20: VERRI


Halos masira ang antigong lamesa ng hampasin ni haring Magnus, matapos mabasa ang mensahe ng ikalima niyang heneral na si Blaster.

Batid sa mukha nito ang galit. "Ang mga walanghiyang nilalang na iyon!" bigkas niya pagkadaka. "Ang lakas ng loob nilang salakayin ang aking teritoryo!"

Lumakad ang ginoo palabas sa silid na kinaroroonan at saka tinungo ang himpilan ng mga kawal-heneral.

"Maligayang pagdating mahal na hari," agad yumukod ang isang lalaking may maiksing kulot na buhok. Siya si Antelus ang punong-heneral.

Edad tatlumpu. Anim na talampakan ang taas. Makisig, matikas at kita sa hubog at hulma ng katawan nito na banat ito sa ensayo at pakikipaglaban.

Matapos yumukod ay kinuha nito ang kupya at saka isinuot.

"Nakahanda na po ang mga kawal natin," matikas nitong sambit.

Pagkatango ay saka tumugon ang hari. "Nasaan sina ikalawa, ikatlo at ika-apat?"

"Si ikalawang heneral Eukan ay nakaantabay sa buong lalawigan ng Ire. Si ikatlong heneral Olibes ay kasalukuyan namang patungo sa probinsya ng Birse. Habang si ika-apat na heneral Santorina ay nasa Spleen dahil doon sila nakatakdang magkita bago tumungo sa kalapit na probinsiya upang umalalay kay ikalimang heneral Blaster."

"Mabuti kung ganoon. Ihanda mo ang buong kawal ng palasyo at maging alisto kayo, hindi natin maaaring ipagsawalang bahala ang mga ginagawa ng Blackamoorluna." Napadungaw ang hari sa malaking bintana na nasa kanan at minasdan ang kalawakan ng buong Ire.

Nakapwesto kasi mismo ang palasyo sa dulo kung saan ay pinakamataas na bahagi ng nasabing lalawigan. Sa likuran ng palasyo ay tanaw na ang napakalawak na karagatan ng Eloim Osean.

"Makaaasa kayo mahal na hari," muling yumukod si Antelus pagkatapos ay sumabay na ito kay haring Magnus palabas ng silid.

Habang naglalakad ang dalawa sa pasilyo ay sinalubong sila ng isang kawal na humahangos. Nang mabigay nito ang mensahe ay mabilis na tumakbo ang hari't punong heneral sa bulwagan. Doon nila nakita si protektor Fahrouk na pababa na ng dragon, tangan ang dalawang sugatang katao.

Napansin ng hari na puno rin ng galos ang protektor at ang dragon kaya agad itong nagtanong.

"Anong nangyari Fahrouk?"

Nang makuha na ng mga manggagamot ang kasamang sugatan ng protektor ay agad ng tumugon ang huli. "Ikinalulungkot ko mahal na hari, subalit patay na si ikalima,"

Nanlaki ang mata ng dalawa sa narinig.

"Paanong?"

"Nabuwag na ang harang sa pagitan ng Depir at Geran. Nasakop na rin ng blackamoorluna ang probinsiya ng Birse at ngayon ay patungo sila sa Spleen. Kinailangan ko munang bumalik dito upang masabi sa inyo ng personal ang mga naganap, isa pa ay kailangan kong masiguro ang kaligtasaan ng dalawang Depirian na kasama ko kanina. Maaari silang makatulong upang malaman natin kung ano ang nangyari sa Depir."

Tila hindi makapaniwala si haring Magnus at Antelus sa kanilang nalaman.

"Kasalukuyan akong nasa pagamutan ng Birse nang makarinig kami ng malakas na pagsabog na sinabayan ng pagyanig. Paglabas ko ng pagamutan, mula sa malayo ay natanaw ko ang harang na nagiba na at ang mga kabahayan malapit sa bahaging iyon ay natupok na ng apoy," pagsasalaysay ng protektor. "Kasunod noon ay ang hiyawan ng mga hindi mabilang na kalaban habang palusob sa probinsiya—sinubukan ko silang pigilan subalit isang ginoo ang nagpakilalang Josef Demambro na anak ng dating pinuno ng Blackamoorluna ang aking nakasagupa. Gaya ng sinasabi ng Baronprotektor ay nagtataglay ang kalaban ng malakas na salamangka— matapos ko siyang saglit na mapabagsak ay mas inuna ko na muna ang kaligtasan ng mga natitirang tao sa probinsiya ng Birse."

Saglit na huminga ng malalim ang protektor bago muling magsalaysay. "Pansamantala kong iniwan ang mga tao sa Spleen, subalit kailangan na mailikas sila sapagkat nakasisiguro ako na dadanak ang dugo sa oras na marating ng kalaban ang lugar na iyon," bumaling si Fahrouk sa hari. "Mahal na hari, kailangan natin ng tulong mula sa Realyansa upang matuldukan na ang paghahasik ng gulo ng kabalan."

Pagkasang-ayon ay agad na nagpadala ng mensahe si haring Magnus sa buong kasapi ng Realyansa. Bumalik naman si Fahrouk sa Spleen upang sumabak sa magaganap na digmaan doon.

Samantala nang matanggap ni haring Conrad ang mensahe galing kay haring Magnus ay agad niyang hinanap si Cazmir upang ipalaam dito ang nangyayaring digmaan sa Geran. Subalit bukod sa Rodria ng Baronprotektor ay hindi niya nakita ang prisensya ng huli.

Nang makumpirma na nawawala nga si Cazmir ay nagpadala rin ang batang hari ng mensahe sa buong kasapi ng Realyansa para ipabatid na hindi mahagilap ang Baronprotektor.







-----

Tahimik ang paligid sa buong Spleen habang unti-unting sumisikat ang panibagong umaga.

Mula sa itaas ng pader-balaybay ng Spleen, kalapit na bayan ng probinsiya ng Birse ay matikas na nakatindig si heneral Olibes habang nakatunghay sa mga kalabang nagmamartsa palapit sa nasabing bayan.

Dalawang hanay sa hilera ng ginoo, hanggang sa dulo ng pader-balaybay ay matikas din ang tindig ng mga mandirigmang Geronos. Ang unang hanay ay may mga hawak na pana habang nakasukbit sa likuran ang mga palaso. Ang ikalawang hanay naman, sa magkakaparehong direksyon ay hawak ang nakatindig na sibat.

Sa ibaba, sa labas ng pader, sa pangunguna ni heneral Santorina ay nakahanay din ang tatlumpung libong mandirigmang Geronos.

Sa loob naman ng bayan ay nakahanay at handa na rin ang mga mandirigma. Anumang oras ay sasabak na ang lahat sa pakikipaglaban.

habang nakatanaw si heneral Olibes sa mga kalaban ay biglang sumulpot si Fahrouk.

"Natatanaw na ang mga kalaban protektor Fahrouk, sa oras na lumampas sila sa itinalaga naming hangganan ay sisimulan na namin na magpaulan ng palaso," ani ng ikatlong heneral habang ang mga mata'y nakatunghay sa harap.

"Mabuti kung ganoon. Gawin natin ang lahat upang mapigilan silang makatawid patungo sa palasyo."

"Masusunod po. Gagawin namin ang lahat, sa ngalan ni Eliah at ng Geran," tugon ng heneral. "Habang inaantay ang tulong mula sa Realyansa ay pipigilan namin sila."

Pagkatango ng protektor ay lumakad ito paabante.

"Rodria!"

Paglitaw ng nasabing bagay ay agad itong ini-angat ng ginoo at pagkatapos ay pasigaw na nagbigkas.

"El Arma!"

Mula sa paanan ng mga kawal ay lumitaw ang puting zirculo.

"Elboud!"

Naging asul ang zirculo at pagkatapos ay lumukob ito sa mga kawal. Ilang segundo matapos maglaho ng bilog-mahika ay hingal na napaluhod ang protektor.

"Ayos lang po ba kayo protektor Fahrouk?" inalalayan siyang tumayo ni heneral Olibes.

"Salamat," tugon ng protektor.

Eksaktong pagtayo ni Fahrouk ay ang siyang pag-ulan ng maliliit na bolang enerhiya patungo sa kanila. Sinundan iyon ng hiyawan galing sa ibaba.

Nagsimula na ang digmaan.

Dahil doon ay mabilis na ipinalo ng protektor ang dulo ng tungkod sa sahig, pagkatapos ay ini-angat niya ang isang kamay sa langit saka mabilis na nagwika.

"Elboud-Hiraegis!"

Mula sa kanang kamay na nakataas ay bumulsok paitaas ang kulay asul na enerhiya. Limampung talampakan sa kanilang ulunan ay lumitaw ang kulay asul na zirculo habang isang mailiit na zirculo rin ang lumitaw sa ilalim ng protektor.

Mula sa bilog-mahikang nasa kanilang ulunan ay gumapang ang kulay asul na enerhiya na tila mga pisi. Sinasalubong ng nasabing enerhiya ang mga itim na bolang enerhiya kaya sa itaas pa lamang ay sumasabog na ito.

Nang mapatingin si Fahrouk sa ibaba ay nagsasagupaan na ang mga mandirigmang Geronos at mga blackamoorluna.

Inialis ng protektor ang kamay sa itaas subalit nanatili pa rin ang bilog-mahika roon. Bumaling siya sa harapan at tatlong metro ang layo, gamit ang kapangyarihan ay nabuo ang malaking bilog-mahika na kulay asul.

Nang tumingin siya kay Olibes ay tumango ito. Pagkatapos ay sumenyas ang heneral sa unang hanay.

Magkakasabay na isinentro ng mga kawal ang pana sa malaking bilog-mahika at doon pinakawalan ang mga palaso.

Paglapas ng mga palaso sa asul na zirculo ay nagkaroon ang mga ito ng sariling buhay. Kusang bumulusok ang mga palaso sa bawat kalaban.

Malaking tulong sa mga nakikipagsagupa sa ibaba ang nangyari.

"Para sa tagumpay ng Geran! Lusob!" Bulalas ni Santorina habang patuloy na nakikipagsagupa.

Bilang tugon ay nag-angat ng mga sandata ang mga mandirigma at saka nagpatuloy sa pakikipagsagupa.

Walang inaksayang oras ang ika-apat na heneral ng Geran. Kahit na babae ito ay kita sa galawan ang galing sa pakikipaglaban. Mabilis nitong naiiwasan at napapatay ang mga nakasasagupa.

Lagpas isang daang metro ang layo sa labanan ay masayang nakamatyag si Josef sa mga kaganapan.

"May ibubuga ang isang 'yon," anas niya sa sarili matapos tingalain ang kìnaroroonan ng gumagamit ng asul na mahika. "Nagsisimula pa lang uminit ang laban," muli siyang napangisi bago bumaling sa isang alagad na may hawak ng hawla.

Kinuha niya ang hawla na may tatlong maliliit na ibon. Pagkatapos ay nagwika siya ng salitang may kinalaman sa mahika.

Matapos ang engkantasyon ay naging kulay pula ang mata ng mga ibon at marahang nag-iba ng anyo hanggang masira ang hawla.

Naging dambuhala na mapaminsalang ibon ang mga dati'y maliliit lamang at lumipad ito patungo sa kinaroroonan ng asul na zirculong nasa ibabaw ng mga Geronos.

Sa bawat pagkampay ng pakpak ng mga naglalakihang ibon ay nakabubuo ito ng malakas na hangin na nagdudulot ng makapal na alikabok sa lupa dahilan naman upang magpahirap sa mga nagdidigmaan. Ang huni rin ng mga ito na masakit sa tainga ay nakaaapekto sa lahat.

"Sirain mo ang asul na salamangka," sambit ni Josef na sinundan ng nakalolokong tawa.

Mula naman sa kinaroroonan ay natanaw nina Olibes at Fahrouk ang mga dambuhalang ibon na palusob sa kanila.

"Ihanda ang mga sibat!" Bigkas ng ikatlong heneral na sinunod ng ikalawang hanay.

Matapos sumenyas ni Olibes ay magkakasabay na itinira ng mga mandirigma sa ikalawang hanay ang kanilang sibat patungo sa asul na zirculong nasa harapan. Gaya ng nangyari sa mga palaso, paglapas ng mga sibat sa bilog-mahika at nagkaroon ang mga ito ng sariling buhay. Bumulusok patungo sa mga dambuhalang ibon ang mga sibat.

Mabilis na tinamaan ng maraming sibat ang isang ibon na bumagsak sa mga naglalaban sa ibaba.

Ang dalawang natira ay patuloy ang pag-iwas sa mga may buhay at nagliliparang sibat.

Ikinampay ng isang ibon ang pakpak nito kaya naman nagtalsikan ang mga sibat at nahulog sa lupa. Nagpatuloy ang dambuhala sa pakay nito; ang masira ang zirculo na nasa itaas ng protektor. Nang malapit na ang ibon sa pakay na zirculo ay nag-angatan ang mga nahulog na sibat at magkakasunod itong tumama sa nilalang.

Umektad ang ibon at bumulusok paibaba malapit sa tarangkahan. Nagtalsikan ang maraming dugo ng tuluyan itong bumagsak. Nadamay pa ang ilang mandirigma matapos madagan ng dambuhala.

Napahuni ng malakas ang natitirang ibon matapos makitang patay na ang dalawang kasamahan. Pagkatapos ay kumampay ito ng ubod lakas upang mabuwal ang mga sibat na may buhay.

Nang wala ng hadlang ay mabilis itong lumipad patungo sa pakay na zirculo. Subalit gaya ng naunang nangyari ay muling nagbalikan ang mga natitirang sibat at sumalakay sa ibon. Magkakasunod na tumusok ang mga ito sa katawan ng malaking hayop hanggang sa bumagsak ito at tumama sa pader-balaybay.

Napangiti si Fahrouk. "Nasaan ka na?" anas ng kaniyang isip. Ang tinutukoy ng protektor ay si Josef. Hindi pa kasi ito nagpapakita sa laban.

Sa isip ni Fahrouk ay inaantay ng kalaban na mapagod siya bago lumusob. Kaya kailangang maging matatag ang protektor hanggang dumating ang inaasahan nilang tulong mula sa Realyansa. Sa totoo lang ay nakararamdam na ng panghihina ang ginoo dahil mabilis makapagod ang asul na mahika. Ayaw niya lamang iparamdam upang hindi panghinaan ng loob ang mga kasama.

Habang nagpapatuloy ang digmaan, mahabang oras na ang lumipas, mula sa likuran ay hindi namalayan ng lahat ang pagdating ng kulay abong dragon. Bumulusok ito paibaba at tumama sa iilang gusali na nasa Spleen.

Dahil sa pangyayari ay napalingon si Fahrouk sa dakong iyon. Malapit lang din kasi sa kinaroroonan nila ang pinagbagsakan ng dragon. Nagulantang siya matapos makita ang dragon na duguan.

"Protektor Fahrouk, ipaubaya niyo muna sa amin ito, puntahan niyo na ang dragon,"suhestyon ni Olibes.

Pagkatango, kasama ng ilang kawal ay mabilis na tinungo ni Fahrouk ang pinagbagsakan ng dragon.

Doon niya nakita si Antelus na nakakapit ng mahigpit sa duguang hayop. Sugatan din ang ginoo na halatang nakipaglaban ng matindi.

"Punong-heneral Antelus, anong nangyari?" nagtatakang tanong ng protektor.

Binuhat ng ilang kawal ang punong-heneral at saka inihiga ng maayos.

"Magsalita ka Antelus."

"P-protektor, pa—tawad," marahang idinilat ng punong kawal ang kaniyang mga mata. Habang pilit na iniaangat ang kanang kamay. Sa itsura ng kalagayan nito ay tila nabugbog ng matindi.

"Anong nangyari? Nasaan ang hari?"

Pinilit ni Antelus na makapagsalita pa kahit kitang-kita na rito ang matinding panghihina. "W-wala na—" nauutal nitong bigkas. "S-sinalakay ang I-ire, na-nalinlang ta—yo."

Hindi makapaniwala si Fahrouk sa mga narinig. "Nasaan ang hari?"

Hindi na nagsalita ang sugatang punong kawal. Napa-iling na lamang ito habang pumapatak ang luha.

"Magbabayad sila!"

Hindi na halos natapos ng protektor ang sinasabi sapagkat biglang nagkaroon ng malakas na pagsabog sa tarangkahan kung saan nagaganap ang digmaan.

Kasunod noon ay tila nagdilim ang kalangitan dahil sa magkakasunod na pagbulusok ng malalaking itim na bolang enerhiya.

Nang tumama ang unang itim na bolang enerhiya sa ginawang zirculo ni Fahrouk sa kalangitan ay sumabog iyon at umabot sa pader-balaybay na nagdulot ng pagguho nito. Sinundan pa iyon ng ikalawang pag-atake na tumama naman sa pwesto ni Olibes at ang iba pang mandirigma kaya hindi sila nakaligtas.

Ang mga sumunod na itim na bolang enerhiya ay magkakasabay na lumagpak sa paligid ng bayan na nagdulot naman ng pagsabog at pagkawasak.

Hindi na nakakilos pa si Fahrouk dahil sa mga nasaksihan. Hanggang sa tumama sa kinaroroonan nila ang isa pang bolang enerhiya mula sa kalaban.

Isang malaking pagsabog ang naganap sa buong bayan ng Spleen na naging dahilan ng pagkasawi ng marami.

Mula sa labas ng Spleen ay masayang minasdan ni Josef ang natutupok na bayan.

Napangiti ang ginoo bago lingunin ang kanang braso na biglang naagnas. Hindi na niya masyadong pinagtuunan ang kanang braso. Sa halip ay masaya siyang naglakad kasama ng iba pa patungo sa natutupok na bayan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top