11: RODRIA
Rodria.
Isang uri ng sandatang tungkod na ginagamit ng mga protektor sa pakikipaglaban. Matatagpuan lamang sa lupain ng Bronees, sa Levinthecus ang kasangkapan sa pagbuo ng nasabing bagay.
Panahon ng Ylziemt nang magsimula ang paglikha ng Rodria. Ang tungkod ay sumisimbolo sa isang katangian na mayroon ang isang protektor. Awtoridad.
Habang tinatahak ang lugar na patutunguhan ay muling sumagi sa isipan ni Ram ang usapan nila ni Cazmir kani-kanina lamang.
"Rodria ang isa sa pinakamatandang bagay at yaman ng mga protektor. Gaya ng Supramisia ay ipinapasa rin ito sa mga kasunod na henerasyon. Nagkataon lamang na sabay na nawala ang proktektor at Rodria ng Hruween noon kaya kailangan mong magpagawa ng bago."
Nakamatyag lang ang binata habang patuloy sa paglalahad ang kausap.
"Mayroong tatlong bagay na sumisimbolo sa protektor. Una ang Geoluhàr na simbolo ng kapangyarihan. Ikalawa ang Rodria na simbolo ng awtoridad."
"Ano po ang ikatlo?" tanong ng binata ng maramdaman na hindi na itutuloy ng kausap ang sasabihin.
"Malalaman mo rin 'yon, Ram. Sa ngayon ay maghanda ka muna sa pagkuha ng sangkap sa pagbuo ng iyong Rodria."
"Narito na tayo bata," bumalik ang diwa ni Ram matapos marinig ang tinig ni Yapo.
Mula sa kinaroroonang burol, itinuro ng matandang bronees ang malawak na kakahuyang nasa ibaba.
"Ilang kilometrong lakaran ay mararating mo na ang kakahuyan," ani'to.
"Hindi na po ba kayo sasama?"
"Bawal pumasok sa kakahuyan ng Bedevil ang mga nilalang na walang salamangkang taglay," paliwanag ni Yapo.
Napakamot ulo si Ram. "Iniwan na nga ako ng baronprotektor at ng madirigmang Dweorh, pati ba naman kayo Yapo?"
"Patawad batang protektor, subalit hanggang dito na lamang ako," sumeryoso ang matandang bronees at matalim na tumunghay sa kausap. "Dapat ay makuha mo ang sangkap bago sumikat ang araw, dahil kung hinďi ay..."
"Kung hindi ay ano?"
"Aabutan ka ng sikat ng araw."
Napangiwi si Ram. "Maloko rin 'tong si Yapo ah," bulong ng isip niya.
"Mag-ingat ka."
Pagkatango ay mabilis nilisan ni Ram ang kinaroroonan at agarang tinungo ang Bedevil. Kalaliman nang gabi bago niya matunton ang bungad ng nasabing kakahuyan.
"Kaya ko ito," pagkasabing iyon ay dali-dali siyang tumakbo papasok sa loob ng nasabing lugar tangan ang tulos at ang espadang napili niya sa kastilyo ng Dweorh.
Tahimik at mahamog ang paligid. Maliban sa nagtataasang puno ay wala ng napansin si Ram na anumang senyales ng kahit anong may buhay.
Maliban sa tulos na bitbit, tanging liwanag lamang mula sa buwan ang nagsisilbing tanglaw ng kakahuyan kaya nahirapan ang binata sa paghahanap ng nasabing sangkap.
Umabot sa gitna ng masukal na gubat ang binatilyo bago makita ang nasabing puno. Ayon kay Cazmir, ang sangkap sa paggawa ng Rodria ay ang sanga ng mabulaklak na puno ng lydia. Isang uri lang ng puno ang mayroon ang Bedevil at ito ay ang Lydia. Bukod doon matatagpuan lamang ang bulaklak na singlaki ng tao sa mismong sentro ng kagubatan. Ayon sa kasaysayan, ang puno ng lydia ay isa sa pinaka delikado't misteryosong puno sa buong mundo.
Manghang lumapit si Ram ng makita ang puno na namumukadkad sa naglalakihang bulaklak. Kulay dugo ito at walang amoy
Inilapag niya ang tulos. "Grabe ang laki nga ng mga bulaklak," saka hinimas ang isang malapit sa kaniya. Pagkatapos ay nilibot niya ang puno upang masuri hanggang makakita siya ng isang tanggay malapit sa likod ng malaking bulaklak. Sa tantya ng binata ay eksakto ang haba ng tanggay kung gagawin itong Rodria.
Hindi na nagdalawang-isip ang batang protektor. Pagkabunot ng espada ay agad niyang hiniwa ang nakitang tanggay.
Sa kasamaang palad ay tumalsik ang hawak niyang espada matapos itong tumama sa tanggay. Ni hindi nagasgasan ang kaniyang hiniwa.
Napa-awang ng mukha ang binata habang nakahawak sa kamay na nanakit gawa ng nangyari.
"Paano nangyari 'yon?" puno ng pagkalito niyang saad. Kahit sino naman siguro na makasaksi sa ganoong bagay ay tiyak na magugulat at magtataka. Paano nga namang hindi umubra ang gintong espada niya sa paghiwa ng tangkay ng puno?
Kinuha ni Ram ang espada sa hindi kalayuan saka muling lumapit sa puno ng lydia. Gamit ang sandata ay mahina niyang tinapik ng tatlong beses ang puno. Napataas kilay siya dahil iba ang tunog nito, tunog bakal.
"Bakal na puno?" anas niya sa sarili.
Humugot ng malalim na hininga ang binatang protektor bago muling hiniwa ang tanggay. Sa ikalawang pagkakataon ay bigo na naman siya.
"Paano ba ito?"
Nasa kalagitnaan pa lamang siya ng matinding pag-iisip ng walang anu-ano'y biglang nagbuga ng kulay pulang usok ang mga malaking bulaklak ng punong lydia.
Napaatras ang binatilyo at napatakip ng ilong.
Samantala, habang kasalukuyang dumaranas ng pagsubok si Ram, mula sa mataas na burol na kinaroroonan ni Yapo ay dumating sina Cazmir at Zorzis sakay ng puting dragon.
"Paumanhin Yapo, kung medyo natagalan kami. Sumagap lamang ako ng mensahe sa Ozhgo," paliwanag ni Cazmir pagkababa kay Bvirdrago.
Yumukod lang ang maliit na nilalang.
"Kumusta si Ram?"
"Aaminin ko sa'yo baronprotektor, nangangamba ako sa kahihinatnan. Hindi ba sabi mo ay hindi pa kontrolado ng binatang iyon ang supramisia? Baka hindi na siya abutin ng kinabukasan," prangka ng Bronees.
"Maaari ko siyang sagipin, habang maaga pa, baronprotektor, kung pahuhintulutan n'yo ako," suhestyon ni Zorzis.
Umiling si Cazmir. "Bahagi na ito ng kaniyang pagsasanay."
"Tama ka baronprotektor," pagsang-ayon ni Yapo. "Subalit alam naman natin na kung hindi niya magagamit ang salamangka ay maaari siyang mapahamak at mauwi sa kamatayan."
"Wala naman akong pagpipilian," lumapit si Cazmir sa hangganan ng burol bago nagsalita ulit. "Dapat tayong magtiwala sa kaniyang kakayahan kung paanong pinagkatiwalaan siya ni Eliah sa supramisia. Kailangang matuklasan ni Ram ang paggamit ng salamangka bago mangyari ang bagay na iyon."
Wala ng nagsalita pa. Sa halip ay tumunghay na lamang sila sa kakahuyan na nadidiligan ng liwanag ng buwan.
---
Nababasag ang katahimikan ng Bedevil sa t'wing tatangkain ni Ram na putulin ang tangkay na pakay. Kumakalansing kasi bawat paghiwa ng binata.
Lampas isang oras na magmula ng matunton niya ang puno ng Lydia at hanggang ngayon ay wala pa rin nangyayari. Bigo pa rin si Ram.
Hanggang sa nagbuga na ng pulang usok ang mga bulaklak. Napaatras ang binata at napatakip-ilong.
Ilang minuto bago tumigil ang pagbuga ng usok at minuto rin ang lumipas bago ito kumalat sa buong paligid at tuluyang nawala.
Napakibit balikat si Ram. Wala naman kasing kakaibang nangyari kaya nagpatuloy siya sa kaniyang ginagawa.
Bumwelo siya at muling nagsagawa ng pag-atake. Isang malakas na paghiwa ang kaniyang pinakawalan.
Isang malakas na alingawngaw din ang bumalot sa paligid kasabay ng pagtalsik niya at ng espada.
"Bwisit!" nagsimula na siyang mainis.
Tumayo ang binatilyo at muling dinampot ang kaniyang espada at nagpaulit-ulit na naman sa paghiwa sa tangkay.
Tatalsik.
Kukunin ang espada.
Hihiwain ang puno.
At tatalsik.
Paulit-ulit na senaryo.
Lumipas ang oras, hindi napapansin ni Ram ang mga nangyayari dahil patuloy lang siya sa ginagawa kahit nakararamdam na ng pagod ng katawan.
Muli na namang tumilapon ang espada at tumusok sa lupa. Napakamot ng ulo ang binatilyo sa sobrang inis.
"Anong klaseng puno ba'to?" anas n'ya sa sarili. "Kasing tigas ng bakal!" Pabalagbag siyang umupo sa tabi ng sandata at ihinawak ang isang kamay dito.
Napa-isip ng taimtim ang binatang protektor. "May mali rito. Hindi kaya—" Tiningnan niya ang espada na nakatusok sa lupa. "Mapurol lang ata ang espada?"
Tumayo siya at hinimas-himas ng kanang kamay ang baba na umaaktong nag-iisip.
"Hmm..."
Napatingala si Ram. "Marahil ay may kinalaman ito sa mahika—tama mahika!" Napapitik siya ng daliri sa hangin. "Kailangan kong gumamit ng salamangka."
Pagkasabing iyon ay nabubuhayan niyang hinugot ang espada sa lupa at muling lumapit sa puno. Nang tatangkain niya na ulit itong hiwain ay muli na naman siyang napa-isip at napatanong sa sarili. "Pero pa'no?" Natigilan na naman ang binatilyo.
Walang kaalam-alam si Ram sa salamangka. Kahit sabihin pang nagtataglay siya ng Supramisia ay hindi pa naman naituro ni Cazmir ang unang hakbang sa paggamit ng mahika.
"Kailangan kong subukan," napabuntong-hininga siya.
Sinubukan ng baguhang protektor na pumikit upang magkaroon ng konsentrasyon.
Limang minuto ang lumipas subalit walang nangyari.
"Pa'no ba to!" bulalas nya na nawawalan na ng pasensiya.
Sa inis ni Ram ay patakbo siyang lumapit sa puno at hiniwa itong muli. At katulad ng mga naunang kaganapan ay wala pa rin pagbabago. Bigo siyang tumilapon kasama ng espada at nadagdagan lang ang mga galos niya sa katawan.
Tumayong muli ang binata at tinangkang damputin ang espada kaya lamang ay bago niya pa ito mahawakan ay nagimbal siya sa kaniyang nasaksihan.
Napahiyaw si Ram ng ubod lakas at biglaang napaupo sa takot. Pagkatapos ay muli niyang sinipat ang kaliwang kamay.
"A-ano to!" pasigaw niyang sambit na halos madinig hanggang sa burol na kinaroroonan nila Cazmir, Yapo at Zorzis na kasalukuyan namang naghihintay sa kaniyang pagbabalik.
"Paano kung hindi magtagumpay si protektor Ram? Mawawalan na naman ng protektor ang Hruween?" malumanay na tanong ni Zorzis habang nainom ng sabaw na ginawa ni Yapo.
Pansamantala silang nagkampo sa tuktok ng burol habang naghihintay sa binata.
"Kailangan niyang magtagumpay," matigas na tugon ng baronprotektor.
"Tama, kung ayaw niyang maging parte ng Bedevil," segunda ng matandang Bronees.
---
Ang Bedevil ay isang mahiwagang gubat na tanging mga protektor lang ang pinahihintulutang pumasok sa kadahilanang sila lamang ang nagtataglay ng salamangka na pangontra sa pwersang taglay ng gubat.
Maliban sa puno ng Lydia ay wala ng ibang may buhay sa loob ng kagubatan. Ang usok ng bulaklak nito ay nagbibigay kalituhan sa mga nilalang bago lamunin ng gubat. Kaya hindi na nakalalabas ang kahit sinong pumapasok dito maliban sa mga protektor.
Hindi na makapag-isip ng tama si Ram. Pa'no ba naman ay naging puno na ang kaliwang kamay at kanan paa niya.
Kung alam lamang ng binata na ganito ang kahihinatnan ng lahat sana'y umaatras na siya no'ng una pa lang.
Dahan-dahang dinampot ng binatang protektor ang espada at pinilit pa rin na hiwain ang puno.
Nauulit lang ang senaryo.
Hihiwain ang puno.
Tatalsik.
Tutumba.
Hindi na maganda ang kalagayan niya.
Pagtayo ay pareho ng naging puno ang kaniyang mga paa. Dahil do'n ay nagsimula na siyang kabahan at mataranta.
Binitawan niya ang espada at nagsimulang humakbang pabalik kahit bigat na bigat na ang katawan upang makaalis sa lugar na iyon at makahingi ng tulong. Subalit nakakailang hakbang pa lamang ay naging puno na rin ang bahagi ng kaniyang katawan.
"Saklolo!" mangiyak-ngiyak na sigaw ng kaawa-awang protektor habang hirap na lumalakad paalis sa lugar na 'yon. "Baronprotektor Cazmir!"
Sinubukan pang humakbang ni Ram subalit bigo siya. Nag-ugat na kasi ang kaniyang mga paa na bumaon sa kalaliman ng lupa. Nagbigay iyon ng matinding takot sa buo niyang pagkatao. Hanggang dito na lamang ba siya? Ayaw matapos ng binata sa ganito ang kaniyang buhay.
"Tulong! Tulungan n'yo ako! Ayokong mamat—"
Umalingawngaw sa buong kagubatan ang malakas na tinig ni Ram bago lamunin ng gubat ang buo niyang pagkatao. Tuluyan na siyang naging isang puno at naging parte ng kagubatang iyon.
Nabigo si Ram.
Muling tumahimik ang paligid. Nang mawala ang ulap na tumatakip sa nagniningning na buwan ay nadiligan ng liwanag nito ang buong kakahuyan. Ilang saglit pa ay muling nagbuga ng pulang usok ang bulaklak sa puno ng lydia kasunod ng pagtubo ng bagong bulaklak. Malaki, makintab at lubhang malusog ang bagong sibol.
"Panig sa'yo ang langit."
Nagbuga ng makapal na pulang usok ang bagong tubong bulaklak.
"Ikaw ang napili ni Eliah sapagkat malinis ang iyong puso."
Dahan-dahang kumalat ang pulang usok sa buong paligid at bigla rin itong naglaho pagkalaon kasunod ng muling pagtakip ng ulap sa buwan.
"Bumangon ka protektor!"
Sa kadiliman ng gabi ay unti-unting lumabas ang malaking liwanag at kumawala sa puno kung saan naroon si Ram.
Ang liwanag ay kumalat sa buong kakahuyan dahilan para mabasag ang katahimikan ng gubat.
"Panig sa'kin ang langit!" Dali-daling kinuha ng protektor ang espada at tinaga ang puno.
---
Malamig na ang simoy ng hangin n'ong gabing iyon. Namumukadkad ang kabilugan ng buwan sa kalangitan habang nagdidilig ng liwanag sa bawat sulok ng kadiliman ng gubat. Ilang saglit ay kinumutan ng ulap ang liwanag ng buwan kaya muling nilamon ng dilim ang lahat.
Mula sa masukal at mahamog na kakahuyahan ay dahan-dahang naaninag nina Cazmir, Yapo at Zorzis ang isang prisensya. Nang mawala ang ulap ay tinatamaan ng liwanag ng buwan ang taong papalapit. Si Ram.
Nasa kaliwang kamay nito ang espada at sa kanang kamay naman ay isang mahabang piraso ng kahoy mula sa puno ng Lydia.
Habang papalapit si Ram sa kinaroroonan ng tatlo ay unti-unti rin nakikita sa katawan niya ang resulta ng mga kaganapan.
Puno ng dumi at galos ang buong katawan ng binatilyo. Punit-punit din ang mga damit nito. Ang Geoluhàr sa harapan ng kaniyang buhok ay nagniningning sa t'wing tatamaan ng liwanag ng buwan.
"Nagawa ko!" saad niya ng makalapit sa kinaroroonan ng tatlo.
"Nagawa mo nga bata," masayang tugon ng Broneer.
Napatango't napangiti si Cazmir habang napapatalon naman sa tuwa si Zorzis.
Tumugon din ng ngiti si Ram at pagkatapos noon ay hindi na nito nakontrol ang katawan na kusang humandusay sa sahig at nawalan ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top