1: AIY
HRUWENN
Pinakamaliit na realm sa labindalawa.
Meron itong labindalawang lalawigan. Ang ilan rito ay liblib at bibihira mapuntahan.
Noong Nero-Era ay tanyag sa buong mundo ang Hruwenn dahil sa angking yaman nito. Maraming mga manlalakbay mula sa iba't-ibang dako ng daigdig ang bumibisita rito para saksihan ang taglay na ganda hiwaga ng nasabing realm.
Isa sa mga sikat na lugar sa Hruwenn noong panahong iyon ay lungsod ng Aiy. Kaya lamang ay may malagim na pangyayari ang naganap sa bayang ito. Kalunos-lunos ang kanilang sinapit.
Sinasayaw ng sariwang hangin ang buhok ni Ram habang dinadama ang lamig na dumadampi sa buo niyang katawan.
Sakto ang tangkad, may kaputian, itim na itim ang buhok. makakapal ang mga kilay, nangungusap ang mga mata, may matangos na ilong, sakto ang hugis ng labi, matipuno ang pangangatawan.
Unang beses n'yang sumakay ng barko at ito rin ang unang pagkakataon na makapunta sa ibang realm. Mahigpit kasi ang kaniyang ama, kahit dalampung taong gulang na ay malimit pa rin siyang pagbawalan sa maraming bagay.
Pagmimina ng iba't-ibang klase ng mamahaling bato ang trabaho ni Ram kasama ang kababatang si Kelsen pati ang ama nitong si Dimo.
Tiga-Merad realm sina Ram, Kelsen at Dimo, nagtungo lamang sila sa Hruwenn dahil sa anyaya ng isang kaibigang nagmimina rin ng mga bato.
Habang papalapit ang barko sa daungan ay pumukaw sa paningin ng binata ang isang lumang gusali na nakatirik malayo sa kinaroroonan nila. Halata na niluma na ng panahon ang gusali na may simbolo ng mata sa tuktok nito.
Mula sa kinatatayuan ay matagal niya itong tinitigan.
"M-mata?" bulong niya sa sarili.
"Toreng mata ang tawag dyan," tugon ni Dimo na tila narinig ang bulong ng binata. Nasa edad singkwenta subalit may lakas pang tinataglay at kaya pa makipagsabayan.
Napalingon na may pagtataka si Ram sa papalapit na matanda. "B-bakit po mata?" muli itong bumaling sa lumang tore.
"Ayon sa sabi-sabi, ang mga nakatira sa bayang iyan ay may mga matang may kakaibang kulay."
"Anong kulay?"
"Bahaghari," singit ni Regor. Ang kakilala ni Dimo na nag-aya sa kanila sa lugar na'yon. Eksakto na kararating lang nito ng marinig ang usapan ng dalawa.
Nabaling sa kaniya ang atensyon.
"Kung ninanais mong makakita ng taong may bahagharing-mata e mabibigo ka lang bata, wala ng nabubuhay na mga kagaya nila," ani Regor sabay ngiti.
"Lahat?" takang-tanong ni Ram.
"Oo lahat, Ram," si Dimo.
Magtatanong pa dapat ang binata kaya lang ay dumating ang isa pa nilang kasamahan. Pinabalik na sila sa loob para mag-ayos ng mga gamit dahil ilang minuto na lang ay nasa pier na sila.
---
Alas kuatro nang hapon ay dumaong ang sinasakyan nilang barko. Dumiretso ang grupo sa Hed para mamili ng mga kakailangin sa pagmimina.
Ang Hed ay sentrong pamilihan ng Hruween. Dito matatagpuan ang pinakamalaking pamilihan sa buong bansa. Malapit lang ito sa lungsod ng Aiy. Mula rito kung nasa itaas ka ng gusali ay makikita mo ang matayog na lumang toreng mata.
Pagdating ng pamilihan, matapos maipaalam ni Regor sa mga kagrupo ang dapat gawin ay pansamantala silang naghiwa-hiwalay.
Si Regor kasama ang dalawang alalay ay naglibot muna sa buong pamilihan para umarkila ng kabayo na gagamitin sa paglalakbay sa kabundukan. Si Dimo ay nanatili muna sa isang kainan habang sina Ram at Kelsen at namasyal sa buong bayan.
Habang naglalakad-lakad ay nadaanan ng magkaibigan ang isang tindahan na umagaw ng kanilang atensyon. Pumasok sila sa loob para tingnan ang mga naroon.
"Mata?" tanong ni Kelsen na ang mukha ay walang karea-reaksyon.
Si Kelsen ang matalik na kaibigan at kababata ni Ram. Magkasingtangkad lang ang dalawa pero mas bata ng isang taon si Kelsen. Parang magkapatid na ang turingan nila sapagkat magkasama sila saan man magpunta.
Moreno, singkit ang mata, kulay putik ang magulong buhok na may kahabaan, maamo kapag ngumingiti, matangos ang ilong, malaki ang katawan, masayahin subalit kumpara kay Ram ay madaling maalarma si Kelsen.
"Oo nga, parang ang wirdo no?" sagot-tanong ni Ram.
"K'wintas na pampaswerte 'yan," eksena ng isang lalaki na pumasok din sa loob ng tindahan kasunod nila. "Hindi kayo taga-rito?" dugtong nito.
Tinitigan lang ng dalawa ang lalaking umeksena. Mas matangkad ito sa kanila, kulay ginto ang buhok, may maayos na pananamit, malinis itong tingnan na halatang galing sa mayamang pamilya, salubong ang mga kilay na akala mo laging galit pero bumagay iyon sa itsura at matipuno nitong katawan.
Nginitian sila nito pagkadaka. "Ito sa inyo na lang," sabay abot ng hawak nitong kuwintas na simbolong mata, gaya ng nakita ni Ram sa tuktok ng tore.
"S-salamat," ani Kelsen pagkakuha ng kuwintas.
"Saang realm kayo nabibilang?" tanong ng estranghero.
"Merad," sagot ni Ram.
"Mga minero kami," masayang anas ni Kelsen.
"Ganun ba? Tama lang pala na ibinigay ko ang kuwintas para hindi kayo mapaglaruan ng mga espirito ng kagubatan," ngumiti na naman ito. "Mag-ingat kayo mga bata."
Matapos ang mga katagang iyon ay nagpaalam na ang estranghero.
"Nakakatakot naman," si Kelsen na biglang kinabahan.
"Anong hanap n'yo mga pogi?"
Halos matumba si Kelsen ng biglang nagsalita ang isang matanda mula sa kanilang likuran.
"Anong maipaglilingkod ko sa inyo?" ulit ng maliit na matandang lalaki.
"Manong naman e," reklamo ni Kelsen.
"Nagulat ko ba kayo?" tanong ng ginoo na ngingisi-ngisi habang kumakamot sa ulo. "Ako ang may-ari ng tindahan, pasensiya na't may kinuha lamang ako sa loob kaya ngayon lang ako dumating."
"T-teka po, s-sino 'yong nagbigay .. ." hindi na natapos ni Kelsen ang sasabihin dahil sumingit ang kaibigan niya.
"Ahm.. . Manong ano po ba'ng nangyari sa lungsod ng Aiy?" tanong ni Ram habang nakahawak sa k'wintas na binigay ng estranghero kani-kanina lang.
"Nangyari sa lungsod ng Aiy?" sumeryoso ang matandang lalaki. "Mga turista ba kayo?"
Pagkatango ng magkaibigan ay nagpatuloy ang matandang lalaki sa pagkuk'wento.
"Dalawangpung taon ang nakalipas, masagana at payapa ang lungsod ng Aiy o mas kilala sa tawag na bayan ng mata. Ang Aiy ay isa sa may pinakamayamang lungsod sa Hruwenn. Mababait at masasayahin sila, napakaganda ng mga mata nilang kulay bahaghari."
"Bahagharing kulay?" sabay na wika ng magkaibigan.
"Oo, bahaghari ang kulay ng mga mata nila at sa mga matang 'yon ay nagtatago ang isang pambihirang kapangyarihan," pagpapatuloy ng matandang lalaki.
Patuloy namang nakinig ang dalawa sa kwento nito.
"Noong si Haring Nero pa ang namumuno ay ginamit niya ang kapangyarihang taglay ng mga mata laban sa ibang realm."
"Anong klaseng kapangyarihan manong?" Tanong ni Ram.
"Ang mga mata nila ay may kakayahang makakita ng mga hindi nakikita ng normal na mata. Nakikita nila ang hinaharap at ang kabilang dimensyon. Ginamit ni haring Nero ang kakayahang iyon para hanapin ang Nirvana at kunin ang kapangyarihan ni Eliah. Nais niya kasing pamunuan ang buong mundo."
Napabuntong hininga ang magkaibigan habang nakikinig.
"Nalaman ng ibang realm ang planong iyon ni Haring Nero kaya nagtulong-tulong ang lahat ng kaharian upang mapigilan siya. Ang tanging paraan na naisip nila ay—" natigilan ang matandang lalaki na ipinagtaka nina Ram at Kelsen.
"A-ano pong nangyari?" mahinang tanong ni Ram sa ginoo na noong oras na 'yon ay parang nanlumo ang itsura.
"Si Haring Nero ay sinunog kasama ang bayan ng mata."
Nanlaki ang mga mata nina Ram at Kelsen sa narinig.
"Kasama ang mga mamamayan sa pagkasunog," napapikit ang matandang lalaki. "Tandang-tanda ko pa noon, mula rito naririnig ko ang hapis ng mga tao roon, ang pagmamakaawa nila, ang mga sigaw. . . nakakakilabot, nakapaninindig balahibo ang mga iyon," halata ang pangingilabot sa ginoo habang ikinuk'wento ang mga karumaldumal na nangyari sa bayan ng mata.
"B-bakit po pati ang mamamayan sa Aiy ay sinunog? Biktima lang sila ni haring Nero. Bakit pumayag ang ibang realm at protektor na mangyari iyon? Hindi ba't sila ang nagtatanggol sa mga tao?" magkakasunod na tanong ni Ram.
"Natakot ang mga hari. Isa pa naniniwala sila na ang taglay na kapangyarihan ng mga tao sa bayan ng mata ay galing sa kadiliman."
"K-kay Ysbbah?" nauutal na tanong-sabi ni Kelsen.
Tumango ang matanda bago muling magwika.
"Bago mangyari ang pagsunog sa lungsod ay nagkaroon ng alyansa ang labing-isang realm, kasabay ng nabuong alyansa ay ang pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga hari at mga protektor. Nasusulat na ang anumang hakbang na gagawin ng mga protektor ay batay lamang sa ilalim ng utos ng kanilang hari. Ang kasunduang iyon ay ginanap sa pusod ng Eloim osean kaya ito ay sagrado at hindi maaring mabali. Simula noon hanggang sa ngayon ay tanging ang hari lang ang pinakikinggan ng mga protektor. Kaya noong pinasunog sa kanila ang Aiy ay wala silang nagawa kun'di sumunod.
"Hindi ko alam na may ganoon pa lang pangyayari?" malungkot na saad ni Kelsen.
"Ipinagbawal kasi ang pagtatala ng bagay na iyon sa kasaysayan—at iilan na lang din ang nakakaalam noon."
Lungkot at inis ang naramdaman ni Ram sa narinig. "S-salamat po manong sa kwento," anas nito saka bumaling kay Kelsen na sa mga oras na 'yon ay nangingilid na ang mga luha. "Tara na Kelsen."
"Teka mga bata," awat ng matandang lalaki noong palabas na sila.
Napalingon ang dalawa.
"Hindi pa kayo nagbabayad."
---
Alas sais ng hapon ay nilisan ng grupo ang Hed. Kanina sa tindahan ng mga palamuti, natuwa ang matandang lalaki kina Ram at Kelsen kaya ibinigay na lamang nito ng libre ang k'wintas.
Pitong kabayo ang inarkila ni Regor para sa ekspidesyon. Tig-iisa silang anim at ang pangpito ay pinaglagyan ng ilang gamit.
Halos palubog na ang araw ng marating ng anim ang bayan ng mata. Dito kasi ang pinakamabilis na rota patungo sa kanilang destinasyon kaya minabuti nilang dito dumaan.
Tumambad ang aktwal na kalagayan ng sira-sirang lugar. Ang kalumaan ng toreng mata ay mas kitang-kita sa malapitan. Ang kalagayan ng Aiy ay mas malala pa pala sa inaasahan. Nakapanlulumo dahil sa ramdam pa rin ang matinding delubyong dinanas nito dalawangpung taon ang nakakaraan.
Ilang minuto pa ang lumipas ay nagpasya ng huminto ang grupo. Nasa gitnang parte na sila ng mga oras na'yon.
Itinuro ni Regor ang isang parte ng pader na sira para doon sila magpalipas ng gabi.
Tinali nila ang mga kabayo at nagpartehan na rin ng mga gagawin.
Nagtayo ng maliit na silungan si Dimo upang may matulugan sila. Ang dalawang kasama naman ni Regor ay naghanda ng mga kakainin. Samantalang sina Ram at Kelsen ay naglibot para humanap ng pansiga.
Lumipas ang ilang minuto, marami na rin ang nakuhang pansiga ng magkaibigan.
"Bumalik na tayo Ram," anyaya ni Kelsen subalit hindi siya pinapansin ng kaibigan.
"Ram," ulit niya subalit hindi pa rin lumilingon ang kaniyang kausap.
Sumenyas lang ito na manahimik habang nakatingin sa madilim na parte ng kakahuyan.
Marahan na lumapit si Kelsen sa kaibigan saka naglitanya. "Ano ba 'yon?" pabulong nitong tanong sabay baling kung saan nakalingon si Ram.
"May gumagalaw sa kakahuyan," sagot ni Ram sa malumanay na tono bago tumuro sa halamanang malapit lang sa kinaroroonan nila.
Nang makita ni Kelsen ang pag-uyog ng halaman ay agad itong nakaramdam ng kilabot.
"N-naku, baka 'yan na ang espiritong sinasabi ng lalaki kanina, tara na."
"Hintayin natin," lakas loob na saad ni Ram. "May naaninag akong tao kanina e, 'di ko lang masiguro kung tao talaga," dugtong pa nito.
"Wala naman akong nakikita e, tara na," kalmante man ang pananalita pero kita ang kaba sa mukha ni Kelsen.
Biglang lumakas ang pag-ugoy ng halaman dahilan para mapaatras ang dalawa. Aalis na sana sila ng biglang lumitaw ang dahilan ng pag-uyog ng halamanan.
Si Regor bitbit ang walang buhay na kuneho. May tusok ito ng tulos sa leeg. "Natakot ko ba kayo mga bata?" tanong nito habang papalapit sa dalawa.
"Kala namin kung ano na," ngingiti-ngiting tugon ni Kensel.
"Tara, bumalik na tayo, delikado rito dahil maraming mababangis na hayop d'yan sa kakahuyan."
Sumunod naman ang dalawa sa lalaki pero nahuli si Ram dahil sumulyap pa ito sa kakahuyan bago umalis sa lugar na iyon.
---
Pagsapit ng gabi ay nakapabilog ang grupo habang umiinom ng mainit na sabaw kasabay ng pagkain ng karne ng kuneho.
Malamig ang paligid kaya nakayakap ang mga kumot ng bawat isa sa kani-kanilang sarili. Nakadagdag din ng init sa pakiramdam ang apoy na nasa gitna na siya ring nagsisilbi nilang liwanag.
"Nakakita naba kayo ng mga taong may bahagharing mata?" basag ni Ram sa katahimikan. Ang tinatanong n'ya noong oras na'yon ay sina Dimo at Regor dahil ito lang naman nakatatanda sa kanila.
Matapos humigop ng sabaw saka tumugon si Regor. "Sa larawang iginuhit lang ako nakakita," wika nito. "Pero ang aking ina na isang manggagamot ay nakakita na."
Bumaling ang lahat kay Regor para makinig habang kumakain at humihigop ng sabaw.
"Ayon sa aking ina, walang kasing ganda ang mga mata nila. Kapag napalibutan ka ng mga taong may matang kulay bahaghari para kang nasa kalangitan. Ganoon daw ito kaganda."
Humigop siyang muli ng sabaw saka nagpatuloy. "Kapag sila ay nagkakasakit at namamatay doon lamang nawawala ang kulay ng mga mata nila."
"Ibig sabihin naging manggagamot sa lugar na'to ang iyong ina?" tanong ni Kelsen.
Tumango si Regor saka muling humigop ng sabaw. "Tumpak. Sa katunayan narito ang aking ina ng masunog ang lugar na ito."
Natigilan silang lahat sa sinabi ni Regor.
"Kung ganoon—" natitigilang wika ni Dimo.
"Kasama sa mga natupok ng apoy ang aking ina," inalala ni Regor ang mga pangyayaring iyon. "Masakit pero natanggap ko na ang bagay na 'yon, na ang mga nangyari ay para sa kapakanan ng buong mundo. Ang magandang mata ay panlabas lamang, sa likod nito ay nagkukubli ang isang sumpa."
Magtatanong pa sana si Ram kaya lamang ay tinapos na ni Regor ang usapan. "Kung tapos na kayo, ay maaari na kayong matulog, maaga pa tayong lalakad bukas."
"Mauuna na akong matulog, bukas na tayo magkwentuhan bata," nakangiting saad sa kaniya ni Regor.
Matapos mag-usap at kumain ay pinatay na nila ang siga, kasunod noon ay natulog na ng mahimbing ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top