12: BIYAYA
DEPIR
Mag-isang tinungo ni protektor Adalric ang probinsiya ng Boast kung saan nahukay ang misteryosong kusilba na pinaniniwalaan niyang dahilan ng pagkamatay ng anim na Arkeologo.
Sa bisa ng kapangyarihan ni haring Claude ay naibaba ang utos na pansamantalang pagsasara ng lahat ng daungan palabas sa Depir upang hindi makatakas ng kaharian ang sinoman na pumaslang sa mga Arkeologo.
Mas humigpit ang patakaran sa bansa at gaya ng sa Ozhgo bantay sarado ang mga kawal na halos nagkalat sa buong realm.
Nagtungo si Adalric sa mansyon ng Manson na siyang nag-utos sa mga Arkeologo na maghukay sa labimbakas. Doon sinimulan ng protektor ang pag-iimbestiga at malugod siyang pinaunlakan ni Anton.
Mahabang oras din ang lumipas bago sila matapos sa talakayan at ng makaalis na si Aldaric ay nagbagong anyo si Anton. Bumalik ito sa pagiging si Josef.
Si Josef Demambro, anak ng yumaong si Oldnick Demambro at ngayo'y kasalukuyang namumuno sa blackamoorluna. Wala pang malinaw na detalye tungkol sa kaniyang kapangyarihan subalit nagtataglay siya ng isang pambihirang kakayahan na makapanggaya ng anyo.
Tumungo ang pinuno sa kapilya na nasa likod ng mansyon at pagkatapos ay dumako ito sa sikretong lagusan patungo naman sa kailaliman ng nasabing bahay sambahan.
Pagpasok niya mula sa bunganga ng imahe ni Ysbbah ay tumambad ang ilan-daang blackamoor luna.
Naghiyawan ang mga taong nakaitim ng makita siya.
"Ito na ang oras!" matatas niyang sambit. "Humanda ang lahat sa isang malawakang pagsalakay! Babalutin ng dilim ang buong Depir! Ang mga sigawan at pagmamakaawa nila ay magiging musika sa ating mga tainga! Ang mga nasusunog nilang bayan ay ang magiging liwanag natin patungo sa tagumpay! Paghaharian ni Ysbbah ang lupaing ito! Humayo kayo at tupdin ang aking ipinag-uutos!"
Pagkasabing iyon ay umukit sa lahat ang ngiting abot tainga. Nagtaasan ng kamay lahat habang sumasamba sa kadiliman. Umalingawngaw iyn hanggang sa kailaliman ng lupa.
Makalipas ang dalawang araw ay tinungo ni Adalric ang opisina ng mga arkeologo na nasa bahagi ng bayan ng Pryde sa lalawigan ng Ego. Nais kasing malaman ng protektor ang dahilan ng pagkamatay ng mga arkeologo. Alam ng ginoo na may kinalaman iyon sa kusilbang nakatago ngayon sa palasyo ng Depir.
Sa paghahalughog sa buong silid ay nakita ng matandang protektor ang ilang bagay tulad ng mga papeles, permiso at kung anu-ano pang may kinalaman sa trabaho ng mga namayapang arkeologo.
Sa huli, maliban sa may kalabuang larawan ng kusilba ay wala ng nakuhang sagot ang ginoo. Dahil doon ay saglit siyang napa-upo sa lamesita upang mag-isip.
"Ano ba ang mayroon sa labimbakas na ito?" tanong niya sa sarili habang hinahawi ang larawan.
Tumayo na siya at akmang lalabas na ng silid ng mayroong mapansin sa likuran. Mabilis na umaksyon ang protektor na dali-daling tinungo ang nakauwang na pinto na nasa kanan niya. Agad niya rin na inilabas ang Rodria at saka itinutok sa kung sinoman na nasa likod ng pinto.
"Sino ka?" matikas na sambit ni Adalric na handa ng magpakawala ng salamangka.
Napa-angat naman ng kamay ang binatang kalbo na may manipis na kilay at balbas. Namilog ang hindi kalakihan nitong mata dahil sa takot.
"Anong ginagawa mo rito? nagpalabas na ng puting zirculo si Adalric habang nakatutok sa mukha ng binatilyong hindi na halos makagalaw at tagaktak ang pawis. "Sumagot ka!"
"'Wag n'yo po akong sasaktan," napapikit ang binata. "Ako po si Ferdo, anak ni Dakus na pinuno ng mga arkeologong pinaslang at narito ako para sabihin sana sa aking ama ang tungkol sa labimbakas na nahukay nila sa probinsya ng Boast,"
Matalim na tinitigan ni Adalric ang binatilyo habang hindi pa rin inaalis ang zirculo na nakatutok dito. Sinuri niya kung nagsasabi ito ng katotohanan.
"Nagsasanay ako bilang maestro sa kaharian ng Saphiro at isinusumpa ko sa ngalan ng Depir at ng banal na karagatan ng Eloim Osean na nagsasabi ako ng totoo," mabilis na segunda ni Ferdo.
Agad ibinaba ng protektor ang Rodria kaya nawala ang zirculo. Naging mahinahon na rin ang imahe ng ginoo.
"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa'yong ama at sa mga kasamahan niya," Lumakad si Adalric paatras. "Nabanggit mo ang tungkol sa labimbakas," muli niyang nilingon ang binatang maestro. "Nakakuha ka ba ng sagot?"
Tumango lang si Ferdo.
"Sumama ka sa akin sa kastilyo at ipakikita ko sa'yo ang kusilba."
----
Napabalikwas ng bangon si Ram matapos managinip ng nakakatakot na bagay. Hinahatak siya paibaba sa Infernis ng malaking kamay mula sa kadiliman. Hindi siya makapiglas at makahingi ng tulong sa bangungot na iyon kaya wala siyang magawa kung hindi ang magpaanod sa kamay ng kadiliman. Mabuti na lamang ay may kaunting liwanag na umusbong sa kung saan dahilan para siya ay magising ng tuluyan.
"Mabuti't gising ka na," malumanay na wika ni Cazmir na nakaupo malapit sa higaang kinaroroonan ni Ram.
"Nasaan ako?" akmang bumangon ang binata mula sa malaking higaan. "Anong nangyari?"
"Narito tayo ngayon sa Ozhgo." Tumayo ang baronprotektor. "Alam kong mabuti na ang lagay mo ngayon dahil tatlong-araw kang natutulog."
"Ozhgo—teka! Tatlong araw?" gulat na sambit ni Ram.
"Kapag natapos ka ng magbihis ay magtungo ka sa silid pulungan, maaari kang makinig sa mga pag-uusapan namin,"
Pagkasabing iyon ay lumabas na ng silid si Cazmir. Naiwan naman na walang kibo si Ram.
Sa loob ng tatlong araw na pagkakahimbing ng tulog ay maraming nangyari sa mundo kaya minabuti ng binata na sundin ang sinabi ni Cazmir na makinig sa pagpupulong upang malaman ang mga kaganapang napalampas niya.
Pagdating sa silid pulungan ng kastilyo ng Ozhgo ay naabutan ng binata ang hari't protektor ng nasabing realm na kausap ni Cazmir. Kabilang na rin sa pulong ang mga matataas na opisyal ng kawal ng palasyo.
Hindi makapaniwala si Ram na bata at nasa edad labingtatlo lamang ang hari ng kahariang iyon. Labis siyang namangha kay haring Conrad at malugod niya ring kinamayan si protektor Deitrich bago makiisa sa pulong.
Isa sa pinag-usapan nila ay ang tungkol kay Anton na siyang naitala ni Saulo bago ito mamatay sa labanan. Si Anton lamang kasi ang kilala nilang may asul na buhok at markang ekis sa kanang mata.
Nawala ang hinala nila kay Anton ng mabasa ang mensahe ni Adalric na nagsasabing nasa Depir lamang ang Manson. Subalit lingid sa kanila, na si Josef, gamit ang kapangyarihang makapanggaya ay nagpapanggap lamang sa katahuang Anton.
May sabwatan ang totoong Anton Manson at ang pinuno ng Blackaamorluna na si Josef Demambro. Ang totoong Manson ay nasa Ozhgo talaga at gumagampan sa isang misyon na may kinalaman sa pagpapalaganap ng kadiliman.
Tinalakay din sa pulong ang pitong babaeng nagdadalang tao na kasalukuyan pa ring pinaghahanap sa ngayon. Hinala ni Cazmir na may kinalaman ang pitong buntis sa propesiyang nakasulat sa Ylnafezei-Ysbbah.
Huling nilang pinag-usapan ang mas paghihigpit pang pagbabantay sa mga daungan ng Ozhgo. Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring nababalot ang kaharian ng napakalaking pananggalang upang ang sinomang may awra ng blackamoorluna ay hindi makalusot at mabilis matunton.
Hapon na ng matapos ang pulong. Pagbalik ni Ram sa kaniyang silid ay sinurpresa siya ni Cazmir.
"Binabati kita, Ram," saka ini-abot ng baronprotektor ang Rodria.
Nangingintab ito sa pagka-asul at sa dulo ng tungkod ay naka-usli ang mamahaling uri ng kulay asul na bato.
"Ito na ba ang aking Rodria?"
Masayang tumango si Cazmir. "Ngayon ay pag-aralan mo itong itago sa iyong kalooban."
Napatanga ang binata sa winikang iyon ng kaharap. "Paano iyon?"
"Rodria!" bigkas ni Cazmir na sa isang iglap lamang ay sumulpot sa harapan ang puting tungkod na mayroon ding puting diamante sa tuktok. "Rodria," sa ikalawang bigkas ay muling naglaho sa kawalan ang nasabing bagay.
Labis na namangha si Ram sa nasaksihan.
"Ikaw naman, Ram." suhestyon ng baronprotektor. "Nasubukan mo ng magpalabas ng salamangka kaya madali na lamang iyan,"
Pagkatango ni Ram ay saglit siyang pumikit para kumuha ng konsentrasyon. Ilang segundo ay muli siyang dumilat saka nagwika.
"Rodria!"
Walang anu-ano'y naglaho sa kawalan na parang bula ang hawak niyang tungkod.
Napangiti siya sa sarili sa sobrang pagkamangha at muling inulit ang pagbigkas ng Rodria kaya muli ring lumitaw ang nasabing bagay.
Napapalakpak naman ng mahina si Casmir bago muling magturo ng ilan pang pagsasanay sa paggamit ng mahika.
Matapos ang tagpong iyon ay nagpahinga na ang lahat sa kani-kanilang silid. Bukas ay sasabak pa sila sa paghahalughog sa mga nawawalang kababaihan. Subalit lingid sa kanilang akala ay nagbabayda na ng pagsalakay ang kadiliman.
Mula sa mataas na kapatagan na kung saan tanaw ang simple, payapa't tahimik na syudad ng Radiyzh. Ang totoong Anton kasama ng ilang blackamoorluna ay nakatayo at minamasdan ang kagandahan ng kastilyo at ng buong lugar.
Ngumiti ito ng makahulugan at saka hinarap ang mga kasamahan.
"Ngayong gabi ay uulan ng dugo sa kahariang iyan!" matatas nitong sabi.
Pagkatapos ay nagpalabas ang ginoo ng isang itim na enerhiya na kasing laki ng bola. Hinati niya iyon sa labindalawa na siyang bilang ng mga kasama at ibinahagi ang enerhiyang itim sa mga ito.
"Tanggapin niyo ang biyaya."
Sabay-sabay itong nilunok ng mga lalaking nakaitim at sa isang iglap ay dumaloy ang kakaibang kapangyarihan sa kani-kanilang katauhan.
"Salakayin ang Kastilyo!"
Magkakasunod na nagliparan ang mga blackamoorluna patungo sa syudad ng Radiyzh upang maghasik ng kaguluhan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top