levinthecus," masayang sabi ni Cazmir habang si Ram ay nakakapit pa rin sa kaniyang baywang.
Ang Levinthecus ang ikatlo sa pinakamayamang realm sa labindalawa. Kilala ang nasabing kaharian sa katagang Geoenkanthiz na ang kahulugan ay gintong lupa o gintong kaharian.
Nahahati ito sa apat na lahi Ang Bronees ng silangan, pinakamaliit na nilalang at lahi. Ang Hubytt ng kanluran na pundasyong ng levinian pagdating sa agrikulturang usapin. Ang Givlon ng hilaga, pinakatagong lahi dahil sa naninirahan sila sa mga pinakamalalalim na yungib at ang Dweorh ng timog, lahi ng mandirigmang levinian na mahilig sa ginto at kung nasaan sila ngayon.
"Maligayang pagbati baronprotektor at maligayang pagdating sa Levinthecus," Napabaling ang atensyon nila sa kinaroroonan ng malaking tinig.
Bumungad ang isang balbasin, malusog at hindi katangkarang ginoo na puno ng ginto ang katawan, mula ulo hanggang paa. Sa gitna ng suot nitong damit ay ang simbolo ng kahariang iyon. Palapit ito sa kanila kasunod ng mga kawal na kasinglaki lang din nito.
Nang masilayan ni Ram ang nagsalita ay nagkaroon siya ng kalituhan. Malayo kasi ang boses nito sa itsura. Sa imahinasyon kasi ng binata, malaking tao ang nagsalita subalit hindi naman pala.
Likas na naliliit ang mga Levinian. Sa katunayan, apat na talampakan na ang pinakamalaking nilalang na naitala sa kaharian at isang dangkal naman ang pinakamaliit.
"Salamat sa pagtanggap haring Goldiukuz."
Yumukod agad ang binata ng malaman na isa pala itong kagalang-galang. Agad niya rin na iwinaski ang kakat'wang naiisip dahil sa tinig ng nasabing hari.
"Maligayang pagdating sa'king kaharian bagong protector," sabay abot ng malapad nitong kamay na may hindi kalakihang mga daliri. "Ako si haring Goldiukuz ng kaharian ng Levinthecus."
Tarantang nakipagkamay ang binata, "R-ram po—ako po si Ram. Meradian na ngayon ay bagong protektor ng Hruween," naiilang n'yang sabi.
Napahamimas ng balbas ang haring Levinian habang ang isang bahagi ay nanatiling nakikipagkamay. "Meradian na ngayon ay protektor ng Hruween? Hmm.. . Ano na kayang itatawag sa'yo kapag naging ganap ka ng protektor? Meraween? Hmmm..."
Napangiwi si Ram habang dahan-dahang binabawi ang kamay.
"Hrumer? Weenrad? Ang hirap—"
"Puro ka talaga kalokohan Goldiukuz, hindi iyan ang ipinunta namin dito," sawata ni Cazmir na nangingiti sa mga sinasabi ng haring Levinian.
"Paumanhin Baronprotektor, halina't sumunod kayo sa akin."
Nauna itong lumakad papasok sa loob ng gintong kastilyo habang patuloy sa pag-iisip ng ibabansag kay Ram. Malugod naman na sumunod ang dalawa at pansamantalang naiwan si Bvirdrago sa bulwagan na inaalalayan naman ng mga kawal.
Puno ng mga bigating sandata at baluti ang kwartong pinasok nila.
"Isasabak ba nila ako sa isang laban?" unang bagay na pumasok sa isip ni Ram pagkakita sa mga sandata.
"Mamili ka bata,"
"Mamili?" tila wala sa sariling sambit ni Ram na tinanunguan lang ng dalawang hari.
Mabagal siyang lumibot sa hindi kalakihang silid. Masusing sinuri ang mga kaledad ng sandata kahit hindi naman talaga siya mahusay sa bagay na iyon.
Napadako ang binata sa mga tulos at espadang may iba't-ibang disenyo at laki subalit wala siyang napili kaya bumaling siya sa kabilang parte na palaso, malalaking pana, pamukpok, maso, baluting kasuotan, panangga at iba pang klase ng sandata ang nakalagay.
Wala pa rin siyang napusuan.
Pabalik na siya sa kinaroroonan ng dalawang hari upang ipabatid sa mga ito na wala siyang mapiling sandata, pagkadaka ay nasulyapan niya ang isang gintong espada.
Diretso ang hugis nito na may tig-tatlong palubog na kurba ng talim sa gitnang parte ng espada. Magkabilaan iyon. Nang hawakan niya ito ay tama lamang ang bigat, eksakto rin ang hawakan nito at mukhang pulido ang pagkakagawa.
Iniangat ng binata ang espada at mabagal na iwinasiwas. Kahit papaano ay may alam si Ram sa paggamit ng espada sapagkat madalas na libangan nila ito ng kaniyang ama sa t'wing hindi abala ang huli sa pagsasaka at siya sa pagmimina.
"Mahusay ka pumili bata," hindi na pinatapos si Goldiukuz si Ram, base kasi sa kilos na ginawa nito sa paggamit ng espada, alam na ng haring Levinian na ito na ang napili ng binata.
"At ngayon ay pupunta na tayo sa silangan," ani Cazmir.
"Paumanhin kung hindi ko na kayo masasamahan sa lupain ng Bronees, Baronprotektor," paalala ni Goldiukuz. "Kasalukuyan naman na nagbabawi ng lakas si protektor Griffithiuz sapagkat maraming enerhiya ang nagamit nila sa Ozhgo."
"Walang problema, alam ko naman na masyado kang abala."
"Zorzis," tawag ng Levinian sa isang kawal. Nang makalapit ang huli ay malugod itong ipinakilala kina Cazmir at Ram. "Siya ang aalalay sa inyo patungo kay Yapo,"
"Ikinalulugod kong pagsilbihan kayo," magalang na sambit ng mandirigmang levinian.
Nang makapagpaalam ng maayos ay agad tinungo nina Cazmir, Ram at Zorzis ang silangang bahagi ng Levinthecus.
Dalawampung minuto bago narating na ng tatlo ang silangan na siyang lupain ng mga Bronees.
Nagtaka si Ram dahil puro puno lamang ang kanilang nadtanan.
Napasinghap siya sa hangin ng maamoy ang samyo na inilalabas ng mga puno sa buong paligid. Bukod doon ay nakagiginhawa sa pakiramdam ang amoy.
Tahimik nilang ninamnam ang mahalimuyak na paligid bago lumapag sa lupa.
"Nasaan po ang mga Bronees na tinutukoy n'yo? Bakit walang mga kubo o kabahayan? palaisipang tanong ni Ram.
Hindi nagbigay ng pahayag si Cazmir. Ngumiti lang ito sa binata at pagkadaka ay sumenyas kay Zorzis. Tumango ang huli bago umabante ng kaunti sa kanila.
"Maligayang pagbati sa ngalan ng Levinthecus at ni Eliah. Yapo ng Bronees ng silang, magpakita po kayo sa amin!" bulalas ng mandirigmang Dweorh.
Pagtapos ng mga katagang iyon, ang kaninang tahimik na paligid ay napalitan ng kakaibang ugong. Palakas iyon ng palakas kasunod ng mabilis na paggalaw ng mga puno sa kanilang paligid na nagdulot ng pagkahulog ng ilang mga dahon.
Umihip ang malamig na hangin kaya muling kumalat ang mahalimuyak na amoy na nagdadala ng maginhawang pakiramdam.
Walang ano-ano'y biglang bumukas ang maliliit na pinto sa mga puno.
Mula roon ay naglabasan ang maliliit na nilalang.
Napakurap si Ram sa pag-aakalang namamalikmata lamang siya. "Totoo ba ito?" Nilibot niya ang buong paligid at paulit-ulit na sinipat ang mga nilalang na dangkal ang laki.
"Sila ang mga Levinian Bronees," pabulong na sambit ni Cazmir ng mapansin nito ang binata na hindi makapaniwala sa nakikita.
"Ano ang inyong kailangan?" saad ng nilalang na may taas na hindi lalagpas sa isang dangkal. Sa imahe nitong halos hindi na makita ang mukha sa haba ng kilay, buhok, balbas at bigote ay masasabing ito ang namumuno sa lupaing iyon. "Bakit kayo naparito?" Mahina nitong kinalampag ang hawak na tungkod.
"Maligayang pagbati Yapo," magalang at nakangiting entrada ni Cazmir. "Masaya akong makita kayong muli."
Yumukod ang pinunong Bronees ng makita si Cazmir. Sumunod naman ang iba sa ginawa ng kanilang pinuno.
"Bumalik na kayo sa mga puno." Baling ni Yapo sa mga kasamahan na agad nagpulasan. "Maligayang pagbabalik Baronprotektor, ano po ang maipaglilingkod ko?"
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, ito ang bagong protektor ng Hruween," itinuro niya si Ram. "Nais kong magkaroon siya ng Rodria sa lalong madaling panahon,"
"Rodria?"
Nabigla si Ram sa narinig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top