2: HART

"Anong nangyari?" agad dumukot ng patalim si Dimo at lumapit sa kinaroroonan ni Ram matapos marinig ang malakas nitong hiyaw.

"Alakdan!" bulalas ng binata habang panay ang pagpag sa sarili. "Ang dami tingnan nyo!"

"Azula scorpio," paliwanag ni Regor matapos tapakan ang isa na nadako sa kaniyang tapat. Nang masiguro na wala ng buhay ang hayop ay kinuha niya ito at muling naglitanya.

"Dahil sa kulay asul nitong panusok kaya ito tinawag na azula," saka nito inihagis ang walang buhay na alakdan. "H'wag kayong mag-alala dahil hindi naman nakamamatay ang lason nito, subalit kapag nadali ka, isang linggo kang mapaparalisa. Nawala sa isip ko na marami nga pala n'yan dito."

Nang sabihin ni Regor ang tungkol sa makamandag na hayop ay agad tiningnan ng bawat isa ang kanilang mga sarili kung may tanamo silang tusok mula sa nasabing hayop.

Matapos kumain, magbihis at mag-ayos ng mga kagamitan noong umagang iyon ay muling nagpatuloy ang grupo sa kanilang pupuntahan.

Nang matawid ang unang bundok ay pansamantala silang tumigil dahil sa mga kawal na sumalubong sa kanila.

"Anong ginagawa n'yo rito sa bundok?" tanong ng punong kawal matapos tanggalin ang suot nitong salakot. Sa likod ng ginoo ay may siyam pang kawal na nakatanaw lamang sa anim na minero.

"Mga minero kami galing sa Merad at mayroon kaming permiso para magmina sa kabundukan ng Shuldir," sagot ni Regor.

Ipinakita niya ang kasulatang may singsing-tatak galing sa hari ng Hruwenn. Nang makumpirma ito ng punong kawal ay pinatuloy na ang grupo

"Alam niyo ba na bawal kayong tumawid sa lalawigan ng Hart?" paalala ng punong kawal. "Pribado ang lugar na iyon at labag sa batas ng Hruwenn ang pagpasok doon lalo na ng mga dayuhan."

Tumango si Regor. Samantalang napatingin naman sa kaniya si Dimo.

Nang magkaunawaan na ay malayang nakalampas ang mga minero sa mga kawal.

Muling nagpatuloy ang paglalakbay.

Matapos malampasan ang ilang ilog at mabatong daanan ay ligtas na narating ng grupo ang bundok ng Shuldir.

Ang Shuldir ang pinakamalaking bundok-minahan sa buong Hruwenn kaya naglipana ang mga minero sa lugar na ito.

Habang nagpapahinga sa isang mayabong na puno ay napansin ni Ram na walang mga tao. "Hindi ba't nasa Shuldir na tayo?" Bumaba ang binata sa kabayo saka lumibot sa kaniyang paligid. "Bakit wala akong makitang mga tao o minahan?"

"Ito na nga ang paanan ng bundok, pero hindi tayo dumiretso sa sentrong minahan kung saan nagtitipon ang mga minero," tugon ni Regor na ikinagulat ng lahat.

"B-bakit?" segundang tanong ni Dimo na nahahapo.

"Hindi tayo pupunta roon, may iba akong plano."

Ikinagulat ng lahat ang mga sinabi ni Regor.

Bumaba si Dimo sa kabayo saka lumapit sa kaibigan na nakababa na rin ng kabayo nito.

"Anong ibig mong sabihin?" nahahapong tanong ng ginoo.

"Ipagpaumanhin n'yo dahil hindi ko ito sinabi agad," paliwanag ni Regor. "Mayroong guhong kastilyo sa lalawigan ng Hart. . . Kung hindi ako nagkakamali, ang guhong-kastilyo ay dating tirahan ng Hruween protektor."

"Hindi ba't bawal magtungo sa lugar na iyon?" tanong ni Kelsen. "Kapag nahuli tayo siguradong tiyak ang ating kamatayan."

"Iyon ay kung mahuhuli nila tayo?" Inilibot ni Regor ang mga mata sa buong kagrupo. "Isipin niyong mabuti, isang protektor ang nagmamay-ari ng guhong kastilyo, malamang puno iyon ng mamahaling bato, mga kagamitang ginto at pilak. Hindi na natin kailangang magbungkal ng lupa at magpakahirap kung doon tayo tutungo."

"W-wala ito sa usapan," ani Dimo.

"Narito na tayo, kaya lubusin na natin. Dimo, ano sa palagay mo? Mayroon akong alam na ligtas na daan upang mabilis tayong makatungo sa Hart, sinisiguro kong hindi tayo makikita ng mga kawal, paniwalaan n'yo ako, tinitiyak kong—"

Hindi na halos natapos ni Regor ang mga sinasabi sapagkat biglang bumagsak si Dimo.

"Ama!" agad umalalay si Kelsen sa ginoo. "Anong nangyari?"

Mabilis na sinuri ni Regor ang bawat tagong bahagi ng katawan ni Dimo. Gaya ng inaasahan, natusok si Dimo ng azula scorpio malapit sa paanan. "Nalason sya."

"Anong gagawin natin?"

"Pinapangako kong tutulungan siya kung sasama kayo sa guhong kastilyo sa lalawigan ng Hart," bigkas ni Regor.

"Anong klaseng tao ka?" galit na wika ni Ram. "Balak mo pa rin na ituloy ito kahit na alam mong may nasaktan na?"

"H'wag n'yo akong masamain. Isa pa, naparalisa lang naman si Dimo, hindi siya mamamatay. Mayroon akong kilalang tiga-Hed na makatutulong para maibsan ang lason. Kailangan n'yo lang sumama at tumulong, gaya pa rin naman ng usapan. .. patas na hatian sa oras na makakuha tayo ng mga bato."

Tinitigan ni Ram ay kaibigan para sabihing hindi siya sang-ayon subalit kabaligtaran ang tugon ni Kelsen.

"S-sige," nag-aalinlangang wika ni Kelsen. "Basta tumupad ka sa usapan."

Ayaw man ay hindi na nagawang tumutol ni Ram, ganoon din si Dimo sapagkat paralisado na ang buo nitong katawan.

"H'wag ka'ng mag-alala dahil mayroon akong isang salita," ani Regor. "Patawad, Dimo."





-----

Sa kagubatan ng Nus, pansamantalang tumigil ang grupo para maghanap ng maiinom. Ang nasabing lugar ay ang pinakaligtas na daan patungo sa lalawigan ng Hart.

Nanatili sa isang tumbang puno si Kelsen akay ang kaniyang ama, habang si Regor, Ram at iba pa ay naghanap ng batis para punan ang mga nauuhaw nilang katawan.

Nang makita ni Ram ang batis ay agad siyang uminom rito, pagkatapos ay pinuno ng binata ang mga dalang lukbutan para ibigay kay Dimo at Kelsen.

Pabalik na si Ram ng mahagip ng paningin niya ang isang lalaking may kulay gintong buhok na nagkukubli sa isang mayabong na puno. nakamasid ito malapit sa lugar kung nasaan sina Dimo at Kelsen.

Sinundan ni Ram ng tingin ang tinatanaw ng lalaking may kulay gintong buhok at nakita niya ang tatlong tao na mga nakasuot ng itim na balabal. Patungo ito sa parehong direksyon na tinatahak nila.

Dahil doon ay nagkubli rin ang binata sa puno at saka muling nilingon ang lalaki. Namukhaan ni Ram ang taong iyon, Ito 'yong nagbigay sa kanila ng k'wintas.

"Siya nga ang lalaking 'yon. Anong ginagawa niya rito at sino ang mga taong sinusundan niya?" nasa gitna siya ng pag-iisip ng mapansing nakatingin na ang estranghero, sumenyas ito na manahimik.

Hindi na kumibo si Ram, sa halip ay muli na lamang niyang minatyagan ang mga nakaitim na balabal. Nang mawala na ang mga ito sa dali-daling tumakbo ang binata pabalik sa mga kasama.

"May nakita akong mga tao," sambit ng isang alalay ni Regor pagkarating kasabay ni Ram.

"Mga kawal ba?" tanong ni Kelsen.

"Hindi ako sigurado pero—"

"Mga naka-itim na balabal," si Ram na ang nagtuloy.

"Palagay ko mga kawal iyon galing sa palasyo," sabat ng isa pang alalay.

"Kailangan na nating umalis sa lugar na'to," singit ni Regor.

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang grupo, agad silang umalis sa lugar na iyon.

Ilang oras pa ang lumipas bago narating ng grupo ang pakay sa lalawigan ng Hart.

"Narito na tayo," wika ni Regor ng marating nila ang guhong kastilyo.

Pansamantalang isinandal ni Kelsen ang kaniyang ama sa isang guhong pader upang makapagpahinga. "Saan na ngayon nakatira ang protektor ng Hruwenn?"

"Wala ng protektor ang Hruwenn, dalampung taon na ang nakararaan."

Tiningala ni Regor ang guhong kastilyo. "Bago masunog ang bayan ng mata kasama ni haring Nero, Hindi na nakita ang protektor at magmula ng mawala siya ay ipinagbawal na ang pagpasok sa lalawigan ng Hart."

"Pa'no nakatagal ang Hruwenn na walang protektor?" tanong ni Ram. "Hindi ko alam na wala nang nagpoprotekta sa kahariang ito."

"Paano kung sakupin sila ng ibang kaharian?" sabi ni Kelsen.

Napa-iling si Regor bago tumugon. "Nagkasundo ang Realyansa na hindi sasakupin, sa halip ay pangangalagaan ang kahariang ito. Kapalit noon ay binabayaran ng Hruween kada taon ang Realyansa."

"Realyansa?" sabay na tanong ng magkaibigan.

Napailing na naman ang ginoo. "Tama na muna ang kwento, hindi tayo dapat magtagal sa loob. kunin lang natin ang lahat ng bagay na may halaga at maaaring ibenta, ang pinaka-importante ay mapasok ang silid ng protektor sapagkat nakasisiguro akong maraming kayamanan sa silid na iyon."

Matapos sumang-ayon ng bawat isa ay mabilis nilang pinasok ang loob ng guhong-kastilyo.

Lumubog na ang araw at nilamon na ng dilim ang paligid. Umihip ang malamig na hangin na nagsayaw sa mga puno saka humampas sa mga guho ng kastilyo kasunod ang ugong na gumawa ng ingay na animo'y sumisipol.

Nagliparan ang mga tuyong dahon na tinangay ng ihip ng hangin. Ang mga dahong nasa sahig naman ay winalis ng biglang dumako ang hangin sa pasilyo ng kastilyo.

Hindi man maigalaw ni Dimo ang buong katawan ay pilit niyang pinagala ang mga mata sa palibot ng guho. Nagmasid ang ginoo at pinakiramdaman ang tahimik na paligid na pinaiingay lang ng ihip ng hangin.

Ilang sandali ay biglang lumitaw ang tatlong lalaking may suot na itim na balabal. Nakatalikod ang mga ito kaya naman hindi nila napansin si Dimo.

"Nasa pinakailalim na bahagi ng guho ang ating pakay," wika ng nauunang lalaki. Malalim ang tono ng boses nito na parang galing sa hukay.

"Tara na."

Pagkasabing iyon ay sabay-sabay ang mga itong nagkorteng usok at tumungo sa loob ng guhong kastilyo.




---

Gamit ang maliit na lampara, narating ni Kelsen ang ikalawang bahagi sa ilalim ng guhong kastilyo. Nakakita siya ng isang pintuan sa kanang parte na halos mabalot na ng makapal na agiw at alikabok. Marahan niyang binuksan ang pinto at tumambad sa kaniya ang napakaraming aklat na niluma na ng panahon.

Magulo ang silid at halata rin na marurupok na ang mga gamit na naroon.

Nagpatuloy siya sa pagsusuri hanggang sa maaninag ang isang kulay berdeng bato na nakabaon sa sahig. Nilapitan ito Kelsen at saka hinatak.

Malalim ang pagkakabaon kaya pinilit niya ang paghatak hanggang sa makuha ang bato.

Eksaktong pagkahugot ng bato ay biglang gumuho ang parteng iyon. Mabuti na lamang ay mabilis siyang dumausdos palabas ng silid bago tuluyang magbagsakan ang kaniyang tinatapakan.

Gasgas at kaunting pasa ang tinamo ng binata, samantala dahil sa pagguhong iyon ay nagkaroon ng pagyanig sa buong kastilyo na ikinabala nilang lahat.

Kampante naman si Ram ng mga sandaling iyon habang naglalakad. Nasa kaliwang bahagi siya ng parehong lokasyon at nagmamasid sa mga lumang larawan na nakadikit sa lumang pader ng walang anu-ano'y biglang gumuho ang tinatapakan niyang sahig.

Dumausdos pailalim ang binata hangang sa halos matabunan siya ng napakaraming alikabok. Sa kabutihang palad ay hindi siya nadaganan ng naglalakihang bato sapagkat sa pinakasulok siya nahulog.

"Kelsen!" sigaw ni Ram habang nagpapagpag kasabay ng pag-ubo. "Kelsen! Sumagot ka kung ayos ka lang!"

"Ram!" balik-sigaw ni Kelsen mula sa itaas. "Ayos lang ako rito! Ayos ka lang ba r'yan? Hihingi ako ng tulong sa iba para makaakyat ka ulit rito."

Hindi pa man nakakasagot si Ram ay tumakbo na agad palayo si Kelsen.

Samantala, napatakbo ng napakabilis si Regor palabas ng kastilyo ng makaramdam ng malakas na pagyanig. Patungo pa lang siya sa entrada ng makasalubong ang tatlong lalaking nakaitim.

"Sino ka?" wika ng nauuna.

Napaatras si Regor sa pagkabigla. Pagkadaka ay tiningnang maigi ng ginoo ang mga mukha ng mga estranghero. Nang mapagtanto kung sino ang mga kaharap ay biglang namilog ang mga mata ng ginoo.

"Trianggulong may marka ng itim na buwan sa gitna?" anas ng isipan ni Regor matapos makita ang mga marka sa kaliwang leeg ng mga estranghero. "Anong ginagawa nila rito?"

"Patayin ang isang yan," saad ng namumuno sa tatlo.

"Blackamoorluna," bulong ni Regor sa sarili. "Hindi 'to maaari."

Bumunot ng armas ang ginoo bago tumakbo pabalik sa loob. Kaya lamang ay bago pa siya makatawid sa kabilang lagusan ay nasalubong niya si Kelsen

"Regor, si Ram nahulog sa ilalim ng guho!" hindi napansin ni Kelsen ang tatlong lalaki.

Magsasalita pa sana ang binata ng dumating ang dalawa pa nilang kasama na palabas na rin dahil sa pagguho.

"Takbo!" tanging sigaw na narinig nila mula kay Regor bago mangyari ang hindi inaasahan.

Sa kabilang dako ay hindi na naghintay si Ram ng tulong. Naghanap na lang siya ng daanan para makarating sa labas ng kastilyo.

Sa paglalakad ay nakakita ang binata ng liwanag sa 'di kalayuan.

Sa pag-aakalang ito na ang daan palabas, minadali ni Ram ang paglapit dito. Pagpasok sa isang maliit na lagusan ay tumambad sa kaniya ang isang balon na puno ng makinang na liwanag.

Kakaiba ang liwanag na ito kumpara sa ordinaryong liwanag sapagkat naghahalo ang asul, puti at ginto habang paikot-ikot sa balon.

Nilapitan niya ito.

Nang hawakan ni Ram ang liwanag sa balon ay bigla itong bumulusok sa kaniya. Natulala ang binata sa nangyari sapagkat nawala ang liwanag sa balon.

Ilang segundo matapos ang tagpong iyon ay bigla na lang kumawala ang liwanag mula sa katawan niya na nagdulot ng malaking pagsabog ng liwanag. Tumalsik ang minero sa malayo saka nawalan ng malay-tao.



-----

Puno na ng galos si Kelsen habang pilit na lumalakad palayo sa lugar na'yon. Mangiyak-ngiyak siya ng masaksihan ang pagpatay ng mga estranghero sa isa nilang kasamahan. Ang isa pang kasama nila ay kritikal ang kalagayan samantalang si Regor naman ay wala ng malay dahil sa tinamo nito sa mga kalaban.

Hindi pa nakalalabas ng kastilyo ay tuluyan ng natumba si Kelsen. Bago pa mawalan ng malay ay naaninag ng binata ang isang lalaking may ginintuang buhok na dumaan sa harap ng nakahandusay niyang katawan kasunod ng puting liwanag na bumalot sa buong paligid.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top